Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Naghiwalay si Itay at si Inay?

Bakit Naghiwalay si Itay at si Inay?

Kabanata 4

Bakit Naghiwalay si Itay at si Inay?

“Naaalala ko pa nang iwan kami ni Itay. Tunay na wala kaming kaalam-alam sa mga nangyayari. Kinailangang magtrabaho si Inay at iwanan kaming palagi. Minsan nauupo na lamang kami sa may bintana at labis na nag-aalala na baka iniwan na rin niya kami. . . . ”​—Isang batang babae mula sa isang diborsiyadong pamilya.

ANG pagdidiborsiyo ng mga magulang ng isa ay waring katapusan na ng daigdig, isang malaking sakuna na nagdudulot ng sapat na paghihirap na mananatili magpakailanman. Madalas na nagiging bunga ito ng matinding pagkadama ng kahihiyan, galit, kabalisahan, takot na pabayaan, pagkabagabag, pamamanglaw, at matinding kawalan​—maging ng pagnanais na maghiganti.

Kung kahihiwa-hiwalay lamang ng iyong mga magulang, ikaw man ay maaaring makadama ng ganito. Kung sabagay, nilayon ng Maylikha na ikaw ay palakihin ng kapuwa isang ama at isang ina. (Efeso 6:​1-3) Subalit, ngayon ay inagawan ka ng pagkanaroroon ng iyong minamahal na magulang. “Tunay na iginagalang ko ang aking ama at ibig kong kasama siya,” ang panaghoy ni Paul, na ang mga magulang ay naghiwalay noong siya ay pitong taon. “Ngunit si Inay ang siyang nangalaga sa amin.”

Kung Bakit Naghihiwalay ang mga Magulang

Madalas na naitatagong mabuti ng mga magulang ang kanilang mga problema. “Wala akong natatandaan na nag-away ang aking mga magulang,” ang sabi ni Lynn, na ang mga magulang ay nagdiborsiyo noong siya ay bata pa. “Akala ko’y nagkakasundo sila.” At kahit na nga ang mga magulang ay nagbabangayan, nakabibigla pa rin kung sila’y aktuwal na maghiwalay!

Sa maraming mga kaso, ang paghihiwalay ay nagaganap dahil sa ang isang magulang ay may kasalanan tungkol sa maling asal sa seksuwal. Ang Diyos ay nagpapahintulot nga sa walang kasalanang asawa na makipagdiborsiyo. (Mateo 19:9) Sa ibang mga kaso, “ang matinding galit at pambubulyaw at nakasasakit na pananalita” ay nagdudulot ng karahasan, na nagiging dahilan tuloy upang ang isang magulang ay mag-alala sa kaniyang pisikal na kapakanan at gayundin sa kaniyang mga anak.​—Efeso 4:31.

Totoo, ang ilang diborsiyo ay natatamo nang walang gaanong saligan. Sa halip na lutasin ang kanilang mga problema, ang ilan ay malasariling nagdidiborsiyo sapagkat inaangkin nila na sila’y ‘hindi maligaya’ o ‘hindi na nag-iibigan.’ Hindi ito nakalulugod sa Diyos, na siyang “napopoot sa paghihiwalay.” (Malakias 2:16) Ipinakita rin ni Jesus na ang ilan ay maghihiwalay dahil sa ang kani-kanilang asawa ay naging mga Kristiyano.​—Mateo 10:​34-36.

Anuman ang kaso, ang katotohanang baka ang iyong mga magulang ay magnais na manahimik o sagutin lamang sa maigsi ang iyong mga tanong may kinalaman sa diborsiyo ay di-nangangahulugang hindi ka nila mahal. a Ang labis na pag-iintindi sa nadaramang sakít kung kaya ang iyong mga magulang ay nahihirapang ipakipag-usap ang tungkol sa diborsiyo. (Kawikaan 24:10) Baka sila’y nahihiya ring umamin sa kanilang pagkabigo sa isa’t isa.

