Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Dapat Ba Akong Huminto sa Pag-aaral?

Dapat Ba Akong Huminto sa Pag-aaral?

Kabanata 17

Dapat Ba Akong Huminto sa Pag-aaral?

SI Jack ay 25 taon nang nangangasiwa sa attendance ng paaralan. Ang isang lakwatserong kabataan ay kung gayon mahihirapan nang makaisip pa ng isang pagdadahilan na hindi pa naririnig ni Jack. “Nasabi na sa akin ng mga bata ang lahat,” ang sabi niya, “gaya ng ‘Akala ko po ay magkakasakit ako ngayon’ . . . ‘Namatay ang aking lolo na nasa Alaska.’” Ang “paboritong” dahilan ni Jack? Iyon ay galing sa tatlong batang lalaki na nagpahayag na “hindi nila makita ang paaralan dahil sa kapal ng ulap.”

Ang napakahinang mga pagdadahilang ito ay nagpapakita ng pag-ayaw ng maraming mga kabataan sa paaralan, madalas mula sa kakulangan ng interes (“Ayos lang, seguro”) hanggang sa lantarang pagkagalit (“Buwisit na paaralan! Nakaiinis”). Si Gary, halimbawa, ay maghahanda sa pagpasok at biglang-biglang sasakit ang kaniyang tiyan. Ang sabi niya, “Malapit na ako sa paaralan, at bigla akong pagpapawisan at kakabahan . . . Basta kailangan kong bumalik sa aming bahay.” Maraming mga kabataan ang katulad nito’y nakadaranas ng matinding pagkatakot sa paaralan​—isang bagay na kung tawagin ng mga doktor ay phobia sa paaralan. Ito ay madalas na dahilan sa karahasan sa paaralan, kalupitan ng kasamahan, at kagipitan sa pagkuha ng mataas na mga marka. Ang mga kabataang ito ay maaaring pumasok (sa bahagyang pamimilit ng magulang), subalit sila’y nagdurusa ng madalas na pagkaligalig at maging ng pisikal na karamdaman.

Hindi katakataka na ang dumaraming bilang ng kabataan ay pumipiling huwag nang pumasok sa paaralan! Sa Estados Unidos lamang, mga dalawa at kalahating milyong mga estudyante sa mga paaralang elementarya at haiskul ang hindi pumapasok araw-araw! Idinagdag ng isang artikulo sa The New York Times na napakarami (mga isang-katlo) ang “palaging absent” sa mga paaralang haiskul sa New York City “na halos imposible nang maturuan pa sila.”

Mas masahol pa ang hakbanging kinukuha ng ibang kabataan. “Nakasusuya ang paaralan, masyadong mahigpit,” ang sabi ng isang kabataang lalaking nagngangalang Walter. Huminto siya sa haiskul (paaralang sekundarya). Gayundin ang ginawa ng isang batang babaing si Antonia. Nahihirapan siya sa gawaing pampaaralan. “Papaano ko maisasagawa ang gawain kung hindi ko nauunawaan ang aking binabasa?” ang tanong niya. “Basta nakaupo lamang ako roon habang lalong walang naiintindihan, kaya umalis ako.”

Totoo naman, malulubhang problema ang sumasalot sa mga sistema sa paaralan sa buong daigdig. Subalit dahilan ba ito upang mawala ang lahat ng interes sa paaralan at huminto? Anong epekto mayroon ang paghinto sa iyong buhay sa hinaharap? May mabubuti bang dahilan upang manatili sa paaralan hanggang sa magtapos ka?

Ang Kahalagahan ng Edukasyon

Si Michael ay bumalik sa paaralan upang makakuha ng diploma sa haiskul. Nang tanungin kung bakit, ang sabi niya, “Natalos kong kailangan ko ang edukasyon.” Subalit ano nga ba ang “edukasyon”? Ang kakayahan bang maisalaysay ang kahanga-hangang mga bagay? Hindi ito maituturing na isang edukasyon kung papaanong ang isang salansan ng mga bato ay hindi maituturing na isang bahay.

Ang edukasyon ay dapat na maghanda sa iyo para sa isang tagumpay na pamumuhay ng isang nasa hustong gulang. Si Allen Austill, isang dean sa paaralan sa loob ng 18 taon, ay nagpahayag tungkol sa “isang edukasyon na nagtuturo sa iyo na mag-isip, lumutas ng mga problema, kung alin ang makatuwiran at di-makatuwiran, ang kakayahan na mag-isip nang malinaw, malaman kung ano ang mga saligang bagay at malaman ang kaugnayan ng bawat isa. Ang gumawa ng gayong mga kapasiyahan at pagkilala, ang matuto kung papaano matututo.”

