Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Ayaw Ko sa Aking Sarili?

Bakit Ayaw Ko sa Aking Sarili?

Kabanata 12

Bakit Ayaw Ko sa Aking Sarili?

“HINDI ko nadaramang ako’y natatangi,” ang panangis ni Louise. Ikaw rin ba, kung minsan ay nakadarama ng pagkainis sa iyong sarili?

Ang totoo, ang bawat isa ay nangangailangan ng isang antas ng pagpapahalaga sa sarili. Ito’y dati nang tinatawag na “ang sangkap na nagbibigay ng dangal sa pag-iral ng tao.” Karagdagan pa, ang Bibliya ay nagsasabi: “Ibigin mo ang iyong kapuwa tulad sa iyong sarili.” (Mateo 19:19) At kung ikaw ay naiinis sa iyong sarili, malamang na mainis ka rin sa iba.

‘Wala Akong Gawang Anumang Tama!’

Bakit nagkakaroon ka ng ganitong negatibong damdamin sa iyong sarili? Isang bagay, ang iyong mga limitasyon ay maaaring bumigo sa iyo. Lumalaki ka, at madalas na may panahon ng pagkaasiwâ na anupa’t ang paghuhulog ng mga bagay o pagsagi sa mga ito ay isang pang-araw-araw na kahihiyan. Pagkatapos pa, wala ka namang karanasan na tulad ng isang matanda upang makayanan ang mga pagkabigo. At sapagkat ang iyong “kakayahang umunawa” ay hindi pa sapat na nasasanay “sa pamamagitan ng paggamit,” hindi ka laging makagagawa ng pinakamatalinong disisyon. (Hebreo 5:14) Kung minsan ang akala mo ay wala kang gawang anumang tama!

Ang pagkabigong masapatan ang inaasahan ng magulang ay isa pa ring maaaring pagmulan ng mababang pagpapahalaga sa sarili. “Kapag ako’y nakakuha ng ‘A minus’ sa paaralan,” ang sabi ng isang kabataan, “itinatanong ng aking mga magulang kung bakit hindi ‘A’ at sinasabi nilang ako’y isang bigo.” Siyempre pa, likas sa mga magulang na pilitin ang kanilang mga anak na gawin ang pinakamagaling na magagawa nila. At kapag ikaw ay nagkulang sa makatuwirang mga inaasahan, tiyak na may maririnig ka tungkol doon. Ang payo ng Bibliya ay: “Anak ko, dinggin mo ang turo ng iyong ama, at huwag mong pabayaan ang kautusan ng iyong ina.” (Kawikaan 1:​8, 9) Sa halip na masiraan ng loob, maging handang tumanggap ng pamumuna at matuto mula roon.

Ngunit, papaano kung ang mga magulang mo ay gumawa ng di-makatuwirang paghahambing? (“Bakit hindi ka tumulad sa iyong nakatatandang kapatid, na si Paul? Lagi siyang honor student.”) Ang ganitong paghahambing, bagaman masakit nga sa oras na iyon, ay malimit na may katuwiran naman. Gusto lamang ng iyong mga magulang ang pinakamabuting bagay para sa iyo. At kung inaakala mong nagiging masyadong mahigpit ang iyong mga magulang sa iyo, bakit hindi ipakipag-usap sa kanila ang mga bagay-bagay nang mahinahon?

Pagpapaunlad ng Paggalang sa Sarili

Papaano mo mapalalakas ang humihinang pagpapahalaga sa sarili? Una, tingnang may katapatan ang iyong mga kabutihan at di-kabutihan. Matutuklasan mong marami sa iyong tinatawag na di-kabutihan ay di-naman gaanong mahalaga. Kumusta ang mga malulubhang kapintasan, gaya ng pagiging magagalitin o pagiging maramot? Maingat na gawan ng paraan ang problemang ito at ang iyong paggalang sa sarili ay tiyak na susulong.

Isa pa, huwag mong bulagin ang iyong sarili sa katotohanang mayroon ka nang taglay na kabutihan! Maaaring hindi mo iniisip na ang kakayahang makapagluto o magpalit ng gulong ay ganoong kahalaga. Ngunit ang isang taong gutóm o ang motoristang nasa kagipitan ay hahanga sa iyo sa pagkakaroon ng gayong kakayahan! Isaisip din ang iyong kagalingan. Ikaw ba’y palaaral? Pasensiyoso? Maawain? Bukas-palad? Mabait? Nahihigitan ng mga katangiang ito ang maliliit na mga kapintasan.

