Bakit Gayon na Lamang ang Aking Panlulumo?
Kabanata 13
Bakit Gayon na Lamang ang Aking Panlulumo?
Si Melanie ay namuhay na ayon sa mithiin ng kaniyang nanay para sa isang anak—hanggang sa sumapit siya ng 17-taóng-gulang. Pagkatapos siya’y huminto ng pagsali sa mga gawain sa paaralan, tumigil ng pagtanggap ng mga imbitasyon sa mga kasayahan, at waring hindi man lamang nababahala sa pagbaba ng kaniyang marka mula sa mga markang A tungo sa mga markang C. Nang malumanay na tanungin siya ng kaniyang mga magulang kung ano ang nangyayari, nagbargas siya na sinasabing, “Huwag ninyo akong pakialaman! Walang nangyayari.”
Si Mark, noong siya ay 14, ay pabigla-bigla at masungit, na may ugaling magagalitin. Sa paaralan siya ay di-mapakali at magulo. Kapag masama ang loob at galít, siya’y mabilis na tumatalilis sa iláng sakay ng kaniyang motorsiklo o kaya’y nagpapadagusdos sa matatarik na mga burol sa kaniyang ‘skateboard.’
KAPUWA sina Melanie at Mark ay dumanas ng magkatulad na uri ng karamdaman—panlulumo. Si Dr. Donald McKnew ng National Institute of Mental Health ay nagpapahayag na 10 hanggang 15 porsiyento ng mga batang mag-aarál ang dumaranas ng problema sa emosyon. Ang mas maliit na bilang ay dumaranas ng masidhing panlulumo.
Kung minsan ay may kinalaman sa biolohiya ang dahilan ng problema. Ang ilan ay sa impeksiyon o sakit tungkol sa mga glandula sa katawan, o hormonal na pagbabago ng siklo ng pagreregla, hypoglycemia, ilang mga paggagamot, pagkalantad sa nakalalasong mga metal o kemikal, mga reaksiyon ng allergy, hindi balanseng pagkain, anemya—lahat ng ito ay nagiging dahilan ng panlulumo.
Mga Panggigipit na Sanhi ng Panlulumo
Gayumpaman, ang mga taon ng kabataan mismo ang madalas na sanhi ng emosyonal na kaigtingan. Sa dahilang hindi pa nila taglay ang karanasan ng matatanda sa pagharap sa tagumpay at kabiguan ng buhay, ang isang kabataan ay mag-aakala na walang nagmamahal sa kaniya at sa gayo’y masasaktang lubos
sa mga bagay na masasabing pangkaraniwan lamang.Ang pagkabigong makasunod sa inaasahan ng mga magulang, mga guro, o mga kaibigan ay isa pang dahilan ng pagkalungkot. Si Donald, halimbawa, ay nakadama na kailangang magsumikap siya sa paaralan upang paluguran ang kaniyang mataas-ang-pinag-aralang mga magulang. Dahil sa pagkabigong magawa ito, siya’y nanlumo at nagnais magpatiwakal. “Wala na akong ginawang anumang tama. Lahat sila’y lagi kong binibigo,” ang daing ni Donald.
Na ang pagkadama ng pagkabigo ay maaaring makapanlumo ay maliwanag sa kaso ng isang lalaki na nagngangalang Epafrodito. Noong unang siglo, ang tapat na Kristiyanong ito ay sinugo sa isang espesyal na misyon na tulungan ang nakabilanggong si apostol Pablo. Subalit nang makarating siya kay Pablo ay nagkasakit siya—at si Pablo, sa halip, ang kinailangang mag-alaga sa kaniya! Maguguniguni mo, kung gayon, kung bakit nadama ni Epafrodito na siya’y isang bigo at siya’y “nanlumo.” Malamang na nakaligtaan na niya ang mabubuting bagay na nagawa niya bago siya nagkasakit.—Filipos 2:25-30.
Ang Pagkadama ng Kawalan
Sumulat si Francine Klagsbrun sa kaniyang aklat na Too Young To Die—Youth and Suicide: “Sa ugat ng maraming panlulumong dulot ng emosyon ay naroroon ang masidhing pagkadama ng kawalan, ng isa o ng bagay na labis na minamahal.” Kaya nga ang pagkawala ng isang magulang dahil sa kamatayan o diborsyo, ang pagkawala ng trabaho o propesyon, o kahit na lamang ang pagkawala ng pisikal na kalusugan ng isa ay maaaring siyang sanhi ng panlulumo.
