Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paano Kung Mahirap Lang Kami?

Paano Kung Mahirap Lang Kami?

KABANATA 20

Paano Kung Mahirap Lang Kami?

Hindi makabili si Gregory, isang kabataan sa Silangang Europa, ng mga damit at elektronikong gadyet, di-gaya ng mga kabataan sa mayayamang bansa. Sawang-sawa na siya sa hirap kaya gusto na niyang lumipat sa Austria. Sa tingin mo, talaga bang maituturing na mahirap si Gregory?

□ Oo □ Hindi

Libu-libong kilometro ang layo mula sa Europa, nakatira naman ang kabataang si Loyiso sa isang nayon sa timugang Aprika. Sama-sama silang pamilya sa isang maliit na kubo. Naiinggit si Loyiso sa mga kabataan sa kabilang bayan na nakakatikim ng “luho”​—kuryente at tubig sa gripo. Masasabi mo bang mahirap si Loyiso?

□ Oo □ Hindi

MALIWANAG, sa iba’t ibang bansa ay hindi pare-pareho ang interpretasyon sa salitang “mahirap.” Halimbawa, baka iniisip ni Gregory na mas mahirap pa siya sa daga. Pero kung ihahambing sa kalagayan ni Loyiso, masasabing maluho na ang pamumuhay ni Gregory. Kaya tandaan mo na gaano ka man kahirap, mayroon pang ibang mas mahirap ang buhay kaysa sa iyo. Pero kung wala kang disenteng damit na maisuot sa paaralan o kung wala man lang kayong gripo sa bahay, hindi rin siguro makagagaan ng loob kahit na sabihin pang may mga taong mas mahirap pa kaysa sa iyo.

Mababa ang tingin sa sarili ng ilang kabataang lumaki sa mahirap na pamilya. Sinisikap nilang makalimot sa kanilang problema sa pamamagitan ng paglalasing o pagdodroga. Dahil diyan, lalo lamang lumalaki ang problema nila. Sa kalaunan, natutuklasan ng mga naglalasing na ang alak ay “kumakagat [na] tulad ng serpiyente, at naglalabas ito ng lason tulad ng ulupong.” (Kawikaan 23:32) Ganito ang sabi ni Maria, isang kabataan sa Timog Aprika na galing sa mahirap na pamilyang may nagsosolong magulang: “Magkakapatung-patong lang ang problema kung tatakasan mo ang mga ito.”

Baka hindi ka naman naglalasing o nagdodroga, pero baka nawawalan ka na ng pag-asa. Ano ang makatutulong sa iyo? Ang matatalinong payo ng Bibliya ay gaya ng susi na magpapalaya sa iyo mula sa kawalang-pag-asa, at tutulong sa iyo na magkaroon ng positibong pananaw sa buhay. Tingnan natin kung paano.

Anu-ano ang Iyong mga Tinataglay?

Ang isa sa magandang gawin mo ay isipin hindi ang mga bagay na wala ka, kundi ang mga bagay na mayroon ka. Ang iyong tahanan at masayang pamilya ay talaga namang mas mahalaga kaysa sa pera! Ganito ang sinasabi ng isang kawikaan sa Bibliya: “Mas mabuti ang pagkaing gulay na doon ay may pag-ibig kaysa sa pinatabang toro na may kasamang poot.” (Kawikaan 15:17) Ang mga kabataang Kristiyano ay mayroon pang isang napakahalagang tinataglay​—ang suporta ng “buong samahan ng mga kapatid.”​—1 Pedro 2:17.

Bakit hindi mo tingnan ang kabutihang idudulot sa iyo ng mga bagay na mayroon ka? Oo, maaaring maliit at simple lang ang bahay ninyo. Baka luma na nga o may tagpi pa ang iyong mga damit. O baka nasusuya ka na sa iyo’t iyon ding pagkain na nakikita mo sa mesa. Pero kailangan mo ba ng usong damit o ng magandang bahay para matuwa sa iyo ang Diyos? Kailangan mo ba ng mamahaling pagkain para manatili kang buháy at malusog? Hindi naman. Natuto si apostol Pablo ng mahalagang aral hinggil sa bagay na ito. Naranasan niya kapuwa ang maalwan at mahirap na buhay. (Filipos 4:12) Ano ang naging konklusyon niya? “Makuntento na tayo kung may pagkain at damit.”​—1 Timoteo 6:8, Biblia ng Sambayanang Pilipino.

