Papaano Ako Magkakaroon ng Tunay na mga Kaibigan?
Kabanata 8
Papaano Ako Magkakaroon ng Tunay na mga Kaibigan?
“AKO ay walong taon nang pumapasok sa paaralan sa distritong ito, ngunit sa buong panahong iyan ay hindi man lamang ako nagkaroon ng isang kaibigan! Kahit na isa.” Gayon ang paghihinagpis ng isang kabataang si Ronnie. At marahil kung minsan ay katulad ka rin niyang nakadarama ng pagkabigo sa pakikipagkaibigan. Ngunit ano nga ba ang tunay na mga kaibigan? At ano ang sekreto upang magkaroon ng katulad nila?
Ang sabi ng isang kawikaan: “Ang isang kaibigan ay umiibig sa lahat ng pagkakataon at nagiging isang kapatid sa panahon ng kagipitan.” (Kawikaan 17:17, The Bible in Basic English) Ngunit may higit pa sa pagkakaibigan kaysa sa pagkakaroon lamang ng isang balikat na maiiyakan. Ang sabi ng isang kabataang babaing si Marvia: “Kung minsan ang isang nasabing kaibigan ay magmamasid sa pagkasangkot mo sa isang gulo at pagkatapos ay sasabihin niya, ‘Alam kong masasangkot ka roon, pero natakot akong sabihin sa iyo.’ Subalit kung ang isang tunay na kaibigan ay makakita sa iyong patungo ka sa maling landas, magbababala siya bago maging huli ang lahat—kahit alam niyang hindi mo magugustuhan ang kaniyang sasabihin.”
Pahihintulutan mo ba ang isang nasaktang amor propio na maging dahilan upang tanggihan ang isa na nagmalasakit sa iyo na sabihin ang katotohanan? Ang Kawikaan 27:6 ay nagsasabi: “Tapat ang mga sugat na likha ng isang kaibigan kaysa mga halik ng kaaway.” (Byington) Ang isang taong nag-iisip nang matuwid at nagsasalita nang matuwid ay kung gayon siyang uri ng taong magugustuhan mong maging kaibigan.
Huwad Laban sa Tunay na mga Kaibigan
“Ang aking buhay mismo ay isang katibayan na hindi lahat ng ‘kaibigan’ ay magiging pinakamagaling,” ang sabi ng 23-taóng-gulang na si Peggy. Bilang isang tinedyer, si Peggy ay napilitang
umalis sa kanilang tahanan. Gayunman, siya’y kinaibigan ng dalawang Saksi ni Jehova, si Bill at ang kaniyang asawa, si Lloy. Sila’y nagsimulang makipag-aral ng Bibliya kay Peggy. “Ang mga buwang ginugol ko kasama nila ay tigib ng tunay na kaligayahan, pagkakontento at kapayapaan,” ang sabi ni Peggy. Gayunman, minabuti pa niyang makisama sa ilang kabataang nakilala niya—at iniwan sina Bill at Lloy.Pagkukuwento pa ni Peggy: “Marami akong natutuhan mula sa aking bagong ‘mga kaibigan’—pagnanakaw ng mga stereo, pagpapapalit ng mga talbóg na tseke, paghitit ng marijuana at, sa wakas, kung papaano masusuportahan ang isang $200-isang-araw na bisyo sa droga.” Sa edad na 18 ay nakilala niya ang isang kabataang lalaking si Ray na nagbigay sa kaniya ng lahat ng droga na kaniyang magagamit—libre. “Akala ko’y tapos na ang lahat kong problema. Hindi na ako kailanman mangangailangang magnakaw at mandaya,” ang akala ni Peggy. Gayunman, tinuruan siya ni Ray ng pagpapakasamâ sa pamamagitan ng prostitusyon. Sa wakas tumakas si Peggy mula sa siyudad at sa kaniyang mga “kaibigang” may masagwang pamumuhay.