Gayunman, ang isang nakapagwawasak na kawalan para sa
isang kabataan ay ang pagkawala ng pag-ibig, ang pagkadama na walang nagmamahal o nag-aaruga sa kaniya. “Nang kami’y iwan ng aking nanay nakadama ako na ako’y dinaya at napag-isa,” ang pagsisiwalat ng isang kabataang babaing si Marie. “Parang biglang-biglang nabaligtad ang aking mundo.”Gunigunihin, kung gayon, ang pagkalito at hapdi na nadarama ng ilang mga kabataan kapag napaharap sa mga problema sa pamilya gaya ng diborsyo, alkoholismo, pagtatalik ng magkamag-anak, pananakit ng asawa, pag-abuso sa bata, o basta’t pagpapabaya ng isang magulang na lunód na sa kaniyang sariling mga problema. Totoo ang kawikaan ng Bibliya: “Ikaw ba’y nasisiraan ng loob sa araw ng kagipitan? Ang lakas mo [pati na ang kakayahang labanan ang panlulumo] ay uunti”! (Kawikaan 24:10) Maaari pa man ding sisihin ng isang kabataan ang kaniyang sarili dahil sa mga problema ng kaniyang pamilya.
Pagkilala sa mga Sintomas
Mayroong iba’t ibang antas ng panlulumo. Ang isang kabataan ay maaaring pansamantalang masira ang loob dahil sa nakababahalang pangyayari. Ngunit karaniwan nang ang pananamlay ay madaling lumilipas.
Gayunman, kung ang panlulumo ay nananatili at ang kabataan ay may karaniwang negatibong damdamin kasama ng pagkadama ng kawalang-halaga, pagkabalisa, at galit, tutuloy ito sa tinatawag ng mga doktor na mababang antas ng panlulumo. Tulad ng ipinakikita ng mga karanasan nina Mark at Melanie (nabanggit sa pasimula), ang mga sintomas ay maaaring iba-iba. Ang isang kabataan ay maaaring atakihin ng pagkabalisa. Ang iba ay maaaring laging pagod, walang gana, nagkakaproblema sa pagtulog, bumababa ang timbang, o nakadaranas ng sunud-sunod na aksidente.
Ang ibang mga kabataan ay sumubok na itago ang panlulumo sa pamamagitan ng walang pakundangang kalayawan: walang katapusang party, kahalayan, paninira, labis na pag-inom ng alak, at mga katulad nito. “Hindi ko talaga maunawaan kung bakit kailangang lumabas akong palagi,” ang pag-amin ng isangKawikaan 14:13.
14-anyos na batang lalaki. “Basta ang alam ko kapag ako’y nag-iisa, ako lamang, sumasamâ ang aking pakiramdam.” Iyon ay katulad ng pagkakalarawan ng Bibliya: “Maging sa pagtawa man ang puso ay nagiging mapanglaw.”—Kapag Iyon ay Higit Pa sa Basta Pananamlay Lamang
Kapag ang mababang antas ng panlulumo ay pinabayaan, iyon ay susulong sa higit pang malubhang karamdaman—matinding panlulumo. (Tingnan ang pahina 107.) “Madalas na nadama kong parang ako’y ‘patay’ na,” ang paliwanag ni Marie, isang biktima ng matinding panlulumo. “Basta na lamang ako umiiral. Sa tuwina’y nakadarama ako ng pagkasindak.” Sa matinding panlulumo ang kalungkutan ay walang tigil at maaaring magpatuloy hanggang mga buwan. Dahil dito, ang uring ito ng panlulumo ang siyang malimit na dahilan ng pagpapatiwakal ng mga kabataan—na ngayo’y itinuturing na isang “natatagong epidemya” sa maraming mga bansa.