Ganito ang sinabi ni Eldred, isang kabataan sa Timog Aprika na lumaki sa isang mahirap na pamilya: “Tanggap na naming sakto lang ang aming badyet, kaya hindi namin makukuha ang lahat ng gusto namin.” Tandang-tanda pa ni Eldred na kapag nasisira ang pantalon niya, paulit-ulit lang itong tinatagpian ng kaniyang nanay! “Puro kantiyaw ang inaabot ko sa mga kaeskuwela ko,” ang sabi ni Eldred. “Pero ang mahalaga, malinis at puwede pa namang isuot ang aming mga damit.”

Magkaroon ng Respeto sa Sarili

Si James, 11 anyos, ay nakatira kasama ng kaniyang nanay at nakababatang kapatid sa lugar ng mga iskuwater malapit sa Johannesburg, Timog Aprika. Halos walang-wala sila. Pero may mahalaga pa rin namang tinataglay si James​—panahon at lakas​—at nasisiyahan siyang gamitin ito sa pagtulong sa iba. Tuwing Sabado’t Linggo, nagboboluntaryo si James sa pagtatayo ng Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang lugar, kaya wala siyang nasasayang na panahon. Bukod diyan, nagkaroon siya ng respeto sa sarili dahil alam niyang may naitutulong siya. “Pagkatapos ng maghapong pagboboluntaryo sa pagtatayo ng Kingdom Hall, masayang-masaya ako!” ang sabi niya.

Ang isa pang makabuluhang gawain ay ang pangangaral at pagtuturo ng Bibliya sa mga tao. (Mateo 24:14) Regular na ginagawa iyan ng mga kabataang Saksi ni Jehova. Dahil dito, nabibigyan nila ang mga tao ng pag-asa na magkaroon ng mas magandang buhay sa hinaharap. Bukod diyan, nagkakaroon ang mga kabataang ito ng respeto sa kanilang sarili dahil alam nilang nakakatulong sila sa iba. Oo, wala naman silang suweldo sa gawaing iyon. Pero alalahanin ang mensahe ni Jesus sa mga Kristiyano sa sinaunang kongregasyon ng Smirna. Kapos sila sa materyal. Pero dahil sa kanilang sigasig sa paglilingkod sa Diyos, nasabi ni Jesus sa kanila: “Alam ko ang iyong kapighatian at karalitaan​—ngunit ikaw ay mayaman.” Yamang naipakita nila sa gawa na nananampalataya sila sa itinigis na dugo ni Jesus, naging ubod-yaman sila nang tumanggap sila ng imortal na buhay.​—Apocalipsis 2:9, 10.

May Bukas Pa

Puwede kang magkaroon ng malapít na kaugnayan kay Jehova mayaman ka man o mahirap. Sinasabi ng Bibliya: “Ang mayaman at ang dukha ay nagsalubong. Ang Maylikha sa kanilang lahat ay si Jehova.” (Kawikaan 22:2) Alam iyan ng libu-libong kabataang Saksi ni Jehova kaya naman natitiis nila ang hirap ng buhay. Naunawaan nila na ang kaligayahan ay nakadepende hindi sa mga bagay na nabibili ng pera, kundi sa pakikipagkaibigan sa Diyos na Jehova, na tumatanggap sa lahat ng gustong maglingkod sa kaniya. May pag-asang ibinibigay ang Diyos​—buhay sa bagong sanlibutan sa hinaharap kung saan wala nang kahirapan.​—2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:3, 4.

