Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Masturbasyon—Papaano Ko Madadaig ang Tukso?

Masturbasyon—Papaano Ko Madadaig ang Tukso?

Kabanata 26

Masturbasyon​—Papaano Ko Madadaig ang Tukso?

“ITO ay napakahigpit umalipin,” sabi ng isang binata na mahigit na 15 taóng nakipagpunyagi sa masturbasyon. “Nakakasugapa ito na gaya ng alinmang droga o inuming may alkohol.”

Gayunman, hindi pinahintulutan ni apostol Pablo ang kaniyang mga hangarin na maging isang marahas na panginoon. Sa halip, ay sumulat siya: “Hinahampas ko ang aking katawan [mga pita ng laman] at aking sinusupil.” (1 Corinto 9:27) Hinigpitan niya ang kaniyang sarili! Ang ganito ring pagsisikap ay tutulong sa kaninuman upang makahulagpos sa masturbasyon.

“Humandang Pakilusin ang Inyong Isipan”

Marami ang nagsasagawa ng masturbasyon upang maibsan ang tensiyon at pagkabalisa. Gayunman, ang masturbasyon ay isang tulad-musmos na paraan ng pagharap sa mga problema. (Ihambing ang 1 Corinto 13:11.) Mas mabuti pang magpamalas ng “kakayahang mag-isip” at salakayin ang problema nang harapan. (Kawikaan 1:4) Kapag waring madadaig ka na ng iyong mga problema at kabiguan, ay dapat mong “ilagak ang lahat ng iyong kabalisahan sa [Diyos].”​—1 Pedro 5:​6, 7.

Ano kaya kung sa di-sinasadya ay may nakita ka o narinig na nakapupukaw sa sekso? Nagmumungkahi ang Bibliya: “Humandang pakilusin ang inyong isipan; magkaroon ng pagpipigil sa sarili.” (1 Pedro 1:​13, New International Version) Pakilusin ang iyong isipan at itakwil ang masamang kaisipan. Hindi magtatagal at ang pagkapukaw ay manlalamig.

Kung sa bagay, ang pagtatakwil sa masasamang isipan ay mas mahirap gawin kapag ikaw ay nag-iisa kung gabi. Isang dalaga ang nagpapayo: “Ang pinakamabuting gawin ay ang bumangon kaagad at maging abala sa alinmang uri ng trabaho, o marahil ay magmeryenda nang kaunti, para ang iyong isipan ay maibaling mo sa ibang bagay.” Oo, pilitin mo ang sarili na ‘isaalang-alang ang mga bagay na kagalang-galang, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at may mabuting ulat.’​—Filipos 4:8.

Kapag ayaw kang dalawin ng antok, sikaping tumulad sa tapat na Haring si David, na sumulat nang ganito: “Pagka naaalaala kita [Diyos] sa aking higaan, ginugunita kita sa pagbabantay sa gabi.” (Awit 63:6) Ang pananaginip nang gising ay mapuputol kung pipilitin mo ang iyong isip na magbulaybulay tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga katangian. Nakatutulong din ang pag-iisip sa kung papaano minamalas ng Diyos ang maruming bisyong ito.​—Awit 97:10.

Kumuha ng mga Hakbang na Pansawata

“Matalino ang tao na nakakakita ng kasakunaan at nagkukubli, subalit ang mangmang ay patuloy na dumadaan at napahihirapan,” sinabi ng kinasihang pantas. (Kawikaan 22:3) Mapatutunayan mo na ikaw ay matalino sa pamamagitan ng patiunang pag-iisip. Halimbawa, kung matutuklasan mo na ang ilang aktibidad, pagsusuot ng pitis na mga damit, o ang pagkain ng ilang uri ng pagkain ay nakapupukaw sa seksuwal na paraan, dapat mong pakaiwasan ang mga ito. Ang mga inuming may alkohol, halimbawa na, ay nag-aalis ng pagkahiya at lalong nagpapahirap sa pagpipigil sa sarili. Bukod dito, iwasang parang salot ang alinmang babasahin, programa sa TV, o mga palabas sa sine na tumatalakay sa sekso. “Alisin mo ang aking mga mata sa pagtingin sa mga walang kabuluhan,” ang dalangin ng mang-aawit.​—Awit 119:37.