Makatutulong din na isaalang-alang ang maigsing listahang ito:

Maglagay ng makatotohanang mga tunguhin: Kung palaging mga bituin ang iyong tutudlain, mapait na pagkabigo lamang ang iyong sasapitin. Maglagay ng mga tunguhing kayang abutin. Ano kaya kung magsanay ka sa pagmamakinilya? Mag-aral na tumugtog ng instrumento o na magsalita ng ibang wika. Pasulungin o palawakin ang iyong pagbabasa. Ang paggalang sa sarili ay isang kapaki-pakinabang na bunga ng mahusay na paggawa.

Pagbutihin ang trabaho: Kung ang iyong gagawin ay mababang-uri ng gawa, hindi ka masisiyahan sa iyong sarili. Ang Diyos ay nasiyahan sa kaniyang likhang mga gawa at nagpahayag na ang mga yugto ng paglalang ay “mabuti” sa pagtatapos ng mga ito. (Genesis 1:​3-31) Ikaw man ay masisiyahan sa anumang gawain na iyong ginagawa sa tahanan o sa paaralan sa pamamagitan ng paggawa rito nang may kahusayan at buong pag-iingat.​—Tingnan ang Kawikaan 22:29.

Gawin ang mga bagay alang-alang sa iba: Ang paggalang sa sarili ay hindi matatamo kung uupo ka na lamang at pababayaan ang iba na maglingkod sa iyo. Sinabi ni Jesus na “sinumang ibig maging dakila . . . ay kailangang maging [isang] ministro,” o alipin, ng iba.​—Marcos 10:​43-45.

Halimbawa, ang 17-taóng-gulang na si Kim ay naglaan ng 60 oras bawat buwan ng mahabang bakasyon upang tulungan ang iba na pag-aralan ang mga katotohanan ng Bibliya. Ang sabi niya: “Iyon ay lalong nagpalapit sa akin kay Jehova. Tinulungan din ako niyaon na mapaunlad ang tunay na pag-ibig sa mga tao.” Malamang na ang maligayang kabataang babaing ito ay hindi magkukulang ng paggalang sa sarili!

Piliing mabuti ang iyong mga kaibigan: “Hindi mabuti ang aking relasyon sa aking sarili,” ang sabi ng 17-taóng-gulang na si Barbara. “Kapag ako’y kasama ng mga taong may tiwala sa akin, pinagbubuti ko ang aking gawa. Kapag ako’y binabale-wala ng mga kasama ko, nagiging asiwa ako.”

Ang mga taong mapagmataas o mapanghamak ay tunay na magiging dahilan upang mainis ka sa iyong sarili. Kaya pumili ng mga kaibigang tunay na interesado sa iyong kapakanan, mga kaibigang magpapatibay sa iyo.​—Kawikaan 13:20.

Gawing pinakamalapit na kaibigan ang Diyos: “Si Jehova ang aking malaking bato at matibay na moog,” ang pahayag ng salmistang si David. (Awit 18:2) Ang kaniyang tiwala ay hindi nakasalalay sa kaniyang sariling kakayahan kundi sa kaniyang malapit na pakikipagkaibigan kay Jehova. Kaya naman, nang ang kagipitan ay humampas sa kaniya, napaglabanan niya ang mahigpit na pamimintas nang hindi nawawala ang kaniyang kahinahunan. (2 Samuel 16:​7, 10) Ikaw man ay “makalalapit sa Diyos” at sa gayo’y “magmapuri,” hindi sa sarili, kundi kay Jehova!​—Santiago 2:​21-23; 4:​8; 1 Corinto 1:31.

Walang Hantungan

Ang isang manunulat ay nagsabi: “Kung minsan ang kabataan na may mahinang pagkatao at mababang pagtingin sa sarili ay sumusubok na magbalatkayo upang siyang iharap sa mga tao.” Ang mga papel na ginagawa ng ilan ay pamilyar: Ang pagiging “sigà,” ang pagiging maharot na sosyal, ang may nakagugulat na pananamit na punk rocker. Ngunit sa likod ng balatkayo, ang mga kabataang yaon ay nakikipaglaban pa rin sa pagkadama ng pagkasilóng.​—Kawikaan 14:13.

Halimbawa, isaalang-alang silang mga nagsasagawa ng kahalayan “upang iwaksi ang pagkadama ng pamimighati, upang paunlarin ang paggalang sa sarili [sa pamamagitan ng pagkadama na sila’y minamahal], upang matamo ang matalik na pakikisama at, sa pamamagitan ng pagdadalantao, ay makamit ang pagmamahal at walang alinlangang pagtanggap ng isa pang nilalang​—ang isang sanggol.” (Coping With Teenage Depression) Ang isang nagising sa katotohanang kabataang babae ay sumulat: “Sinubukan kong ipalit ang seksuwal na pakikipagtalik bilang isang kaaliwan, sa halip na bumuo ng isang matibay na relasyon sa aking Maylikha. Ang lahat ng aking ginawa ay kahungkagan, kapanglawan at higit na pamimighati.” Mag-ingat kung gayon, sa ganitong kawalan ng kahahantungan.

