Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

May Nagagawa Ba ang Aking Binabasa?

May Nagagawa Ba ang Aking Binabasa?

Kabanata 35

May Nagagawa Ba ang Aking Binabasa?

SI Haring Solomon ay nagbabala: “Tungkol sa paggawa ng maraming aklat ay walang wakas, at ang pagtatalaga sa mga ito ay kapaguran ng katawan.” (Eclesiastes 12:12) Hindi naman sa pinahihina ni Solomon ang iyong loob na magbasa; pinapayuhan ka lamang niya na maging mapamili.

Ang 17-siglong pilosopong Pranses na si René Descartes ay nagsabi: “Kapag ang isa ay nagbabasa ng mabubuting aklat iyon ay katulad ng pakikipag-usap sa mga mahuhusay na lalaking nabuhay noong nakaraan. Maaari pa nga nating matawag na isang piling pakikipag-usap na kung saan ang autor ay nagpapahayag ng kaniyang pinakamararangal na kaisipan.” Hindi lahat ng mga manunulat, gayunman, ay karapatdapat na ‘kausapin,’ ni ang lahat ng kanilang kaisipan ay tunay na “marangal.”

Kaya ang madalas-sipiing prinsipyo sa Bibliya ay muli na namang mababanggit: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na ugali.” (1 Corinto 15:33) Oo, ang mga taong iyong sinasamahan ay makahuhubog ng iyong pagkatao. Nakaranas ka na bang gumugol ng maraming panahon kasama ng isang kaibigan na sa gayo’y nasumpungan mo ang iyong sarili na kumikilos, nagsasalita, at maging nag-iisip na katulad ng iyong kaibigan? Bueno, ang pagbabasa ng isang aklat ay katulad lamang ng paggugol ng mga oras sa pakikipag-usap sa isa na sumulat niyaon.

Ang prinsipyo na sinabi ni Jesus sa Mateo 24:​15 sa gayon ay may kaugnayan: “Hayaang unawain ng bumabasa.” Matutong suriin at timbang-timbangin ang iyong binabasa. Ang lahat ng mga tao ay nakararanas ng ilang pagkiling at hindi laging lubusang tapat sa kanilang pagsasalarawan ng mga pangyayari. Huwag, kung gayon, basta tanggapin nang walang tanung-tanong ang lahat ng iyong nababasa o naririnig: “Pinaniniwalaan ng musmos ang bawat salita, ngunit ang matalino ay tumitinging mabuti sa kaniyang paglakad.”​—Kawikaan 14:15.

Ikaw ay dapat na partikular na maging maingat tungkol sa pagbasa ng anumang nagpapaliwanag sa pilosopiya ng buhay. Ang magasing ’Teen, halimbawa, ay punung-puno ng mga payo tungkol sa lahat ng bagay mula sa pakikipag-date hanggang sa pakikipagtalik bago ang kasal​—mga payong hindi laging dapat na sundin ng isang Kristiyano. At kumusta naman ang mga aklat na tumatalakay sa mabibigat na pilosopikong mga pagtatanong?

Ang Bibliya ay nagbababala: “Mag-ingat kayo: baka may bumihag sa inyo sa pamamagitan ng pilosopya at walang kabuluhang pagdaraya ayon sa sali’t saling sabi ng mga tao, ayon sa mga pasimulang aral ng sanlibutan . . . at hindi ayon kay Kristo.” (Colosas 2:8) Ang Bibliya, at ang mga salig-sa-Bibliyang babasahing gaya nito, ay nag-aalok ng mas mabubuting payo.​—2 Timoteo 3:16.

Mga Nobelang Romansa​—Di-nakapipinsalang Basahin?

Ang pagbabasa ng mga nobelang romansa ay naging isang nakagugumong gawi para sa mga 20 milyong mga tao sa Estados Unidos lamang. Siyempre pa ang Diyos mismo ay naglakip sa lalaki at babae ng paghahangad na umibig at mag-asawa. (Genesis 1:​27, 28; 2:​23, 24) Hindi katakataka, kung gayon, na ang romansa ay litaw na itinatampok sa halos lahat ng mga kuwentong-katha, at hindi naman ito laging masama. Ang ilang mga nobelang romansa ay nagkamit pa man din ng katayuan bilang napakainam na pánitikan. Subalit yamang ang mas matatandang nobelang ito ay itinuring na walang kasigla-sigla ng modernong mga pamantayan, nasumpungan ng mga manunulat na hindi pa huli upang maglabas ng isang bagong suplay ng mga nobelang romansa. Ang ilan ay gumagamit pa rin ng mga makasaysayan o sinaunang panahong mga tagpo upang magdagdag ng drama at damdamin sa istorya. Ang iba ay may istilo at tagpong ayon sa panahon ngayon. Gayumpaman, bagaman may ilang munting pagbabago, ang mga modernong nobelang romansang ito ay sumusunod sa medyo madaling hulaang pormula: ang mga bidang lalaki at babae ay nagtatagumpay sa mahihirap na mga hadlang na nagbabanta sa kanilang umuusbong na pag-iibigan.