Ang namamalaging emosyon kaugnay ng matinding panlulumo—at siyang nakamamatay sa lahat—ay ang malubhang pagkadama ng kawalang-pag-asa. Si Propesor John E. Mack ay sumulat tungkol sa isang 14-na-taóng-gulang na si Vivienne, na biktima ng matinding panlulumo. Sa panlabas na hitsura ay isa siyang ganap na dalagita na may mapagmahal na mga magulang. Gayunman, udyok ng kawalang pag-asa, nagbigti siya! Isinulat ni Propesor Mack: “Ang di-pagkakita ni Vivienne na ang kaniyang panlulumo ay maaaring maibsan, na sa anu’t anuman
ay may pag-asa siyang makamtan ang kaginhawahan mula sa sakít, ang isang mahalagang salik sa kaniyang disisyon na kitlin ang sariling buhay.”Silang apektado ng matinding panlulumo kung gayon ay nag-aakala na hindi na sila gagaling pa, na wala nang kinabukasan. Ang gayong kawalang-pag-asa, sang-ayon sa mga eksperto, ay madalas na nagbubunsod sa pagpapatiwakal.
Ang pagpapatiwakal, gayunman, ay hindi siyang kasagutan. Si Marie na ang buhay ay nagmistulang isang masamang panaginip, ay umamin: “Naisipan kong magpatiwakal. Subalit napagtanto ko na hangga’t hindi ko kinikitil ang aking buhay ay may pag-asa.” Ang pagtapos sa lahat ay tunay na hindi makalulutas. Nakalulungkot, kapag napaharap sa kawalang-pag-asa, maraming mga kabataan ang hindi man lamang nagsasaisip ng mga paraan o ng posibilidad ng isang mabuting resulta. Si Marie sa gayon ay sumubok na itago ang kaniyang problema sa pamamagitan ng pag-iiniksiyon sa sarili ng heroin. Ang sabi niya: “Gayon na lamang ang aking pagtitiwala sa sarili—hanggang sa unti-unting nawala ang bisa ng droga.”
Pakikitungo sa Di-malubhang Karamdaman
May mga makatuwirang paraan ng pakikitungo sa panlulumo. “Ang ilang mga tao ay nanlulumo sapagkat sila’y nagugutom,” ang napansin ni Dr. Nathan S. Kline, isang espesyalista sa New York tungkol sa panlulumo. “Ang isang tao ay maaaring hindi kumain ng almusal at sa ilang mga kadahilanan ay hindi rin nakakain ng tanghalian. Kaya naman pagdating ng alas tres
siya’y nagtataka kung bakit hindi mabuti ang kaniyang pakiramdam.”Ang iyong kinakain ay may nagagawa rin. Si Debbie, isang kabataang babae na sinalot ng pagkadama ng kawalang-pag-asa, ay umamin: “Hindi ko natanto na ang mga junk food ay masama sa aking katawan. Kumakain ako ng marami niyaon. Ngayon ay napansin kong kapag kaunti lamang ang aking kinakaing matatamis, mas mabuti ang pakiramdam ko.” Iba pang nakatutulong na hakbangin: Ang ilang uri ng ehersisyo ay makapagpapasigla sa iyo. Sa ilang mga kaso, ang pagpapatingin sa doktor ay mabuti, yamang ang panlulumo ay maaaring isang palatandaan ng pisikal na karamdaman.
Ang Pagwawagi sa Pakikipaglaban sa Isip
Madalas na ang panlulumo ay sanhi o pinalulubha ng pagkakaroon ng negatibong kaisipan tungkol sa sarili. “Kapag maraming taong laging lumilibak sa iyo,” ang paghihinagpis ng 18-taóng-gulang na si Evelyn, “naiisip mong wala kang kakuwenta-kuwentang tao.”
Isaalang-alang: Ang ibang tao ba ang dapat na sumukat ng iyong kahalagahan bilang isang tao? Ang katulad ding panlilibak ang ibinunton kay apostol Pablo. Ang ilan ay nagsasabing isa siyang mahinang klase at hindi magaling magsalita. Nagpangyari ba ito na madama ni Pablo na siya’y walang-halaga? Hindi naman! Alam ni Pablo na ang pag-abot sa mga pamantayan ng Diyos ang siyang mahalagang bagay. Maaari niyang ipagmalaki ang kaniyang nagawa sa tulong ng Diyos—na hindi inaalintana2 Corinto 10:7, 10, 17, 18.
ang sinasabi ng iba. Maging ikaw man, kung alalahanin mong ikaw ay may katayuan sa Diyos, ang kalungkutan ay madalas na mawawala.—Ano kung ikaw ay nanlulumo dahilan sa ilang kahinaan o pagkakasalang iyong nagawa? “Bagaman ang inyong mga kasalanan ay mapatunayang matingkad na pula,” sinabi ng Diyos sa Israel, “yao’y magiging kasimputi ng niyebe.” (Isaias 1:18) Kailanman ay huwag kaligtaan ang pagkahabag at pasensiya ng ating makalangit na Ama. (Awit 103:8-14) Ngunit ikaw rin ba ay nagsisikap na mabuti na madaig ang iyong problema? Kailangang gawin mo ang iyong bahagi kung nais mong maibsan ang pagkabagabag ng budhi. Tulad ng sabi ng kawikaan: “Siyang nagpapahayag at nag-iiwan [ng kaniyang mga kasalanan] ay magtatamo ng kaawaan.”—Kawikaan 28:13.