At papaano nakatutugon ang mga paaralan? Makaraan ang daan-daang taon si Haring Solomon ay sumulat ng mga kawikaan “upang magbigay sa mga musmos ng talino, sa isang nasa kabataan ng kaalaman at kakayahang umisip.” (Kawikaan 1:​1-4) Oo, ang kawalan ng karanasan ay kakabit na ng kabataan. Gayunman, ang paaralan ay makatutulong sa iyo na mapangalagaan at malinang ang kakayahang mag-isip. Ito ay ang kakayahang hindi lamang basta makapagsalaysay ng mga pangyayari kundi rin naman makasuri ng mga yaon at makalikha ng mabubungang ideya mula roon. Bagaman marami ang pumipintas sa paraan ng pagtuturo ng ilang mga paaralan, ang paaralan ay talagang pumipilit sa iyo na gamitin ang iyong pag-iisip. Totoo, ang pagsagot sa mga tanong sa geometry o ang pagsaulo sa isang listahan ng mga makasaysayang mga petsa ay hindi mahalaga sa iyong buhay sa ngayon. Subalit gaya ng isinulat ni Barbara Mayer sa The High School Survival Guide: “Hindi lahat ay makatatanda ng lahat ng mga pangyayari at bawat kaalamang ibig ilagay ng mga guro sa pagsusulit, ngunit ang mga kasanayan tulad ng pagkatuto kung papaano mag-aaral, at kung papaano magpaplano, ay hindi kailanman malilimutan.”

Ang tatlong propesor sa unibersidad na pinag-aralan ang pangmahabang-panahong epekto ng edukasyon ay pare-parehong nagpasiyang “ang may mas mabuting edukasyon ay may mas malawak at malalim na kaalaman hindi lamang tungkol sa mga pangyayaring nasa aklat kundi gayundin sa daigdig, at na malamáng na sila’y magsaliksik ng kaalaman at makaalinsabay sa mga pinagmumulan ng impormasyon. . . . Ang mga kaibahang ito ay nasumpungang nagtatagal sa kabila ng pagtanda at maraming taon ng pagkawala sa paaralan.”​—The Enduring Effects of Education.

Pinakamahalaga sa lahat, masasangkapan ka ng edukasyon na maisagawa ang iyong Kristiyanong mga responsabilidad. Kung mayroon ka nang mabuting kaugalian sa pag-aaral at dalubhasa ka na sa sining ng pagbabasa, mas madali mong mapag-aaralan ang Salita ng Diyos. (Awit 1:2) Sa iyong natutuhan sa paaralan na magpahayag ng iyong sarili, mas madali mong maituturo sa iba ang mga katotohanan ng Bibliya. Ang kaalaman sa kasaysayan, siyensiya, heograpiya, at matematika ay kapaki-pakinabang din at tutulong sa iyong makitungo sa mga taong may iba’t ibang karanasan, interes, at paniniwala.

Ang Paaralan at Hanapbuhay

Ang paaralan ay may malaki ring magagawa sa iyong panghinaharap na hanapbuhay. Papaano?

Ang matalinong si Haring Solomon ay nagsabi tungkol sa sanáy na manggagawa: “Siya’y tatayo sa harap ng mga hari; hindi siya tatayo sa harap ng mga taong hamak.” (Kawikaan 22:29) Ito’y totoo pa rin sa ngayon. “Kapag walang kasanayan, mapag-iiwanan ka,” ang sabi ni Ernest Green ng Kagawaran ng Paggawa sa E.U.

Kung gayon, mauunawaan kung bakit mahihirapang makakita ng trabaho ang mga huminto sa paaralan. Si Walter (binanggit kanina) ay nakaranas nito. “Maraming beses na nag-aplay ako sa trabaho at hindi ako matanggap sa dahilang wala akong diploma.” Inamin din niya: “Kung minsan ang mga tao’y gumagamit ng mga salitang hindi ko maunawaan, at nagmumukha akong mangmang.”