Kung Ano ang Magagawa Mo

Unawain ang tamang pagkakataon na ipakipag-usap nang payapa ang iyong pagmamalasakit sa iyong mga magulang. (Kawikaan 25:11) Ipaalam mo sa kanila ang iyong labis na kalungkutan at pagkalito sa kanilang paghihiwalay. Marahil ay bibigyan ka nila ng isang nakasisiyang paliwanag. Kung hindi naman, huwag kang mawalan ng pag-asa. Hindi ba si Jesus man ay nagpigil ng pagbibigay ng impormasyon sa kaniyang mga alagad sapagkat nadama niyang hindi pa sila handa upang maunawaan iyon? (Juan 16:12) At hindi ba may karapatan naman ang iyong mga magulang na ilihim iyon?

Sa katapusan, kilalanin na ang paghihiwalay, anuman ang dahilan, ay alitan nilang dalawa​—hindi sa iyo! Sa kanilang pagsusuri sa 60 naghiwalay na mga pamilya, natuklasan nina Wallerstein at Kelly na ang mga mag-asawa ay sumisi sa isa’t isa, sa kanilang pinaglilingkuran, sa miyembro ng pamilya, at sa mga kaibigan na naging dahilan ng kanilang paghihiwalay. Ngunit, ang sabi ng mga tagapagsaliksik: “Kapansin-pansin, wala isa man ang sumisi sa kanilang mga anak.” Hindi nagbabago ang pagtingin sa iyo ng iyong mga magulang.

Ang Nakapagpapagaling na Epekto ng Panahon

May “panahon ng pagpapagaling.” (Eclesiastes 3:3) At tulad ng isang literal na sugat, gaya ng nabaling buto, ay nangangailangan ng mga linggo o mga buwan pa nga upang gumaling nang lubusan, ang emosyonal na sugat ay nangangailangan ng panahon upang gumaling.

Ang tagapagsaliksik sa paghihiwalay na sina Wallerstein at Kelly ay nakatuklas na sa loob lamang ng ilang mga taon pagkatapos ng paghihiwalay “ang laganap na pagkatakot, ang paghihinagpis, ang nakasisindak na di-pagkapaniwala . . . ay unti-unting napapawi o nawawalang lahat.” Ang ilang mga eksperto ay naniniwala na ang pinakamahirap na kalagayan sa paghihiwalay ay natatapos sa loob ng mga tatlong taon. Maaaring ito’y isang mahabang panahon, subalit marami ang dapat na maganap bago mapatatag na muli ang iyong buhay.

Isang bagay lamang, ang karaniwang gawain ng sambahayan​—na nasira ng paghihiwalay​—ay dapat na muling maisaayos. Lilipas ang panahon bago ang iyong mga magulang ay muling makatatayo sa kanilang mga paa sa emosyonal na paraan. Sa panahong iyon lamang maibibigay sa iyo ang kinakailangang suporta. Habang ang iyong buhay ay muling umaayos, magsisimula kang makadama ng pagiging normal na muli.

Gayunman, si Solomon ay nagbigay ng ganitong babala: “Huwag mong sabihin: ‘Bakit baga nangyaring ang mga nakaraang araw ay mas maigi kaysa mga ito?’ sapagkat hindi dahil sa karunungan kung kaya ka nag-uusisa tungkol dito.” (Eclesiastes 7:10) Ang pananatili sa alaala ng lumipas ay makahahadlang sa iyo sa kasalukuyan. Ano ba ang kalagayan ng iyong pamilya bago ang paghihiwalay? “Palaging may mga awayan​—bulyawan at pagmumura,” ang pag-amin ni Annette. Hindi ba natatamasa mo naman ngayon ang kapayapaan sa tahanan?

‘Mapagsasama Ko Silang Muli’

Ang ilan sa mga kabataan ay nangangarap na muli nilang mapagsama ang kanilang mga magulang, marahil nananatili sa mga ganitong gunamgunam kahit na ang kanilang mga magulang ay nagsipag-asawa nang muli!

