Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Papaano Ko Malalabanan ang Panggigipit ng Kasamahan?

Papaano Ko Malalabanan ang Panggigipit ng Kasamahan?

Kabanata 9

Papaano Ko Malalabanan ang Panggigipit ng Kasamahan?

SA EDAD na 14, si Karen ay isa nang lulong sa droga at regular nang nakikipagtalik. Sa edad na 17, si Jim ay napatunayang isang lasenggo at nabubuhay sa isang imoral na pamumuhay. Kapuwa sila umamin na hindi nila gusto ang uri ng buhay na kanilang pinamumuhayan ni ang mga bagay na kanilang ginagawa. Bakit, kung gayon, ginawa nila ang mga bagay na iyon? Panggigipit ng kasamahan!

“Ang lahat ng aking kasama ay ganito ang ginagawa, at iyon ay nagkaroon ng malaking epekto sa akin,” ang paliwanag ni Karen. Sumang-ayon si Jim, na sinasabing, “Ayaw kong mawala ang aking mga kaibigan sa pamamagitan ng pagiging iba sa kanila.”

Bakit Sinusunod ng mga Kabataan ang Kanilang mga Kasamahan?

Habang nagkakaedad ang ilang mga kabataan, ang impluwensiya ng kanilang mga magulang ay humihina, at ang pagnanais na maging popular at tanggapin ng mga kasamahan ay tumitindi. Ang iba’y basta nagnanais lamang na may makausap na “nakauunawa” o na kaya’y magpapadama sa kanilang sila’y minamahal o kinakailangan. Kung ang ganitong pakikipag-usap ay wala sa tahanan​—na madalas na siyang kaso​—hinahanap nila iyon sa kanilang mga kasamahan. Madalas din na ang kakulangan ng pagtitiwala sa sarili at pagkadama ng kawalan ng kapanatagan ang nagiging dahilan upang ang iba’y madaling maimpluwensiyahan ng kasamahan.

Hindi naman laging masama ang impluwensiya ng kasamahan. Ang isang kawikaan ay nagsasabi: “Ang bakal ay nagpapatalas sa bakal. Gayon ang tao ay nagpapatalas sa mukha ng kaniyang kaibigan.” (Kawikaan 27:17) Kung papaanong ang isang bakal na kutsilyo ay nagpapatalas sa mapurol na talim ng isa pang kutsilyo, ang pakikisama sa ibang mga kabataan ay ‘makapagpapatalas’ ng iyong personalidad at gagawa sa iyong isang mas mabuting tao​—kung taglay ng mga kasamahang iyon ang maygulang at timbang na saloobin.

Ngunit, kadalasan ang mga kabataan ay kulang sa pagiging maygulang​—kapuwa sa mental at espirituwal. Ang maraming kabataan ay may pangmalas at mga opinyon na hindi timbang, hindi maaasahan, padaskul-daskol pa nga. Kaya kung ang isang kabataan ay buong pagtitiwalang nagpapasailalim sa kapangyarihan ng mga kasamahan, iyon ay katulad lamang ng pag-akay ng bulag sa kapuwa bulag. (Ihambing ang Mateo 15:14.) Ang resulta ay maaaring kapaha-pahamak.

Bagaman hindi ka unti-unting itinutulak ng kasamahan tungo sa marahas na pag-uugali, nananatili pa rin ang bigat ng kanilang impluwensiya. “Labis kang nababahala tungkol sa pagtanggap sa iyo ng ibang mga kabataan,” ang sabi ni Debbie. “Noong ako’y labing walo gayon na lamang ang takot ko sa pagiging di-popular sapagkat wala man lamang nag-aanyaya sa akin para lumabas. Natakot akong baka ako mapag-isa.” Kaya nagsikap si Debbie upang matamo ang pagtanggap ng kaniyang mga kasamahan.

Naiimpluwensiyahan ba Ako?

Ikaw ba’y nagsimula na ring magbihis, magsalita, o gumawi sa isang paraan upang makibagay sa kanila? Ang 17-taóng-gulang na si Susie ay nag-aangkin, “Ang ibang kabataan ay hindi makapipilit sa iyo na gawin mo ang isang bagay na ayaw mo.” Totoo, ngunit ang panggigipit ng kasamahan ay maaaring maging mapandaya na anupa’t hindi mo mahahalata kung gaano ito nakaaapekto sa iyo. Isaalang-alang, halimbawa, si apostol Pedro. Isang matapang na lalaki na may matibay na paniniwala, si Pedro ay isang haligi ng Kristiyanismo. Ibinunyag ng Diyos kay Pedro na ang mga tao mula sa mga bansa at lahi ay makapagtatamo ng Kaniyang pagsang-ayon. Tinulungan kung gayon ni Pedro ang kauna-unahang mga mananampalatayang Gentil na maging mga Kristiyano.​—Gawa 10:28.