Sa bago niyang tinitigilan, isang araw ay binisita siya ng dalawang Saksi ni Jehova. “Napaiyak ako sa kagalakan habang yakap ko ang dalawang babaing ito na natitilihan,” ang pagkukuwento ni Peggy. “Natutuhan kong kamuhian ang pagpapakunwari ng dati kong mga ‘kaibigan,’ ngunit narito ang tunay na mga tao.” Ipinagpatuloy ni Peggy ang kaniyang pag-aaral sa Bibliya.
Kung sa bagay, ang pag-ayon ng kaniyang buhay sa mga daan ng Diyos ay hindi naging madali. Ang pinakamahirap ay ang pagtigil sa paninigarilyo. Gayunman, ang isang kaibigang Saksi ay nagpayo: “Sa halip na manalangin ka at humingi ng tawad pagkatapos na ikaw ay mabigo ng pagpigil, bakit hindi
manalangin antimano at humiling ng lakas kapag nakadarama ng labis na pagkagusto sa paninigarilyo?” Ang sabi ni Peggy: “Ang maibigin at praktikal na mungkahing ito ay nagpatigil ng aking paninigarilyo. . . . Sa kauna-unahang pagkakataon sa maraming taon, nakadama ako ng kalinisan sa kalooban at nakilala ko ang kahulugan ng pagkakaroon ng paggalang-sa-sarili.”Ang karanasan ni Peggy ay nagtatampok ng katotohanan ng mga salita ng Bibliya sa Kawikaan 13:20: “Siyang lumalakad na kasama ng mga taong pantas ay magiging pantas, ngunit siyang nakikisama sa mga mangmang ay mapapariwara.” Ang sabi ni Peggy: “Kung ipinagpatuloy ko lamang ang aking pakikipagkaibigan sa mga taong yaon na umiibig sa Diyos, disin sana’y naiwasan ko ang mga bagay na iyon na ngayo’y isa nang pangit na alaala.”
Ang Paghanap ng mga Kaibigan
Saan ka makahahanap ng mga kaibigan na umiibig sa Diyos? Sa loob ng Kristiyanong kongregasyon. Hanapin ang mga kabataang hindi lamang may pananampalataya kundi may mga gawang nagpapakita rin naman ng kanilang pananampalataya at debosyon. (Ihambing ang Santiago 2:26.) Kung mahirap matagpuan ang gayong kabataan, makipagkilala sa mga Kristiyanong mas matanda sa iyo. Ang edad ay hindi kailangang maging hadlang sa pagkakaibigan. Ang Bibliya ay nagsasabi tungkol sa isang modelong pagkakaibigan sa pagitan nina David at Jonathan—at si Jonathan ay halos parang ama na ni David!—1 Samuel 18:1.
Papaano, kung gayon, mapasisimulan mo ang isang pagkakaibigan?
Isang Aktibong Interes sa Iba
Si Jesu-Kristo ay nagsagawa ng isang pagkakaibigan na gayon na lamang katindi anupa’t ang kaniyang mga kaibigan ay handang mamatay para sa kaniya. Bakit? Ang isang dahilan ay na si Jesus ay nagmamalasakit sa mga tao. Siya’y handang tumulong sa iba. ‘Ninais’ niya na mapasangkot. (Mateo 8:3) Tunay, ang pagkakaroon ng interes sa iba ay ang unang hakbang sa pakikipagkaibigan.
Ang isang kabataang si David, halimbawa, ay nagsasabing siya’y nagkamit ng tagumpay sa pakikipagkaibigan dahil sa “pagkakaroon niya ng tunay na pag-ibig sa mga tao at pagkakaroon ng aktibong interes sa mga iba.” Susog pa niya: “Ang isa sa pinakamahalaga ay ang malaman ang pangalan ng isang tao. Madalas na nagiging mabisa para sa iba na natatandaan mo ang kanilang pangalan. Dahil dito ay maaaring ibahagi nila sa iyo ang kanilang karanasan at problema at sa gayo’y magsisimula ang pagkakaibigan.”
