Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gaano Kahalaga ang Hitsura?

Gaano Kahalaga ang Hitsura?

Kabanata 10

Gaano Kahalaga ang Hitsura?

IKAW ba ay nagsasabing hindi mo gusto ang iyong hitsura? Bueno, iilan lamang sa atin​—kung mayroon man​—ang lubusang nasisiyahan sa ating anyo. Di-tulad ni Narciso, na umibig sa kaniyang larawan sa isang lawa ng tubig, ang ilan sa atin ay halos makadama ng kalumbayan kapag nakikita natin ang ating sarili.

‘Hindi ko gusto ang aking katawan,’ ang panangis ng 16-na-taóng-gulang na si Maria. ‘Sa palagay ko’y hindi ako maganda.’ Ang 13-taóng-gulang na si Bob ay may katulad na hinanakit: ‘Ayaw ko ng buhok ko, nakataas ito dito sa likod.’ Higit pang masahol, ang hitsura ng isang tinedyer ay maaaring mabilis na magbago anupa’t, sang-ayon sa isang sikologo, ang mga kabataan ay madalas na “nakadaramang hindi na nila kilala ang kanilang sariling katawan.” Kung gayon, marami ang nababahala tungkol sa kanilang mukha, buhok, pangangatawan, at kaanyuan.

Siyempre pa, ang Diyos mismo ay may pagpapahalaga sa kagandahan. Ang sabi ng Eclesiastes 3:​11: “Bawat bagay ay ginawa [ng Diyos] na maganda sa kapanahunan niyaon.” At ang iyong hitsura ay tunay na may malaking epekto sa kung papaano ka titingnan at pakikitunguhan ng iba. Ang susog pa ni Dr. James P. Comer: “Ang hitsura ng pangangatawan ay bahagi ng pagkatao. Makaaapekto iyon sa pagtitiwala sa sarili ng isang tao at kung ano ang kaniyang ginagawa at hindi ginagawa sa buhay.” Ang wastong pagkabahala tungkol sa iyong hitsura ay makatuwiran naman. Gayunman, kapag ikaw ay labis na nababahala sa sarili na anupa’t lumalayo ka na sa iba o kaya’y nakadarama ka ng pagkainis sa iyong sarili, kung gayon, ang pagkabahalang iyan ay hindi na wasto.

Sino ang May Sabing Hindi Ka Kaakit-akit?

Kapuna-puna, ang pagkabahala sa personal na kaanyuan ay hindi laging dahil sa pisikal na kapintasan. Ang isang payat na babae na nakaupo sa klase ay nagnanais na siya’y tumaba-taba, samantalang sa kabila naman, isang bilugan-ang-katawang babae ang naghihinagpis sa kaniyang “katabaan.” Mula ba saan nanggagaling ang ganitong kawalang-kasiyahan? Bakit ang isang may magandang pangangatawang kabataan ay nag-iisip na siya’y hindi kaakit-akit?

Ang sabi ng propesor ng psychiatry na si Richard M. Sarles: “Ang pagbibinata o pagdadalaga ay isang panahon ng pagbabago na doo’y nagkakaroon ng isang malaking pagrereorganisa ng katawan. . . . Upang mapakitunguhan ang mahirap na kalagayan ng nagbabagong pangangatawan, ang karamihan sa mga kabataan ay nagtitiwala sa kasiguruhan ng kanilang kabarkada.” Ngunit ang pagpapasailalim sa pagsusuri ng iyong kasamahan, kung gaano kataas, kababa, kataba, o kapayat ka​—hindi pa kasali ang hugis ng iyong ilong o tainga​—ay maaaring maging dahilan ng labis na pagkabalisa. At kapag ang iba ay higit na napapansin kaysa sa iyo o kaya’y sinisisi ka dahil sa iyong hitsura, madali kang naiinis sa iyong sarili.

