Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Masturbasyon—Gaano Ito Kalubha?

Masturbasyon—Gaano Ito Kalubha?

Kabanata 25

Masturbasyon​—Gaano Ito Kalubha?

“Iniisip ko kung baga ang masturbasyon ay mali sa mata ng Diyos. Aapekto ba ito sa kalusugan ng aking katawan at isip sa hinaharap at kung sakaling ako ay mag-asawa na?”​—Si Melissa, isang 15-anyos.

MARAMING kabataan ang binabagabag ng mga tanong na ito. Bakit? Popular ang masturbasyon. Ayon sa ulat, 97 porsiyento ng mga lalaki at 90 porsiyento ng mga babae ang dumanas na nito pagsapit sa edad na 21. Bukod dito, ang ugaling ito ay pinagbubuntunan ng sisi dahil sa lahat na ng uri ng sakit​—mula sa mga kulugo at namumulang talukap-mata hanggang sa epilepsiya at sakit sa isipan.

Ang ganitong nakagigitlang mga kapahayagan ay hindi na ginagawa ngayon ng ikadalawampung-siglong mga tagasaliksik sa medisina. Oo, naniniwala ang mga doktor ngayon na walang pisikal na karamdaman ang maaaring ibunga ng masturbasyon. Idinagdag ng mga tagasaliksik na sina William Masters at Virginia Johnson na “walang matatag na ebidensiyang medikal na nagpapakitang ang masturbasyon, gaano man ito kadalas, ay umaakay sa sakit ng isipan.” Gayumpaman, ito ay may ibang masamang epekto! At matuwid lamang na ang mga kabataang Kristiyano ay mabahala sa kaugaliang ito. “Nang ako ay matukso [sa masturbasyon], ang pakiramdam ko’y parang binibigo ko ang Diyos na Jehova,” sumulat ang isang kabataan. “Kung minsan ako ay talagang ginigiyagis ng kalumbayan.”

Ano nga ba ang masturbasyon? Gaano ito kalubha, at bakit napakaraming kabataan ang nakatutuklas na ito’y bisyo na mahirap iwasan?

Bakit Madaling Matukso ang Kabataan

Ang masturbasyon ay ang kusang pagpapasigla sa sarili upang ang isa ay mapukaw sa sekso. Sa pamumukadkad ng kabataan, ay sumisidhi ang mga seksuwal na hangarin. Lumilikha ang katawan ng matatapang na hormone na umaapekto sa mga sangkap sa pag-aanak. Kaya natutuklasan ng isang kabataan na ang mga sangkap na ito ay nagdudulot ng kakaibang kasiyahan. At madalas na ang isang kabataan ay napupukaw sa sekso kahit hindi niya ito pinag-iisipan.

Halimbawa, ang kaigtingan na ibinubunga ng iba’t-ibang alalahanin, pangamba, o kabiguan ay nakaaapekto sa sensitibong nervous system ng isang kabataang lalaki at lumilikha ng pagkapukaw sa sekso. Dahil sa naipong semilya baka magising siya na siglang-sigla sa seksuwal na paraan. O baka labasan siya habang natutulog, at karaniwan nang ito ay kasabay ng isang erotikong panaginip. Kahawig nito, maaaring matuklasan ng ibang mga babae na sa di sinasadya’y napupukaw ang kanilang sarili. Marami ang nagkakaroon ng masidhing hangarin sa sekso kapag malapit na o katatapos pa lamang ng kanilang buwanang karamdaman.

Kaya kung naranasan mo na ang ganitong pagkapukaw, wala kang diperensiya. Ito’y normal na reaksiyon ng katawan ng isang kabataan. Ang mga damdaming ito, gaano man kasidhi, ay hindi gaya ng masturbasyon, yamang ito nama’y hindi kinukusa. At habang nagkakaedad, ang pagsidhi ng mga bagong damdaming ito ay huhupa rin.

Gayunman, dahil sa pagkausisa at sa pagiging bago ng mga damdaming ito, maraming kabataan ang kusang pumupukaw, o naglalaro, sa kanilang mga sangkap sa sekso.

