Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Ako Lubhang Mahiyain?

Bakit Ako Lubhang Mahiyain?

Kabanata 15

Bakit Ako Lubhang Mahiyain?

“LAHAT ay nagsasabing maganda raw ako,” ang isinulat ng isang kabataang babae sa isang pitak sa pahayagan. Gayunman siya’y patuloy na nagsabi: “May problema ako sa pakikipag-usap sa mga tao. Kapag ako’y tumingin sa mga mata ng aking kausap habang ako’y nagsasalita, namumula ang aking mukha at nahihirinan ako . . . Sa trabaho ay palagi kong naririnig na ‘suplada’ ako sapagkat hindi ako nakikipag-usap kahit kanino. . . . Hindi ako suplada, nahihiya lamang ako.”

Ang isang surbey ay nagpakita na 80 porsiyento ng mga tinanong ay nakaranas ng pagkamahiyain sa kanilang buhay, at 40 porsiyento ang sa ngayon ay nagpapalagay sa kanilang sarili na mahiyain. Tunay, ang pagiging mahiyain ay karaniwan na sa mga tao kahit noong unang mga panahon. Ang Bibliya ay nagsasabi sa atin na si Moises ay nahihiyang tanggapin ang pagiging tagapagsalita ng Diyos sa harap ng bansa ng Israel. (Exodo 3:​11, 13; 4:​1, 10, 13) Lumilitaw din, na ang Kristiyanong alagad na si Timoteo ay mahiyain at kimi sa pagsasalita at sa wastong pagsasagawa ng kaniyang autoridad.​—1 Timoteo 4:​12; 2 Timoteo 1:​6-8.

Kung Ano ang Pagkamahiyain

Ang pagkamahiyain ay ang pagiging di-mapalagay kapag kasama ng mga tao​—mga di-kilala, sa mga autoridad, mga taong hindi kasekso, o maging ang iyong mga kasamahan. Iyon ay ang malubhang pag-aalalá sa sariling katayuan na nakaaapekto sa mga biktima sa iba’t ibang paraan. Ang ilan ay nangingimi; na may mga matang nakatingin sa ibaba at kumakabang dibdib, hindi sila makapagsalita. Ang iba’y nawawala sa sarili at nagiging masalita. Gayunman ang iba’y nahihirapang magsabi ng kanilang sariling mga opinyon o mga kagustuhan.

Ngunit ang totoo, may kabutihang dulot din naman ang pagkakaroon ng isang sukat ng kahihiyan. Iyo’y kahawig ng kahinhinan at kapakumbabaan, at ang isa sa mga tinitingnan ng Diyos at pinupuri ay ang ‘pagiging mahinhin sa paglakad kasama niya.’ (Mikas 6:8) Mayroon pang higit na kapakinabangan sa pagiging maingat at mababang-loob, kaysa sa pagiging dominante at sobrang mapusók. Ang isang mahiyaing tao kadalasa’y isang mabuting tagapakinig. Subalit kapag ang pagkamahiyain ay humahadlang at pumipigil sa atin na maibigay ang ating buong makakaya at pumipinsala sa ating mga pakikisama, gawain, at damdamin, panahon na para lutasin iyon!

Una’y mabuti ang maunawaan kung ano ang problema. (Kawikaan 1:5) Ang pagkamahiyain ay hindi naglalarawan ng kung ano ka; inilalarawan nito ang iyong ugali, ang iyong reaksiyon sa mga pangyayari, ang kinagawiang iyong natutuhan na at pinatibay na ng mga karanasan sa iba. Iniisip mong ang iba’y gumagawa ng mga negatibong paghatol sa iyo, na hindi ka nila gusto. Iniisip mong ang iba’y mas mahusay o mas normal kaysa sa iyo. Iniisip mong walang mangyayari kung susubukin mong makipag-ugnayan sa ibang tao. Inaasahan mong ang mga bagay-bagay ay mapapasamâ, at madalas ngang iyon ang nangyayari​—sapagkat ninenerbiyos ka at kumikilos ka nang ayon sa iyong mga inaakala.

Kung Papaanong ang Pagkamahiyain ay Nakaaapekto sa Iyong Buhay

Ang paglayo, ang hindi pakikipag-usap, o ang pagiging masyadong okupado sa iyong sarili na hindi mo na binibigyan ng atensiyon ang iba, ay maaaring mag-iwan ng impresyon na ikaw ay suplado, hindi palakaibigan, nababagot, o walang-pakialam o walang kabatiran man. Kapag ang iyong isipan ay nakaukol sa iyong sarili, mahirap harapin nang lubusan ang kasalukuyang pinag-uusapan. Kaya hindi mo gaanong naiintindihan ang impormasyon na iyong tinatanggap. Dahil dito ang iyong kinatatakutan ang madalas na nangyayari​—nagmumukha kang hangal.