Karaniwan na, ang bidang lalaki ay isang malakas, hambog pa, isang lalaking kinakikitaan ng pagtitiwala-sa-sarili. Ang bidang babae, samantala, ay maselan at maramdamin, madalas na ang bidang lalaki ay mas matanda ng 10 o 15 taon. At bagaman madalas na hinahamak ang babae, hindi niya mapaglabanang maakit pa rin sa kaniya.

Madalas na may karibal na manliligaw. Bagaman siya’y mabait at makonsiderasyon, nabibigo pa rin siyang mapukaw o makuha ang interes ng bidang babae. Kaya naman ginagamit ng babae ang kaniyang mapandayang alindog upang hubugin ang kaniyang matiising bayani tungo sa isang mapagmahal na kaluluwa na ngayo’y lantarang ipinahahayag ang kaniyang walang maliw na pag-ibig. Ang lahat ng dating mga pag-aalinlangan ay nawala na at pinatawad na, sila’y maligayang nagpakasal at namuhay nang maligaya pagkatapos  . . .

Ang Pag-ibig ba ay Katulad ng mga Kuwento ng Pag-ibig?

Ang pagbabasa ba ng mga ganitong yari sa guniguning mga kuwento ay nagpapalabo sa iyong paningin sa katotohanan? Si Bonnie, na nagsimulang magbasa ng mga nobelang romansa sa edad na 16, ay umaalala: “Naghahanap ako ng isang kabataang lalaki na mataas, kayumanggi at magandang lalaki; isa na kasasabikan, na may dominanteng personalidad.” Nagtapat siya: “Kapag ako’y nakikipag-date sa isang lalaki at hindi niya gustong humalik at humawak, wala siyang kalatuy-latoy, kahit na siya ay makonsiderasyon at mabait. Gusto ko ang pananabik na nababasa ko sa mga nobela.”

Si Bonnie ay nagpatuloy pa sa kaniyang pagbabasa ng mga romansa pagkatapos ng kaniyang pag-aasawa at ang sabi niya: “May kasiya-siya akong tahanan at pamilya, subalit kahit papaano ay parang may kulang . . . Gusto ko ng pakikipagsapalaran, kasabikan at pangingilig na gaya ng buong pang-aakit na inilalarawan sa mga nobela. Naiisip kong may kulang sa aking pag-aasawa.” Ang Bibliya, gayunman, ay tumulong kay Bonnie na kilalanin na ang isang asawang lalaki ay kailangang maglaan sa kaniyang asawang babae ng higit pa kaysa panghalina o “kasabikan.” Sinasabi nito: “Dapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang asawa tulad ng sarili nilang katawan. Ang umiibig sa asawa niya ay umiibig sa sarili niya, sapagkat wala pang lalaking napoot sa sarili niyang laman; kundi pinakakain niya ito at inaalagaan ito.”​—Efeso 5:​28, 29.

At kumusta naman ang mga temang palasak na palasak sa mga nobelang romansa, na ang mga katapusan ng istorya ay Utopian (naniniwalang ang pagsasamahan ng mga tao ay sakdal) at na madaling malutas ang mga di-pagkakaunawaan? Bueno, ang mga iyon ay malayo sa katotohanan. Naaalaala pa ni Bonnie: “Nang kami’y magkaroon ng di-pagkakaunawaan ng aking asawa, sa halip na ipakipag-usap ko iyon sa kaniya, ay ginaya ko ang paraan na ginawa ng bidang babae. Nang ang aking asawa ay hindi kumilos nang tulad sa ikinilos ng bidang lalaki, nagtampo ako.” Hindi ba mas higit na makatotohanan at mas praktikal ang payo ng Bibliya para sa mga asawang babae kapag sinasabi nito: “Kayong mga babae, pasakop kayo sa inyu-inyong asawa”?​—Colosas 3:18.