‘Pampaalab sa Isipan’

Inilalarawan ng Bibliya ang isang binatang nakipagtagpo sa masamang babae. Hinahagkan siya nito at nagsasabi: “Parito ka, . . . magpakasaya tayo sa mga pagsisintahan.” Ano ang nangyari pagkatapos? “Pagdaka ay sumusunod siya rito, gaya ng toro na naparoroon sa katayan.” (Kawikaan 7:​7-22) Tiyak, ang binatang ito ay napukaw hindi lamang ng kaniyang mga hormone kundi dahil sa kaniyang nakita at narinig.

Kahawig nito, ay umamin ang isang binata: ‘Ang ugat ng problema ko sa masturbasyon ay nasasalig sa kung ano ang ipinapasok ko sa aking isipan. Nanonood ako ng mga programa sa TV tungkol sa imoralidad at kung minsan ay nanonood ng mga programa sa cable TV na nagtatanghal ng mga tauhang hubo’t hubad. Nakagigitla ang mga tagpong yaon anupa’t mahirap mong makalimutan. Paulit-ulit ko itong naaalaala, at nagiging pampaalab sa isipan na umaakay sa masturbasyon.’

Oo, ang masturbasyon ay madalas napagniningas ng binabasa, pinanonood, o pinakikinggan, pati na kung ano ang pinag-uusapan o binubulaybulay ng isa. Inamin ng isang 25-anyos na babae: “Parang hindi ko masugpo ang bisyo. Pero, mahilig akong magbasa ng mga nobelang pangromansa, at ito ang nagpapalala sa problema.”

Isang “Kalmante”

Isinisiwalat ng karanasan ng dalagang ito kung ano ang pangunahing dahilan at napakahirap sugpuin ang ugaling ito. Ipinagpatuloy pa niya: “Madalas ay ginagawa ko ito upang maibsan ang presyon, tensiyon, o pagkabalisa. Ang panandaliang kasiyahan nito ay gaya niyaong dulot ng alak na nagpapakalma sa isang lasenggo.”

Ganito ang isinulat ng mga tagasaliksik na sina Suzanne at Irving Sarnoff: “Para sa iba ang masturbasyon ay isang bisyo na nagdudulot ng ginhawa kapag nakadarama sila ng pagkapahiya o kabalisahan sa isang bagay. Gayunman, ang iba ay paminsan-minsan lamang nahihila rito, kapag sila ay napapaharap sa malubhang emosyonal na kaigtingan.” Maliwanag, na ang iba ay bumabaling din sa bisyong ito kapag balisa, nalulumbay, nalulungkot, o kapag nakadarama ng malubhang kaigtingan; ito’y nagiging isang “kalmante” na pumapawi sa kanilang mga suliranin.

Ano ang Sinasabi ng Bibliya?

Isang kabataan ang nagtanong: “Ang masturbasyon ba’y kasalanan na hindi mapatatawad?” Ang masturbasyon ay hindi kailanman binabanggit sa Bibliya. a Ang kaugaliang ito ay popular noong kapanahunan ng Bibliya sa gitna ng mga Griego, at may ilang salitang Griego na ginagamit upang tumukoy dito. Subali’t isa man sa mga salitang ito ay hindi ginagamit sa Bibliya.

Yamang ang masturbasyon ay hindi tuwirang hinahatulan sa Bibliya, nangangahulugan ba na hindi ito nakapipinsala? Hindi ganoon! Bagaman hindi ginagawang kauri ng mabibigat na kasalanang tulad ng pakikiapid, walang pagsalang ang masturbasyon ay isang maruming bisyo. (Efeso 4:19) Kaya ipinakikita ng mga simulain ng Salita ng Diyos na ‘makikinabang ka’ kung matatag mong lalabanan ang maruming bisyong ito.​—Isaias 48:17.

Pagpukaw sa “Pita sa Sekso”

“Patayin nga ninyo ang inyong mga sangkap ng katawan,” payo ng Bibliya, “may kinalaman sa . . . pita sa sekso.” (Colosas 3:5) Ang “pita sa sekso” ay tumutukoy hindi sa normal na damdamin sa sekso kundi sa walang taros na simbuyo ng kalooban. Kaya ang ganitong “pita sa sekso” ay maaaring umakay sa gayon sa napakahalay na mga gawa, gaya ng binabanggit ni Pablo sa Roma 1:​26, 27.