Makakukuha ka rin ng mga hakbang na pansawata kapag panahong ikaw ay mas madaling matukso. Maaaring matuklasan ng isang dalaga na ang kaniyang mga pita sa sekso ay lalong sumisidhi sa mga tiyak na petsa sa bawat buwan. O baka ang damdamin ng isa ay nasaktan o kaya siya’y nalulumbay. “Kung ikaw ay manlupaypay sa kaarawan ng kasakunaan, ang iyong kalakasan ay munti,” babala ng Kawikaan 24:10. Kaya iwasan ang pag-iisa sa mahahabang yugto ng panahon. Magplano ng nakapagpapatibay na mga gawain na magsasangkot ng isipan sa mga proyektong humahamon, sa gayo’y nababawasan ang posibilidad na ito ay maakit ng imoral na mga kaisipan.

Isang Espirituwal na Pakikibaka

Nagtagumpay din sa wakas ang isang 27-anyos na lalaki na nakipagpunyagi sa bisyong ito mula noong siya’y 11 pa lamang. “Kailangan talaga na sa iyo magsimula ang pakikibaka,” paliwanag niya. “Binasa ko ang Bibliya, hindi kukulangin sa dalawang kabanata bawat araw nang walang palya.” Ginawa niya ito nang walang patid sa loob ng tatlong taon. Ganito rin ang ipinayo ng isa pang Kristiyano: “Bago matulog sa gabi, magbasa ka ng isang bagay na may kinalaman sa espirituwal. Lubhang mahalaga na ang huling maiiwan sa iyong isipan sa araw na yaon ay ang espirituwal. Napakalaki ring tulong ang panalangin sa ganitong panahon.”

Nakakatulong din ang “pagiging abala sa gawain ng Panginoon,” gaya ng pagtuturo ng Bibliya sa iba. (1 Corinto 15:58) Sinabi ng isang babae na nagtagumpay sa masturbasyon: “Isang bagay na talagang tumutulong sa akin ngayon na umiwas sa bisyong ito ay ang pagiging isang buong-panahong ebanghelisador sapagkat ang aking buong isip at lakas ay naibabaling sa pagtulong sa iba na makapagtamo ng sinang-ayunang pakikipag-ugnayan sa Diyos.”

Sa pamamagitan ng taos-pusong panalangin, makahihiling ka rin sa Diyos ng “kapangyarihan na higit sa karaniwan.” (2 Corinto 4:7) “Sa harapan niya [ng Diyos] ay ihinga ninyo ang laman ng inyong puso.” (Awit 62:8) Isang dalaga ang nagsabi: “Ang panalangin ay isang kagyat na moog ng kalakasan. Tiyak na nakatutulong ang pananalangin kapag panahon na sumisidhi ang pita.” Bukod dito, kapag bumabangon at sa buong maghapon, ipahayag sa Diyos ang iyong pasiya at humingi ng kaniyang nagpapalakas na banal na espiritu.​—Lucas 11:13.

Tulong Mula sa Iba

Kung hindi magtagumpay ang iyong mga pagsisikap, makipag-usap sa sinumang makatutulong, gaya baga ng isang magulang o matandang Kristiyano. Matutuklasan ng nakababatang mga babae na nakatutulong ang sumangguni sa isang maygulang na babaing Kristiyano. (Tito 2:​3-5) Isang binata na halos mawalan na ng loob ang nagsabi: “Isang gabi ay kinausap ko nang sarilinan ang aking tatay tungkol dito.” Sinabi niya: “Ginawa ko ang buong makakaya upang magtapat sa kaniya. Umiiyak ako habang kinakausap siya, hiyang-hiya ako. Pero hindi ko malilimutan ang sinabi niya. Kasabay ng may pagtitiwalang ngiti, ay sinabi niya: ‘Dahil dito ay talagang maipagmamalaki kita.’ Alam niya kung gaano kahirap para sa akin na banggitin ang puntong yaon. Wala nang salitang makapagpapaangat pa sa aking espiritu at determinasyon na gaya niyaong binigkas niya.

