Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Papaano Ko Pakikitunguhan ang Muling-Pag-aasawa ng Aking mga Magulang?

Papaano Ko Pakikitunguhan ang Muling-Pag-aasawa ng Aking mga Magulang?

Kabanata 5

Papaano Ko Pakikitunguhan ang Muling-Pag-aasawa ng Aking mga Magulang?

“Ang araw na iyon nang pakasalan ni Itay si Rita ang siyang pinakamasamang araw sa aking buhay,” ang gunita ni Shane. “Galit na galit ako. Nagagalit ako kay Itay dahil sa kaniyang pagtataksil kay Inay. Nagagalit ako kay Inay dahil sa pagpasok sa paaralan ng abogasya at pag-iwan sa amin. Nagagalit ako sa dalawang bata, mga anak ni Rita, na titira sa aming bahay . . . Ngunit higit sa lahat, galit ako kay Rita . . . Kinasusuklaman ko siya. At sapagkat alam kong hindi tama ang masuklam, galit din ako sa aking sarili.”​—Stepfamilies​—New Patterns in Harmony, ni Linda Craven.

ANG muling pag-aasawa ng isang magulang ay nagwawasak ng pag-asa na ang iyong mga magulang ay magkabalikang-muli. Nadarama mong wala kang kapanatagan, dinaya ka, at naninibugho ka.

Ang muling-pag-aasawa ay lalo nang nakasasakit kung ito’y dahil sa pagkamatay ng isang mahal na magulang. “Ang pagkamatay ng aking Ina ay labis na nagpalungkot sa akin,” ang pag-amin ng 16-na-taóng si Missy. “Inakala ko na inaagaw ng mapapangasawa ni Itay ang dako ni Inay kaya naging masungit ako sa kaniya.” Tapat sa iyong tunay na magulang, maaaring makadama ka ng kasalanan kung unti-unting makadama ka ng pagmamahal sa iyong pangalawang magulang.

Hindi katakataka, kung gayon, na ang maraming kabataan ay nagbubulalas ng sakit ng kanilang damdamin sa nakasisirang paraan. Ang ilan ay nagbabalak pa nga na sirain ang pagsasama ng kaniyang magulang at ng bagong asawa nito. Subalit tandaan, na ang iyong tunay na magulang at ang kaniyang bagong asawa ay nagsumpaan sa harap ng Diyos. “Kaya nga, ang pinapagsama ng Diyos ay huwag papaghiwalayin ng tao [o anak].” (Mateo 19:6) At kahit na mapaghiwalay mo sila hindi rin nito mapagsasamang-muli ang iyong tunay na mga magulang.

Ni walang dahilan upang maging laging kagalit ng pangalawang magulang. Ang Kawikaan 11:​29 ay nagbababala: “Siyang bumabagabag sa kaniyang sariling sambahayan ay magmamana ng hangin,” na iyon ay tungo sa wala. (New International Version) Ang hinanakit ng 15-taóng-gulang na si Gerri sa kaniyang madrasta ay humantong sa isang masaklap na pag-aaway. Ang resulta? Pinapili ng kaniyang madrasta ang ama ni Gerri sa kanilang dalawa. Si Gerri ay kinailangang bumalik sa kaniyang tunay na ina​—na kasal na rin sa iba.

Tumutulong ang Pag-ibig Upang Makayanan Mo

Ano ang lihim upang makayanan mo ang muling-pag-aasawa ng iyong magulang? Ang pagtupad sa may prinsipyong pag-ibig tulad ng inilalarawan sa 1 Corinto 13:​4-8:

Ang pag-ibig ‘ay hindi humahanap sa sariling kapakanan.’ Nangangahulugang ‘hinahanap hindi ang sariling kabutihan, kundi ang sa ibang tao.’ (1 Corinto 10:24) Kung ang isang magulang ay nagpasiya na kailangan niyang muli ang pakikisama ng isang asawa, dapat mo bang ipaghinanakit ito?