Gayunman, ang pagtanggi sa diborsiyo ay walang magagawa. At ang lahat ng luha, pagsusumamo, at panukala sa buhay ay maaaring hindi magpanumbalik sa pagsasama ng iyong mga magulang. Kaya bakit mo parurusahan ang iyong sarili sa pag-asam sa bagay na malamang na hindi magaganap? (Kawikaan 13:12) Si Solomon ay nagsabi na may “panahon ng pagkawala.” (Eclesiastes 3:6) Kaya tanggapin ang katotohanan at ang pananatili ng paghihiwalay. Ito ay isang malaking hakbang upang mapagtagumpayan mo iyon.

Makipagkasundo sa Iyong mga Magulang

Maaaring may katuwiran ka naman na magalit sa iyong mga magulang dahil sa pagsira sa iyong buhay. Katulad ng mapait na pagpapalagay ng isang kabataang lalaki: “Sakim ang aking mga magulang. Hindi nila kami inaalumana at walang halaga kung ano man ang maging epekto sa amin ng kanilang ginawa. Basta itinuloy nila at isinagawa ang kanilang mga plano.” Maaaring totoo ito. Subalit makapagpapatuloy ka bang mamuhay nang may galit at sama-ng-loob at hindi mo mapipinsala ang iyong sarili?

Nagpapayo ang Bibliya: “Hayaang ang lahat ng malisyosong kapaitan at galit . . . ay mangaalis nawa sa inyo . . . Ngunit magmagandang-loob kayo sa isa’t isa, mga mahabagin, na mangagpatawaran kayo sa isa’t isa.” (Efeso 4:​31, 32) Papaano mo mapatatawad ang isa na sumugat sa iyo nang gayon na lamang? Sikaping malasin ang iyong mga magulang nang may pang-unawa​—bilang nagkakamali, di-sakdal na mga tao. Oo, kahit ang mga magulang man ay ‘nagkakasala at hindi nakaaabot sa kaluwalhatian ng Diyos.’ (Roma 3:23) Ang pagkatanto nito ay tutulong sa iyo upang makipagkasundo sa iyong mga magulang.

Ipakipag-usap ang Iyong Nadarama

“Hindi ko kailanman ipinakipag-usap sa iba ang aking nadama tungkol sa paghihiwalay ng aking mga magulang,” ang sabi ng isang kabataang lalaki nang aming kapanayamin. Bagaman sa pasimula ay di-natitigatig, ang kabataan ay unti-unting nagiging emosyonal​—luhaan pa nga​—samantalang inilalahad niya ang tungkol sa paghihiwalay ng kaniyang mga magulang. Nabuksan ang damdaming matagal na niyang kinikimkim. Buong pagkamanghang ipinagtapat niya: “Ang pakikipag-usap tungkol dito ay tunay na nakatulong sa akin.”

Matutuklasan mo rin na makatutulong kung ipagtatapat mo ito sa iba, sa halip na sarilinin iyon. Hayaang malaman ng iyong mga magulang kung ano ang iyong nadarama, kung ano ang iyong ikinatatakot at ikinababalisa. (Ihambing ang Kawikaan 23:26.) Makatutulong din ang mga maygulang na Kristiyano. Si Keith, halimbawa, ay napabayaan ng kaniyang pamilya, na winasak ng diborsiyo. Gayunman nakatagpo siya ng pag-alalay mula sa iba. Ang sabi ni Keith: “Ang Kristiyanong kongregasyon ay naging aking pamilya.”

Higit sa lahat, makatatagpo ka ng isang nakikinig na tainga mula sa iyong makalangit na Ama, ang “Dumirinig ng mga panalangin.” (Awit 65:2) Ang isang kabataan na nagngangalang Paul ay gumugunita ng kung ano ang nakatulong sa kaniya upang mapagtagumpayan ang paghihiwalay ng kaniyang mga magulang: “Nananalangin akong palagi at lagi kong nadarama na si Jehova ay talagang isang persona.”