Hindi naman ito nangangahulugang kailangan kang maging masyadong sosyal. Si Jesus ay “mapagpakumbabang puso,” hindi mayabang o pasikat. (Mateo 11:28, 29) Ang taimtim na pagiging interesado sa iba ang nakakaakit sa kanila. Madalas na ang pinakasimpleng mga bagay, gaya ng pagkaing magkasama o pagtulong sa iba sa isang gawain, ang nagpapatindi sa pagkakaibigan.
“Kung Papaano Ka Nakikinig”
“Bigyan mo ng pansin kung papaano ka nakikinig,” ang tagubilin ni Jesus. (Lucas 8:18) Bagaman ang nasa isip niya ay ang kahalagahan ng pakikinig sa mga pananalita ng Diyos, ang prinsipyo ay ikinakapit na mabuti sa pagpapaunlad ng relasyon. Ang pagiging mabuting tagapakinig ay mahalaga sa pagtataguyod ng pagkakaibigan.
Kung tayo’y tunay na interesado sa sinasabi ng iba, napapalapit sila sa atin. Ngunit ito’y nangangailangan ng iyong ‘pagtingin, hindi lamang sa iyong sariling kapakanan [maaaring doon lamang sa gusto mong sabihin], kundi sa kapakanan din naman ng iba.’—Filipos 2:4.
Maging Tapat
Si Jesus ay nanatili sa kaniyang mga kaibigan. “Inibig [niya] sila hanggang wakas.” (Juan 13:1) Isang binata na nagngangalang Gordon ang nakikitungo nang ganito sa kaniyang mga kaibigan: “Ang pinakamahalagang katangian ng isang kaibigan ay ang kaniyang katapatan. Mananatili ba siya sa iyo kahit na may mga problema? Ako at ang aking kaibigan ay nagtatanggol sa isa’t isa kapag may humahamak sa amin. Tunay na lagi kaming magkasama—subalit kung kami ay nasa katuwiran lamang.”
Ang mga di-tunay na kaibigan, gayunman, ay walang iniisip kundi ang lihim na pananaksak sa likod ng isa’t isa. “May mga kasamang handang magpahamak sa isa’t isa,” ang sabi ng Kawikaan 18:24. ‘Ipahahamak’ mo ba ang dangal ng isang kaibigan sa pakikisali sa masamang tsismis, o mananatili kang tapat sa kaniya?
Ibahagi ang Iyong Nadarama
Napamahal pang lalo si Jesus sa iba dahil sa pagsisiwalat niya ng kaniyang taimtim na nadarama. Kung minsan ay ipinaalam niya na siya’y “naaawa,” “umiibig,” o na “labis na namimighati.” Sa isang pagkakataon ay “tumangis” pa man din siya. Hindi nahiya si Jesus na buksan ang kaniyang puso sa mga pinagkakatiwalaan niya.—Mateo 9:36; 26:38; Marcos 10:21; Juan 11:35.
Ito, mangyari pa, ay hindi nangangahulugang ibubulalas mo ang iyong damdamin sa lahat ng iyong kakilala! Ngunit maaari kang maging tapat sa bawat isa. At habang nakikilala mo at pinagkakatiwalaan ang isa, unti-unti ay ipagtatapat mo ang iyong taimtim na nadarama. Kasabay nito, ang pagkakaroon ng empatiya at “damdamin ng pakikiramay” sa iba ay mahalaga sa makahulugang pagkakaibigan.—1 Pedro 3:8.
Huwag Asahan ang Kasakdalan
Kahit na kung ang isang pagkakaibigan ay may mabuting simula, huwag asahan ang kasakdalan. “Tayong lahat ay nagkakamali sa maraming paraan, ngunit ang isa na nag-aangking hindi siya kailanman nagsasalita ng mali ay itinuturing ang kaniyang sarili na sakdal.” (Santiago 3:2, Phillips) Bukod dito, ang pagkakaibigan ay may kapalit na halaga—sa panahon at emosyon. “Kinakailangang handa kang magbigay,” ang sabi ng isang binatang si Presley. “Iyan ang malaking bahagi ng pagkakaibigan. Mayroon kang sariling damdamin tungkol sa mga bagay-bagay ngunit handa kang magbigay upang magkaroon ng puwang para sa damdamin at opinyon ng iyong kaibigan.”