Sa diwa, ikinulong mo na ang iyong sarili sa bilangguan ng pagkamahiyain at itinapon mo na ang susi. Hinayaan mong lumampas ang mga pagkakataon. Tinatanggap mo ang mga bagay o mga situwasyon na sa totoo’y ayaw mo​—dahil lamang sa natatakot kang mangatuwiran at sabihin ang iyong opinyon. Nalugi ka sa kaligayahan ng pakikipagkilala sa mga tao at pagkakaroon ng mga kaibigan o ng paggawa ng mga bagay na magpapabuti ng iyong buhay. Subalit ang iba ay lugi rin. Hindi nila kailanman nakilala ang tunay na pagkatao mo.

Pagdaig sa Pagkamahiyain

Sa pamamagitan ng panahon at pagsisikap, ang pag-uugali ay maaaring baguhin. Una sa lahat, huwag mo nang isipin na sinusukat ka ng kapuwa mo. Kaypala’y abalang-abala siya sa pag-iintindi sa sarili at kung ano ang kaniyang sasabihin at gagawin. At kung ang taong yaon ay mang-iinis sa iyo, unawain na siya ang may problema. “Siyang humahamak sa kaniyang kapuwa ay walang karunungan.” (Kawikaan 11:​12, Revised Standard Version) Yaong mga karapatdapat na maging kaibigan ay hahatol hindi sa panlabas na kaanyuan kundi sa kung anong uri ng tao ka.

Gayundin, subuking maging positibo. Walang sinumang sakdal; lahat tayo ay may kani-kaniyang mga kalakasan at mga kahinaan. Tandaan, mayroong iba’t ibang paraan ng pagtingin sa mga bagay-bagay, iba’t ibang kagustuhan at di-kagustuhan. Ang pagkakaiba ng opinyon ay hindi nangangahulugan ng pag-ayaw sa iyo bilang isang tao.

Pag-aralan ding maging makatuwiran sa paghatol sa iba. Isang dating mahiyaing lalaki ay nagsasabi: “Natuklasan ko ang dalawang bagay tungkol sa aking sarili . . . Una, masyado akong makasarili. Iniisip kong mabuti ang tungkol sa aking sarili, nag-aalala sa kung ano ang inisip ng tao sa aking sinabi. Pangalawa, nag-iisip ako nang masama sa ibang tao​—walang tiwala sa kanila at nag-iisip na mamaliitin nila ako.”

Ang kabataang lalaki ay dumalo sa isang pagpupulong ng mga Saksi ni Jehova. “Nakapakinig ako ng isang paksang totoong nakatulong sa akin,” natatandaan niya. ‘Ang tagapagsalita ay tumukoy na ang pag-ibig ay palakaibigan; na kung mayroon kang pag-ibig iniisip mo ang pinakamabuti tungkol sa tao, hindi ang pinakamasama. Kaya tinigilan ko na ang pag-iisip nang masama sa tao. Sinabi ko sa aking sarili: “Sila’y magiging maunawain, sila’y magiging mabait, sila’y magiging makonsiderasyon.” Nagsimula akong magtiwala sa tao. Napagtanto kong maaaring hindi ako maintindihan ng iba, ngunit ngayon ay naisip kong problema na nila iyon.’

“Natutuhan ko rin ang pangangailangang magsimulang magpakita ng pag-ibig sa isang masigasig na paraan​—ibigay pa ang aking sarili sa iba,” ang paliwanag niya. “Sinubukan ko muna iyon sa mga nakababata. Pagkatapos ay nagsimula akong dumalaw sa iba sa kanilang mga tahanan. Natuto akong maging alisto sa kanilang pangangailangan, mag-isip ng pagtulong sa kanila.” Sa gayon ay natutuhan niya ang katotohanan ng payo ni Jesus sa Lucas 6:​37, 38: “Huwag kayong magsihatol, at hindi kayo sa anumang paraan hahatulan; at huwag kayong magsisumpa, at hindi kayo sa aumang paraan susumpain. . . . Ugaliin ninyo ang pagbibigay, at kayo’y bibigyan ng mga tao. . . . Sapagkat sa panukat na inyong isinusukat ay doon din naman kayo susukatin.”

Pagpapasimula

Kaya matutong maging palakaibigan​—na magsabi ng kumusta at magsimula ng pakikipag-usap. Maaaring ito’y isa lamang komento sa lagay ng panahon. Tandaan: Mayroon ka lamang 50 porsiyento ng responsabilidad. Ang kalahati ay depende na sa kaniya. Kapag nagkamali ka sa pagsasalita, huwag kang makadama ng pagsisisi. Kapag pinagtawanan ka ng iba, matuto kang makitawa kasama nila. Ang pagsasabing “Hindi tama ang pagkakasabi ko” ay tutulong sa iyo upang magrelaks at magpatuloy sa pakikipag-usap.