Ang isa pang paraan upang mapaglabanan ang pananamlay ay ang paglalagay ng makatotohanang mga tunguhin para sa iyong sarili. Hindi kailangang maging pinakamagaling ka sa iyong klase sa paaralan upang maging tagumpay. (Eclesiastes 7:16-18) Tanggapin ang katotohanan na ang pagkabigo ay isang bahagi ng buhay. Kapag ito ay nangyari, sa halip na madamang, ‘Walang sinumang nababahala kung ano man ang mangyari sa akin at wala kailanman na mababahala,’ sabihin sa sarili, ‘Malilimutan ko rin ito.’ At walang masama kung umiyak ka man nang malakas.
Ang Kahalagahan ng Mahusay na Paggawa
“Ang kawalang-pag-asa ay hindi lumilipas sa ganang kaniyang sarili,” ang payo ni Daphne, ang isang nagtagumpay sa mga pakikipaglaban sa pagkasira ng loob. “Kailangang baguhin mo ang iyong pag-iisip o kaya’y gumawa ng ilang pisikal na mga gawain. Kailangang magsimula kang gumawa ng anumang bagay.” Isaalang-alang si Linda, na nagsabi habang nakikipaglaban sa pananamlay: “Lagi akong nananahi. Ginagawa ko ang aking mga damit at, pagkaraan, nalilimutan ko na ang bumabagabag sa akin. Talagang nakatutulong iyon.” Ang paggawa ng mga bagay na doo’y mahusay ka ay makapagpapasulong ng pagpapahalaga sa sarili—na malimit ay nawawala sa panahon ng panlulumo.
Makatutulong din ang pagsasagawa ng mga gawaing makapagbibigay
ng kaluguran sa iyo. Subuking mamili para sa iyong sarili, maglaro, magluto ng paborito mong pagkain, tumingin-tingin sa isang tindahan ng mga aklat, kumain sa labas, magbasa, kahit na lamang magbuo ng puzzle, katulad ng mga lumalabas sa magasing Gumising!Napag-alaman ni Debbie na sa pamamagitan ng pagpaplanong magbiyahe o paglalagay ng maliliit na tunguhin para sa kaniyang sarili, napagtatagumpayan niya ang panlulumo. Gayunman, ang pagtulong sa iba ay isa sa pinakamalaking tulong sa kaniya. “Nakilala ko ang isang kabataang babaing ito na gayon na lamang ang panlulumo, at sinimulan kong tulungan siya na mag-aral ng Bibliya,” ang pagtatapat ni Debbie. “Ang lingguhang pag-uusap na ito ay nagbigay sa akin ng pagkakataong sabihin sa kaniya kung papaano niya mapagtatagumpayan ang kaniyang panlulumo. Ang Bibliya ay nagbigay sa kaniya ng tunay na pag-asa. Ito’y nakatulong din naman sa akin.” Tulad ng sabi ni Jesus: “May higit na kaligayahan ang magbigay kaysa tumanggap.”—Gawa 20:35.
Ipakipag-usap sa Iba ang Tungkol Doon
“Ang pagkabalisa sa puso ng isang tao ay nagpapayuko roon, ngunit ang mabuting salita ay nagpapagalak.” (Kawikaan 12:25) Ang isang “mabuting salita” mula sa isang maunawaing tao ay tunay na may malaking magagawa. Walang sinumang tao ang makababasa ng iyong puso, kaya nga ibuhos mo ang laman niyaon sa isang taong mapagkakatiwalaan mo na may kakayahang makatulong. “Ang tunay na kaibigan ay mapagmahal sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganak para sa kagipitan,” sang-ayon sa Kawikaan 17:17. (The Bible in Basic English) “Kapag iyon ay itinago mo sa iyong sarili iyon ay katulad ng pagdadala ng isang mabigat na dalahin nang nag-iisa,” ang sabi ng 22-anyos na si Evan. “Ngunit kapag iyon ay ibinahagi mo sa iba na may kakayahang tumulong, magiging higit na magaang iyon.”
