Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Papaano Ko Tatanggihan ang Pagsisiping Bago Ikasal?

Papaano Ko Tatanggihan ang Pagsisiping Bago Ikasal?

Kabanata 24

Papaano Ko Tatanggihan ang Pagsisiping Bago Ikasal?

SA ISANG pambansang surbey ng magasing ’Teen inihayag na marami sa mga kabataang mambabasa nito ang nagnanais ng impormasyon sa tanong na: “Papaano tatanggihan ang panggigipit sa sekso.”

Sa Awit 119:​9, ibinangon ng mang-aawit ang kahawig na tanong: “Papaano lilinisin ng isang binata [o dalaga] ang kaniyang daan?” Ang sagot: “Sa pagiging maingat ayon sa iyong salita [sa Diyos].” Ngunit higit pa ang kailangan kaysa kaalaman lamang. Umamin ang isang dalaga, “Alam ng isip mo ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa imoral na sekso. Pero ang mga dahilan ay itinutulak ng puso mo sa likuran ng iyong isip.” Kaya angkop ang idinagdag ng mang-aawit: “Ang salita mo’y aking iningatan sa aking puso, upang huwag akong magkasala laban sa iyo.”​—Awit 119:11.

Ingatan ang Puso

Upang mapagyaman sa iyong puso ang mga salita ng Diyos una’y dapat mong basahin at pag-aralan ang mga Kasulatan at mga babasahin sa Bibliya. Makatutulong ito para mapahalagahan mo ang mga batas ng Diyos. Sa kabilang dako, ang “pita sa sekso” ay pinasisidhi ng pagbabasa, pakikinig, o panonood ng mga bagay na nakapupukaw sa sekso. (Colosas 3:5) Kaya dapat pakaiwasan ang ganitong mga bagay! Sa halip ay ipako mo ang iyong isip sa kung ano ang wagas at malinis.

Ipinakita rin ng pagsasaliksik na ang matalik na mga kaibigan ay may malaking impluwensiya sa pananatiling malinis. Sinabi ng mang-aawit: “Ako’y kasama ng lahat na nangatatakot sa iyo [Diyos], at ng nagsisitupad ng iyong mga tuntunin.”​—Awit 119:63.

Ang mga kaibigan mo ba’y yaong talagang nagsisikap na ‘tumupad sa tuntunin ng Diyos’? Isang dalagang nagngangalang Joanna ang nagkomento hinggil sa pagpili ng kaibigan: “Kapag kasalamuha mo ang mga taong umiibig kay Jehova, makikita mo na pareho kayo ng damdamin kung ang pinag-uusapan ay kalinisang-asal. Halimbawa, kapag narinig mong sinabi nila na kasuklamsuklam ang imoralidad, parang ganoon din ang nadarama mo. Pero, kung ang kasama mo’y hindi nababahala, mayamaya’y ganoon ka na rin.”​—Kawikaan 13:20.

Gayumpaman, ang pagde-date at panliligaw ang malimit magharap ng pinakamalaking hamon sa pagiging wagas. Isaalang-alang ang pambansang pagsusuri na ginawa ni Robert Sorensen. Natuklasan niya na sa mga nakaranas na ng sekso, 56 porsiyento ng mga binata at 82 porsiyento ng mga dalaga ang nakipagtalik sa kanilang ka-steady​—o sa isa na kilalang-kilala at gustung-gusto nila. Kaya, papaano kung nasa edad ka na para mag-asawa at mayroon ka nang idini-date? Papaano mo higit na makikilala ang taong yaon at manatili pa ring wagas?

Pag-iwas sa mga Silo Kapag Nagliligawan

May babala ang Bibliya: “Ang puso ay pinakatuso sa lahat at walang taros; sino ang nakauunawa rito?” (Jeremias 17:​9, Byington) Baka normal naman ang pagkaakit na nadarama mo sa isang di-kasekso. Pero mientras lagi kayong magkasama, lalong nag-iibayo ang pagkaakit. At ang normal na damdaming ito ay maaaring dumaya sa iyo. “Sa puso nanggagaling ang masasamang pag-iisip, . . . pakikiapid,” sabi ni Jesu-Kristo.​—Mateo 15:19.

