Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Anong Karera ang Dapat Kong Piliin?

Anong Karera ang Dapat Kong Piliin?

Kabanata 22

Anong Karera ang Dapat Kong Piliin?

‘ANO na ang gagawin ko ngayon sa aking buhay?’ Sa malao’t madali ay mapapaharap sa iyo ang naghahamong katanungang ito. Nakalilito ang dami ng mga pagpipilian​—panggagamot, negosyo, sining, edukasyon, computer science, pag-iinhinyero, pangangalakal. At maaaring mag-akala ka rin tulad ng isang kabataan na ganito ang sinabi: “Ang turing ko sa pagiging tagumpay . . . ay ang mapanatili mo ang antas ng kaginhawahang kinalakihan mo.” O tulad ng iba naman, baka mangarap ka na mapabuti mo pa nang higit ang iyong pinansyal na kalagayan sa buhay.

Subalit may hihigit pa kaya sa pagiging tagumpay kaysa sa materyal na pakinabang lamang? Makapagdudulot ba sa iyo ng tunay na kaganapan ang anumang sekular na karera?

‘Iyan ay Walang Halaga’

Kaakit-akit, kapana-panabik, kapaki-pakinabang! Ganiyan inilalarawan ng mga panoorin sa sine at sa TV gayundin sa mga aklat ang sekular na mga karera. Subalit upang matamo ang nasabing tagumpay, ang mga ambisyoso sa karera ay dapat na makipagtunggali sa isa’t isa sa isang buhay-at-kamatayang pagpupunyagi upang makilala. Binabanggit ni Dr. Douglas LaBier kung papaanong ang mga kabinataan at kadalagahan, na ang karamihan ay “may mga karerang mabilis ang pag-asenso at teknolohikal, ay nag-uulat ng pagkadama ng kawalan ng kasiyahan, kabalisahan, pamamanglaw, kahungkagan, labis na paghihinala, kasali na ang maraming iba’t ibang pisikal na karamdaman.”

Noon, si Haring Solomon ay nagsiwalat ng kawalang-halaga ng basta makasanlibutang tagumpay lamang. Buhat sa totoong walang limitasyong pinagmumulan, si Solomon ay nakatipon ng isang kahanga-hangang talaan ng mga nagawa. (Basahin ang Eclesiastes 2:​4-10.) Gayunman, ang pagtatapos ni Solomon: “Nang magkagayo’y minasdan ko ang lahat ng mga gawa na ginawa ng aking mga kamay at ang gawain na pinagpagalan ko upang matapos, at, narito! lahat ay walang kabuluhan [“Natalos ko na iyan ay walang halaga,” Today’s English Version] at nauuwi sa wala.”​—Eclesiastes 2:11.

Makapagdudulot nga ng kasaganaan at pagpapahalaga ang trabaho, ngunit hindi masasapatan nito ang ‘espirituwal na pangangailangan’ ng isa. (Mateo 5:3) Kaya nawawala ang kasiyahan nilang gumugugol ng kanilang buhay tangi lamang sa sekular na mga tagumpay.

Isang Karerang Nakasisiya

Nagpapayo si Haring Solomon: “Ang wakas ng bagay, pagkatapos marinig ang lahat, ay: Ikaw ay matakot sa tunay na Diyos at sumunod sa kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.” (Eclesiastes 12:13) Ang pangunahing obligasyon para sa mga Kristiyano sa ngayon ay ang ipangaral ang pabalita ng Kaharian. (Mateo 24:14) At ang mga kabataang seryoso sa kanilang obligasyon sa harap ng Diyos ay napipilitang makibahagi sa gawaing ito hangga’t maaari​—kahit na hindi sila likas na mahusay sa pangangaral. (Ihambing ang 2 Corinto 5:14.) Sa halip na itaguyod ang buong-panahong sekular na trabaho, libu-libo ang pumiling maglingkod bilang pambuong-panahong mangangaral bilang mga payunir. Ang iba ay naglilingkod bilang mga misyonero sa ibang bansa o kaya’y sa mga opisina ng sangay ng Watch Tower Society.