Pagkatapos ay nariyan ang malaganap na impluwensiya ng TV, mga aklat, at mga pelikula. Ang kaakit-akit na mga lalaki at babae ay nakatitig sa atin mula sa TV at sa mga pahina ng magasin, na nagbibili ng lahat ng bagay mula sa pabango hanggang sa nabibitbit na lagaring de-koryente. Ang media ng pagbabalita ay magpapangyari sa iyong maniwala na kung ikaw ay hindi isang kagandahan na taglay ang walang-kapintasang kutis ng balat o hindi isang matipunong “macho,” mabuti pang sumuot ka na lamang saanmang butas​—o kalimutan na lamang ang tungkol sa pagiging popular o maligaya.

Huwag Kang ‘Pahubog sa Kanila’!

Ngunit bago mo ipagpalagay na ikaw ay pangit, tanungin muna ang iyong sarili kung ang iyong pisikal na kapintasan ay totoo​—o guniguni lamang. Iyan bang bahagi ng mukhang iyan na ikinababahala mo (o tinutukso ng iba) ay totoong hindi kaakit-akit? O pinipilit ka lamang ng iba para isiping gayon nga? Nagpapayo ang Bibliya: “Huwag kang pahubog sa sanlibutan.”​—Roma 12:​2, Phillips.

Isipin mo: Sino ba ang nagpasimula ng ideya na kailangan mo ang isang uri ng kaanyuan upang ikaw ay maging popular, matagumpay, o maligaya? Hindi ba ang mga gumagawa at nag-aanunsiyo na siyang nakikinabang sa iyong patuloy na pagsunod sa mga kausuhan ng pagkain o kaya’y pagbili ng mga mamahaling gamit sa pagpapaganda? Bakit mo hahayaang hubugin nila ang iyong pag-iisip? At kung ang iyong mga kasamahan ay masyadong palapansin sa iyong hitsura, ginagawa ba nila iyon upang makatulong​—o para lamang hiyain ka? Kung totoo ang huli, sino nga ba ang nangangailangan ng gayong uri ng mga “kaibigan”?

Ang Bibliya ay nagpapayo pa sa iyo na “ikiling ang iyong puso sa pang-unawa.” (Kawikaan 2:2) Ang pang-unawa ay tutulong sa iyo na tingnan ang iyong pisikal na mga katangian sa paraang makatotohanan at na huwag magtiwala sa mga propaganda. Kaunti lamang ang mga taong talagang napakagagandang modelo. At “ang kagandahan ay isang bula.” (Kawikaan 31:​30, Byington) Ang mga taong binabayaran dahil sa kanilang hitsura ay nasa kanilang karurukan subalit sa isang sandali ay papalitan na rin sila ng sariwa at bagong mukha. Bukod doon, napagmumukha silang maganda sa makeup, mga ilaw, at sining ng potograpiya. (Ang iba ay nagugulat kapag nakikita nila ang hitsura ng mga kilalang tao kapag walang pampaganda!)

Kaya walang dahilan upang malungkot kung sakali man at ikaw ay hindi magmukhang modelo sa TV at magasin. Ni gawing mga tagahatol ang iyong kasamahan sa kung gaano kataas, kababa, o kapayat ka upang maging kaakit-akit. Kung ikaw ay nasisiyahan na sa iyong hitsura, huwag mong gaanong intindihin ang iyong mga kasamahan. Anong malay mo, baka ang mismong bagay na inaayawan mo sa iyong hitsura ay siya namang kinaiinggitan ng iba.

Mag-ayos Ka!

Kung sa bagay ang mga kabataan ay talaga namang may mga problema sa kanilang hitsura: masamang kutis ng balat, sobrang taba, hindi magandang hugis ng ilong, halang na tainga, sobrang pandak. Siyempre pa, bilang lumalaking kabataan, nagbabago pa rin ang iyong kaanyuan. Ang acne, pagpapabagu-bago ng timbang, at ang napakabilis (o napakabagal) na paglaki ay siyang problema ng mga taon ng kabataan. Nilulutas ng panahon ang karamihan sa mga problemang katulad nito.

