Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Papaano Ako Makapapasok (at Makapananatili!) sa Trabaho?

Papaano Ako Makapapasok (at Makapananatili!) sa Trabaho?

Kabanata 21

Papaano Ako Makapapasok (at Makapananatili!) sa Trabaho?

ANG isang surbey, na napalathala sa magasing Senior Scholastic, ay nagtanong sa ilang nasa mga huling taon sa haiskul sa America ng kanilang palagay kung aling mga tunguhin sa buhay ang inaakala nilang “napakahalaga.” Walumpu’t-apat na porsiyento ay sumagot: “Ang magkaroon ng isang matatag na hanapbuhay.”

Marahil ay interesado ka sa isang trabaho pagkatapos ng eskuwela upang makatulong sa personal o mga gastusin sa bahay. O maaaring naghahanap ka ng isang part-time na mapapasukan upang masuportahan ang iyong sarili bilang isang pambuong-panahong tagapangaral. (Tingnan ang Kabanata 22.) Sa anumang kalagayan, ang pambuong-daigdig na implasyon at limitadong pangangailangan sa walang-kasanayang mga manggagawa ay nagpangyari upang ang hanapbuhay ay maging mailap para sa mga kabataan. Papaano, kung gayon, makapapasok ka nang madali sa paghahanapbuhay?

Ang Paaralan​—Isang Dako ng Sanayán sa Pagtatrabaho

Si Cleveland Jones, isang tagapangalap ng manggagawa na may mahabang panahon ng karanasan, ay nagbibigay ng ganitong payo: “Magkaroon ng isang mabuting edukasyon sa haiskul. Hindi ko lubos na maidiin ang kahalagahan ng pagkatutong bumasa at sumulat at magsalita nang maayos. Matuto ring magkaroon ng magandang asal, upang sa gayon ay mapakisamahan mo ang mga tao sa daigdig ng paghahanapbuhay.”

Ang isang driver ng bus ay kailangang marunong bumasa ng talaorasan ng pagdating at pag-alis ng sasakyan. Ang mga trabahador sa pagawaan ay kailangang marunong gumawa ng mga ulat. Ang mga dispatsador ay inaasahang gumawa ng mga pagkukuwenta. Sa lahat halos ng uri ng trabaho, ang kasanayan sa pakikipagtalastasan ay kinakailangan. Ito ang mga kasanayan na maaari mong pag-aralang mabuti sa paaralan.

Sulit ang Pagtitiyaga

“Huwag kailanman susuko sa paghahanap ng trabaho kung ikaw ay hindi na nag-aaral,” ang sabi ni Jones. “Huwag magpapainterbiyu lamang nang mga dalawa o tatlong beses, at pagkatapos ay uuwi ka na at mauupong naghihintay na lamang. Hindi ka matatawag sa trabaho sa ganiyang paraan kailanman.” Ang kabataang si Sal ay natawag sa trabaho pagkatapos ng pitong buwang paghahanap. “Sinabi ko sa aking sarili: ‘Ang aking trabaho ay ang humanap ng trabaho,’” ang paliwanag ni Sal. “Gumugol ako ng walong oras isang araw sa bawat linggo sa loob ng pitong buwan sa paghahanap ng trabaho. Nagsimula ako nang maaga sa bawat umaga at ‘nagtrabaho’ hanggang alas kuwatro ng hapon. Madalas sa gabi ay naramdaman ko ang pananakit ng aking mga paa. Kinaumagahan kailangang ‘kondisyonin ko ang aking isip’ upang maghanap na muli.”

Bakit hindi huminto si Sal? “Tuwing nasa opisina ako ng personnel,” ang sagot niya, “naalaala ko ang sinabi ni Jesus: ‘Puspusang magsumikap kayo.’ Lagi kong iniisip na darating din ang araw na makapagtatrabaho ako at na ang masamang panahong ito ay lilipas.”​—Lucas 13:24.