Si Emily, na iniwan ang karera bilang isang kalihim sa pangasiwaan upang maging isang payunir, ay nagsasabi: “Natutuhan ko nang pakamahalin ang gawaing ito.” Oo, ang pambuong-panahong pagmiministeryo ang siyang totoong kasiya-siya, kapana-panabik na karerang maaaring maisaisip! At ano pa kayang mas higit na pribilehiyo ang matatamo ng isa kundi ang maging isa sa “mga kamanggagawa ng Diyos”?​—1 Corinto 3:9.

Edukasyon sa Unibersidad​—Kapaki-pakinabang Ba?

Karamihan sa mga ministrong payunir ay sumusuporta sa kanilang sarili sa pamamagitan ng part-time na trabaho. Subalit ano kung dumating ang panahong kailangang sumuporta ka ng isang pamilya? Tiyak na ang isa ay hindi magsisisi na ginugol niya ang mga taon ng kaniyang kabataan sa paglilingkod sa Diyos! Gayunman, hindi kaya praktikal para sa isang kabataan na kumuha muna ng titulo sa unibersidad at saka itaguyod ang ministeryo pagkatapos?

Ang Bibliya, siyempre pa, ay hindi tiyakang nagsasabi kung ilang taon ng pag-aaral ang dapat na gugulin ng isang kabataang Kristiyano. Ni hindi rin naman nito ipinagbabawal ang edukasyon. Si Jehova, ang “Dakilang Tagapagturo,” ay nagpapasigla sa kaniyang bayan na bumasa nang mahusay at ipahayag ang kanilang sarili nang maliwanag. (Isaias 30:​20; Awit 1:​2; Hebreo 5:12) Isa pa, ang edukasyon ay makapagpapalawak ng ating kaunawaan sa mga tao at sa daigdig na kinabubuhayan natin sa ngayon.

Gayumpaman, ang titulo ba sa unibersidad ay sulit sa napakalaking panahon at salapi na kinakailangang gugulin dito? a Samantalang ang bilang ay nagpapakitang ang mga nagtapos sa unibersidad ay kumikita nang mas malaking suweldo at bihirang makaranas ng kawalan ng trabaho kaysa sa mga nagtapos sa haiskul, ang aklat na Planning Your College Education ay nagpapaalaala sa atin na ang mga bilang na ito ay pawang mga pagtantiya lamang. Ang totoo ay kakaunti lamang sa mga nagtapos sa unibersidad ang tumatanggap ng matataas na suweldo; ang iba ay sumusuweldo nang napakababa. Bukod dito, ang matataas na suweldong ibinibigay sa mga nagtapos sa unibersidad ay maaaring dahil sa “di-pangkaraniwang abilidad, pagnanasang umasenso, dako ng oportunidad sa trabaho, . . . espesyal na talino”​—hindi lamang dahil sa taas ng pinag-aralan.

“Ang titulo [sa unibersidad] ay hindi na gumagarantiya ng tagumpay sa paghahanap ng trabaho,” ang sabi ng Kagawaran ng Paggawa sa E.U. “Ang proporsiyon [ng mga nagtapos sa unibersidad] na nagtatrabaho sa propesyonal, teknikal, at pampangasiwaang mga hanapbuhay . . . ay umurong sapagkat ang mga hanapbuhay na ito ay hindi naman mabilis na lumawak upang masagutan ang dumaraming mga nagtapos. Bilang resulta, mga 1 sa bawat 5 nagtapos [sa unibersidad] na pumasok sa paghahanapbuhay sa pagitan ng 1970 at 1984 ang kumuha ng trabahong hindi na nangangailangan ng titulo. Ang labis na suplay na ito ng mga nagtapos ay malamang na magpatuloy hanggang sa kalagitnaan ng 1990.”

Higit Pang mga Katotohanang Kailangang Bulay-bulayin

Ang titulo sa unibersidad ay maaaring makatulong at maaari rin namang hindi, sa iyong paghahanap ng trabaho. Subalit isang katotohanan ang di-matututulan: “Ang panahong natitira ay maikli na”! (1 Corinto 7:29) Para sa inaakalang kapakinabangan nito, ang apat na taon ba o higit pa sa isang unibersidad ay isang pinakamabuting paggamit ng mga natitirang panahong iyan?​—Efeso 5:16.