Ang iba ay hindi. At ang maraming kabataan ay kailangang mabuhay sa katotohanang ang kanilang hitsura ay, bueno, simple lamang. Ang sabi ng manunulat na si John Killinger: “Para sa ibang tao, ang kakulangan ng kagandahan ay isa sa pinakamasakit na katotohanan ng buhay, isang bagay na nalaman nila nang maaga at mahirap nang matakasan habang sila’y nabubuhay.” Gayunman, maaari mo pa ring gawan ng paraan ang iyong hitsura!

Ang pagpapaopera ay isang paraang may kamahalan at mapanganib sa pagwawasto ng pisikal na mga kapintasan. a Ang simpleng kalinisan, gayunman, ay hindi mahal at malaki ang magagawa upang patingkarin ang iyong pagiging kaakit-akit. Maaaring hindi kasingkintab ng buhok ng mga artista ang iyong buhok, ngunit malinis naman; gayundin ang iyong mukha, mga kamay, at kuko. Ang mapuputing ngipin, marosas-rosas na mga gilagid ay magpapaging kahali-halina ang mga ngiti. May problema ka ba sa labis na timbang? Ang isang sistematikong pagpaplano sa pagkain at ehersisyo (maaaring sa ilalim ng pangangalaga ng isang doktor) ay malaki ang magagawa upang makontrol ang iyong timbang.

Sa kapahintulutan ng magulang, maaari mong subukin ang mga kasuotan at istilo ng pag-aayos ng buhok na babagay sa iyong hitsura at sa gayo’y hindi na mapapansin ang iyong kapintasan. Halimbawa, sang-ayon sa manunulat na si Sharon Faelten, ang malaking ilong ay hindi mapapansin kung ang babae ay “may kulot na buhok na nakalugay o kaya’y susuklaying pataas at ipupusod.” Ang pangahang mukha ay maitatago rin naman kung “alun-alon at may kulot ang istilo ng buhok,” at ang mahusay na paggamit ng makeup ay makapagtatakip ng kapintasan ng mukha ng isang babae. Maging lalaki man o babae, malaki ang magagawa sa pagpili ng kasuotan. Piliin ang kulay na angkop sa iyong kutis at mga istilo na babagay sa iyo. Bigyang-pansin din ang dibuho ng damit: Ang linyang paayon ay nakapagmumukhang payat; ang linyang pahalang ay siyang kabaligtaran!

Oo, sa pamamagitan ng pagsisikap at ng imahinasyon, ikaw ay magmumukhang nakaiigaya​—kahit na hindi ka likas na maganda.

Ang Pangangailangan ng Pagiging Balanse

Samantalang ang pagbibigay-pansin sa iyong hitsura ay mahalaga, mag-ingat na huwag naman gawing ganoong kahalaga ang iyong hitsura sa iyong buhay. Napansin mo ba kung gaanong kaliit lamang umungkat ang Bibliya tungkol sa hitsura ng tao? Bakit hindi man lamang sinabi kung ano ang hitsura nina Abraham, Maria, o maging si Jesus man? Maliwanag, hindi ito itinuring ng Diyos na mahalaga.

Kapansin-pansin, tinanggihan ng Diyos para sa posisyon ng isang hari ang isang binatang nagngangalang Eliab, na ang taas ay kahanga-hanga! Ipinaliwanag ng Diyos na Jehova kay propeta Samuel: “Huwag mong tingnan ang kaniyang hitsura at ang kaniyang taas . . . Sapagkat ang pagtingin ng tao ay di-gaya ng pagtingin ng Diyos, dahil sa ang nakikita lamang ng hamak na tao ay yaong nakikita ng mata; ngunit para kay Jehova, nakikita niya ang nasa puso.” (1 Samuel 16:​6, 7) Nakaaaliw na malamang sa Diyos, ang Isa na dapat paluguran, ang ating hitsura ay hindi siyang mahalaga! “Nakikita ng Diyos ang nasa puso.”

