Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Dapat Iwasan ang Pornograpya?

Bakit Dapat Iwasan ang Pornograpya?

KABANATA 33

Bakit Dapat Iwasan ang Pornograpya?

Gaano ka kadalas makakita ng pornograpya nang hindi sinasadya?

□ Hindi pa

□ Bihira

□ Madalas

Saan mo ito madalas makita?

□ Internet

□ Eskuwelahan

□ TV

□ Iba pa

Ano ang ginagawa mo?

□ Hindi na ako tumitingin.

□ Gusto kong makakita kaya tumitingin ako sandali.

□ Tumitingin ako at naghahanap pa ng iba.

NOONG nasa kabataan pa ang mga magulang mo, kung gusto ng mga tao na makakita ng pornograpikong larawan, kailangan pa nilang hanapin ito. Ngayon, waring pornograpya na ang lumalapit sa iyo. Ganito ang sabi ng 19-anyos na dalagita: “Kung minsan, kapag nag-i-Internet ako para mag-browse o mamilí o para lang alamin kung magkano ang pera ko sa bangko​—bigla na lang may lilitaw na pornograpya!” Pangkaraniwan na lamang ito. Sa isang pag-aaral, 90 porsiyento ng mga kabataang nasa edad 8 hanggang 16 ang nagsabing hindi sinasadyang nakakakita sila ng pornograpya sa Internet​—karaniwan nang habang gumagawa ng kanilang takdang-aralin!

Dahil laganap na ang pornograpya, baka maitanong mo, ‘Talaga nga kayang masama ito?’ Ang sagot ay oo! Pinabababa ng pornograpya ang pagkatao ng gumagawa nito at ng tumitingin dito. At ang tumitingin dito ay kadalasan nang nahuhulog sa imoralidad. Pero hindi lamang iyan.

Puwede kang maadik sa pornograpya, at masaklap ang epekto nito. Kunin nating halimbawa si Jeff. Ganito ang nasabi niya kahit na 14 na taon na siyang hindi tumitingin sa pornograpya: “Araw-araw ko pa rin itong pinaglalabanan. Nakokontrol ko na ang sarili ko, pero parang gusto ko pa ring tumingin. Ang mga larawan ay nasa isipan ko pa rin. Sana hindi ko na lang sinimulan ang napakasamang bisyong ito. Noong una, akala ko hindi ako naaapektuhan. Pero mali pala ako. Napakasama ng epekto ng pornograpya. Pinabababa nito ang pagkatao ng mga gumagawa nito at ng mga tumitingin dito. Kahit ano pa ang sabihin ng iba, walang anumang mabuti sa pornograpya​—talagang wala.”

Kung Paano Ka Makakaiwas

Paano mo maiiwasang makakita ng pornograpya nang di-sinasadya? Una, suriin mo ang situwasyon. Sa anong pagkakataon mo ito madalas makita? Pansinin ang sumusunod na mga halimbawa:

Pinadadalhan ka ba ng ilan sa mga kaeskuwela mo ng pornograpikong larawan o mensahe sa e-mail o sa cellphone? Kung oo, makabubuting burahin mo na lang ang mga ito nang hindi na binubuksan pa.

Kapag gumagamit ka ng Internet, may bigla bang lumilitaw na mensahe o larawan kapag nagta-type ka ng ilang salita para hanapin ang impormasyong kailangan mo? Yamang posibleng mangyari ito, makakatulong sa iyo kung magiging maingat ka at espesipiko sa itina-type mong mga salita kapag naghahanap ka ng impormasyon.

Isulat sa ibaba ang mga pagkakataong nakakita ka ng pornograpya.

․․․․․

Ano pa ang puwede mong gawin para mabawasan o maiwasan ang mga pagkakataon na makakita ka ng pornograpya nang di-sinasadya? Isulat ito sa ibaba.

․․․․․

Kung Naadik Ka Na

Baka may pagkakataong nakakita ka ng pornograpya nang di-sinasadya, pero ibang usapan na kung sinasadya mo talagang tumingin dito. Paano kung nagiging bisyo mo na ito? Isang bagay ang sigurado​—hindi madaling makawala sa bisyong ito. Bilang ilustrasyon: Ipagpalagay nating nakatali ng sinulid ang mga kamay mo. Malamang na kaunting batak lang, mapapatid mo agad ang sinulid. Pero paano kung maraming ulit na inikot sa mga kamay mo ang sinulid? Mas mahirap na ngayon itong mapatid. Ganiyan din ang nangyayari sa mga taong naging bisyo na ang pagtingin sa pornograpya. Miyentras mas madalas silang tumingin dito, lalo silang nahihirapang makawala sa bisyong ito. Kung ganiyan ang kalagayan mo, ano’ng puwede mong gawin?