‘Ngunit nasubukan ko na iyan,’ maaaring sabihin mo, ‘at ang napalâ ko ay ang pagsabihan akong isipin na lamang ang masayang mga bagay.’ Saan ka, kung gayon, makakakita ng isang hindi lamang maunawaing tagapakinig kundi isa ring mabuting tagapayo?—Kawikaan 27:5, 6.
Paghahanap ng Tulong
Magsimula sa pamamagitan ng ‘pagbibigay ng iyong puso’ sa iyong mga magulang. (Kawikaan 23:26) Mas kilala ka nila kaysa ng iba, at lagi silang makatutulong kung pahihintulutan mo sila. Kung maunawaan nilang ang problema ay totoong malubha, maaaring magsaayos sila na tumanggap ka ng propesyonal na tulong. a
Ang mga miyembro ng Kristiyanong kongregasyon ay isa pang pinagmumulan ng tulong. “Sa loob ng ilang mga taon ako’y nagdahilan na walang sinuman ang tunay na nakaaalam kung gaano ang aking panlulumo,” ang pagtatapat ni Marie. “Ngunit nagtapat din ako sa isa sa nakatatandang mga babae sa kongregasyon. Siya’y napakamaunawain! Naranasan na rin niya ang ilan sa mga karanasan ko. Kaya ako’y napalakas na maunawaang ang ibang tao pala’y dumanas din ng ganitong mga bagay at napagtagumpayan nila yaon.”
Hindi, ang panlulumo ni Marie ay hindi naman nawala agad. Subalit unti-unti sinimulan niyang pagtagumpayan ang kaniyang emosyon samantalang pinalalalim niya ang kaniyang relasyon sa Diyos. Mula sa mga tunay na mananamba ni Jehova ikaw man ay makasusumpong ng mga kaibigan at “pamilya” na tunay na interesado sa iyong kapakanan.—Marcos 10:29, 30; Juan 13:34, 35.
Kapangyarihang Higit Kaysa Karaniwan
Ang pinakamakapangyarihang tulong sa pagwawaksi ng kalungkutan, gayunman, ay ang tinawag ni apostol Pablo na “kapangyarihang higit kaysa karaniwan,” na mula sa Diyos. (2 Corinto 4:7) Matutulungan ka niyang labanan ang panlulumo kung sasandig ka sa kaniya. (Awit 55:22) Sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu siya’y nagbibigay ng kapangyarihan na higit sa iyong karaniwang taglay.
Ang pakikipagkaibigang ito sa Diyos ay tunay na nakapagpapalakas. “Kapag ako’y may panahong nalulungkot,” ang sabi ng isang kabataang babaing si Georgia, “nananalangin akong lagi. Alam kong si Jehova ay maglalaan ng paraan gaano man kalubha ang aking problema.” Sumasang-ayon si Daphne, na nagdaragdag: “Puwede mong ipagtapat kay Jehova ang lahat. Basta ibuhos mo ang laman ng iyong puso at alam mo, bagaman hindi magagawa ng sinumang tao, siya’y tunay na nakauunawa sa iyo at nagmamalasakit sa iyo.”
Kaya kung ikaw ay nanlulumo, manalangin ka sa Diyos, at humanap ng isang matalino at maunawain na siya mong maaaring pagsabihan ng iyong nadarama. Sa Kristiyanong kongregasyon ay makatatagpo ka ng mga “nakatatandang lalaki” na mahuhusay na tagapayo. (Santiago 5:14, 15) Sila’y nakahandang tulungan kang panatilihin ang iyong pakikipagkaibigan sa Diyos. Sapagkat ang Diyos ay nakauunawa at inaanyayahan kang ilagak sa kaniya ang iyong kabalisahan “sapagkat kayo’y ipinagmamalasakit niya.” (1 Pedro 5:6, 7) Tunay, ang Bibliya ay nangangako: “Ang kapayapaan ng Diyos na di-masayod ng pag-iisip ay mag-iingat sa inyong mga puso at sa inyong mga kaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.”—Filipos 4:7.