Habang hinihintay mo ang panahong iyon, gamitin sa matalinong paraan ang anumang tinataglay mo. Panabikan ang hinaharap. Mag-imbak ng kayamanan sa langit. (Mateo 6:19-21) Tandaan, kaya mong harapin ang kahirapan sa buhay!

TEMANG TEKSTO

“Kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nagmumula sa mga bagay na tinataglay niya.”​—Lucas 12:15.

TIP

Huwag magsugal, manigarilyo, o maglasing. Kung may ganito mang mga bisyo ang ilan sa kapamilya mo, makapagpapakita ka ng mabuting halimbawa sa kanila kung iiwasan mo ang mga bisyong ito.

ALAM MO BA . . . ?

Ang pagsunod sa mga simulain ng Bibliya ay tutulong sa iyo na maging kontento anuman ang kalagayan mo sa buhay.​—Filipos 4:12, 13; 1 Timoteo 6:8; Hebreo 13:5.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Ang mga tinataglay ko ay ․․․․․

Gagamitin ko ang mga tinataglay kong ito para tulungan ang iba sa pamamagitan ng ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

● Bakit hindi pare-pareho ang pakahulugan sa salitang “mahirap”?

● Bakit hindi tamang maglasing o magdroga para takasan ang kahirapan sa buhay?

● Anong praktikal na mga hakbang ang puwede mong gawin para matiis mo ang hirap ng buhay?

[Blurb sa pahina 168]

“Hindi ako makaahon sa hirap ng buhay, pero alam kong wala ring mangyayari kung sasali ako sa gang o kung magnanakaw ako. Marami sa mga kaedaran ko na gumawa ng gayong mga bagay ang napariwara, ang iba ay nalulong sa alak at droga, o nakulong.”​—George

[Kahon/Mga larawan sa pahina 164]

Worksheet

Dapat Ba Akong Mangibang-bansa?

Gustong mangibang-bansa ng ibang kabataan para magtrabaho at masuportahan ang kanilang sarili o ang kanilang pamilya. Ang layunin ng iba ay matuto ng wikang banyaga, mag-aral, o matakasan ang mga problema sa bahay. Ang ilang kabataang Kristiyano naman ay lumilipat sa mga bansang may pangangailangan para sa mga mángangarál. Ang pasiyang lumipat sa ibang bansa ay seryosong desisyon at dapat na pinag-iisipang mabuti. Kaya kung gusto mong mangibang-bansa, basahin at bulay-bulayin ang mga teksto sa ibaba. Pag-isipan ang mga tanong at isulat ang iyong sagot sa isang piraso ng papel. Saka ka manalangin at magdesisyon.

◻ Ano ang mga hinihiling ng batas para sa mga gustong mangibang-bansa?​—Roma 13:1.

◻ Gaano kalaking halaga ang kailangan sa pangingibang-bansa?​—Lucas 14:28.

◻ Bakit masasabi kong kaya ko nang suportahan ang aking sariling mga pangangailangan kapag nangibang-bansa ako?​—Kawikaan 13:4.

◻ Ano ang ipinapayo sa akin ng makaranasang mga indibiduwal na nakasubok nang mangibang-bansa?​—Kawikaan 1:5.

◻ Ano ang masasabi ng mga magulang ko hinggil dito?​—Kawikaan 23:22.

◻ Bakit ko gustong mangibang-bansa?​—Galacia 6:7, 8.

◻ Mapasisigla kaya ako ng mga makakasama ko sa ibang bansa na patuloy na maglingkod sa Diyos?​—Kawikaan 13:20.

◻ Anong mga panganib ang maaaring mapaharap sa akin sa ibang bansa?​—Kawikaan 5:3, 4; 27:12; 1 Timoteo 6:9, 10.

◻ Ano nga ba talaga ang maitutulong sa akin ng pangingibang-bansa?​—Kawikaan 14:15.

[Larawan sa pahina 167]

Ang payo ng Bibliya ay gaya ng susi na maaaring magpalaya sa iyo mula sa kawalang-pag-asa