Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Akin Bang Kasuotan ay Nagbubunyag ng Aking Tunay na Pagkatao?

Ang Akin Bang Kasuotan ay Nagbubunyag ng Aking Tunay na Pagkatao?

Kabanata 11

Ang Akin Bang Kasuotan ay Nagbubunyag ng Aking Tunay na Pagkatao?

“HINDI naman masyadong maigsi ah,” ang sigaw ni Peggy sa kaniyang mga magulang. “Makaluma lang kasi kayo!” Tumakbo siya sa kaniyang silid​—ang katapus-tapusan ng kanilang pag-aaway tungkol sa paldang gusto niyang isuot. At marahil ay isa ka rin sa naging sentro ng katulad na pagtatalo kapag ang isang magulang, isang titser, o ang isang pinaglilingkuran ay pumintas sa ilang damit na gustung-gusto mo. Pangkaraniwan ang tawag mo roon; burara naman ang tawag nila. Elegante ang tawag mo; masagwa o mahalay ang tawag nila.

Kinikilala na may kani-kaniyang pagkakagusto, at may karapatan ka sa iyong mga opinyon. Subalit nangangahulugan ba ito na ‘puwede lahat’ kung tungkol sa iyong pananamit?

Tumpak na Mensahe Ba?

“Ang iyong kasuotan,” ang sabi ng isang batang babaing si Pam, “ay tunay na nagpapakilala kung sino ka at kung ano ang iyong tingin sa iyong sarili.” Oo, ang kasuotan ay nagbibigay ng mensahe, isang ulat sa iba ng tungkol sa iyo. Ang kasuotan ay nagbubulong ng pagiging maingat, matatag, may mataas na pamantayang moral. O nagsisigaw ng paghihimagsik at pagkadiskontento. Maaari pa ngang magsilbing pagkakakilanlan. Ang ilang mga kabataan ay nagsusuot ng sira-sirang damit, mga istilo ng punk, o mamahaling damit na gawa ng mga sikat na tagadisenyo bilang isang uri ng tatak. Ang iba naman ay nagsusuot ng damit upang makaakit sa ibang sekso o upang sila’y magmukhang mas matanda kaysa sa kanilang tunay na edad.

Sa gayon madaling maunawaan kung bakit ang kasuotan ay totoong mahalaga sa maraming kabataan. Gayunman, si John T. Molloy, autor ng Dress for Success, ay nagbababala: “Ang ating pananamit ay may pambihirang impluwensiya sa mga taong ating nakikilala at malaki ang epekto sa kung papaano nila tayo pakikitunguhan.”

Iyan ang dahilan kung bakit ang iyong mga magulang ay gayon na lamang ang pagkabahala sa paraan ng iyong pananamit! Para sa kanila iyon ay hindi lamang ayon sa personal na kagustuhan. Ibig nilang ipakita noon ang tumpak na mensahe, yaong nagpapakitang ikaw ay isang balanse, responsableng tao. Ito ba, kung gayon, ang ipinakikita ng paraan ng iyong pananamit? Ano ang sinusunod mo sa pagpili ng mga damit?

“Ginagawa Ko ang Anumang Bagay na Ibig Gawin ng Aking mga Kaibigan”

Para sa maraming kabataan, ang pananamit ay isang pagpapahayag ng kanilang pagsasarili at kakanyahan. Ngunit bilang isang kabataan, ang iyong personalidad ay nasa kalagayan pa ng pagbabago​—sumusulong pa, nag-iiba pa. Kaya samantalang ibig mong magpahayag may kinalaman sa iyong sarili, hindi ka gaanong nakatitiyak kung ano ang dapat ipahiwatig ng pahayag na iyon o kung papaano sasabihin iyon. Ang ilang mga kabataan ay samakatuwid basta nagpapalamuti sa kanilang sarili ng kakatuwa, nakagigitlang kagayakan. Gayunman, sa halip na makapagtatag ng kanilang sariling ‘kakanyahan,’ itinatawag-pansin lamang nila ang kanilang pagiging bata pa​—hindi pa kasali ang pagdudulot ng kahihiyan sa mga magulang.