Aakayin ka ba ng edukasyon sa unibersidad nang papalapit o papalayo sa iyong espirituwal na mga tunguhin? Tandaan, ang mataas na suweldo ay hindi siyang pangunahin sa isang Kristiyano. (1 Timoteo 6:​7, 8) Gayunman, isang surbey sa mga administrador sa unibersidad sa E.U. ang naglalarawan sa mga estudyante sa ngayon bilang ‘sinanay-sa-karera, interesado sa pagtatagumpay sa materyal, interesado sa sarili.’ Isang grupo ng mga estudyante ay nagsabi: “Salapi. Waring wala tayong ibang pinag-uusapan kundi salapi.” Papaano kaya makaaapekto sa iyo ang pagkalubog sa isang kapaligirang punung-puno ng kompetisyon at sakim na materyalismo?

Maaaring ang mga unibersidad ngayon ay hindi na kasinggulo noong mga taóng 1960. Subalit ang pag-unti ng kaguluhan sa unibersidad ay hindi nangangahulugang ang kapaligiran sa paaralan ay kapaki-pakinabang. Ganito ang konklusyon ng ginawang pagsusuri sa kalagayan ng buhay sa unibersidad: “Ang mga estudyante ay mayroon pa ring halos walang limitasyong kalayaan sa kanilang personal at sosyal na paggawi.” Ang mga droga at alkohol ay walang taros na ginagamit, at ang batas ay ang pagkawalang-delikadesa​—hindi ang kataliwasan. Kung ito’y totoo sa mga unibersidad sa inyong bansa, hindi kaya ang pananatili roon ay makahadlang sa iyong pagsisikap na palaging maging malinis sa moral?​—1 Corinto 6:18.

Ang isa pang dapat ikabahala ay na mientras nalalantad sa mas mataas na edukasyon ay humihina ang “paninindigan sa saligang simulaing relihiyoso.” (The Sacred in a Secular Age) Ang kagipitan na mapanatili ang mataas na marka ang naging dahilan para sa ilang mga Kristiyanong kabataan na makaligtaan ang espirituwal na mga gawain at sa gayo’y madaling mabiktima ng pagsalakay ng makasanlibutang mga kaisipan na itinataguyod ng mga unibersidad. Ang ilan ay napapariwara kung tungkol sa kanilang pananampalataya.​—Colosas 2:8.

Mga Panghalili sa Edukasyon sa Unibersidad

May kinalaman sa katotohanang ito, maraming mga kabataang Kristiyano ang nagpasiyang huwag nang mag-aral sa unibersidad. Ang marami ay nakasumpong na ang pagsasanay na ibinibigay sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova​—ang linggu-linggong Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro lalung-lalo na​—ay nagbigay sa kanila ng tunay na kalamangan sa paghahanap ng mapapasukan. Bagaman hindi nagtataglay ng titulo sa unibersidad, ang mga kabataang ito ay natututong maging matatag, mahusay sa pagpapahayag ng sarili, at may kakayahan din namang humawak ng responsabilidad. Bukod doon, samantalang nasa mataas na paaralan, ang ilan ay kumukuha ng mga kurso sa pagmamakinilya, computer programming, pag-aayos ng sasakyan, gawain sa machine-shop, at iba pa. Ang mga kasanayang tulad nito ay madali para sa part-time na mapapasukan at madalas na may malaking pangangailangan. At bagaman ang maraming kabataan ay humahamak sa ‘gawa ng kanilang mga kamay,’ ang Bibliya naman ay dumadakila sa paggawa ng “mabibigat na gawain.” (Efeso 4:​28; ihambing ang Kawikaan 22:29.) Sa katunayan, kahit si Jesu-Kristo mismo ay natuto ng isang opisyo nang gayon na lamang kahusay kung kaya’t tinawag siyang “ang anluwagi”!​—Marcos 6:3.

Totoo, sa ibang mga bansa ay humuhugos ang mga nagtapos sa unibersidad sa paghahanap ng mapapasukan kung kaya’t naging mahirap ang paghanap kahit na ng karaniwang trabaho lamang kung wala kang karagdagang pagsasanay. Subalit madalas ay may mga programa para sa pagsasanay sa mga baguhan, mga paaralang bokasyonal at teknikal, at maigsiang mga kurso sa unibersidad na nagtuturo ng mga kailangang kasanayan na may kaunting puhunan lamang ng panahon at salapi. Huwag din namang kaliligtaan, na may isa pang salik na hindi isinaalang-alang ng mga estadistika sa paghahanapbuhay: Ang pangako ng Diyos na paglaanan sila na inuuna ang espirituwal na mga bagay.​—Mateo 6:33.