“Pagkatapos nito ay ipinakita ni tatay sa akin ang ilang kasulatan na tumulong sa akin upang makita na ako ay hindi pa ‘talagang napapalaot,’” patuloy ng binata, “at pagkatapos ay ilan pa uling kasulatan upang matiyak na naiintindihan ko ang pagiging seryoso ng aking maling landasin. Sinabi niya na ‘gawin kong malinis ang aking rekord’ hanggang sa isang tiyak na yugto ng panahon, at pagkatapos ay muli namin itong pag-uusapan. Sinabi niyang hindi ko dapat pahintulutang magpahina ito sa aking loob sakaling ako ay muling matukso, basta habang magagawa ko ay sikaping huwag nang maulit yaon kaagad.” Matapos na lubusang mapagtagumpayan ang suliranin, ay idinagdag ng binatang ito: “Ang pinakamalaking pakinabang ay ang pagkakaroon ng isa na nakaunawa at nakatulong sa aking problema.”

Kapag Muling Nagkasala

Matapos pagsikapang mapagtagumpayan ang bisyo, isang kabataan ang muling nagkasala. Inamin niya: “Gaya ito ng isang pabigat na dumadagan sa akin. Sa dama ko’y wala na akong silbi. Kaya nangatuwiran ako: ‘Masyado na akong napalaot. Hindi na ako sinasang-ayunan ni Jehova, kaya bakit ko pa pahihirapan ang aking sarili?’” Subalit, ang muling pagkakasala ay hindi nangangahulugan na ang isa ay talunan na. Naaalaala ng isang 19-anyos na babae: “Sa pasimula’y nangyari ito halos gabi-gabi, pero higit akong nagtiwala kay Jehova, at sa tulong ng kaniyang espiritu ngayon ay mga anim na beses na lamang akong natutukso sa loob ng isang taon. Masamang-masama ang loob ko sa tuwing nangyayari ito, pero tuwing ako’y magkakasala, kapag napaharap na muli ang tukso, nagiging mas malakas na ako.” Kaya unti-unti ay nagwawagi siya sa kaniyang pakikipagpunyagi.

Kapag muling natutukso, suriin kung ano ang umakay dito. Sinabi ng isang kabataan: “Nirerepaso ko kung ano baga ang aking nabasa o napag-isipan. Halos sa bawat pagkakataon ay natutunton ko ang sanhi ng aking pagkakadupilas. Sa ganito ay naiiwasan kong gawin yaon at ituwid.”

Ang mga Gantimpala ng Mabuting Pakikibaka

Sinabi ng isang kabataan na nagtagumpay sa masturbasyon: “Mula nang mapagtagumpayan ko ang problema, naiingatan ko ang isang malinis na budhi sa harapan ni Jehova, at bagay ito na hindi ko maipagpapalit sa ano pa man!”

Oo, ang isang mabuting budhi, ang pagkadama ng higit na pagpapahalaga sa sarili, mas matatag na paninindigan sa moral, at ang isang mas matalik na pakikipag-ugnayan sa Diyos ay pawang mga gantimpala ng isang mabuting pakikibaka laban sa masturbasyon. Isang dalaga na nagtagumpay laban sa masturbasyon ang nagsabi nang ganito: “Maniwala kayo, ang tagumpay laban sa bisyong ito ay sulit na sulit sa ginawa kong pagsisikap.”

Mga Tanong para sa Talakayan

◻ Bakit mapanganib ang mag-isip ng mga bagay na erotiko? Ano ang magagawa ng isang kabataan upang maibaling ang kaniyang isip sa ibang bagay?

◻ Anong mga hakbang na pansawata ang maaaring kunin ng isang kabataan upang mabawasan ang tukso ng masturbasyon?

◻ Bakit nakatutulong ang espirituwal na pakikibaka?

◻ Anong papel ang ginagampanan ng panalangin sa pananagumpay sa bisyong ito?

◻ Bakit makatutulong ang pagsangguni sa iba kapag may ganitong suliranin?

[Kahon/Larawan sa pahina 208, 209]

Pornograpiya​—Nakasusugapa at Mapanganib!

“Ang pornograpiya ay nagkálat: lumakad ka sa kalsada​—hayagan itong nakadispley sa mga tindahan ng diyaryo,” naalaala ng 19-anyos na si Ronald. “Dinadala ito sa eskuwela ng ilan sa aming mga guro, at binabasa ito sa kanilang desk habang hinihintay ang susunod na klase.” Oo, maraming tao buhat sa ibat ibang edad, kapaligiran, at antas ng pag-aaral ang masugid na mga mambabasa ng pornograpiya. Sinabi ng isang kabataang nagngangalang Mark: “Ako’y nasabik nang magbasa ako ng mga magasin at tumingin sa mga litrato ng mga babaing walang damit! . . . Inabangan ko ang susunod na mga labas ng mga magasing ito sapagkat hindi na ako nasasabik kapag inuulit kong basahin ang mga lumang labas. Talagang nakaugalian ko na ito.” Pero mabuti bang kaugalian ito?

