Papaano Ko Maiwawaksi ang Aking Kapanglawan?
Kabanata 14
Papaano Ko Maiwawaksi ang Aking Kapanglawan?
Sabado ng gabi. Nag-iisang nakaupo ang batang lalaki sa kaniyang silid.
“Kinamumuhian ko ang mga dulung-sanlinggo!” ang sigaw niya. Subalit wala namang sinuman sa silid upang sumagot. Dinampot niya ang isang magasin at tiningnan ang larawan ng isang grupo ng mga kabataan na nasa tabing-dagat. Inihagis niya ang magasin sa dingding. Bumukal ang luha sa kaniyang mga mata. Kinagat niya ang kaniyang labi, ngunit ang luha ay di-mapigilan. Hindi na makayanan pang paglabanan yaon, dumapa siya sa kaniyang kama, humihikbi, “Bakit ako laging napag-iiwanan?”
IKAW ba ay nakadarama nang ganito kung minsan—hiwalay sa sanlibutan, nalulumbay, walang-silbi, at walang saysay? Kung oo, huwag mawalan ng pag-asa. Sa dahilang bagaman ang pamamanglaw ay hindi nakatutuwa, hindi naman iyon isang nakamamatay na sakit. Ang totoo, ang kapanglawan ay isang babala. Ang pagkagutom ay nagbababala sa iyong kailangan mo ang pagkain. Ang pamamanglaw ay nagbababala sa iyong kailangan mo ang kasama, ang pagiging malapít sa kapuwa, ang matalik na pakikisama. Kailangan natin ang pagkain upang makagawang mabuti. Gayundin, kailangan natin ang kasama upang maginhawahan.
Napagmasdan mo na ba ang isang latag ng nagbabagang uling? Kapag inihiwalay mo ang isang uling mula sa bunton, ang baga ng nag-iisang uling na yaon ay namamatay. Ngunit pagkatapos na
ibalik ang uling sa bunton, nagbabagang muli yaon! Sa pag-iisa, tayong mga tao sa katulad na paraan ay hindi “magbabaga,” o makagagawang mabuti, sa mahabang panahon. Ang pangangailangan ng kasama ay nasa atin nang kayarian.Nag-iisa Subalit Hindi Namamanglaw
Ang manunulat ng sanaysay na si Henry David Thoreau ay sumulat: “Hindi ko kailanman natagpuan ang isang kasama na totoong nakawiwili na gaya ng pag-iisa.” Sumasang-ayon ka ba? “Oo,” ang sabi ni Bill, edad 20. “Gusto ko ng kalikasan. Kung minsan ako’y sumasakay sa aking maliit na bangka at namamangka sa lawa. Nakaupo ako roon sa loob ng mahabang oras na nag-iisa. Nagbibigay iyon sa akin ng pagkakataong mapag-isipang mabuti ang aking ginagawa sa aking buhay. Tunay na napakabuti niyaon.” Ang 21-taóng-gulang na si Steven ay sumasang-ayon. “Nakatira ako sa isang malaking apartment,” ang sabi niya, “at kung minsan ako’y nagpupunta sa bubong ng gusali upang mapag-isa lamang. Nag-iisip ako at nananalangin. Nakagiginhawa yaon.”
Oo, kapag ginagamit nang tumpak, ang sandali ng pag-iisa ay makapagdudulot ng kasiyahan. Si Jesus man ay nagtamasa ng kasiyahan sa ganitong mga sandali: “Sa madaling araw, samantalang madilim pa, [si Jesus] ay nagbangon at lumabas at napasa isang dakong ilang, at doo’y nagsimula siyang manalangin.” (Marcos 1:35) Tandaan, hindi sinabi ni Jehova, ‘Hindi mabuti na ang lalaki ay sandaling mag-isa.’ Kundi, sinabi ng Diyos na hindi mabuti na ang lalaki “ay patuloy na mag-isa.” (Genesis 2:18-23) Ang mahabang panahon ng pag-iisa, kung gayon, ang siyang umaakay sa pamamanglaw. Ang Bibliya ay nagbababala: “Ang humihiwalay ay humahanap ng kaniyang sariling nasa; at nakikipagtalo laban sa lahat na magaling na karunungan.”—Kawikaan 18:1.