“Ang pag-ibig ay hindi nananaghili.” Madalas na hindi gusto ng mga kabataan na may kasalo sila sa pagmamahal ng kaniyang tunay na magulang. Ngunit hindi kailangang matakot na baka magkulang ng pag-ibig ang iyong mga magulang, sa dahilang ang pag-ibig ay napalalawak. (Ihambing ang 2 Corinto 6:​11-13.) Maaaring mapalawak ng iyong tunay na magulang ang kaniyang pag-ibig sa pagsasali ng isang bagong kasama nang hindi naman nababawasan ang pagtingin sa iyo! Mabubuksan mo ba ang iyong puso upang isali ang pangalawang magulang? Ang paggawa nito ay hindi kailanman mangangahulugan na hindi ka tapat sa iyong nawalay na magulang.

Ang pag-ibig “ay hindi nag-uugaling mahalay.” Ang pakikisama sa mga bagong kinakapatid na kaibang sekso ay maaaring lumikha ng igting sa moral. Sa pag-uulat, ang bawal na relasyong seksuwal sa mga miyembro ng pamilya ay nagaganap sa 25 porsiyento ng pangalawang-pamilya.

Ang sabi ni David, na kung saan ang muling pag-aasawa ng kaniyang ina ay nagdala ng apat na tinedyer na kinakapatid na babae sa bahay, “Kinakailangan ang paglalagay ng isang mental na pagpipigil may kinalaman sa seksuwal na pakiramdam.” Maaaring naisin mo na mag-ingat upang maiwasan ang di-kinakailangang labis na pagkamalapit, na tinitiyak na ang iyong pananamit o ang iyong kilos ay hindi nakapupukaw sa seksuwal na paraan.​—Colosas 3:5.

Ang pag-ibig “ay nagbabata sa anumang bagay . . . Nagbibigay sa atin ng lakas upang magtiis sa anumang bagay.” (Salin ni Charles B. Williams) Kung minsan para bang wala nang makalulunas ng iyong masaklap na nararamdaman. Inamin ni Marla: “Nararamdaman kong wala na akong dako sa tahanan. Sinabi ko pa man din sa aking nanay na sana’y hindi na ako ipinanganak.” Nagrebelde si Marla at lumayas! Gayunman, ganito ang sabi niya ngayon: “Ang pinakamabuti ay ang magtiis.” Kung ikaw ay magtitiis din, darating ang panahon na ang pait, pagkalito at hapdi na sa pasimula’y nadama mo ay huhupa.

‘Hindi Naman Ikaw ang Aking Tunay na Ina/Ama!’

Ang pagpapasailalim sa disiplina ng isang bagong magulang ay hindi madali, at kung ang pangalawang magulang ay magsabing gawin ang isang bagay, nakatutukso na bumulalas ng ganito, ‘Hindi naman ikaw ang aking tunay na ina/ama!’ Ngunit gunitain ang prinsipyo na nakasaad sa 1 Corinto 14:​20: “Magsilaki sa pag-iisip.”​—The Holy Bible in the Language of Today, ni William Beck.

Ang pagtanggap sa karapatan ng iyong pangalawang magulang na disiplinahin ka ay isang paraan na nagpapakitang ikaw ay ‘lumaki na sa iyong pag-iisip.’ Siya ay gumaganap sa tungkulin ng isang tunay na magulang at karapatdapat lamang sa iyong paggalang. (Kawikaan 1:​8; Efeso 6:​1-4) Sa panahon ng Bibliya si Esther ay pinalaki ng isang umampon na ama, o “katiwala,” nang mamatay ang kaniyang mga magulang. Bagaman hindi siya ang kaniyang tunay na magulang, si Mardocheo ay ‘nagbigay ng mga utos sa kaniya,’ na kaniyang tinupad kahit na nasa hustong edad na siya! (Esther 2:​7, 15, 17, 20) Ang totoo, ang disiplina ng pangalawang magulang ay karaniwan nang isang pagpapahayag ng kaniyang pag-ibig at pagmamalasakit para sa iyo.​—Kawikaan 13:24.