[Talababa]
a Ang karamihan sa mga ekspertong manggagamot ay nagpapayo na ang mga biktima ng matinding panlulumo ay dapat tumanggap ng propesyonal na tulong dahilan sa panganib ng pagpapatiwakal. Halimbawa, baka kailangan ang mga gamot na tanging ang mga propesyonal na doktor lamang ang makapagbibigay.
Mga Tanong para sa Talakayan
◻ Ano ang ilang mga bagay na nagpapangyari sa isang kabataan na makadama ng panlulumo? Nakadama ka na ba ng katulad noon?
◻ Masasabi mo ba ang mga sintomas ng mababang antas ng panlulumo?
◻ Alam mo ba kung papaano makikilala ang matinding panlulumo? Bakit ito ay isang malubhang karamdaman?
◻ Sabihin ang ilang paraan ng pakikipaglaban sa pananamlay. Naging mabisa ba sa iyo ang ilan sa mga mungkahing ito?
◻ Bakit mahalagang ipakipag-usap ang mga bagay-bagay kapag ikaw ay malubhang nakadarama ng panlulumo?
[Blurb sa pahina 106]
Ang matinding panlulumo ay siyang malimit na dahilan ng pagpapatiwakal ng mga kabataan
[Blurb sa pahina 112]
Ang isang personal na pakikipagkaibigan sa Diyos ay makatutulong sa iyo upang harapin ang matinding panlulumo
[Kahon sa pahina 107]
Iyon Kaya ay Matinding Panlulumo?
Sinuman ay maaaring dumanas pansamantala ng isa o higit pa sa mga sumusunod na sintomas nang walang anumang malubhang problema. Gayunman, kapag ang maraming sintomas ay nagpapatuloy, o kung ang isa rito ay gayon na lamang kalubha anupa’t iyon ay nakahahadlang na sa iyong normal na mga gawain, ikaw ay maaaring nagtataglay ng (1) isang pisikal na karamdaman at nangangailangan ng masusing pagsusuri ng doktor o kaya’y (2) isang malubhang karamdaman sa isip—matinding panlulumo.
Walang Anumang Makapagbigay sa Iyo ng Kasiyahan. Hindi mo na matagpuan ang kasiyahan sa mga gawaing dati mong kinagigiliwan. Nadarama mong wala ka sa sarili, para bang nasa ulap ka at basta na lamang umiiral.
Lubusang Walang kabuluhan. Nadarama mong ang iyong buhay ay walang mahalagang maitutulong at lubusang walang silbi. Maaaring makadama ka na punung-puno ka ng kasalanan.
Biglang-biglang Pagbabago ng Emosyon. Kung noong minsan ay mahilig kang lumabas, maaaring ngayon ay hindi na o ang kabaligtaran. Baka madalas na lagi kang umiiyak.
Lubusang Walang pag-asa. Nadarama mong sumasamâ ang mga bagay-bagay, wala kang magawa tungkol doon, at ang mga kalagayan ay hindi na kailanman bubuti.
Nais Mong Sana’y Namatay Ka Na. Ang panggigipuspos ay gayon na lamang anupa’t madalas na naiisip mong mas mabuti pang namatay ka na.
Hindi Makapag-isip na Mabuti. Pulit-ulit mong iniisip ang isang bagay o nagbabasa ka nang hindi mo nauunawaan.
Pagbabago sa Kinaugaliang Pagkain o Pagdumi. Pagkawala ng gana o kaya’y pagkain nang sobra. Paulit-ulit na paghihirap sa pagdumi o kaya’y diyariya.
Pagbabago ng Kinaugaliang Pagtulog. Kaunti o kaya’y sobrang pagtulog. Madalas na nananaginip nang masama.
Kirot at Sakit. Sakit ng ulo, pulikat, at pananakit ng tiyan at dibdib. Laging nakadarama ka ng pagod nang walang mabuting dahilan.
[Larawan sa pahina 108]
Ang pagkabigong mamuhay ayon sa inaasahan ng mga magulang ng isa ay maaaring maging dahilan para sa isang kabataan na makadama ng panlulumo
[Larawan sa pahina 109]
Ang pakikipag-usap sa iba at pagbubuhos ng laman ng iyong puso ay isa sa pinakamabuting paraan upang makapanagumpay
[Larawan sa pahina 110]
Ang paggawa ng mga bagay-bagay para sa iba ay isa sa pinakamabubuting paraan upang mapaglabanan ang kalungkutan