Pansamantalang Pamamanglaw
Kung minsan ang pamamanglaw ay dumarating sa atin dahil sa mga pagkakataong di-kayang pigilin, gaya ng pagiging malayo sa
matatalik na kaibigan dahilan sa paglipat sa bagong lugar. Natatandaan ni Steven: “Doon sa amin si James at ako ay magkaibigan, mas malapit pa kaysa magkapatid. Nang lumipat ako, alam kong madarama ko ang pagkawala niya.” Tumigil sandali si Steven, waring sinasariwa ang sandali ng paghihiwalay. “Nang kailangang sumakay na ako sa eroplano, nahirinan ako. Nagyakap kami, at umalis na ako. Nadama kong isang mahalagang bagay ang nawala.”Kumusta ang kalagayan ni Steven sa kaniyang bagong kapaligiran? “Napakahirap,” ang sabi niya. “Doon sa amin ay gusto ako ng aking mga kaibigan, ngunit dito ang ilan sa aking mga kasamahan sa trabaho ay nagpapangyaring madama kong wala akong kuwenta. Natatandaan kong tumitingin ako sa relo at bumibilang ako nang paurong ng apat na oras (iyan ang pagkakaiba ng oras) at iniisip ang maaari sanang ginagawa namin ni James sa mga sandaling iyon. Nakadama ako ng pamamanglaw.”
Kapag hindi nagiging mabuti ang mga bagay-bagay, madalas na inaalala natin ang mas maiiging araw na naganap noong nakaraan. Gayunman, ang Bibliya ay nagsasabi: “Huwag mong sabihin: ‘Bakit baga nangyaring ang mga nakaraang araw ay mas maigi kaysa mga ito?’” (Eclesiastes 7:10) Bakit kaya nagpayo nang ganito?
Isang bagay, ang mga pangyayari ay nagbabago para sa ikabubuti. Iyan ang dahilan kung bakit ang mga mananaliksik ay madalas na nagsasabi ng tungkol sa “pansamantalang pamamanglaw.” Maaaring mapagtagumpayan ni Steven ang kaniyang pamamanglaw. Papaano? “Ang pakikipag-usap sa isang nagmamalasakit
tungkol sa aking nadarama ay nakatulong. Hindi ka puwedeng mabuhay sa nakaraan. Pinilit ko ang aking sarili na makipagkilala sa ibang tao, magpakita ng interes sa kanila. May nagawa iyon; nakatagpo ako ng mga bagong kaibigan.” At kumusta naman si James? ‘Nagkamali ako. Ang paglipat ay hindi tumapos sa aming pagkakaibigan. Noong isang araw ay tinawagan ko siya sa telepono. Nag-usap kami nang tuluy-tuloy sa loob ng isang oras at 15 minuto.’Matinding Pamamanglaw
Gayunman, kung minsan, ang nakaiinis na kirot ng pamamanglaw ay nagpapatuloy, at para bang wala nang katapusan. Si Ronny, isang estudyante sa haiskul, ay nagkuwento: “Walong taon na akong pumapasok sa paaralan sa distritong ito, subalit sa loob ng panahong iyan hindi kailanman ako nagkaroon man lamang ng kahit isang kaibigan! . . . Walang nakaaalam kung ano ang aking nadarama at walang nagmamalasakit. Kung minsan naiisip kong hindi ko na talaga kaya!”
Tulad ni Ronny, maraming mga tinedyer ang nakadaranas ng tinatawag na matinding pamamanglaw. Mas malubha ito kaysa sa pansamantalang pamamanglaw. Sa katunayan, ang sabi ng mga mananaliksik, ang dalawa ay “magkaibang gaya ng pangkaraniwang sipon at pulmonya.” Subalit kung papaanong ang pulmonya ay maaaring gamutin, ang matinding pamamanglaw ay maaari ring magapi. Ang unang hakbang ay sikaping unawain ang dahilan nito. (Kawikaan 1:5) At ang 16-na-taóng-gulang na si Rhonda ay tumiyak ng pinakakaraniwang dahilan ng matinding pamamanglaw, na nagsasabing: “Sa aking palagay ang dahilan kung bakit ako labis na namamanglaw ay sapagkat—bueno hindi ka magkakaroon ng kaibigan kung kinaiinisan mo ang iyong sarili. At sa palagay ko’y hindi ko gaanong gusto ang aking sarili.”—Lonely in America.
Ang pamamanglaw ni Rhonda ay nagmumula sa kaloob-looban. Ang kaniyang mababang pagpapahalaga sa sarili ay bumuo ng sagabal upang humadlang sa pagiging bukás at sa pakikipagkaibigan. Ang sabi ng isang mananaliksik: “Ang mga kaisipang gaya ng ‘Hindi ako maganda,’ ‘Hindi ako kawili-wili,’ ‘Wala akong kuwenta,’ ay karaniwang paksa ng may matinding pamamanglaw.” Ang susi kung gayon ng pagdaig sa pamamanglaw ay nakasalalay sa pagpapaunlad ng iyong paggalang sa sarili. (Tingnan ang Kabanata 12.) Habang pinabubuti mo ang tinatawag ng Bibliya na “ang bagong personalidad,” na nakikilala sa pamamagitan ng kabaitan, kababaang-loob, at kahinahunan, ang iyong paggalang sa sarili ay tiyak na lalago!—Colosas 3:9-12.