Ang ibang mga kabataan ay basta ibig manamit na katulad ng kanilang kasamahan; waring nagbibigay sa kanila ng kasiguruhan at pagiging kasama sa isang grupo. Siyempre pa, hindi naman laging mali na naisin na makisama sa tao. (Ihambing ang 1 Corinto 9:22.) Subalit nanaisin nga ba ng isang Kristiyano ang maiugnay sa di-sumasampalatayang mga kabataan? At, katalinuhan bang hangarin ang pagsang-ayon ng kasamahan sa anumang paraan? Isang batang babae ang nagtapat: “Ginagawa ko ang anumang bagay na ibig gawin ng aking mga kaibigan para wala silang masabi.” Subalit ano ang tawag mo sa isang sumusunod sa kaway at tawag ng ibang tao, na nagpapaubaya sa kapritso at sa kinahuhumalingan ng iba? Ang Bibliya ay sumasagot: “Hindi baga ninyo nalalaman na kung kanino ninyo inihahandog ang inyong mga sarili . . . upang tumalima, kayo’y mga alipin niya sapagkat sa kaniya kayo tumatalima?”​—Roma 6:16.

Sa mga kabataan “ang pagpapahalaga sa pagsunod ay maaaring maging napakatindi anupa’t ang mga miyembro ng grupo ay nagmimistulang mga bilanggo ng mga pamantayan ng grupo, na umaasa sa kanila [mga kasamahan] para sa mga payo kung papaano dapat manamit, kung papaano dapat magsalita, kung ano ang dapat gawin, at maging kung ano ang dapat isipin at paniwalaan.”​—Adolescence: Transition From Childhood to Maturity.

Subalit gaano ang kakayahan ng iyong mga kaibigan upang magbigay ng ganiyang mga payo? (Ihambing ang Mateo 15:14.) Hindi ba sila man ay nakadaranas ng katulad na emosyonal na problema ng paglaki na dinaranas mo? Matalino ba, kung gayon, na buong kaamuang hayaan silang magtakda ng iyong sariling sukatán​—kahit na ang mga ito ay taliwas sa iyong sariling pag-iisip o sa mga pamantayan at kagustuhan ng iyong mga magulang?

Uso Ngayon​—Lipas Na Kinabukasan

Ang ibang mga kabataan ay inaakay ng kausuhan ng moda. Ngunit napakadaling magbago ng mga kausuhang iyan! Tayo’y pinaaalalahanan ng mga salita sa Bibliya: “Ang tanawin ng sanlibutang ito ay nagbabago.” (1 Corinto 7:31) Ang anumang uso ngayon samakatuwid ay magiging lipas na kinabukasan sa bilis na nakagugulat (bukod pa sa magastos). Ang damit ay umiigsi at humahaba, ang mga laylayan ng pantalon ay lumuluwang at kumikipot, ang lahat ay sa kapakinabangan ng mga tagagawa at tagadisenyo ng damit na tumutubo nang malaki mula sa madaling hawakang publiko.

Halimbawa, isaalang-alang ang kausuhan ng designer-jean na gawa ng sikát na tagadisenyo noong nakaraang mga taon. Ang pantalong ito ay biglang-biglang nauso. Ang mga tao’y nagbabayad ng malaking halaga upang sila’y magmistulang naglalakad na paskilan na taglay ang mga pangalang gaya ng Calvin Klein at Gloria Vanderbilt. “Gusto ng mga tao ang pangalan,” pagpapaliwanag ni Eli Kaplan, presidente ng kompaniyang gumagawa ng pantalong maóng na “Sergio Valente.” Sino nga ba, kung gayon, itong si G. Valente, na ang bantog na pangalan ay nakatahing kitang-kita sa mga bulsa ng pantalon? “Hindi siya umiiral,” pag-uulat ng Newsweek. At bilang pagpapaliwanag si Kaplan mismo ay nagtanong: “Eh, sino ba naman ang bibili ng pantalon na Eli Kaplan?”

‘Subalit mali bang sumunod sa kausuhan?’ marahil ay itatanong mo. Hindi naman. Ang mga lingkod ng Diyos noong mga panahon ng Bibliya ay nagdaramit ayon sa kagustuhan ng mga tagaroon. Halimbawa, ang Bibliya ay nagsasabi na si Tamar ay nagsuot ng guhít-guhít na balabal, ‘sapagkat sa ganoong paraan nagdaramit ang mga anak na dalaga ng hari’ noong panahong iyon.​—2 Samuel 13:18.