Tandaan mong napakasama ng pornograpya. Paraan ito ni Satanas para pasamain ang isang bagay na ginawang marangal ni Jehova. Kung tatandaan mo iyan, matutulungan ka nitong ‘kapootan ang kasamaan.’​—Awit 97:10.

Isipin ang mga kahihinatnan. Sinisira ng pornograpya ang pag-aasawa. Pinabababa nito ang pagkatao hindi lamang ng mga nakalarawan dito, kundi pati na rin ng mga taong tumitingin dito. Kaya naman sinasabi ng Bibliya: “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli.” (Kawikaan 22:3) Isulat sa ibaba ang kapahamakang puwedeng mangyari sa iyo kung makakaugalian mong tumingin sa pornograpya.

․․․․․

Mangako. “Ako ay gumawa ng taimtim na pangako na hindi kailanman titingin nang may pagnanasa sa isang babae,” ang sabi ng tapat na lalaking si Job. (Job 31:1, Today’s English Version) Narito ang ilang “taimtim na pangako” na maaari mong gawin:

Hindi ako gagamit ng Internet kapag mag-isa lang ako sa kuwarto.

Isasara ko agad ang anumang lilitaw na malaswang mensahe o larawan kapag nag-i-Internet ako.

Sasabihin ko sa isang may-gulang na kaibigan kapag muli akong natuksong tumingin sa pornograpya.

Ano pa ang puwede mong gawin para mapaglabanan mo ang pornograpya? Isulat dito.

․․․․․

Manalangin. Nanalangin ang salmista kay Jehova: “Palampasin mo ang aking mga mata sa pagtingin sa walang kabuluhan.” (Awit 119:37) Gusto ng Diyos na Jehova na magtagumpay ka, at mabibigyan ka niya ng lakas para magawa mo kung ano ang tama!​—Filipos 4:13.

Ipakipag-usap ito. Kadalasan nang malaking tulong para maihinto mo ang iyong bisyo kung mayroon kang mapagsasabihan ng niloloob mo. (Kawikaan 17:17) Isulat sa ibaba ang pangalan ng isang may-gulang na kaibigan na mapagsasabihan mo ng iyong problema.

․․․․․

Kung naging bisyo mo na ang pagtingin sa pornograpya, kaya mo pa ring mapagtagumpayan ito. Ang totoo, sa bawat pagkakataong naiiwasan mo ito, nagtatagumpay ka. Sabihin kay Jehova ang tagumpay mong iyon, at pasalamatan siya sa lakas na ibinigay niya sa iyo. Lagi mong tandaan na mapapasaya mo ang puso ni Jehova kung iiwasan mo ang nakapipinsalang pornograpya!​—Kawikaan 27:11.

TEMANG TEKSTO

“Patayin ninyo, kung gayon, ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa ibabaw ng lupa may kinalaman sa pakikiapid, karumihan, pita sa sekso, nakasasakit na pagnanasa, at kaimbutan, na siyang idolatriya.”​—Colosas 3:5.

TIP

Tiyakin mong naka-on ang filter ng browser ng computer mo para hindi makapasok ang pornograpikong mga Web site. Iwasan ding buksan ang mga link sa mga e-mail na hindi mo alam kung kanino galing.

ALAM MO BA . . . ?

Ang obsesyon sa pornograpya ay gaya ng pagkahayok sa sekso ng masasamang espiritu noong panahon ni Noe.​—Genesis 6:2.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Para maiwasan ko ang pornograpya, ang gagawin ko ay ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay

ANO SA PALAGAY MO?

Paano pinabababa ng pornograpya ang isang bagay na marangal?

Paano mo tutulungan ang kapatid mong nahihilig tumingin sa pornograpya? ․․․․․

[Blurb sa pahina 278]

“Noong hindi pa ako nag-aaral ng Bibliya, nasubukan ko na ang halos lahat ng ilegal na droga. Pero sa lahat ng naging bisyo ko, pornograpya ang pinakamahirap ihinto. Dahil lang sa tulong ni Jehova kaya napagtagumpayan ko ang problemang ito.”​—Jeff

[Larawan sa pahina 276]

Miyentras mas maraming ulit kang tumitingin sa pornograpya, lalo kang mahihirapang makawala sa bisyong ito