Magpatuloy sa Iyong Pamumuhay

Pagkatapos ng paghihiwalay, maaaring hindi na katulad ng dati ang mga bagay-bagay. Gayunman, hindi ito nangangahulugang hindi na magiging mabunga at maligaya ang iyong buhay. Nagpapayo ang Bibliya, “Huwag magpatigil-tigil sa inyong gawain.” (Roma 12:11) Oo, sa halip na pahintulutan ang iyong sarili na pigilin ng paghihinagpis, kirot, o galit, magpatuloy sa iyong buhay! Gawin mo ang iyong gawain sa paaralan. Magtaguyod ng isang libangan. Magkaroon ng “maraming gawain sa Panginoon.”​—1 Corinto 15:58.

Nangangailangan ito ng paggawa, determinasyon, at ng paglipas ng panahon. Ngunit sa katapusan ang paghihiwalay ng iyong mga magulang ay hindi na mangingibabaw sa iyong buhay.

[Talababa]

a Ang mga tagapagsaliksik na sina Wallerstein at Kelly ay nakatuklas na “apat-na-kalima sa mga pinakabatang mga anak [ng naghiwalay na mga magulang] na kanilang sinuri ay hindi binigyan ng sapat na paliwanag ni kasiguruhan ng patuloy na pangangalaga. Bunga noon, paggising nila sa umaga, wala na ang isang magulang.”

Mga Tanong para sa Talakayan

◻ Ano ang ilang mga dahilan kung bakit naghihiwalay ang mga magulang?

◻ Bakit marahil mahirap para sa iyong mga magulang na pag-usapan ang tungkol doon? Ano ang maaari mong gawin kung nagpapakita sila ng gayong pag-aatubiling magsalita?

◻ Bakit walang kabuluhan na manatili sa nakalipas o pangarapin na papagsamahin-muli ang iyong mga magulang?

◻ Anong positibong mga bagay ang maaari mong gawin upang matulungan ang iyong sarili na makalimutan ang paghihiwalay?

◻ Papaano mo pakikitunguhan ang galit na maaari mong madama sa iyong mga magulang?

[Kahon sa pahina 36, 37]

‘Sisira ba sa Aking Buhay ang Diborsiyo?’

Pagkalipas ng diborsiyo ng kanilang mga magulang, ang ilang mga kabataan ay tunay na sumisira sa kanilang mga buhay. Ang ilan ay gumagawa ng padalus-dalos na disisyon, gaya ng paghinto sa pag-aaral. Ang iba naman ay nagpapalabas ng kanilang niloloob na kabiguan at galit sa pamamagitan ng kapilyuhan​—na para bang pinarurusahan nila ang kanilang mga magulang dahil sa pagdidiborsiyo. Nagugunita ni Denny: “Nalungkot ako at namighati nang magdiborsiyo ang aking mga magulang. Nagsimula akong magkaproblema sa paaralan at bumagsak sa klase ng isang taon. Pagkatapos noon . . . ako’y naging komikero sa klase at nasangkot sa maraming pag-aaway.”

Ang nakagugulat na mga pag-uugali ay maaaring makakuha ng atensiyon ng mga magulang. Ngunit ano ang nagawa, hindi ba pinalubha lamang nito ang malubha nang situwasyon? Ang totoo, ang tanging pinarurusahan lamang ng maling gawa ay ang gumawa. (Galacia 6:7) Pagsikapang unawain na ang iyong mga magulang ay nagdurusa rin at ang waring pagpapabaya nila ay walang masamang hangarin. Ang pagtatapat ng ina ni Denny: “Tiyak na napabayaan ko ang aking mga anak. Pagkatapos ng diborsiyo ako’y gulung-gulo sa aking sarili, hindi ko talaga sila matulungan.”

Ang Bibliya ay nagpapayo sa Hebreo 12:​13: “Patuloy na lumakad sa matuwid na mga landas, upang ang pilay ay huwag nang lalo pang mapilayan.” Kahit na wala ang pagdisiplina ng magulang, walang dahilan para sa masamang asal. (Santiago 4:17) Balikatin ang responsabilidad ng iyong mga gawa at sanayin ang disiplina-sa-sarili.​—1 Corinto 9:27.

Iwasan din ang paggawa ng padalus-dalos na disisyon, gaya ng paglayas. “Ang matalino ay tumitinging mabuti sa kaniyang paglakad.” (Kawikaan 14:15) Kung ang iyong mga magulang ay waring abala upang pakinggan ka, bakit hindi ipakipag-usap ang iyong disisyon sa isang nakatatandang kaibigan?