Kung gayon, ang sakripisyo sa pagkakaibigan ay maliit lamang kung ihahambing sa hirap ng pagkawalang minamahal—isang buhay ng walang katuturang kalungkutan. Kaya makipagkaibigan kayo. (Ihambing ang Lucas 16:9.) Ilaan mo ang iyong sarili. Makinig at magpakita ng tunay na interes sa iba. Katulad ni Jesus, maaaring magkaroon ka rin ng maraming mga tao na sa kanila’y sasabihin mong, “Kayo ay aking mga kaibigan.”—Juan 15:14.
Mga Tanong para sa Talakayan
◻ Papaano mo makikilala ang isang tunay na kaibigan? Anong uri ng mga kaibigan ang mga huwad?
◻ Saan ka maaaring humanap ng mga kaibigan? Kailangan bang lagi silang kasing-edad mo?
◻ Ano ang dapat mong gawin kung ang isang kaibigan ay may malubhang problema?
◻ Anu-ano ang apat na paraan ng pakikipagkaibigan?
[Blurb sa pahina 66]
“Marami akong natutuhan mula sa aking bagong ‘mga kaibigan’—pagnanakaw ng mga stereo, pagpapalit ng mga talbóg na tseke, paghitit ng marijuana at, sa wakas, kung papaano masusuportahan ang isang $200-isang-araw na bisyo sa droga”
[Kahon sa pahina 68, 69]
Dapat Ko bang Isumbong ang Aking Kaibigan?
Kung ikaw ay nakaaalam na ang isang kaibigan ay iinum-inom ng droga, sumusubok sa sekso, nandaraya, o nagnanakaw—sasabihin mo ba sa dapat pagsabihan nito? Marami ang hindi, na naninindigan sa kakaibang alituntunin ng pananahimik na karaniwan na sa mga kabataan.
Ang ilan ay natatakot na tawaging “sumbungero.” Ang iba ay may naliligaw na pagkaunawa sa katapatan. Sa pangmalas na ang disiplina ay isang bagay na nakasasamâ, ang akala nila ay nabibigyan nila ng pabor ang kanilang kaibigan kung pinagtatakpan ang kaniyang mga problema. Isa pa, ang di-pagsunod sa alituntunin ng pananahimik ay magdadala sa isa sa pagkutya ng mga kasamahan at sa posibleng pagkawala ng kanilang pagkakaibigan.
Gayumpaman, nang malaman ng kabataang si Lee na ang kaniyang matalik na kabigan, si Chris, ay naninigarilyo, naisipan niyang kumilos. Ang sabi ni Lee: “Binabagabag ako ng aking konsiyensiya sapagkat alam kong dapat kong sabihin ito!” Isang kabataan noong mga panahon ng Bibliya ay napaharap sa katulad na kalagayan. “Si Jose, noong labimpitong taon, ay kasama ng kaniyang mga kapatid na nagpapastol ng tupa . . . Kaya si Jose ay nagbigay sa kaniyang ama ng masamang ulat tungkol sa kanila.” (Genesis 37:2) Alam ni Jose na kung siya’y tatahimik, manganganib ang espirituwal na kapakanan ng kaniyang mga kapatid.
Ang kasalanan ay puwersang nakasisira at nakasasamâ. Malibang ang isang nagkasalang kaibigan ay tumanggap ng tulong—maaaring sa paraan ng matatag na maka-Kasulatang disiplina—siya’y maaaring mapalublob sa mas matinding kasamaan. (Eclesiastes 8:11) Samakatuwid, ang pagtatakip sa kasalanan ng isang kaibigan ay hindi lamang walang maidudulot na kabutihan kundi sa halip ay magdudulot ng di-na maipapanaulíng kapinsalaan.