Subalit ang isa ba’y magpapaalipin sa kausuhan? Ang isang kabataang babae ay nanaghoy: “Makikita mo sa isang tindahan ang napakaraming pares ng pantalon na isinusuot ng lahat at sasabihin mo, ‘Inay, ibili mo naman ako ng pantalong iyon,’ at sasabihin niya, ‘Huwag na, kaya kong gawin iyan sa bahay.’ Sasabihin ko, ‘Pero hindi ninyo ako naiintindihan. Ito ang gusto kong pantalon.’” Ngunit, hindi ba ang iyong pagpapaalipin sa mga tagadisenyo ng moda ay naghuhubad sa iyo ng iyong sariling kakanyahan at nagtatakip sa iyong totoong pagkatao? Bakit ka magpapaimpluwensiya sa mga nakapupukaw na anunsiyo, mga pamansag, at mga pangalan ng tagadisenyo?

Ang Bibliya ay nagsasabi sa atin sa Roma 12:​2: “Huwag na kayong lumakad na kaayon ng sistemang ito ng mga bagay, kundi mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong isip, upang mapatunayan ninyo sa inyong sarili ang mabuti at kalugud-lugod at sakdal na kalooban ng Diyos.” Ano ang ‘kalugud-lugod na kalooban ng Diyos’ may kinalaman sa pagpili mo ng iyong kasuotan?

‘Mahinhin at Maayos’

Ang 1 Timoteo 2:​9 ay humihimok sa mga Kristiyano na “magsigayak ng maayos na damit, na may kahinhinan at katinuan ng isip.” Ang “maayos na damit” ay natural na maging maimis at malinis. Ang “kahinhinan” ay nagsasaalang-alang sa mga kalagayan. Ang isang mahusay-ang-pagkakayaring terno ng damit ay maaaring angkop sa isang uri ng trabaho, ngunit iyon ay wala sa lugar kung nasa tabing dagat! Sa kabaligtaran naman, ang damit-pampaligo ay ituturing na kakatuwa sa isang opisina.

Ang mga kabataang saksi ni Jehova kung gayon ay may pananagutan na ang kanilang isinusuot sa Kristiyanong pagpupulong o sa gawaing pangangaral sa iba ay hindi basta na lamang, kundi nagpapakilala sa kanila bilang mga kabataang ministro ng Diyos. Alalahanin ang mga salita ni Pablo sa 2 Corinto 6:​3, 4: “Sa ano mang paraan ay hindi kami nagbibigay ng ano mang dahilan na ikatitisod, upang huwag mapulaan ang aming ministeryo; kundi sa lahat ng paraan ay ipinagkakapuri namin ang aming sarili bilang mga ministro ng Diyos.”

Ang kahinhinan ay nagbibigay-konsiderasyon din sa damdamin ng iba. Tulad ng sabi ni apostol Pablo, ang mga kilos ng isang Kristiyano ay kailangang magsaalang-alang hindi lamang ng kaniyang sariling budhi “kundi ng sa iba.” (1 Corinto 10:29) Hindi ba dapat na lalo kang mabahala sa budhi ng iyong mga magulang?

Ang Pakinabang ng Pagdaramit na Naaangkop

Ang Bibliya ay nagsasabi ng isang pagkakataon na si Reyna Esther ay nangailangang humarap sa kaniyang asawa, ang hari. Gayumpaman, ang gayong walang-imbitasyong pagharap ay maaaring isang pagkakasalang kamatayan ang parusa! Walang-alinlangang taimtim na nanalangin si Esther para sa tulong ni Jehova. Subalit binigyang-pansin din niya ang kaniyang hitsura sa pamamagitan ng ‘pagsusuot ng kaniyang bihisang pagkareyna’​—sa paraang angkop sa okasyon! At “nang makita ng hari si Esther na reyna na nakatayo sa looban, siya’y nagtamo ng biyaya sa kaniyang paningin.”​—Esther 5:​1, 2.

Ang pagdaramit mo na kaakit-akit ngunit sa mahinhing paraan ay maaaring makatulong upang makapagbigay ng isang mabuting impresyon sa isang interbiyu sa trabaho. Si Vicki L. Baum, direktor ng isang Career Development Center, ay pumapansin: “Ang ilang mga babae ay nalilito kapag sila’y nagpapainterbiyu. Ang akala nila ay katulad iyon ng pakikipag-date, at sila’y nagmumukhang katuksu-tukso.” Ang resulta? “Iyon ay nagbabawas ng iyong pagiging propesyonal.” Siya’y nagpapayo na huwag magsusuot ng “masyadong makikipot o nakatutukso.”