Kung Saan Makahahanap ng Trabaho

Kung ikaw ay nakatira sa kabukiran, ang una mong hahanapin ay ang pagtatanim at paghahalaman, o maghanap ka ng trabahong pangbakuran. Kung nakatira ka naman sa isang malaking bayan o siyudad, subuking humanap sa diyaryo ng mga anunsiyo na nangangailangan ng manggagawa. Ang mga anunsiyong ito ay nagsasabi ng kung anong mga kuwalipikasyon ang kinakailangan para sa isang trabaho at makatutulong sa iyo na ipaliwanag sa maypatrabaho kung bakit nararapat sa iyo ang trabahong iyon. Ang mga magulang, mga guro, mga ahensiya sa pagtatrabaho, mga opisina ng personnel, mga kaibigan, at mga kapitbahay ay maaari mo ring mapagtanungan.

Pagpapanatili sa Iyong Trabaho

Ang malungkot sabihin, kapag ang kaigtingan sa pangkabuhayan ay lumikha ng kawalan ng trabaho, ang nagtatrabahong mga kabataan ang siyang unang naaalis. Subalit hindi kailangang mangyari ito sa iyo. “Ang mga taong nananatili sa kanilang trabaho ay yaong mga taong nagnanais magtrabaho at nakapagpapakita ng pagnanais na gawin ang anumang sabihin ng kaniyang pinagtatrabahuhan,” sabi ni G. Jones.

Ang iyong saloobin ay ang kalagayan ng iyong kaisipan​—kung ano ang iyong nadarama sa iyong trabaho gayundin sa mga taong pinaglilingkuran mo at sa iyong mga kasamahan. Ang iyong saloobin ay maipakikita sa husay ng iyong trabaho. Hahatulan ng iyong manedyer ang iyong kahalagahan hindi lamang sang-ayon sa iyong ipinakitang trabaho kundi rin naman sa iyong saloobin.

“Hayaang makita ng iyong manedyer na hindi lamang nakasusunod ka sa mga instruksiyon kundi nakagagawa ka rin nang higit pa sa kinakailangan nang walang palagiang pamamahala,” pagpapatuloy ni Jones. “Sapagkat sa kagipitan sa paghahanap ng trabaho, ang nananatiling trabahador ay hindi lagi yaong matagal na sa paglilingkod kundi yaong masisipag.”

Napatunayan ni Sal na totoo ito. Ang sabi niya: “Pinagbibigyan kong lagi ang aking pinaglilingkuran. Pumapayag akong sumira sa aking eskedyul kung kinakailangan, sumusunod sa mga instruksiyon at gumagalang sa aking superbisor.” Nagpapaalaala ito ng isang masidhing tagubilin sa Bibliya na “maging masunurin sa inyong mga panginoon sa laman, hindi bilang pakitang-tao o ‘paglalangis’, kundi bilang taimtim na debosyon sa Panginoon.”​—Colosas 3:​22, Phillips.

Pananagumpay sa Pangamba

Kapag ikaw ay bago pa lamang sa trabaho, ang pangamba ay isang pangkaraniwang damdamin sa unang mga araw. Mag-iisip ka: ‘Magugustuhan kaya nila ako? Makakaya ko kaya ang trabaho? Magugustuhan kaya nila ang trabaho ko? Sana’y hindi ako magmukhang mangmang.’ Dito ay nangangailangang maging maingat ka, kung hindi ay baka ang iyong pangamba ay unti-unting mag-alis ng iyong positibong pangmalas.

Mapabibilis mo ang iyong pagkasanay at mapahihinuhod ang iyong takot sa pamamagitan ng pag-alam pa ng tungkol sa kompanya. Tumingin, makinig, at magbasa. Sa tamang panahon ay tanungin ang iyong superbisor ng makatuwirang mga tanong may kinalaman sa iyong trabaho at sa iyong pagganap niyaon​—hindi iyon magpapangyaring magmukha kang hangal. Tanungin ang sarili, ‘Papaano ba umaangkop ang aking trabaho sa aking departamento, sa pangkalahatang tunguhin ng kompanya?’ Ang mga kasagutan ay makatutulong sa iyo na mapaunlad ang mabuting asal sa paggawa at kasiyahan sa pagtatrabaho.