Gayunman, lumipas ang panahon, at si Pedro ay nasa Antioquia, isang siyudad na doo’y maraming mga di-Judio ang naging mga Kristiyano. Si Pedro ay malayang nakisalamuha sa mga mananampalatayang Gentil na ito. Isang araw, ang ilang mga Kristiyanong Judio mula sa Jerusalem, na ang mga ito’y may pagtatanim pa rin laban sa mga di-Judio, ay dumalaw sa Antioquia. Papaano na ngayon kikilos si Pedro sa gitna ng kaniyang mga kasamahang Judio?

Bueno, inihiwalay ni Pedro ang kaniyang sarili mula sa mga Kristiyanong Gentil, na tumangging kumain na kasama nila! Bakit? Maliwanag na natakot siyang baka magalit ang kaniyang mga kasamahan. Maaaring ang dahilan niya’y, ‘Medyo lalayo muna ako habang naririto sila at saka na lamang ako magpapatuloy na kumaing kasama ng mga Gentil kapag wala na sila. Bakit ko sisirain ang aking pakikisama sa kanila dahil lamang sa maliit na bagay na ito?’ Si Pedro kung gayon ay nagkukunwari​—tumatanggi sa kaniyang sariling mga prinsipyo sa paggawa ng isang bagay na hindi niya pinaniniwalaan. (Galacia 2:​11-14) Maliwanag, kung gayon, na walang isa mang malilibre sa panggigipit ng kasamahan.

Papaano Ako Kikilos?

Kaya nga samantalang madaling sabihing, ‘Hindi ako natatakot sa maaaring isipin ng iba!’ ang pananatili sa kapasiyahang iyan sa harap ng panggigipit ng kasamahan ay ibang usapan na. Halimbawa, ano ang gagawin mo sa sumusunod na mga kalagayan?

Isa sa iyong mga kaeskuwela ay nag-alok sa iyo ng sigarilyo sa harap ng ibang mga kabataan. Alam mong masamang manigarilyo. Ngunit lahat sila ay naghihintay kung ano ang iyong gagawin . . .

Ang mga babae sa paaralan ay nag-uusap tungkol sa pakikipagtalik sa kanilang mga kasintahan. Isa sa mga babae ay nagsabi sa iyo: “Ikaw, birhen ka pa ba?”

Gusto mong magsuot ng damit na katulad ng isinusuot ng lahat ng ibang mga babae, subalit sinabi ng iyong Inay na iyon ay masyadong maigsi. Ang kasuotang ipinipilit niyang isuot mo ay sa wari mo’y nagmimistula kang anim na taóng gulang. Tinutukso ka ng iyong mga kaeskuwela. Ang tanong ng isang bata, “Bakit hindi mo ipunin ang iyong baon at bumili ka ng isang maayos na damit? Hindi mo kailangang ipaalam sa iyong nanay. Basta itago mo lamang ang iyong damit na pamasok sa iyong laker.”

Madali bang harapin ang mga situwasyong ito? Hindi nga, ngunit kung takot kang magsabi ng hindi sa iyong mga kasamahan, ang bunga noon ay ang pagsasabi mo naman ng hindi sa iyong sarili, sa iyong mga pamantayan, at sa iyong mga magulang. Papaano mo mapauunlad ang tibay ng loob na manindigan sa panggigipit ng kasamahan?

Ang “Kakayahang Mag-isip”

Ang 15-taóng-gulang na si Robin ay nagsimulang manigarilyo, hindi dahil sa gusto niya, kundi dahil sa ang lahat ay gumagawa nito. Nagugunita niya: “Nang maglaon ay nag-isip ako, ‘ayoko nito. Bakit ko ginagawa ito?’ Kaya tinigilan ko na.” Sa pamamagitan ng kaniyang pag-iisip, nagawa niyang manindigan sa kaniyang kasamahan!

Naaangkop, kung gayon, na ang Bibliya ay humimok sa mga kabataan na paunlarin ang “kaalaman at kakayahan na mag-isip.” (Kawikaan 1:​1-5) Ang isa na may kakayahang mag-isip ay hindi aasa sa walang-karanasang mga kasamahan. Sa kabila nito, ang isang yaon ay hindi naman magtitiwala na lamang sa kaniyang sarili at hindi na papansinin ang mga opinyon ng iba. (Kawikaan 14:16) Siya ay nakahandang “makinig ng payo at tumanggap ng turo” upang “maging pantas.”​—Kawikaan 19:20.