Isa pang punto na dapat bulay-bulayin: Hindi ba ang karamihan sa iyong mga kaibigan ay pangkaraniwan lamang ang hitsura? At ang sinuman ba sa iyong mga magulang ay puwedeng materyales para sa pabalat ng isang magasin para sa moda? Marahil ay hindi. Totoo nga, sa pagkaalam ng kanilang mabubuting katangian, ni hindi mo naiisip ang tungkol sa kanilang hitsura! Ikaw man ay may mga katangian bilang isang tao na higit na matimbang kaysa sa anumang pisikal na kapintasan​—sa totoo man o sa guniguni.

Gayumpaman, ang hitsura ay mahalaga sa iyong mga kasamahan, at maaaring matagpuan mo ang iyong sariling nasa ilalim ng kagipitan upang makiayon sa kanilang istilo ng damit at pag-aayos. Papaano ka tutugon sa ganiyang panggigipit?

[Talababa]

a Ang ilang paraan ng paggagamot, gaya ng braces upang maiwasto ang sungal-sungal na ngipin, ay magdudulot ng mga kapakinabangang pangkalusugan at pampaganda.

Mga Tanong para sa Talakayan

◻ Bakit ba ang mga kabataan ay labis na nababahala sa kanilang hitsura? Ano ang iyong masasabi tungkol sa iyong hitsura?

◻ Anong pangmalas sa kahalagahan ng hitsura ang sinimulan ng media at ng iyong mga kasamahan? Papaano ka tutugon sa ganitong impluwensiya?

◻ Ano ang ilang mga paraan ng paglutas sa problema ng acne?

◻ Papaano mo magagawan ng paraan ang iyong hitsura? Bakit kailangan ang pagiging balanse may kinalaman dito?

[Blurb sa pahina 82]

‘Hindi ko gusto ang aking katawan . . . Sa palagay ko’y hindi ako maganda’

[Blurb sa pahina 88]

Ikaw ay may mga katangiang higit na matimbang kaysa sa anumang pisikal na kapintasan

[Kahon/Larawan sa pahina 84, 85]

‘Wala ba Akong Magagawa Tungkol sa Aking Acne?’

Ang acne ay isang sakit sa balat na nagiging dahilan ng mantsa o pagkadispigurado pa nga dahil sa tagihawat, blackheads, pamamaga, o cysts. Para sa maraming kabataan, ito ay madalas na isang malubhang sakit sa balat, sa halip na basta isang paghihirap na tumatagal lamang ng mga ilang buwan. Ang mga tao anumang edad ay maaaring pahirapan nito, ngunit higit ang mga tinedyer. Sang-ayon sa mga ilang eksperto, mga 80 porsiyento ang nagkakaroon ng acne sa iba’t ibang antas.

Hindi katakataka, nang tanungin ang 2,000 mga tinedyer kung ano ang pinakaayaw nila sa kanilang sarili, ang problema sa balat ang siyang nakahihigit sa lahat ng ibang mga reklamo. Naaalaala ng isang kabataang si Sandra, na nagkaroon ng malubhang kaso ng acne nang siya’y nasa haiskul pa: “Nagkaroon ako ng malubhang acne, lagi kong itinatago ang aking mukha sa mga tao. Mahiyain ako dahil ikinahihiya ko ang aking hitsura. . . . Napakasagwa.”​—Magasing Co-Ed.

Bakit ang salot na ito ay nangyayari sa panahon ng kabataan​—sa panahong ibig mong maging pinakamaganda ka? Sapagkat ikaw ay lumalaki. Sa pagpapasimula ng pagbibinata o pagdadalaga, bumibilis ang pagkilos ng mga glandula ng balat.