Pero hindi ba ‘pinapatay’ ng masturbasyon ang mga pitang ito? Hindi, sa kabaligtaran, gaya ng inamin ng isang kabataan: “Kapag ikaw ay nagsasagawa ng masturbasyon, ang isipan mo ay namamalagi sa masasamang hangarin, at wala itong ginagawa kundi paningasin ang iyong pita.” Malimit gamitin ang isang mahalay na pantasiya upang papag-alabin ang kasiyahan sa sekso. (Mateo 5:​27, 28) Kaya, kapag ipinahintulot ng pagkakataon, ang isa ay napakadaling mahulog sa imoralidad. Nangyari ito sa isang kabataan, na umamin: “Noon, inakala ko na maiibsan ng masturbasyon ang pagkasiphayo kahit walang babaing nasasangkot. Subalit lalong tumubo ang masidhing pagnanais na makipagtalik sa isa.” Nagkasala siya ng pakikiapid. Hindi katakataka, na isang pambansang pagsusuri ang nagsiwalat na karamihan ng mga tinedyer na gumagawa ng masturbasyon ay nagkakasala din naman ng pakikiapid. Mahigit na 50 porsiyento ang kahigitan ng mga ito kaysa sa mga hindi pa nakikipagtalik!

Nagpaparumi sa Isip at Emosyon

Ang masturbasyon ay naghahasik din ng mga saloobin na nagpapasamâ sa isipan. (Ihambing ang 2 Corinto 11:3.) Kapag gumagawa nito, ang isa ay lubusang napapailalim sa mga pakiramdam ng sarili niyang katawan​—sarili lamang ang iniisip. Ang sekso ay naibubukod sa pag-ibig at nauuwi na lamang sa isang ugali na nagpapahupa ng tensiyon. Subali’t nilayon ng Diyos na ang seksuwal na mga damdamin ay masapatan ng seksuwal na pagtatalik​—isang kapahayagan ng pag-ibig sa pagitan ng lalaki at ng kaniyang asawa.​—Kawikaan 5:​15-19.

Ang isang nagsasagawa ng masturbasyon ay nahihilig ding tumingin sa di-kasekso bilang mga seksuwal na bagay lamang​—mga kasangkapan ukol sa seksuwal na kasiyahan. Sa gayon ang maling mga saloobin na itinuturo ng masturbasyon ay nagpaparumi sa “espiritu” o, nangingibabaw na hilig ng isipan ng isang tao. Sa maraming kalagayan, ang mga suliranin na likha ng masturbasyon ay nagpapatuloy kahit na ang isa ay may asawa na! Kaya may mabuting dahilan, na ang Salita ng Diyos ay humihimok: “Mga minamahal, magsipaglinis tayo sa lahat ng karumihan ng laman at ng espiritu.”​—2 Corinto 7:​1.

Isang Timbang na Pangmalas sa Pagkakasala

Maraming kabataan, bagaman medyo nagtatagumpay sa pagsugpo sa masamang bisyong ito, ay paminsan-minsan pa ring nadadaig nito. Mabuti na lamang at ang Diyos ay napakamaawain. “Sapagkat ikaw, O Jehova, ay mabuti at handang magpatawad,” sabi ng mang-aawit. (Awit 86:5) Kapag ang isang Kristiyano ay sumuko sa masturbasyon, madalas na siya ay hinahatulan ng sarili niyang puso. Gayunma’y sinasabi ng Bibliya na “ang Diyos ay lalong dakila kaysa ating puso at nalalaman niya ang lahat ng mga bagay.” (1 Juan 3:20) Higit pa kaysa mga kasalanan natin ang nakikita ng Diyos. Dahil sa kadakilaan ng kaniyang kaalaman siya ay maaaring makinig nang may pagmamalasakit sa taimtim nating mga pagsusumamo ukol sa kapatawaran. Gaya ng isinulat ng isang dalaga: “Nakadama din ako ng pagkakasala, subalit kapag natutukso, ako ay naiingatan mula sa labis na kalumbayan palibhasa’y alam ko na si Jehova ay isang maibiging Diyos at na nababasa niya ang aking puso at alam niya ang lahat ng aking pagsisikap at intensiyon.” Kung lalabanan mo ang pita ng masturbasyon, mahirap kang matukso sa mabigat na kasalanan ng pakikiapid.