Gayunman, magkakaroon pa rin ng nararapat na mga reklamo. Kung magkagayon, patunayan ang sarili na ‘lumaki na’ sa pamamagitan ng pagsunod sa Colosas 3:​13: “Patuloy na magbata ng mga kahinaan ng isa’t isa at saganang magpatawaran sa isa’t isa kung ang sinuman ay may reklamo laban sa kaninuman.”

Matutong Mamahagi, Matutong Makipagkasundo

Nang ang 15-taóng-gulang na si Jamie ay nag-iisang kasama ng kaniyng ina, may sarili siyang silid at nagbibihis ng mamahaling mga damit. Nang muling mag-asawa ang kaniyang ina at masumpungan niya ang kaniyang sarili sa isang pamilyang may apat na anak, nagbago ang mga bagay-bagay. “Ngayon ay ni wala akong sariling silid,” ang panaghoy niya. “Kailangan kong ibahagi ang lahat ng bagay.”

Maaaring kailanganin ding ipaubaya ang iyong katayuan bilang pinakamatanda o kaisa-isang anak. Kung ikaw ay nag-iisang anak na lalaki, sa mahabang panahon ay maaaring ikaw ang pinakaama ng tahanan​—isang katayuan na ngayon ay ginagampanan na ng iyong amain. O kung ikaw naman ay nag-iisang anak na babae, maaaring parang magkapatid kayo ng iyong ina, natutulog sa isang silid, ngunit ngayon ay kinailangang lumipat ka dahil sa iyong amain.

“Makilala nawa ang inyong pagkamakatuwiran ng lahat ng tao,” ang payo ng Bibliya. (Filipos 4:5) Ang orihinal na salitang ginamit ay nangangahulugang “magbigay” at nagpapahiwatig ng espiritu ng isa na hindi nagpupumilit sa lahat ng kaniyang ayon sa batas na mga karapatan. Kaya, subukang maging mapagbigay, makipagkasundo. Gawing pinakamabuti ang iyong bagong kalagayan, at iwasan ang pananatili sa nakaraan. (Eclesiastes 7:10) Mamahagi sa iyong mga kinakapatid, na hindi sila itinuturing na iba. (1 Timoteo 6:18) Kung mas maaga mo silang maituturing na tunay mong mga kapatid, lalong madaling yayabong ang inyong mga damdamin sa isa’t isa. At kung tungkol naman sa bagong ama ng tahanan, huwag kang maghinanakit sa kaniya. Matuwa ka at naroroon siya upang tumulong na balikatin ang mga responsibilidad sa sambahayan.

Pagtagumpayan ang Di-Parehas na Pakikitungo

Pagkatapos na amining ang kaniyang amain ay nagpapakita ng pag-ibig, isinusog ng isang batang babae: “Ngunit may pagkakaiba. Higit ang kaniyang inaasahan, higit na dumidisiplina, may kaunting pang-unawa lamang sa amin . . . kaysa sa pagturing niya sa kaniyang mga tunay na anak na kasing-edad namin. Ito’y masakit para sa amin.”

Unawain na ang pangalawang magulang ay hindi magkakaroon ng pagtingin sa isang anak ng pangalawang asawa na tulad sa kaniyang sariling anak. Dahilan ito, hindi lamang sa magkatulad sila ng dugo kundi lalo na dahil sa pinagsaluhang karanasan sa buhay. Kung sa bagay, kahit na ang isang tunay na magulang ay mas mahal ang isang anak kaysa sa iba. (Genesis 37:3) Mahalaga, kung gayon, na alamin ang pagkakaiba ng parehas at makatarungan. Ang mga tao ay may kani-kaniyang personalidad at magkakaibang pangangailangan. Kaya sa halip na masyadong mag-intindi kung kayo man ay pinakikisamahan nang parehas, alamin mo kung ang iyong pangalawang magulang ay nagsisikap na maibigay ang iyong mga pangangailangan. Kung nakikita mong ito’y hindi naisasagawa, kung gayon may katuwiran ka na ipakipag-usap ito sa iyong pangalawang magulang.