Ano ba ang nangyayari? Ang The World Book Encyclopedia ay nagpapaliwanag sa simpleng paraan: Ang langis ng bawat glandula ay lumalabas sa isang “hair follicle”​—na siyang maliit na umbok sa palibot ng bawat balahibo. Karaniwan na, ang langis ay lumalabas sa isang napakaliit na butas ng balat, subalit paminsan-minsan ang isang napakaliit na butas ay nababarahan kung kaya’t hindi agad nakalalabas ang langis. Ang nagbarang butas ay mangingitim at iyon ang tinatawag na blackhead sapagkat ang nasarhang langis ay sumasama sa oksihena, natutuyo, at nangingitim. Ang tagihawat ay lumalabas kapag nagnanà. Nagkakaroon naman ng cysts kapag ang mikrobyo ay namalagi sa namuong langis. Ang cysts ang nag-iiwan ng permanenteng pilat. Ang pangkaraniwang tagihawat ay hindi pumipilat maliban lamang kung ito’y maimpeksiyon, na madalas na nangyayari bunga ng pagpisa o pagsungkit​—kaya huwag pisain o sungkitin!

Kapansin-pansin, ang tensiyon at pagkabalisa ay nagpapasigla sa mga glandula ng balat. Ang ilan ay nakadaranas ng pamamaga ng malaking tagihawat bago ang isang importanteng pangyayari o bago at sa panahon ng pagsusulit sa paaralan. Praktikal kung gayon ang mga salita ni Jesus: “Huwag ninyong ikabalisa ang araw ng bukas, sapagkat ang araw ng bukas ay mababalisa sa kaniyang sarili.”​—Mateo 6:34.

Nakalulungkot sabihin, walang umiiral na makahimalang gamot. Gayunman, mayroong nabibiling mga gamot, gaya ng gels, mga krim, losyon, panghilamos, sabon, at maskarang pamahid sa mukha, na may benzoyl peroxide (panlaban sa baktirya) na makasusugpo sa acne. (Ang doktor ng inyong pamilya ay maaaring konsultahin kung nangangailangan ng mas mabisang pamamaraan.) Marami ang nakatuklas na ang lubusang paglilinis ng balat sa pamamagitan ng sabon o panghilamos na may benzoyl peroxide ay nakatutulong. Gayunman, iwasan ang malalangis na sabon o may langis na mga kosmetiko.

Ang ilang mga kabataan ay nakatuklas din na sa pamamagitan ng pangangalaga sa kanilang pambuong kalusugan​—maraming ehersisyo, madalas na pagsagap ng sariwang hangin, at sapat na pagtulog​—ang kalagayan ng kanilang acne ay bumubuti. At samantalang pinagtatalunan ng ilan ang kapakinabangan sa pagpapanatili ng walang-mantikang mga pagkain, ang pag-iwas sa mga walang sustansiyang pagkain (junk food), at ang pagkakaroon ng timbang na pagkain, ay maliwanag na isang katalinuhan.

Sa lahat ng ito, ang pagtitiyaga ay kailangan. Tandaan: Ang problema ay unti-unting nabuo pagkatapos ng ilang mga panahon din naman, kaya hindi basta-basta malulutas iyon sa isang iglap. Si Sandra, na nabanggit kanina, ay nagsasabi: “Siguro ay umabot nang mga isang taon bago lubusang nalinis ang aking balat, pero napansin ko ang pagbabago sa aking balat sa loob ng anim na linggo.” Sa pamamagitan ng patuloy na paggagamot sa isang yugto ng panahon, marahil makadaranas ka ng ilang kaginhawahan.

Samantala, huwag mong hayaang ang ilang mantsa ay magwasak ng iyong pagpapahalaga sa sarili o pumigil sa iyo ng pakikipag-usap sa iba. Bagaman labis kang nag-aalala sa iyong balat, marahil ang iba naman ay hindi gaanong napapansin iyon. Kaya subuking panatilihin ang isang positibo, masayang espiritu. At gawin ang iyong magagawa sa iyong acne ngayon!

[Larawan sa pahina 83]

Baka ang inaayawan mo sa iyong sarili ay kinaiingitan naman ng iba

[Mga Larawan sa pahina 86]

Ang mga kabataan ay madalas na hindi nakauunawa na ang mga modelo sa magasin ay naaayusan lamang ng isang pangkat ng tagapagpaganda