Bukod doon, habang natututuhan mong maibigan ang iyong sarili, ang iba ay lalapit dahil sa iyong nakalulugod na mga katangian. Subalit kung papaanong makikita mo lamang ang tunay na kulay ng isang bulaklak kapag ito’y bumuka na, gayundin ang iba ay lubusang magpapahalaga sa iyong mga katangian kung magiging bukás ka lamang sa kanila.
Pagpapasimula ng Usapan
‘Ang pinakamagaling na payo para sa isang namamanglaw na tao,’ ang sabi ng isang kamakailang publikasyon mula sa U.S. National Institute of Mental Health, ay ang ‘makisalamuha sa ibang mga tao.’ Ang payong ito ay kaayon ng payo ng Bibliya na “magsilaki” at magpakita ng ‘pakikiramay sa kapuwa,’ o empatiya. (2 Corinto 6:11-13; 1 Pedro 3:8) Naging mabisa ito. Ang pagmamalasakit sa iba ay hindi lamang nakapapawi sa iyong pamamanglaw kundi nagpakikilos din sa iba na magkaroon ng interes sa iyo.
Ang 19-na-taóng-gulang na si Natalie sa gayon ay nagdisisyon na may higit pa siyang gagawin kaysa sa basta umupo na lamang at
hintayin ang iba na magsabing “hi.” ‘Kailangan ko ring maging palakaibigan,’ ang sabi niya. ‘Kung hindi ay baka isipin ng mga tao na ako’y suplada.’ Kaya magsimula ka sa pamamagitan ng isang ngiti. Ang ibang tao ay baka ngumiti rin.Sumunod, simulan ang pakikipag-usap. Si Lillian, edad 15, ay umamin: “Ang paglapit sa isang di-kilala ay sa simula’y nakatatakot talaga. Nangangamba akong baka hindi nila ako tanggapin.” Papaano nagpasimula si Lillian ng pakikipag-usap? Ang sabi niya: “Nagtanong ako ng mga simpleng katanungan gaya ng, ‘Tagasaan ka?’ ‘Kilala mo ba si gayo’t ganito?’ Baka kapuwa namin kilala ang isang tao, at hindi nagtagal ay nag-uusap na kami.” Ang may kabaitang mga gawa at mapagbigay na espiritu ay malamang na tumulong sa iyo upang magkaroon ng mahahalagang pakikipagkaibigan.—Kawikaan 11:25.
Tandaan din na puwede kang magkaroon ng isang kaibigan na hindi kailanman bibigo sa iyo. Sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga disipulo: “Hindi ako nag-iisa, sapagkat ang Ama ay sumasaakin.” (Juan 16:32) Si Jehova ay maaari mo ring maging pinakamatalik na kaibigan. Kilalanin ang kaniyang personalidad sa pamamagitan ng pagbabasa ng Bibliya at pagmamasid sa kaniyang nilalang. Patibayin ang iyong pakikipagkaibigan sa kaniya sa pamamagitan ng panalangin. Ang totoo, ang pakikipagkaibigan kay Jehovang Diyos ang pinakamabisang lunas sa pamamanglaw.
Kung nakadarama ka pa rin ng pamamanglaw sa pana-panahon, magrelaks ka. Iyan ay normal lamang. Ngunit, papaano kung ang labis na pagkamahiyain ay humahadlang sa iyo na makipagkaibigan at makisama sa iba?
Mga Tanong para sa Talakayan
◻ Ang pag-iisa ba ay laging masama? May mga kapakinabangan ba sa pag-iisa?
◻ Bakit ang karamihan sa pamamanglaw ay pansamantala lamang? Napatunayan mo bang totoo ito sa iyong sariling kaso?
◻ Ano ang matinding pamamanglaw at papaano mo ito mapaglalabanan?
◻ Ano ang ilang mga paraan ng pagpapasimula ng usapan sa iba? Ano ang naging mabisa sa iyo?
[Blurb sa pahina 119]
‘Ang pinakamagaling na payo para sa isang namamanglaw na tao,’ ang sabi ng U.S. National Institute of Mental Health, ay ang ‘makisalamuha sa ibang mga tao’
[Mga Larawan sa pahina 116, 117]
Ang mga kaibigan ay maaari pa ring makipag-ugnayan kahit nasa malayong lugar
[Larawan sa pahina 118]
Ang mga panahon ng pag-iisa ay maaaring maging kawili-wili