Ang iyong mga kinakapatid ay maaari ring pagmulan ng pag-aaway. Huwag kalilimutan na sila man ay nahihirapan din sa pagsasanay sa situwasyon ng pangalawang-pamilya. Marahil ay galit din sila sa iyong pagpasok sa kanilang pamilya. Kaya gawin ang lahat ng magagawa na maging mabait. Kung hindi ka pansinin, subuking ‘daigin ng mabuti ang masama.’ (Roma 12:21) Bukod dito, hindi naman kataka-taka na kahit ang tunay na magkakapatid sa pana-panahon ay nag-aaway.​—Tingnan ang Kabanata 6.

Nagbubunga ng Mabuti ang Pagtitiis

“Mas maigi ang wakas ng isang bagay kaysa pasimula niyaon. Mas maigi ang isang matiisin kaysa isang mapagpalalo.” (Eclesiastes 7:8) Karaniwan na, nangangailangan ng maraming taon bago mapaunlad ang pagtitiwala hanggang sa punto na ang mga miyembro ng pangalawang pamilya ay makadama ng tunay na ginhawa sa isa’t isa. Sa panahong iyon lamang na ang mga magkakaibang mga kaugalian at kaasalan ay mapagsasama hanggang sa maging mabisang rutina. Kaya maging matiisin! Huwag asahan na magkakaroon agad ng “dagliang pag-ibig” o na iiral agad ang isang “dagliang pamilya.”

Nang mag-asawang-muli ang nanay ni Thomas, hindi siya mapalagay. Ang kaniyang nanay ay may apat na anak, at ang lalaking kaniyang pinakasalan ay may tatlo. “Mayroon kaming kagalitan, pagtatalo, pagkalansag, malubhang emosyonal na igtingan,” isinulat ni Thomas. Papaano napagtagumpayan ito? “Sa pamamagitan ng pagkakapit ng mga prinsipyo ng Bibliya, ang mga bagay-bagay ay nalutas; hindi laging karakaraka, subalit sa pamamagitan ng panahon at pagkakapit ng mga bunga ng espiritu ng Diyos, ang situwasyon ay napabubuti.”​—Galacia 5:​22, 23.

Na ang pagtitiwala sa mga prinsipyo ng Bibliya ay nagdudulot ng tagumpay sa isang pangalawang pamilya ay ipinakikita sa mga karanasan ng mga sumusunod na mga kabataan na aming kinapanayam:

Mga Kabataan sa Isang Tagumpay na Pangalawang Pamilya

Tagapanayam: Papaano mo naiwasan ang pagkagalit sa disiplina ng iyong pangalawang magulang?

Lynch: Ang aking nanay at amain ay laging magkasama sa pagdidisiplina. Kung may nangyaring isang bagay, silang dalawa ang nagpapasiya sa dapat na gawin, kaya nang ako’y mapalo, alam kong galing sa dalawa iyon.

Linda: Naging mahirap sa pasimula sapagkat sinasabi kong, “Ano ang karapatan mong sabihin ito sa akin?” Subalit naalaala ko ang sinasabi ng Bibliya na ‘Igalang mo ang iyong ina at ama.’ Kahit na hindi ko siya tunay na ama, sa paningin ng Diyos siya pa rin ang aking ama.

Robin: Alam kong masasaktan nang gayon na lamang ang aking ina kung maghihinanakit ako sa taong inibig niya.

Tagapanayam: Ano ang nagpapaunlad sa mabuting pakikipag-usap?