Ang Bibliya kung gayon ay nagpapayo: “Mga kapatid, kahit na nagkasala ang isang tao bago niya namalayan iyon, kayong may espirituwal na mga kuwalipikasyon sikapin ninyong muling maituwid nang may kahinahunan ang gayong tao.” (Galacia 6:1) Maaaring hindi mo madama na taglay mo ang espirituwal na kuwalipikasyon upang maituwid ang isang nagkasalang kaibigan. Ngunit hindi ba makatuwiran na tiyaking ang pangyayari ay sabihin sa isa na kuwalipikadong tumulong?
Mateo 18:15.) Nangangailangan ito ng giting at tapang sa iyong bahagi. Maging matatag, na nagbibigay ng nakakukumbinsing ebidensiya tungkol sa kaniyang kasalanan, na tiyakang sinasabi ang iyong nalalaman at kung papaano mo nalaman. (Ihambing ang Juan 16:8.) Huwag kang mangangako na hindi mo sasabihin kahit kanino, sapagkat ang gayong pangako ay walang kabuluhan sa Diyos, na humahatol sa nagtatakip sa kasalanan.—Kawikaan 28:13.
Kung gayon ay nangangailangang kausapin mo ang iyong kaibigan at ipakita ang kaniyang pagkakamali. (Ihambing angMarahil may mga ilang di-pagkakaunawaan lamang. (Kawikaan 18:13) Kung hindi naman at talagang may nagawang kasalanan, posible na ang iyong kaibigan ay mabunutan na ng tinik, ngayong ang kaniyang problema ay hayag na. Maging mabuting tagapakinig. (Santiago 1:19) Huwag mong sugpuin ang malayang pagpapahayag ng kaniyang damdamin sa paggamit ng may paghatol na pananalitang, tulad ng, “Hindi mo sana dapat ginawa!” o pagpapahayag ng pagkagitla, gaya ng, “Papaano mong nagawa iyon!” Magpakita ng empatiya at damhin mo ang nadarama ng iyong kaibigan.—1 Pedro 3:8.
Madalas na ang situwasyon ay nangangailangan ng higit pang tulong kaysa sa iyong kayang ibigay. Pilitin, kung gayon, na ipagtapat ng iyong kaibigan ang pagkakamali sa kaniyang mga magulang o sa iba pang responsableng matatanda. At kung hindi pumayag ang iyong kaibigan? Ipaalam mo sa kaniya na kung hindi niya liliwanagin ang pangyayari sa loob ng isang makatuwirang haba ng panahon, ikaw, bilang isang tunay na kaibigan, ang mapipilitang magtapat sa iba alang-alang sa kaniya.—Kawikaan 17:17.
Sa pasimula ay maaaring hindi maunawaan ng iyong kaibigan ang iyong ginawa. Maaari pa nga siyang magalit at tapusin ang inyong pagkakaibigan. Ngunit ang sabi ni Lee: “Alam kong ginawa ko ang isang tamang bagay sa pagsasabi sa iba. Magaang na ang aking konsiyensiya sapagkat si Chris ay tumatanggap na ng kinakailangan niyang tulong. Pagkaraan siya’y lumapit sa akin at sinabing hindi siya nagagalit sa aking ginawa at iyon ay nagpaginhawa sa akin.”
Kung ang iyong kakilala ay patuloy na ikinagagalit ang iyong matatag na pagkilos, maliwanag na siya ay hindi naging isang tunay na kaibigan unang-una. Ngunit taglay mo ang kasiyahan na alam mong napatunayan mo ang iyong katapatan sa Diyos at naipakita mong ikaw ay isang tunay na kaibigan.
[Larawan sa pahina 67]
May suliranin ka ba sa pakikipag-kaibigan?
[Larawan sa pahina 70]
Ang pagkakaroon ng interes sa iba ay susi ng pagpapasimula ng pagkakaibigan