Magbihis nang komportable, subalit tiyakin na ang iyong damit ay malinis at plantsado. Sa pagkaalam na maganda ang ayos mo ay makapagbabawas ng pangamba may kinalaman dito at magpapangyari sa iyong harapin nang lubusan ang pinag-uusapan. Tumayo nang tuwid​—pero relaks. Maging palakaibigan at ngumiti. Panatilihin ang pagtingin sa mga mata at tumango o kaya’y tumugon sa sinasabi ng kausap.

Kapag napapaharap sa isang mahirap na kalagayan, gaya ng pagsasalita sa harap ng karamihan, o isang interbiyu sa trabaho, dumating na handa hangga’t maaari. Sanayin antimano ang iyong sasabihin. Ang problema sa pagsasalita ay mapagtatagumpayan o mababawasan sa pamamagitan ng pagsasanay. Nangangailangan ng panahon, tulad din na kung nag-aaral ng anumang bagong mga kasanayan. Subalit habang nakikita mo ang mabuting mga resulta, mapalalakas pa ang iyong loob na magtagumpay.

Ang hindi dapat kaligtaan ay ang tulong na maaaring maibigay ng Diyos. Si Saul, ang unang hari ng sinaunang bansa ng Israel, ay lubhang mahiyain sa pasimula. (1 Samuel, kabanata 9 at 10) Subalit nang dumating ang panahon para kumilos, “ang espiritu ng Diyos ay suma kay Saul,” at nanguna siya sa mga tao tungo sa tagumpay!​—1 Samuel, kabanata 11.

Sa ngayon ang mga kabataang Kristiyano ay may pananagutang tulungan ang iba na matuto ng tungkol sa Diyos at sa kaniyang ipinangakong bagong sanlibutan ng katuwiran. (Mateo 24:14) Ang pagdadala ng mabuting balitang ito at ang pagkatawan sa pinakamataas na Autoridad sa buong uniberso ay tiyak na magdudulot ng pagtitiwala sa sarili at tutulong sa isa na alisin ang pagpapako ng pansin sa sarili. Makatitiyak ka, kung gayon, na kung tapat kang maglilingkod sa Diyos, pagpapalain ka niya at tutulungan kang mapagtagumpayan ang iyong pagkamahiyain.

Mga Tanong para sa Talakayan

◻ Ano ba talaga ang pagkamahiyain, at papaanong ang isang mahiyaing tao ay kumikilos sa harap ng iba? Totoo ba ito sa iyo sa ilang bahagi?

◻ Bakit ang isang mahiyaing tao ay nawawalan ng pagtitiwala sa sarili kapag kaharap ang ibang tao?

◻ Papaanong ang pagkamahiyain ay nagpapangyari sa isang tao na makaranas ng pagkalugi?

◻ Ano ang ilang paraan ng pagdaig sa pagkamahiyain? Ang ilan ba sa mga mungkahing ito ay naging mabisa sa iyo?

[Blurb sa pahina 121]

Ang taong mahiyain ay nagpapalampas ng mga pakikipagkaibigan at mga pagkakataon

[Kahon sa pahina 124]

Mapagtatagumpayan mo ang pagkamahiyain sa pamamagitan ng

Pagnanais na magbago at paniniwalang ang pagbabagong iyon ay posible

Pagpapalit sa negatibong kaisipan ng positibong pagkilos

Paglalagay ng makatotohanan at makahulugang mga tunguhin para sa iyong sarili

Pagkatutong magrelaks at makayanan ang pagkabalisa

Pag-iinsayo nang patiuna sa iyong gagawin

Pagtatamo ng pagtitiwala sa pamamagitan ng sunod-sunod na matagumpay na mga karanasan

Paggunita na umiiral ang pagkakaiba-iba ng opinyon at na ang iba ay nagkakamali rin

Pagsasanay upang mapasulong ang dating kakayahan at matuto pa ng mga bago

Pagpapalawak upang makapagpakita ng pag-ibig at makatulong sa iba

Pananamit nang maayos at pagkilos nang may pagtitiwala

Pananalig sa tulong na ibinibigay ng Diyos

Pakikisangkot sa mga Kristiyanong pagpupulong at pakikibahagi ng iyong pananampalataya sa iba

[Mga Larawan sa pahina 123]

Ang mahiyaing tao ay nag-aakala na ang iba’y hindi nag-iintindi sa kaniya

[Larawan sa pahina 125]

Matutong maging palakaibigan​—ngumiti, batiin ang iba, at magpatuloy sa pakikipag-usap