Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Puwede ba Akong Makipagkaibigan sa Pamamagitan ng Internet?

Puwede ba Akong Makipagkaibigan sa Pamamagitan ng Internet?

KABANATA 11

Puwede ba Akong Makipagkaibigan sa Pamamagitan ng Internet?

Sa anong paraan mo gustong makipag-usap?

□ Harapan

□ Sa telepono/cellphone

□ Sa computer

Sino ang gustung-gusto mong kausap?

□ Kaklase

□ Kapamilya

□ Kapananampalataya

Saan ka hindi nahihiyang makipag-usap?

□ Sa paaralan

□ Sa bahay

□ Sa pulong ng kongregasyon

TINGNAN ang sagot mo sa unang tanong. Mas gusto mo bang makipag-usap sa pamamagitan ng computer kaysa harapan? Kung gayon, hindi ka nag-iisa. Maraming kabataan ang gumagamit ng Internet para makipagkaibigan at makipag-ugnayan sa kanilang mga kaibigan. “Exciting talagang may makilala ka mula sa ibang panig ng mundo​—mga taong hindi mo inaakalang makikilala mo,” ang sabi ng kabataang si Elaine. Binanggit ng 19-anyos na si Tammy ang isa pang dahilan kung bakit marami ang mas gustong makipag-chat sa Internet. “Ikaw ang masusunod kung ano ang magiging tingin sa iyo ng tao,” ang sabi niya. “Pero kung magkakaharap kayo, at hindi ka nila nagustuhan, wala ka nang magagawa.”

Tingnan mo ngayon ang sagot mo sa ikalawa at ikatlong tanong. Huwag kang magulat kung mas gusto mong kausap ang mga kaklase mo kaysa sa iyong mga kapananampalataya sa mga pulong ng kongregasyon. “Sa paaralan, halos pare-pareho kayo ng pinagdaraanan,” ang sabi ng 18-anyos na si Jasmine. “Kaya mas magaan ang loob mo sa kanila.”

Kung totoo sa iyo ang lahat ng nabanggit, talaga ngang mas gugustuhin mong makipag-chat sa iyong mga kaklase sa Internet. Inamin ni Tammy na dati niya itong ginagawa. “Nagkukuwentuhan ang lahat ng kaklase ko sa Internet, at ayaw ko namang mapaiba,” ang sabi niya. * Gumawa pa nga si Natalie, 20 anyos, ng isang Web page para makipag-ugnayan sa kaniyang mga kaibigan. “Hi-tech na tayo ngayon,” ang sabi niya. “Makabago na ang komunikasyon. Internet ang isa sa mga ito, at gusto ko ito.”

Maging Alerto sa Panganib

Totoo namang para sa ilan, mas madaling makipagkaibigan at makipag-ugnayan sa kanilang mga kaibigan sa Internet. “Mas malakas ang loob mong makipag-usap sa iba kapag nasa Internet,” ang sabi ni Natalie. Sang-ayon din si Tammy: “Sa Internet, kung mahiyain ka, mapaghahandaan mo ang sasabihin mo.”

Pero may panganib sa pakikipag-chat sa Internet, at isang katalinuhan na bigyang-pansin ang mga ito. Upang ilarawan: Maglalakad ka ba sa isang delikadong lugar nang nakapiring ang iyong mga mata? Kung gayon, bakit ka makikipag-chat sa Internet nang hindi mo nalalaman ang mga panganib nito?

Anu-ano ba ang mga panganib ng pakikipagkaibigan sa pamamagitan ng Internet? “Maraming mapagpanggap na tao sa Internet,” ang sabi ni Elaine, na noo’y nakikipag-chat sa mga hindi niya kakilala. Ganito pa ang sinabi niya: “Minsan, kahit iilang minuto pa lang kayong nag-uusap, malaswa na ang sinasabi ng kausap mo o kaya nama’y nagtatanong na siya: ‘Virgin ka pa ba? Nakikipag-oral sex ka ba?’ Ang ilan ay nagyayaya pa ngang makipag-cybersex.”

Paano kung ang ka-chat mo ay kaibigan mo naman talaga? Kailangan mo pa ring mag-ingat. “Puwedeng maubos ang panahon mo sa pakikipag-usap sa isang di-kasekso, kahit na ‘magkaibigan lang’ kayo,” ang sabi ni Joan. “Habang mas madalas kayong nag-uusap, mas magiging malapít kayo sa isa’t isa, at malamang na maging mas personal ang pag-uusap ninyo.”

‘Mga Mapagkunwari’

Alam ni Haring David na mahalagang umiwas sa masasamang kasama. Isinulat niya: “Hindi ako umupong kasama ng mga taong bulaan; at hindi ako pumapasok na kasama ng mga mapagpakunwari.”​—Awit 26:4.

May naka-chat ka na ba sa Internet na gaya ng sinasabi ni David? Paano ba ‘nagkukunwari’ ang mga tao sa Internet? ․․․․․

Sa kabilang banda, hindi kaya ikaw rin ay nagkukunwari? “Makikipag-usap ako sa mga tao, tapos magpapanggap ako para makasabay ako sa usapan,” ang sabi ni Abigail, isang kabataang nakikipag-chat.