Sinabi ng The Watchtower sa labas ng Setyembre 1, 1959: “[Baka] matuklasan natin na madalas tayong matisod at mahulog sa isang masamang ugali na mas malalim na ang pagkakaugat sa dati nating paraan ng pamumuhay kaysa inaakala natin. . . . Huwag manghihina ang iyong loob. Huwag isiping nagawa mo na ang kasalanang hindi mapatatawad. Ito nga ang gusto ni Satanas na maging pangangatuwiran mo. Ang bagay na nakakadama ka ng pagkalumbay at pagkasiphayo sa sarili ay katibayan mismo na hindi ka pa lubhang napapalaot. Huwag manghimagod sa buong-pagpapakumbaba at buong-taimtim na pananawagan sa Diyos, na humihingi ng kaniyang kapatawaran at paglilinis at tulong. Lumapit ka sa kaniya kung papaanong ang isang bata ay lumalapit sa kaniyang ama kapag nagigipit, gaano man kadalas sa iyo’t iyon ding pagkakasala, at may-kabaitang ipagkakaloob sa iyo ni Jehova ang tulong dahil sa kaniyang di-sana nararapat na kagandahang-loob at, kung talagang taimtim ka, ay ipagkakaloob sa iyo ang isang nilinis na konsiyensiya.”

Papaano makakamit ang ganitong “nilinis na konsiyensiya”?

[Talababa]

a Pinatay ng Diyos si Onan dahil sa ‘pinatulo niya ang kaniyang binhi sa lupa.’ Gayunman, ang nasasangkot dito ay ang pagkaudlot ng pagtatalik, hindi masturbasyon. Bukod dito, si Onan ay pinuksa sapagka’t may kasakiman siyang tumanggi sa kaayusan ng pag-aasawa-sa-bayaw upang ipagpatuloy ang lahi ng kaniyang namatay na kapatid. (Genesis 38:​1-10) Kumusta naman ang ‘paglabas ng binhi’ na binabanggit sa Levitico 15:​16-18? Maliwanag na ito ay tumutukoy, hindi sa masturbasyon, kundi sa isa na nilalabasan habang natutulog at pati na sa pagtatalik ng mag-asawa.

Mga Tanong para sa Talakayan

◻ Ano ang masturbasyon, at ano ang ilang maling palagay tungkol dito?

◻ Bakit malimit makadama ang mga kabataan ng masidhing paghahangad sa sekso? Sa palagay mo ba’y mali ito?

◻ Anong mga bagay ang maaaring magpaalab sa hangarin ukol sa masturbasyon?

◻ Ang masturbasyon ba ay nakapipinsala sa kabataan?

◻ Sa palagay mo gaano kalubhang kasalanan ang masturbasyon? Papaano minamalas ni Jehova ang isang kabataan na nakikipagpunyagi laban dito, bagaman marahil ay may mga problema siya sa pananagumpay dito?

[Blurb sa pahina 200]

Nadadama ng iba ang udyok ng masturbasyon kapag nagigipit o kapag maigting, nalulungkot, o nalulumbay

[Blurb sa pahina 202]

‘Ang ugat ng problema ko sa masturbasyon ay nasasalig sa kung ano ang ipinapasok ko sa aking isipan’

[Blurb sa pahina 204]

“Nang ako ay matukso sa [masturbasyon], ang pakiramdam ko’y parang binibigo ko ang Diyos na Jehova”

[Larawan sa pahina 198]

Bagaman ang masturbasyon ay aakay sa masidhing damdamin ng pagkakasala, ang isa ay maaaring magkaroon ng mabuting budhi kung taimtim siyang mananalangin ukol sa kapatawaran ng Diyos at puspusang magsisikap na labanan ang hilig na ito

[Larawan sa pahina 203]

Ang erotikong mga sine, aklat, at palabas sa TV ay malimit maging ‘pampaalab ng isipan’ ukol sa masturbasyon