Ang mga kabataang lalaki man ay dapat magsikap na magsuot ng maayos na pananamit kapag naghahanap ng trabaho. Si John T. Molloy ay pumapansin na ang mga negosyante ay “nakasuklay nang maayos ang buhok at malinis ang sapatos. At iyon din ang inaasahan nila sa ibang mga lalaki.”

Gayunman, ang di-mahinhing kasuotan ay nakasisira ng iyong relasyon sa iba. Ang Psychology Today ay tumukoy sa isang surbey na kinuha mula sa mga kabataan na nagpakitang ang “maluluwag-ang-dibdib na pang-itaas, shorts, makikipot na pantalon, o di-pagsusuot ng bra” ay malamang na ipakahulugan ng mga lalaki bilang pang-aakit sa seksuwal. Isang kabataang lalaki ang umamin: “Ako sa aking sarili ay nahihirapang mag-isip ng malilinis na kaisipan tungkol sa mga kabataang babae kapag nakikita ko ang kanilang paraan ng pananamit.” Ang mahinhing pananamit ay nagpapangyari sa mga taong pahalagahan ang iyong panloob na mga katangian. Kapag hindi ka nakatitiyak kung ang isang kasuotan ay mahinhin, humingi ka ng payo sa iyong mga magulang.

Pagbibihis sa “Pagkataong-loob”

Si apostol Pedro ay humimok sa mga Kristiyano na hayaang ang kanilang paggayak ay maging ang “lihim na pagkatao sa puso sa di-nasisirang kasuotan ng tahimik at mahinahong espiritu, na siyang napakahalaga sa paningin ng Diyos”​—oo, at maging sa mga mata ng iba! (1 Pedro 3:4) Ang pusturyosong damit ay maaaring ikamangha ng iyong mga kasamahan. Ngunit ang mga kasuotan ay hindi makakukuha ng pabor o makagagawa ng tunay na mga kaibigan. Ito’y natatamo sa pamamagitan ng pagbibihis sa “pagkataong-loob”​—na inaayos ang panloob na katauhan. (2 Corinto 4:​16, The Jerusalem Bible) Ang isang taong maganda sa panloob ay mananatiling kaakit-akit sa iba, kahit na ang kaniyang damit ay hindi sunod sa moda o “natatatuhan” ng walang halagang mga etiketa ng tagadisenyo.

Walang nakaaalam kung anuman ang susunod na kausuhan na magbubunsod sa mga kabataan na magpanakbuhan sa mga tindahan. Ikaw, gayunman, ay makapag-iisip para sa iyong sarili. Manatili sa matataas na pamantayan ng pananamit. Iwasan ang sunod-sa-usong kasuotan at damit na nagtatampok sa seksuwalidad. Pumanig ka sa pagiging konserbatibo, hindi nauuna​—ni hindi rin naman kailangang maging nahuhuli​—na makisama sa iba sa kausuhan. Hanapin ang may kalidad na mga kasuotan na magtatagal​—hindi kaagad-agad nawawala sa kausuhan. Tiyakin na ang iyong damit ay nagbibigay ng wastong mensahe, na nagtatanghal, hindi ng larawang likha ng media o mga kasamahan, kundi ng tunay na pagkatao mo!

Mga Tanong para sa Talakayan

◻ Papaanong ang pananamit ay nagbibigay ng mensahe?

◻ Bakit nakahilig ang ilang kabataan sa pagiging kakaiba sa kanilang pagpili ng damit?

◻ Gaano ka naiimpluwensiyahan ng iyong mga kasamahan kung tungkol sa pagpili ng kasuotan?

◻ Ano ang ilang pinsala ng laging pagsunod sa kausuhan?

◻ Ano ang tumitiyak kung ang isang istilo ay ‘mahinhin at maayos’?

[Blurb sa pahina 94]

“Ang iyong kasuotan ay tunay na nagpapakilala kung sino ka at kung ano ang iyong tingin sa iyong sarili”

[Larawan sa pahina 91]

Ang mga magulang ay madalas na nakikipagtalo sa kanilang mga anak tungkol sa kanilang isinusuot. Ito ba’y dahil sa makaluma lamang ang mga magulang?

[Larawan sa pahina 92]

Ang maraming mga kabataan ay naghahayag ng kanilang sariling kakanyahan sa pamamagitan ng kakaibang pananamit

[Mga Larawan sa pahina 93]

Manamit sa paraang angkop sa kalagayan. Ang pananamit ay nagbibigay ng mensahe tungkol sa iyo!