Lynch: Kailangang maging interesado ka sa ginagawa ng iyong pangalawang magulang. Tinutulungan ko siya sa kaniyang sekular na trabaho. At samantalang gumagawa kami ay nag-uusap kaming palagi. Tumulong ito sa akin upang malaman ang nasa isipan niya. Sa ibang pagkakataon ako’y nauupong kasama niya at nag-uusap kami ng ‘kung anu-ano.’

Valerie: Ako at ang aking madrasta ay laging magkasama, at tunay na nauunawaan ko siya. Naging matalik kaming magkaibigan.

Robin: Namatay ang tatay ko isang taon lamang bago ang muling pag-aasawa ni Inay. Tumanggi akong mapalapit sa aking pangalawang ama sapagkat ayaw kong palitan niya ang aking tatay. Nanalangin ako na nawa’y tulungan ako ng Diyos na malimutan ang pagkamatay ni Itay at mapalapit sa aking amain. Nanalangin ako, at nanalangin at nanalangin. Sinagot ni Jehova ang mga panalanging ito.

Tagapanayam: Ano ang ginawa mo upang mapalapit?

Valerie: Kung minsan niyayakag ko ang aking madrasta na manood ng sine​—kami lamang dalawa. At kung ako’y lumalabas, ibinibili ko siya ng mga bulaklak o plorera, isang bagay na magpapakitang naaalaala ko siya. Tunay na pinahalagahan niya ito.

Eric: Kailangang hanapin mo ang isang bagay na kapuwa ninyo kinalulugdan. Ang isang bagay lamang na ikinatulad naming dalawa ay na siya’y kasal sa aking ina at nakatira kami sa isang bahay. Ang malaking tulong ay dumating nang magsimula akong maging interesado sa Bibliya na katulad niya. Habang napapalapit ako kay Jehova, lalo akong napapalapit sa aking amain. Ngayon ay kapuwa na kami may iisang magkatulad na bagay!

Tagapanayam: Papaano ka personal na nakinabang?

Robin: Nang ako lamang ang kasama ni Inay, ako’y mapaghimagsik at laki sa layaw. Ako lagi ang nasusunod. Ngayon ay natuto akong maging makonsiderasyon sa iba at hindi maramot.

Lynch: Tinulungan ako ng aking amain na mag-isip na tulad sa isang tunay na lalaki. Tinulungan niya akong magkaroon ng kasanayan at matutong gamitin ang aking mga kamay. Kung may problema at kailangan ko ang kasama, naroroon siya. Oo, siya ang pinakadakilang ama na maaaring matamo ng isa.

Mga Tanong para sa Talakayan

◻ Ano ang nadarama ng maraming kabataan kapag nag-asawang-muli ang kanilang mga magulang? Bakit?

◻ Papaanong ang pagpapakita ng Kristiyanong pag-ibig ay makatutulong sa kabataan na makapagtagumpay?

◻ Kailangan bang sumunod ka sa disiplina ng iyong pangalawang magulang?

◻ Bakit mahalaga na malaman mo kung papaano makipagkasundo at mamahagi?

◻ Makaaasa ka ba ng magkakatulad na pakikitungo sa iyong mga kinakapatid? Ano kung inaakala mong pinakikitunguhan ka nang walang katarungan?

◻ Ano ang ilang mga bagay na maaari mong gawin upang makasundo mo ang iyong pangalawang magulang?

[Blurb sa pahina 45]

“Inakala ko na inaagaw ng mapapangasawa ni Itay ang dako ni Inay kaya naging masungit ako sa kaniya”

[Larawan sa pahina 43]

Ang muling-pag-aasawa ng isang magulang ay nagpapaningas ng mga damdamin ng pagkagalit, kawalan ng kapanatagan, at paninibugho

[Larawan sa pahina 46]

Ang disiplina mula sa pangalawang magulang ay karaniwan nang pinaghihinanakitan