Ang pornograpiya ay may nangingibabaw na mensahe: ‘Ang sekso ay ukol lamang sa pagpapalugod sa sarili.’ Karamihan nito ay punung-puno ng panggagahasa at makahayop na karahasan. Di nagtatagal at natutuklasan ng maraming mambabasa na ang mga uring “mas banayad” (soft-core) ay hindi na gaanong nakapupukaw kaya naghahanap sila ng mga larawan o panoorin na lalo pang mahalay! Gaya ng sinabi ni Ernest van den Haag, katulong na propesor sa New York University: “Inaanyayahan tayo ng pornograpiya upang ituring ang iba bilang mga piraso lamang ng karne, bilang mga bagay na dapat pagsamantalahan ukol sa pansarilinang kasiyahan.”

Ang pornograpiya ay naghaharap din ng isang pilipi̇́t, idolatrosong pangmalas sa sekso na madalas umakay sa mga suliranin sa pag-aasawa. Sinabi ng isang nakababatang babae na may-asawa: “Ang pagbabasa ng pornograpiya ay umakay sa akin na hanapin sa aking asawa ang abnormál na mga bagay na inilalarawan sa mga aklat. Umakay ito sa pagkasiphayo at seksuwal na kabiguan.” Noong 1981 isang surbey ang ginawa sa ilang daang babae hinggil sa mga epekto ng pornograpiya sa mapayapang pakikipag-ugnayan sa kanilang mga kalalakihan. Halos kalahati ang nag-ulat na ito ay lumikha ng malulubhang problema. Ang ilang mga pag-aasawa o pakikipagtipan ay talagang winasak nito. Isang babae ang dumaing: “Dahil sa pangangailangan at pagkahumaling ng [aking asawa] sa seksuwal na kasiyahan na dulot ng pornograpiya, nadama ko na nagkukulang ako . . . Wala akong hinihiling sa Diyos kundi ang mabigyang-kasiyahan ang aking asawa, pero mas gusto niya yaong plastic at papel at ang pangangailangan niya ukol dito ay nagwasak sa isang bahagi ng aking pagkatao. . . . Ang pornograpiya ay . . . laban sa pag-ibig . . . Ito’y pangit, malupit at mapanira.”

Sa kabilang dako, ang higit na ikinababahala ng mga kabataang Kristiyano ay na ang pornograpiya ay tuwirang salungat sa mga pagsisikap na maging malinis sa paningin ng Diyos. (2 Corinto 6:17–​7:1) Ipinakikita ng Bibliya na “dahil sa pagiging-manhid ng kanilang mga puso” marami sa mga tao noong sinaunang panahon ang ‘di na nakakaramdam ng kahihiyan’ kung kayat sila’y “napahikayat sa kalibugan upang kalakalin ang lahat ng karumihan nang buong kasakiman.” (Efeso 4:18, 19) Gusto mo bang danasin ang ganitong pagpapakasamâ? Tandaan, kahit ang manakanakang pagkahilig sa pornograpiya ay sapat na upang maging manhid ang budhi ng isa. Inakay nito ang ilang kabataang Kristiyano sa masturbasyon at, mas masama pa, sa seksuwal na imoralidad. Kaya ang matalinong hakbang ay, pagsikapang lumayo sa pornograpiya.

“Madalas na ang pornograpiya ay tuwirang napapatambad sa aking paningin,” sabi ng kabataang si Darryl. “Kaya napipilitan akong sulyapan ito nang paminsan; pero hindi ko na pinag-uukulan ito ng pangalawang tingin.” Oo, huwag tumingin sa kung saan ito hayagang nakadispley, at huwag kang padadala sa mga panghihikayat ng mga kaklase na mag-usisa dito. Gaya ng ikinatuwiran ng 18-anyos na si Karen: “Bilang isang taong di-sakdal ay nahihirapan na akong ipako ang isipan ko sa mga bagay na malinis at kapuripuri. Hindi ba lalong magiging mas mahirap kung sasadyain kong magbasa ng pornograpiya?”

[Larawan sa pahina 206]

“Ang panalangin ay isang kagyat na moog ng kalakasan. Tiyak na nakatutulong ang pananalangin kapag sumisidhi ang pita”