Mangyari pa, marami ka pang mga bagay na inaalala tungkol sa iyong kinabukasan. Yamang ang iyong mga magulang ay bigo sa kanilang pag-aasawa, nararapat lamang na mag-alala ka rin tungkol sa iyong pag-asa na tamasahin ang isang matagumpay na pag-aasawa. Mabuti na lamang at ang kalungkutan ng pag-aasawa ay hindi namamana sa iyong mga magulang​—na tulad ng pekas. Ikaw ay isang walang-katulad na indibiduwal, at kung ano man ang kalalabasan ng iyong pag-aasawa sa hinaharap ay depende, hindi sa pagkabigo ng iyong mga magulang, kundi kung hanggang saan ninyo ikakapit ang Salita ng Diyos.

Maaaring ikaw ay makasumpong sa iyong sarili na nag-aalala sa mga bagay na dati’y hindi mo pinag-uukulan ng pansin​—pagkain, pananamit, tirahan, salapi. Ang mga magulang, gayunman, ay nagsisikap na humanap ng mga paraan upang tustusan ang kanilang mga anak pagkaraan ng diborsiyo, kahit na kailanganing si Inay ay kumuha ng sekular na trabaho. Gayumpaman, ang aklat na Surviving the Breakup ay makatotohanang nagbababala: “Ang dating sumusuporta sa isang pamilya noon ay kailangang sumuporta sa dalawang pamilya ngayon na napipilitang magbabâ sa pamantayan ng pamumuhay para sa bawat miyembro ng pamilya.”

Makabubuti, kung gayon, na sanayin ang sarili na wala ang mga bagay na dati mong kinalulugdan, tulad ng mga bagong damit. Subalit ang Bibliya ay nagpapaalaala sa atin: “Sapagkat wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at wala rin naman tayong mailalabas na anuman. Kaya, kung tayo’y may pagkain at pananamit na, masiyahan na tayo sa bagay na ito.” (1 Timoteo 6:​7, 8) Marahil ay makatutulong ka rin sa paggawa ng paraan tungkol sa bagong badyet ng pamilya. Alalahanin din na si Jehova ay “ama ng mga ulila.” (Awit 68:5) Makatitiyak ka na siya’y lubos na nagmamalasakit sa iyong mga pangangailangan.

Pumansin si Jeremias: “Mabuti nga sa tao na magpasan ng pamatok sa kaniyang kabataan.” (Panaghoy 3:27) Totoo, walang gaanong “kabutihan” sa pagmamasid sa paghihiwalay ng iyong mga magulang. Ngunit posible na gamitin ang negatibong karanasang ito sa iyong kabutihan.

Ang mananaliksik na si Judith Wallerstein ay pumansin: “Ang emosyonal at pangkaisipang pagsulong [sa mga anak ng diborsiyadong mga magulang] na binigyang-sigla ng naganap na krisis sa pamilya ay kahanga-hanga at nakapagpapakilos kung minsan. Ang mga kabataan . . . ay mahinahong nagsasaalang-alang ng mga karanasan ng kanilang mga magulang at humihila ng napag-iisipang mga konklusyon para sa kanilang sariling kinabukasan. Sinisikap nilang maiwasan ang mga pagkakamaling nagawa ng kanilang mga magulang.”

Hindi mapag-aalinlanganan, ang paghihiwalay ng iyong mga magulang ay tiyak na magdudulot ng bakas sa iyong buhay. Subalit kung ang bakas na iyon ay magiging naghihilom na pilat o nagnanaknak na sugat, nasasa iyo ang bagay na iyon.

[Larawan sa pahina 35]

Ang pagmamasid sa pagkawasak ng pagsasama ng iyong mga magulang ay maaaring maging pinakamasakit na karanasan na iyong maguguniguni

[Larawan sa pahina 38]

Ang pananatili sa mga alaala ng dating paraan ng pamumuhay ay makapamimighati lamang sa iyo