Madalas ang magnobyo ay wala namang planong magsiping. a Sa maraming kaso, nangyari ito sapagka’t ang dalawa ay nag-petting, o naghipuan ng pribadong mga bahagi ng katawan. Umamin ang isang inang di-kasal: “Para sa akin at sa mga kabataang kilala ko, sumobra ito nang sumobra habang tumatagal, at maya-maya hindi ka na pala isang birhen. Sa simula’y kaunting paghihipuan lamang, at bago mo mamalayan, ay hindi ka na makahinto.”

Upang ikaw mismo ay makaiwas sa seksuwal na imoralidad, dapat mong supilin ang iyong puso, sa halip na ikaw ang magpasupil dito. (Kawikaan 23:19) Papaano mo ito gagawin?

Magtakda ng mga hangganan: Baka nadarama ng isang binata na umaasa ang kaniyang nobya na siya ang mangunguna sa paghahalikan at paghihipuan, gayong sa totoo ay hindi naman. “Sa kapalaluan ay pakikipagpunyagi lamang ang napapala, ngunit sa mga nagsasanggunian ay may karunungan.” (Kawikaan 13:10) Kaya kapag nakikipag-date, ipaalam mo sa iyong kasama kung ano ang nadarama mo sa pamamagitan ng ‘pakikipagsanggunian.’ May katalinuhang magtakda ng mga hangganan sa inyong pagsusuyuan. Kasabay nito, huwag kang kumilos nang kabaligtaran. Ang pagsusuot ng mahigpit, nagpapahiwatig, at seksing damit ay magbibigay ng maling mensahe sa iyong kasama.

Iwasan ang nakatutuksong mga situwasyon: Nag-uulat ang Bibliya hinggil sa isang dalaga na inanyayahan ng kaniyang nobyo na mamasyal sa isang liblib na dako sa bundok. Ang kaniyang motibo? Upang malasap nila ang kagandahan ng maagang tagsibol. Gayumpaman, ang planong pamamasyal ay natuklasan ng mga kapatid ng babae at galit-na-galit nilang hinadlangan ito. Dahil ba sa inakala nilang may masama siyang balak? Hinding-hindi! Pero alam-na-alam nila na napakalakas ang tukso sa gayong kalagayan. (Awit ni Solomon 1:​6; 2:​8-15) Kaya naman, dapat mong iwasan ang mga situwasyon na aakay sa tukso, halimbawa’y dadalawa kayo ng iyong ka-date sa loob ng bahay, apartment, o nakaparadang kotse.

Alamin ang iyong limitasyon: May mga panahon na mas madali kang matukso at may panahon namang hindi. Halimbawa, baka nanghihina ang loob mo dahil sa isang personal na kabiguan o di kayo nagkaunawaan ng iyong mga magulang. Anuman yaon, dapat na lalo kang pakaingat sa mga panahong ito. (Kawikaan 24:10) Isa pa, mag-ingat ka sa mga inuming may alkohol. Sa ilalim ng impluwensiya nito, madali kang mawawalan ng pagpipigil. “Ang alak at ang bagong alak ay nag-aalis ng kaalaman.”​—Oseas 4:11.

Tumanggi at totohanin ito: Ano ang magagawa ng magnobyo kapag sumisidhi ang damdamin at nahahalata nilang nanganganib na silang magkasala? Isa sa kanila ay dapat magsalita o gumawa ng isang bagay na babago sa saloobin. Minsan si Debra ay may ka-date na nagparada ng kaniyang kotse sa isang ilang na lugar para “mag-usap” sila. Nang sumidhi ang kanilang mga damdamin, sinabi ni Debra sa kaniyang ka-date: “Hindi ba necking na ito? Puwede bang huminto na tayo?” Yaon ang bumago sa kanilang saloobin. Agad siyang iniuwi nito. Sa ganitong mga situwasyon ang pagtanggi ay pinakamahirap na sigurong gawin kung para sa iyo. Ngunit gaya ng sinabi ng isang 20-anyos na babae na napatuksong sumiping: “Kung hindi mo ito tatakbuhan, kawawa ka talaga!”