Ang mga pagkakataon sa paghahanapbuhay at mga sistema sa edukasyon ay nagbabago sa iba’t ibang lugar. Ang mga kabataan ay may kani-kaniyang kakayahan at mga hilig. At samantalang ang isang kurso sa Kristiyanong ministeryo ay inirerekomenda bilang kapaki-pakinabang, ito ay isa pa ring bagay na ayon sa personal na disisyon. Ikaw at ang iyong mga magulang kung gayon ay kailangang timbangin ang mga salik na nasasangkot sa pagpapasiya kung gaanong edukasyon ang nararapat sa iyo. ‘Ang bawat isang tao ay magpapasan ng kaniyang sariling pasan’ sa paggawa ng ganitong mga desisyon.​—Galacia 6:5.

Kung, halimbawa, ang iyong mga magulang ay nagpipilit na pumasok ka sa unibersidad, wala kang magagawa kundi ang sumunod sa kanila hangga’t ikaw ay nasa ilalim ng kanilang pangangasiwa. b (Efeso 6:​1-3) Maaari rin namang sa iyong bahay ka tumira upang makaiwas na mabitag ng mga kalagayan sa unibersidad. Maging mapamili sa mga kurso, halimbawa, ang pagtutuon ng pansin sa pagkatuto ng mga kasanayan sa trabaho sa halip na sa mga makasanlibutang mga pilosopya. Bantayan ang iyong pakikisama. (1 Corinto 15:33) Panatilihin ang sariling malakas sa espirituwal sa pamamagitan ng pagdalo sa mga pulong, paggawa sa larangan, at personal na pag-aaral. Ang ilang mga kabataan na napilitang mag-aral sa unibersidad ay nakapagpayunir pa nga sa pamamagitan ng pagpili ng eskedyul ng mga kurso na magpapahintulot doon.

Piliin mong mabuti na may kalakip na panalangin ang iyong karera, upang ito’y hindi lamang makapagbigay ng personal na kaligayahan kundi magpapangyari sa iyong ‘makapagtipon ng kayamanan sa langit.’​—Mateo 6:20.

[Mga Talababa]

a Sa Estados Unidos, ang gastos sa unibersidad ay tinatantiyang higit sa $10,000 isang taon! Nangangailangan ng mga taon bago mabayaran ng mga estudyante ang kanilang pagkakautang.

b Baka naman hindi na kailangang magkaroon ka ng isang apat-na-taóng kurso upang mabigyang-kasiyahan ang iyong mga magulang. Sa Estados Unidos, ang isang associate degree, halimbawa, ay tinatanggap ng mga maypatrabaho sa maraming larangan ng propesyonal at ng mga may kaugnayan sa pagseserbisyo at maaaring matapos sa loob lamang ng dalawang taon.

Mga Tanong para sa Talakayan

◻ Bakit ang sekular na mga karera ay madalas na nabibigong makapagdulot ng personal na kaligayahan?

◻ Bakit ang lahat ng maytakot-sa-Diyos na mga kabataan ay dapat magsaalang-alang ng isang karera sa pambuong-panahong ministeryo?

◻ Ano ang inaangking kapakinabangan ng mas mataas na edukasyon, at ang pag-aangkin bang iyon ay mapanghahawakan?

◻ Anong mga kapanganiban ang maaaring maidulot ng pagkuha ng edukasyon sa unibersidad?

◻ Anong mga panghalili sa edukasyon sa unibersidad ang maaaring isaalang-alang ng mga kabataan?

[Blurb sa pahina 175]

Makapagdudulot nga ng kasaganaan at pagpapahalaga ang trabaho, ngunit hindi masasapatan nito ang ‘espirituwal na pangangailangan’ ng isa

[Blurb sa pahina 177]

“Ang titulo [sa unibersidad] ay hindi na gumagarantiya ng tagumpay sa paghahanap ng trabaho”