Makisama sa Kapuwa Manggagawa

Ang lahat ng trabaho ay sa wakas nagsasangkot sa pakikisama sa ibang tao. Ang pakikisama sa iba ay mahalaga sa pananatili sa trabaho. “Kung maaari, ayon sa inyong makakaya, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.” (Roma 12:18) Sa paggawa nito ay maiiwasan mo ang hindi-kailangang pakikipag-away at mainit na pakikipagtaltalan sa trabaho.

Kung minsan ang mga kasamahan mo sa trabaho ay may mga karanasan at personalidad na medyo naiiba sa iyo. Subalit huwag mong isipin na ang isa ay mas mababa dahil lamang sa siya’y naiiba. Igalang ang kaniyang karapatan na maging naiiba. Walang sinuman ang magnanais na siya’y tratuhin nang walang paggalang; nagpapadama sa kaniya iyon na siya’y walang kuwentang tao. Ang bawat isa ay ibig madamang siya’y nagugustuhan at kailangan​—isang importanteng tao. Kunin ang respeto ng iyong kasamahan at pinaglilingkuran sa pamamagitan ng paggalang sa kanila.

Pag-iwas sa Tsismis

“Ito ay isang masamang bitag,” ang sabi ni Sal, “sapagkat ang tsismis ay makapagbibigay sa iyo ng masamang impresyon sa iyong manedyer at sa iba.” Ang tsismis ay hindi siyang pinakamabuting pagkukunan ng impormasyon, at maaaring maging resulta ng tinatawag na sour grapes para sa iyo. Ang mga bulung-bulungan na bunga ng tsismis ay kalimitan nang mga imbing pagmamalabis na nakasisira sa reputasyon ng iba​—gayundin sa iyong sariling reputasyon. Kung gayon, sugpuin ang tukso na magtsismis.

Tandaan din, na walang may-gusto sa mareklamo. Kung may gumugulo sa iyo sa trabaho, huwag mong ipamalita iyon. Kausapin mo ang iyong superbisor. Huwag mo namang gagawin na bigla kang papasok sa kaniyang opisina na galit na galit at pagkatapos ay pagsisisihan ang mga masasakit na salitang binitiwan. Isa pa, iwasan ang silo ng personal na pag-atake. Manatili sa kung ano ang totoo. Maging maliwanag at tapat hangga’t maaari sa paglalarawan sa problema. Maaaring magsimula ka sa pagsasabing, ‘Kailangan ko ang iyong tulong . . . ’ o, ‘Maaaring mali ako, pero ito ang masasabi ko tungkol sa . . . ’

Ang Pagiging Nasa Oras ay Mahalaga

Ang dalawang mahahalagang dahilan kung bakit hindi makapanatili sa trabaho ang mga tao ay ang pagiging laging huli sa trabaho at pagliban sa trabaho. Ang isang direktor sa pagtatrabaho at sa pagsasanay para sa isang malaking pang-industriyang lunsod ay nagsabi tungkol sa mga kabataang manggagawa: “Kailangan nilang matutong gumising nang maaga, matutong sumunod sa mga utos. Kung hindi nila kailanman matututuhan ang mga bagay na ito, hindi mawawala ang suliranin ng kawalan ng trabaho.”

Natutuhan ni Sal ang liksiyon sa pagiging nasa oras sa mahirap na paraan. “Naiwala ko ang aking unang trabaho pagkaraan lamang ng tatlong buwan dahil sa pagiging laging huli,” ang paghihimutok niya, “at lalong pinahirap nito ang paghanap ng ibang trabaho.”

Ang Kahalagahan ng Pagiging Tapat

Ang sabi ng tagapangalap ng manggagawa na si Jones: “Ang pagiging tapat ay makatutulong sa isa na makapanatili sa trabaho.” Ang pagiging tapat ay sumasaklaw sa pag-iwas hindi lamang sa pagnanakaw ng materyal na mga bagay kundi rin naman ng pagnanakaw ng oras sa pamamagitan ng palagian at mahahabang oras ng break. Ang isang tapat na empleyado ay pinahahalagahan at pinagtitiwalaan. Halimbawa, isang kabataang saksi ni Jehova na nagtatrabaho sa isang eksklusibong tindahan ng mga damit ay may reputasyon ng pagiging tapat.