Magkaroon ng tsaperon: Bagaman ayon sa iba ito’y lipas na sa uso, mabuti pa rin ang magkaroon ng tsaperon kapag nakikipag-date. “Para namang hindi kami mapagkakatiwalaan,” ang reklamo ng ilan. Marahil. Pero matalino bang magtiwala sa sarili? Prangkahang sinasabi ng Kawikaan 28:​26: “Siyang tumitiwala sa kaniyang sariling puso ay mangmang, ngunit ang lumalakad na may kapantasan ay maliligtas.” Lumakad nang may kapantasan at magpasama kapag nagde-date. “Talagang iginagalang ko ang lalaki na may sariling tsaperon. Alam kong pareho kaming interesado na manatiling malinis,” sabi ni Debra. “Hindi ito hadlang, pagkat kung gusto naming mag-usap nang sarilinan, lalayo lang kami nang kaunti para hindi marinig ng iba. Ang proteksiyong dulot nito ay sulit sa alinmang abala.”

Pakikipagkaibigan sa Diyos

Higit sa lahat, ang matalik na pakikipagkaibigan sa Diyos, ang pagkilala sa kaniya bilang isang tunay na persona na may damdamin, ay tutulong sa iyo na umiwas sa paggawing magpapagalit sa kaniya. Lalo kang mapapalapit sa kaniya kung ihihinga mo sa kaniya ang iyong mga problema. Dahil sa gusto nilang maging malinis kapag nadadaig ng simbuyo ng damdamin maraming magnobyo ang magkasamang nanalangin sa Diyos, at humiling na sila’y bigyan ng kinakailangang lakas.

Si Jehova ay buong-saganang tumutugon at nagkakaloob sa kanila ng “kapangyarihan na higit sa karaniwan.” (2 Corinto 4:7) Sabihin pa, dapat mong gampanan ang iyong bahagi. Gayunma’y, magtiwala ka na, sa tulong at pagpapala ng Diyos, matatanggihan mo ang seksuwal na imoralidad.

[Talababa]

a Ayon sa isang pagsusuri, sinabi ng 60 porsiyento ng mga babae na yaon ay kusang nangyari at hindi isinaplano.

Mga Tanong para sa Talakayan

◻ Ano ang ilang bagay na tutulong upang mapagyaman mo ang mga batas ng Diyos hinggil sa sekso?

◻ Papaano maaapektuhan ng iyong mga kaibigan ang pangmalas mo sa pagsisiping nang di-kasal?

◻ Bakit mo nadaramang kailangan ang pag-iingat kapag nakikipag-date?

◻ Ano ang ilang bagay na magagawa ng mga nagliligawan upang maipagsanggalang ang sarili laban sa seksuwal na imoralidad?

[Blurb sa pahina 193]

“Sa simula’y kaunting paghihipuan lamang . . . ”

[Blurb sa pahina 194]

Kapag nagliligawan, iwasan ang imoralidad at huwag bumukod nang kayo lamang dalawa

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 195]

Pananatiling Malinis Kapag Nagde-date

Iwasan ang mga situwasyon na aakay sa paghahalikan at paghihipuan

Makipag-date na kasama ng grupo o magdala ng tsaperon

Gawing nakapagpapatibay ang usapan

Sa pasimula pa, ipaalam sa kapareha ang saloobin mo hinggil sa mga limitasyon sa pagsusuyuan

Magdamit nang mahinhin at iwasan ang nakatutuksong gawi

Magyayang umuwi kapag nadamang nanganganib ang iyong pagiging malinis

Umiwas sa mahahabang “good-night”

Magkaroon ng maagang “curfew”

[Mga Larawan]

Ang magnobyo ay makalalahok sa mga gawaing hindi magbubukod sa kanila mula sa iba

[Larawan sa pahina 196]

Kapag ang situwasyon ay masyadong nagiging “mainit,” may-katalinuhan mong sabihin na Hindi!​—at totohanin mo ito!