Ibang uri naman ng pagkukunwari ang ginagawa ni Leanne. Ang sabi niya: “Palagi kong kausap sa Internet ang isang kabataang lalaki mula sa kalapit na kongregasyon. Nang dakong huli, nagsasabihan na kami ng aming feelings sa isa’t isa. Kapag dumaraan ang mga magulang ko, imi-minimize ko ang nasa iskrin, kaya wala silang kaide-ideya sa nangyayari. Sa tingin ko, hindi nila inaakalang sumusulat at nagpapadala ng mga tula tungkol sa pag-ibig ang kanilang 13-anyos na anak sa isang 14-anyos na batang lalaki. Wala silang kamalay-malay.”

Mag-ingat

Siyempre, may panahon din namang angkop ang pakikipag-usap gamit ang Internet. Halimbawa, maraming indibiduwal​—pati na mga adulto​—ang gumagamit ng Internet para makipag-ugnayan sa kanilang mga kaibigan. Kung nag-i-Internet ka rin, anong pag-iingat ang maaari mong gawin? Tingnan mo ang sumusunod na mga punto.

Limitahan ang oras na ginagamit mo sa pag-i-Internet, at huwag mong hayaang nakawin nito ang panahon mo para sa mas mahahalagang bagay​—gaya ng pagtulog. Ganito ang sabi ng kabataang si Brian: “Sinasabi ng mga kaeskuwela ko na inaabot sila ng alas-tres ng madaling-araw sa pag-i-Internet.”​—Efeso 5:15, 16.

Makipag-chat lamang sa mga kakilala mo o sa mga taong puwede mong alamin sa iba ang pagkatao. Madalas na ginagamit ng mga taong imoral ang Internet para maghanap ng mabibiktima nilang mga inosenteng bata.​—Roma 16:18.

Mag-ingat kapag gumagamit ng Internet sa mga transaksiyon sa negosyo. Huwag basta-basta magbigay ng personal na impormasyon. Baka maging biktima ka ng pandaraya o baka mas malala pa ang mangyari sa iyo.​—Mateo 10:16.

Kapag nagpo-forward ka ng iyong litrato sa mga kaibigan mo, tanungin ang iyong sarili, ‘Makikita ba sa litratong ito na isa akong lingkod ng Diyos?’​—Tito 2:7, 8.

Gaya sa isang harapang pag-uusap, kapag nahahaluan na ng “mga bagay na hindi nararapat” ang inyong usapan, putulin na iyon.​—Efeso 5:3, 4.

Huwag isekreto ang paggamit mo ng Internet. Kung ‘nagkukunwari’ ka, o may itinatago, sa iyong magulang, may problema. “Wala akong itinatago sa Mama ko,” ang sabi ng kabataang si Kari. “Alam niya ang ginagawa ko sa Internet.”​—Hebreo 13:18.

“Sulit ang Paghihintay!”

Normal lamang na gusto mong magkaroon ng mga kaibigan at makihalubilo sa mga tao. Iyan kasi ang pagkakalalang sa atin. (Genesis 2:18) Pero kung gusto mong makipagkaibigan, maging maingat ka lang sa pagpili.

Kung susundin mo ang payo ng Bibliya hinggil sa pagpili ng mga kaibigan, tiyak na makahahanap ka ng mabubuting kaibigan. Ganito ang sinabi ng isang 15-anyos na dalagita: “Hindi madaling humanap ng kaibigan na umiibig kay Jehova at magmamahal sa iyo. Pero kapag nakakita ka ng gayong kaibigan, sulit ang paghihintay!”

SA SUSUNOD NA KABANATA

Sino ang nagsabing hindi nakasasakit ang mga salita? Ang tsismis ay sumasaksak na gaya ng tabak. Paano kaya ito mapatitigil?

[Talababa]

^ par. 17 Ang pakikipagkaibigan sa mga kaeskuwela ay tatalakayin nang higit sa Kabanata 17.

TEMANG TEKSTO

“Hindi ako umupong kasama ng mga taong bulaan; at hindi ako pumapasok na kasama ng mga mapagpakunwari.”​—Awit 26:4.

TIP

Hindi mo mamamalayan ang oras kapag nag-i-Internet ka! Kaya magtakda ng oras at huwag lumampas dito. Kung kailangan, gumamit ng alarm clock, at i-set kung hanggang anong oras ka lang mag-i-Internet.

ALAM MO BA . . . ?

Sa pamamagitan ng Internet, napakadali kang matagpuan ng isang taong may masamang balak sa iyo. Aalamin lang niya marahil ang apelyido mo, ang numero ng inyong telepono, at kung saan ka nag-aaral.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Mag-i-Internet lang ako nang ․․․․․ oras sa loob ng isang linggo. Para magawa ko iyon, kailangan kong ․․․․․

Kung napansin kong naeengganyo akong makipag-chat sa isang estranghero sa Internet, ang gagawin ko ay ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

● Bakit mas maganda ang harapang pakikipag-usap kaysa sa pakikipag-chat sa Internet?

● Bakit madaling magpanggap kapag nakikipag-chat sa Internet?

● Paano mo malilimitahan ang ginagamit mong oras sa pag-i-Internet?

● Sa anu-anong paraan kapaki-pakinabang ang paggamit ng Internet sa pakikipag-usap?

[Blurb sa pahina 103]

“Hindi ako nakikipag-chat sa mga hindi ko kakilala o sa mga taong hindi ko gugustuhing makasama.’’​—Joan

[Larawan sa pahina 100, 101]

Maglalakad ka ba sa isang delikadong lugar nang nakapiring ang iyong mga mata? Kung gayon, bakit ka makikipag-chat sa Internet nang hindi mo nalalaman ang mga panganib nito?