Ang kawalan ng trabaho sa mga 16- hanggang 24-na-taóng-gulang na mga huminto sa haiskul “ay halos doble ang dami sa kanilang mga kasamahang nagtapos at halos tatlong ulit ang dami sa kabuuang bilang ng walang trabaho.” (The New York Times) “Silang hindi nagpatuloy sa kanilang pag-aaral ay nagsasara ng pintuan sa pagkakataon,” ang dagdag ng autor na si F. Philip Rice sa kaniyang aklat na The Adolescent. Ang isang huminto ay malamang na hindi dalubhasa sa saligang kasanayan na kinakailangan upang maisagawa ang pinakasimpleng trabaho.

Si Paul Copperman ay sumulat sa kaniyang aklat na The Literacy Hoax: “Ang isang kamakailang pagsusuri ay nagpakita na nangangailangan ng humigit-kumulang na ikapitong-gradong antas ng pagbasa upang humawak ng trabaho bilang isang tagaluto, ikawalong-gradong antas upang humawak ng trabaho bilang isang mekaniko, at ikasiyam o ikasampung-gradong antas upang humawak ng trabaho bilang isang kawani.” Nagpapatuloy pa siya: “Naniniwala akong isang makatuwirang hinuha na ang trabaho bilang isang guro, nars, accountant, o inhinyero ay nangangailangan ng mas mataas na antas ng kakayahan sa pagbasa.”

Kung gayon, maliwanag na ang mga estudyante na tunay na nagnanais matuto ng saligang kasanayan, tulad ng pagbasa, ay may mas mabuting oportunidad sa paghahanap ng trabaho. Subalit ano pa ang ibang habambuhay na kapakinabangan na makukuha sa pagpasok sa paaralan?

Isang Lalong Magaling na Pagkatao

Ang habambuhay na kapakinabangang iyan ay ang pagkakilala mo sa iyong mga kagalingan at kahinaan. Si Michelle, na kapapasok lamang sa trabaho sa larangan ng computer, ay nakapansin: “Sa paaralan ay natuto akong gumawa sa ilalim ng kagipitan, kung papaano kumuha ng pagsusulit at kung papaano ko ipahahayag ang aking sarili.”

‘Tinuruan ako ng paaralan kung papaano mamalasin ang kabiguan,’ ang sabi ng isa pang kabataan. Dati siya’y may hilig na malasin ang iba at hindi ang kaniyang sarili, bilang dahilan ng kaniyang pagkabigo. Ang iba’y nakinabang sa disiplinadong rutina sa paaralan. Marami ang pumipintas sa mga paaralan dahil dito, na sinasabing ito’y sumusugpo sa mga batang isipan. Gayunman si Solomon ay nagpalakas-loob sa mga kabataan na “makaalam ng karunungan at disiplina.” (Kawikaan 1:2) Ang mga paaralan na kung saan ang disiplina ay umiiral ay tunay na nagbubunga ng maraming disiplinado, ngunit mapanlikhang, mga isipan.

Makatuwiran kung gayon na samantalahing mabuti ang iyong mga taon sa paaralan. Papaano mo magagawa iyan? Magsimula tayo sa iyong mga gawaing pampaaralan mismo.

Mga Tanong para sa Talakayan

◻ Bakit maraming mga kabataan ang may negatibong pangmalas sa paaralan? Ano ang masasabi mo tungkol sa bagay na ito?

◻ Papaano tumutulong ang paaralan sa pagpapaunlad ng kakayahan ng pag-iisip?

◻ Papaanong ang paghinto sa paaralan ay makaaapekto sa iyong panghinaharap na kakayahang humanap ng trabaho, at bakit?

◻ Anong iba pang personal na kapakinabangan ang maidudulot ng pananatili sa paaralan?

[Blurb sa pahina 135]

“Basta nakaupo lamang ako roon habang lalong walang naiintindihan, kaya umalis ako”

[Blurb sa pahina 138]

“Ang isang pagsusuri ay nagpapakita na nangangailangan ng humigit-kumulang na ikapitong-gradong antas sa pagbasa upang makahawak ng trabaho bilang isang tagapagluto, ikawalong-gradong antas upang makahawak ng trabaho bilang isang mekaniko, at ikasiyam o ikasampung-gradong antas upang humawak ng trabaho bilang isang kawani”

[Mga Larawan sa pahina 136]

Ang disiplinang natutuhan mo sa paaralan ay maaaring pakinabangan mo sa natitirang bahagi ng iyong buhay

[Larawan sa pahina 137]

Ang pagkakataon sa trabaho ay malabo para sa mga hindi nakatuto ng saligang kasanayan na itinuro sa paaralan