“Isang araw,” naaalaala niya, “ang manedyer ay nakakita ng isang gamit sa bodega, na nakatago sa loob ng ibang mga damit. Isa sa mga manggagawa ay nagnanakaw sa tindahan. Nang magsasara na ay pumanhik ako sa opisina ng manedyer at nagulat ako nang makita kong naroroon lahat ang mga empleyado. Ang lahat ng empleyado ay naroroon upang siyasatin. Ako lamang sa lahat ng empleyado ang hindi kasali sa pagsisiyasat.”

Maraming mga kabataang Kristiyano ang mayroon ding ganitong mga karanasan at nagiging pinahahalagahang mga empleyado. Magsikap na mabuti, kung gayon, sa paghahanap ng trabaho. Magmatiyaga. Huwag susuko. At kapag nakita mo na ang trabahong iyon na pinaghirapan mo, pagsumikapang mapanatili iyon!

Mga Tanong para sa Talakayan

◻ Papaanong ang iyong gawain sa paaralan ay nakaaapekto sa iyong abilidad na makahanap ng trabaho?

◻ Bakit mahalaga na magmatiyaga kapag naghahanap ng trabaho?

◻ Saang mga dako dapat maghanap at sinong mga tao ang dapat tanungin kapag naghahanap ng trabaho?

◻ Ano ang ilang mga mungkahi kapag haharap sa isang interbiyu sa trabaho?

◻ Ano ang magagawa mo upang hindi ka mapaalis sa trabaho?

[Blurb sa pahina 166]

“Hindi ko lubos na maidiin ang kahalagahan ng pagkatutong bumasa at sumulat at magsalita nang maayos”

[Blurb sa pahina 170]

“Sinabi ko sa aking sarili: ‘Ang trabaho ko ay ang humanap ng trabaho’”

[Kahon/Larawan sa pahina 168, 169]

Pagharap sa Isang Interbiyu sa Trabaho

“Bago tumungo sa isang interbiyu sa trabaho, tandaan, ang unang mga impresyon ay siyang nagtatagal na mga impresyon,” ang turo ng tagapayo sa pagtatrabaho na si Cleveland Jones. Nagbabala siya sa pagsusuot ng pantalong maóng at sapatos na goma sa interbiyu at nagdiin sa pangangailangang maging malinis at maimis. Ang mga pinagtatrabahuhan ay madalas na nagpapalagay na ang paraan ng pananamit ng isang tao ay siya ring paraan ng kaniyang pagtatrabaho.

Kapag nag-aaplay sa isang trabaho sa opisina, magbihis nang tulad sa pagbibihis ng isang kagalang-galang na negosyante. Kapag nag-aaplay sa pagawaan, magbihis ng pantalon at kamisadentrong malinis at plantsado, na may malinis-tingnang sapatos. Kung ikaw ay isang babae, magbihis nang mahinhin at gumamit ng katamtamang pampaganda. At kapag nag-aaplay sa opisina, magsuot ng medyas at maayos na sapatos upang bumagay sa mahinhing kasuotan.

Laging mag-isa kang tumungo sa interbiyu sa trabaho, ang babala ni Jones. Kapag isinama mo ang iyong nanay o mga kaibigan sa interbiyu, ang pagtatrabahuhan ay maaaring magpalagay na ikaw ay kulang pa sa pagkamaygulang.

‘Halimbawang magtanong ang pagtatrabahuhan kung mayroon akong dating karanasan sa pagtatrabaho, papaano ako sasagot?’ maaaring isipin mo. Huwag magpasikat. Malimit na nakikita ng pagtatrabahuhan kung ikaw ay nagpapalabis. Maging tapat.