Gayunman, huwag kang magugulat, kung hindi ka magustuhan o libakin pa nga dahil sa paggamit mo ng iyong kakayahang mag-isip. “Ang lalaki (o babae) na may kakayahang mag-isip ay kinapopootan,” ang sabi ng Kawikaan 14:17. Ngunit ang totoo, sino ang mas malakas, sila na napadadala sa simbuyo ng kanilang damdamin at emosyon o silang nakapagsasabi ng hindi sa maling hangarin? (Ihambing ang Kawikaan 16:32.) Saan ba patutungo ang buhay ng mga lumilibak sa iyo? Doon din ba ang gusto mong kahinatnan ng buhay mo? Hindi kaya ang mga ito’y naninibugho lamang at pinagtatakpan ang kanilang kawalan ng kapanatagan sa pamamagitan ng panlilibak?

Pagtakas Mula sa Silò

“Ang pagkatakot sa tao ang nagdadala ng silò,” ang sabi ng Kawikaan 29:25. Noong panahon ng Bibliya, ang isang silò ay madaling nakahuhuli ng anumang walang kamalay-malay na hayop na susunggab sa pain nito. Sa ngayon, ang pagnanais na tanggapin ng kasamahan ay nagsisilbing pain din. Aakitin ka nito sa bitag ng pagsuway sa maka-Diyos na mga pamantayan. Kung gayon, papaano ka makatatakas​—o makaiiwas—​sa silò ng pagkatakot sa tao?

Una, piliing mabuti ang iyong mga kaibigan! (Kawikaan 13:20) Makisama sa mga may Kristiyanong pamantayan at simulain. Totoo, pinapagiging limitado nito ang iyong pakikipagkaibigan. Tulad ng sabi ng isang tinedyer: “Nang hindi ako nakisama sa iba sa paaralan, sa kanilang ideya ng pagdo-droga at sa sekso, iniwan nila ako. Bagaman ito’y nagpadali para sa akin upang makaiwas, nagdulot iyon sa akin ng kaunting kapanglawan.” Ngunit mas mabuti na ang makadama ng kapanglawan kaysa pabayaan mong hilahin kang pababa sa espirituwal at moral na paraan ng mga kasamahan. Ang pakikisama sa pamilya at sa loob ng Kristiyanong kongregasyon ay makatutulong upang mapagtakpan ang puwang ng kapanglawan.

Ang pakikinig sa iyong mga magulang ay makatutulong din sa iyo na labanan ang panggigipit. (Kawikaan 23:22) Sila’y malamang na nagsisikap na maturuan ka ng tumpak na mga pamantayan. Ang sabi ng isang batang babae: “Mahigpit ang aking mga magulang. Kung minsan ay hindi ko nagugustuhan iyon, subalit ako’y nagpapasalamat at nagpakatatag sila at tinakdaan nila ang aking pakikisama.” Dahilan sa tulong na ito ng mga magulang, hindi siya napadala sa panggigipit na gumamit ng droga at magsagawa ng pakikipagtalik.

Ang tagapayo para sa mga kabataan na si Beth Winship ay pumapansin pa: “Ang mga kabataan na mahusay sa isang bagay ay nakadarama ng pagkaimportansiya sa ganang sarili. Hindi na kailangang umasa sila sa pagsang-ayon ng kasamahan para sa isang mabuting pagkatao.” Kung gayon, bakit hindi magsumikap na maging sanáy at may kakayahan sa anumang mga bagay na ginagawa sa paaralan at sa tahanan? Ang mga kabataang Saksi ni Jehova ay lalo nang nagsisikap na maging ‘mga manggagawang walang anumang dapat ikahiya, na ginagamit nang tumpak ang salita ng katotohanan’ sa kanilang Kristiyanong pagmiministeryo.​—2 Timoteo 2:15.

Pagkatapos na magbabala tungkol sa “silò” ng pagkatakot sa tao, ang Kawikaan 29:​25 ay nagpapatuloy: “Siyang tumitiwala kay Jehova ay maliligtas.” Marahil higit kaysa iba, ang relasyon sa Diyos ang magpapalakas sa iyo na makapanindigan sa iyong mga kasamahan. Halimbawa, si Debbie (nabanggit kanina) ay naging sunud-sunuran sa karamihan nang kung ilang panahon, na labis na naglalasing at nag-aabuso sa droga. Subalit siya’y nagpasimula ng seryosong pag-aaral ng Bibliya at nagpasimulang magtiwala kay Jehova. Ang epekto? “Ipinasiya ko sa sarili na hindi ko na gagawin ang mga bagay na ginagawa ng maliit na grupong iyon ng mga kabataan,” ang sabi ni Debbie. Sinabi niya sa kaniyang dating mga kaibigan: “Bahala kayo sa sarili ninyo at bahala naman ako sa sarili ko. Kung ibig ninyong maging kaibigan ako kailangang igalang ninyo ang mga pamantayang iginagalang ko. Pasensiya na pero walang halaga sa akin kung anuman ang isipin ninyo. Ito ang aking gagawin.” Hindi lahat ng kaibigan ni Debbie ay gumalang sa bagong-tuklas na pananampalataya niya. Ngunit ang sabi ni Debbie, “Talagang mas nagustuhan ko ang aking sarili pagkatapos kong magdisisyon.”