Isang Babalang-Salita

Kapansin-pansin, ang Kasulatan ay madalas na nagbababala laban sa pag-iisip ng totoong matayog sa sarili! Bakit nga gayon? Sa malas ay sa dahilang karamihan sa atin, sa ating pagsisikap na makamit ang pagtitiwala sa sarili, ay may pagkahilig na magmalabis. Ang marami ay nagiging malasarili at kitang-kitang ipinaghahambog ang kanilang mga kakayahan at abilidad. Ang iba naman ay itinataas ang sarili sa pamamagitan ng “pagtapak” sa iba.

Noong unang siglo, ang matinding tunggalian sa gitna ng mga Judio at mga Gentil (di-Judio) ay nagpahirap sa isang kongregasyon sa Roma. Kaya si apostol Pablo ay nagpaalaala sa mga Gentil na sa pamamagitan lamang ng “kabaitan” ng Diyos kung kaya’t sila’y “inihugpong” sa kalagayang sinasang-ayunan ng Diyos. (Roma 11:​17-36) Ang nag-aaring-matuwid sa sariling mga Judio ay nangailangan ding harapin ang kanilang di-kasakdalan. “Sapagkat ang lahat ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos,” ang sabi ni Pablo.​—Roma 3:23.

Hindi naman sila inalisan ni Pablo ng pagpapahalaga sa sarili sa halip kaniyang sinabi: “Sapagkat sa pamamagitan ng di-sana nararapat na awa na ibinigay sa akin ay sinasabi ko sa bawat isa riyan sa inyo . . . na huwag mag-isip sa kaniyang sarili nang totoong matayog kaysa nararapat niyang isipin.” (Roma 12:3) Kaya bagaman “nararapat” na magkaroon ng isang sukat ng paggalang sa sarili, ang isa ay hindi naman dapat magpakalabis may kinalaman dito.

Tulad ng napapansin ni Dr. Allan Fromme: “Ang isang taong may sapat na pagkaunawa sa kaniyang sarili ay hindi nalulungkot, ngunit hindi naman kailangang maging haling na haling sa galak. . . . Hindi siya negatibo, ngunit hindi naman siya nagpapakalabis sa kaniyang pagiging positibo. Hindi siya pangahas ni hindi rin naman libre sa anumang dapat katakutan . . . Natatanto niyang hindi siya laging tagumpay, ni hindi rin naman laging bigo.”

Kaya maging mapagpakumbaba. “Ang Diyos ay sumasalansang sa mga palalo, ngunit siya’y nagbibigay ng di-sana nararapat na awa sa mga mapagpakumbaba.” (Santiago 4:6) Kilalanin ang iyong mga kabutihan, ngunit huwag mong waling-bahala ang iyong mga pagkakamali. Sa halip, pasulungin ang mga yaon. Mag-aalinlangan ka pa rin sa iyong sarili sa pana-panahon. Subalit hindi mo kailanman dapat pag-alinlanganan ang iyong sariling halaga o na ang Diyos ay nagmamahal sa iyo. Sapagkat “kung ang sinuman ay umiibig sa Diyos, ay kilala niya ang gayon.”​—1 Corinto 8:3.

Mga Tanong para sa Talakayan

◻ Bakit ang ilang mga kabataan ay may negatibong damdamin sa kanilang sarili? Nauunawaan mo ba ang nadarama ng gayong kabataan?

◻ Papaano mo haharapin ang mga kahilingan ng iyong mga magulang?

◻ Ano ang ilang mga paraan upang mapaunlad ang paggalang sa sarili?

◻ Ano ang ilang mga pagsisikap sa pagpapaunlad ng pagpapahalaga sa sarili na walang kahahantungan?

◻ Bakit dapat mag-ingat na huwag mag-isip ng totoong matayog sa iyong sarili?

[Blurb sa pahina 98]

Ang pagpapahalaga sa sarili ay tinatawag na “ang sangkap na nagbibigay ng dangal sa pag-iral ng tao”

[Larawan sa pahina 99]

Ikaw ba’y nalulumbay, nakadarama ng pagkasilóng? May solusyon

[Larawan sa pahina 101]

Ang pagiging mayabang o hambog ay hindi lulutas sa mababang pagtingin sa sarili

[Larawan sa pahina 102]

Nakadarama ka ba kung minsan na wala kang gawang anumang tama?