Maaaring hindi mo napagwawari iyon, ngunit maaaring mayroon ka ngang dating karanasan sa pagtatrabaho kahit na ito ang una mong paghahanap ng “tunay” na trabaho. Nagkaroon ka na ba ng isang trabaho sa panahon ng bakasyon? O naging tagapag-alaga ka ba ng bata? Nagkaroon ka ba ng regular na atas sa inyong tahanan sa pangangalaga sa mga gawain ng pamilya? Binigyan ka ba ng responsibilidad na mamahala sa isang tungkulin sa iyong dako ng pagsamba? Nagkaroon ka ba ng pagsasanay sa pagsasalita sa publiko? Kung oo, sa gayon ay maaaring sabihin ang mga bagay na ito sa interbiyu o nakalista sa iyong résumé upang ipakita na kaya mong humawak ng responsabilidad.

Ang isa pang importanteng isinasaalang-alang ng mga pinagtatrabahuhan ay kung gaano ka kainteresado sa kanilang kompanya at sa trabahong kanilang ibinibigay. Kailangang kumbinsihin mo sila na gusto mong isagawa ang trabaho at kaya mong gawin. Ang saloobing “ano ang pakinabang ko” ay magwawala ng interes ng nag-iinterbiyu sa iyo.

Ang pag-aaplay at pagkakaroon ng pambuong-panahon o part-time na trabaho ay isang hamon na maaari mong mapagtagumpayan. At kapag ang trabahong iyon ay ginamit na kasangkapan upang makatulong sa iba, hindi lamang sa iyong sarili, ang kasiyahan ay nagiging isang dagdag na pakinabang.

[Kahon sa pahina 171]

Kung Ano ang Dapat Gawin sa Panahon ng Interbiyu

Maging tulad sa isang maygulang, seryoso. Magalang na batiin ang maypatrabaho. Tawagin siyang “Ginoo,”​—hindi “Pare,” “Kasama,” o “Kaibigan.”

Maupo nang maayos, matatag na ilagay ang mga paa sa lapag; magtinging listo. Ang patiunang paghahanda ay tutulong sa iyo upang maging mahinahon, matatag, at komportable.

Mag-isip muna bago sagutin ang tanong. Maging mapitagan, tamang-tama ang sagot, matapat, at prangka. Magbigay ng hustong impormasyon. Huwag maghambog.

Magkaroon ng sariling listahan, na nakatala ang mga dating trabaho, ang mga petsa ng pagtatrabaho, suweldo, uri ng trabahong iyong ginawa, ang dahilan ng iyong pag-alis.

Maging handa na ipakita kung papaanong ang iyong pagsasanay na ginawa at naging karanasan sa trabaho ay tutulong upang magtagumpay sa trabahong iyong hinihiling ngayon.

Para sa reperensiya, magbigay ng mga pangalan (at kumpletong tirahan) ng tatlong mapagkakatiwalaang tao na nakakikilala sa iyo at sa iyong trabaho.

Magkaroon ng pagtitiwala, maging masigla, ngunit huwag magpasikat. Gumamit ng mahuhusay na pangungusap at magsalita nang maliwanag. Huwag masyadong masalita.

Makinig na mabuti; maging mapitagan at mataktika. Higit sa lahat, huwag makikipagtalo sa iyong magiging amo.

Ang maypatrabaho ay interesado lamang sa kung gaano ka nararapat sa trabaho. Huwag nang bumanggit pa ng mga problemang personal, problema sa bahay, o sa pera.

Kung saka-sakaling hindi mo makukuha ang trabahong iyon, humiling na patalastasan ka kung may ibang trabaho na kakailanganin sa kompanyang iyon.

Magpadala ng isang maikling sulat ng pasasalamat sa maypatrabaho agad-agad pagkatapos ng interbiyu. a

[Talababa]

a Pinagkunan: Brosyur na How to “Sell Yourself” to an Employer ng New York State Employment Service Office.

[Mga Larawan sa pahina 167]

Darating ang araw na ang kasanayang natutuhan mo sa paaralan ay mapatutunayang mahalaga sa trabaho