Ikaw man ay ‘mas makagugusto sa iyong sarili’ at magliligtas sa iyong sarili sa labis na dalamhati kung matatakasan mo ang bitag ng panggigipit ng kasamahan!

Mga Tanong para sa Talakayan

◻ Bakit ang mga kabataan ay nakahilig na maimpluwensiyahan ng kanilang mga kasamahan? Ito ba’y laging masama?

◻ Ano ang itinuturo ng karanasan ni apostol Pedro tungkol sa panggigipit ng kasamahan?

◻ Anong mga kalagayan (kasali na marahil ang ilan sa sariling karanasan) ang susubok sa kakayahan ng isang kabataan na magsabi ng hindi?

◻ Anong mga bagay ang maaari mong isaalang-alang kapag hinahamon ka?

◻ Ano ang ilang mga bagay na tutulong sa iyo na makatakas sa silò ng pagkatakot sa tao?

[Blurb sa pahina 74]

“Labis kang nababahala tungkol sa pagtanggap sa iyo ng ibang mga kabataan,” ang sabi ni Debbie. “Gayon na lamang ang takot ko sa pagiging di-popular . . . Natakot akong baka ako mapag-isa”

[Kahon sa pahina 75]

‘Hinahamon Kita!’

“Sige,” ang pamimilit ng mga kaklase ni Lisa. “Sabihin mo sa titser na mabaho ang kaniyang hininga!” Hindi, ang isyu ay hindi tungkol sa pangangalaga sa bibig. Hinahamon si Lisa​—at masasabing isang mabigat na hamon! Oo, waring ang ilang mga kabataan ay nakadarama ng maling kasiyahan sa paghamon sa iba na gumawa ng mga bagay mula sa katamtamang kapilyuhan hanggang sa pagsasapanganib ng buhay.

Ngunit kapag ikaw ay hinamon na gumawa ng isang bagay na kalokohan, nakasasakit, o talagang mapanganib, panahon iyon upang mag-isip na muli. Ang sabi ng isang matalinong lalaki: “Ang mga patay na langaw ay nagpapabaho sa unguento ng manggagawa ng pabango. Gayon ang munting kamangmangan ay sumisira ng karunungan at karangalan.” (Eclesiastes 10:1) Noong sinaunang panahon, ang isang mamahaling unguento o pabango ay maaaring masira ng isang napakaliit na patay na langaw. Sa katulad na paraan, ang pinaghirapang karangalan ng isa ay maaaring wasakin ng “munting kamangmangan.”

Ang kapilyuhan ng bata ay madalas na nagbubunga ng mababang marka, pagkapaalis sa paaralan, at pag-aresto pa nga! Ngunit, ano kung iniisip mong hindi ka naman madarakip? Tanungin ang sarili, Ang ipinagagawa ba sa akin ay makatuwiran? Maibigin ba iyon? Iyon ba ay sumusuway sa mga pamantayan ng Bibliya o sa mga itinuturo ng aking mga magulang? Kung ganoon, talaga nga bang gusto kong ang mahilig-sa-katuwaang mga kabataang ito ang mamahala sa aking buhay? Ang mga kabataang ito na gustong isapanganib ang aking buhay at karangalan ay tunay nga bang mga kaibigan?​—Kawikaan 18:24.

Subukin, kung gayon, na makipagkatuwiranan sa mga kabataang humahamon. Ang 18-taóng-gulang na si Terry ay “pumopormal na lamang” sa pagtatanong na, ‘Bakit ko gagawin iyon? Ano ba ang mapatutunayan ko kung gagawin ko iyon?’ Kailangang ipaalam din na mayroon kang tiyak na mga pamantayang sinusunod. Isang batang babae ang sumubok na hamunin ang isang batang lalaki sa paggawa ng imoralidad, sa pagsasabing, “Hindi mo alam kung ano ang nawawala sa iyo.” “Oo, alam ko,” ang sagot ng batang lalaki. “Herpes, gonorrhea, syphilis . . . ”

Oo, sa pagkakaroon ng lakas-ng-loob na magsabi ng hindi sa iyong kasamahan, maiiwasan mo ang paggawa ng mga bagay na pagsisisihan mo sa bandang huli!

[Larawan sa pahina 76]

Ang mga kabataan ay karaniwan nang nagsasama para mag-alalayan sa isa’t isa

[Larawan sa pahina 77]

Ginipit ka na ba ng mga kasamahan upang huwag sundin ang sa alam mo’y tama?

[Larawan sa pahina 78]

Magkaroon ng lakas na makapanindigan sa panggigipit ng kasamahan!