Ang Nilalaman Tungkol sa Sekso

Kapuna-puna, ang malinaw na tungkol sa seksong mga romansa​—na mababasa sa mga aklatang pampubliko sa ilang mga lungsod​—ay siyang gustung-gusto ng mga kabataan. Makapipinsala ba ang mga ito sa iyo? Ganito ang paliwanag ng 18-taóng-gulang na si Karen: “Ang mga aklat ay totoong pumupukaw ng aking matinding seksuwal na damdamin at pagkausyoso. Ang lubos na kasiyahan at kagalakan na nadama ng bidang babae sa mga maaapoy na tagpo nila ng bidang lalaki ay naging dahilan upang ako’y magnasa ng gayunding damdamin. Kaya kapag ako’y nakikipag-date,” ang pagpapatuloy niya, “sinusubok kong damhin ang gayong mga pakiramdam. Iyon ang nagbunsod sa akin sa pakikiapid.” Subalit ang kaniya bang karanasan ay kagaya ng sa mga bidang babae na nabasa niya at pinapangarap? Natuklasan ni Karen na: “Ang mga damdaming ito ay bungang-isip lamang ng mga manunulat. Hindi ito totoo.”

Ang paglikha ng mga seksuwal na pangarapin ay tunay na siyang intensiyon ng ilang mga autor. Tingnan ang mga instruksiyon na ibinibigay ng isang tagapaglathala sa mga autor ng nobelang romansa: “Ang mga tagpo na panseksuwal ay dapat na magbigay-diin sa maapoy at punung-puno ng pag-ibig na damdaming pinupukaw sa pamamagitan ng mga halik at haplos ng bidang lalaki.” Ang mga manunulat ay pinayuhan pa na ang mga kuwento ng pag-ibig ay “dapat na makapagpasabik, makapagpaigting at makapagpakilos sa matinding emosyon at hilig ng laman ng mga mambabasa.” Maliwanag, na ang pagbabasa ng gayong mga materyales ay hindi makatutulong upang masunod ang babala ng Bibliya na “patayin nga ninyo ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa ibabaw ng lupa kung tungkol sa pakikiapid, karumihan, pagkagahaman sa sekso, masamang nasa.”​—Colosas 3:5.

Ang Pagiging Mapamili

Pinakamabuti, kung gayon, na iwasan ang mga nobelang pumupukaw sa imoral na damdamin o na nagiging sanhi ng di-makatotohanang mga inaasahan. Bakit hindi magpalit at subukang magbasa ng ibang uri ng mga aklat, gaya ng mga aklat sa kasaysayan o sa siyensiya? Hindi naman sa ipinagbabawal ang kuwentong-katha, sa dahilang may mga gawang katha na hindi lamang nakaaaliw kundi nakapagtuturo rin naman. Subalit kapag ang nobela ay nagtatampok ng sekso, walang kabuluhang karahasan, mga kahiwagaan, o mga “bida” na mahalay, malupit, o masakim, dapat mo bang aksayahin ang iyong panahon sa pagbabasa nito?

Kaya mag-ingat. Bago basahin ang isang aklat, suriin muna ang pabalat at kalakip na pabalat (book jacket) niyaon; tingnan kung mayroong bagay na hindi kanais-nais tungkol sa aklat. At kung sa kabila ng pag-iingat ay nasumpungan mong ang isang aklat ay hindi mabuti, magkaroon ng paninidigan na ibaba ang aklat.

Sa kabilang dako naman, ang pagbabasa ng Bibliya at mga salig-sa-Bibliyang publikasyon ay makatutulong, hindi makapipinsala, sa iyo. Isang Haponesa, halimbawa, ay nagsasabi na ang pagbabasa ng Bibliya ay tumulong sa kaniya na mapanatili ang kaniyang isipan na hiwalay sa sekso​—na madalas na problema ng mga kabataan. “Lagi kong inilalagay ang Bibliya sa tabi ng aking higaan at tinitiyak na binabasa iyon bago matulog,” ang sabi niya. “Sa panahong ako’y nag-iisa at walang ginagawa (tulad sa panahon ng pagtulog) ang aking isipan kung minsan ay tumutungo sa sekso. Kaya ang pagbabasa ng Bibliya ay tunay na tumutulong sa akin!” Oo, ang “pakikipag-usap” sa mga taong ang pananampalataya ay nakaulat sa Bibliya ay makapagbibigay sa iyo ng tunay na katatagan sa moral at makadaragdag nang malaki sa iyong kagalakan.​—Roma 15:4.

Mga Tanong para sa Talakayan

◻ Bakit dapat kang maging mapamili sa iyong binabasa?

◻ Bakit ang mga nobelang romansa ay kawili-wili sa maraming kabataan? Subalit ano ang kapanganiban ng mga ito?

◻ Papaano ka makapipili ng angkop na babasahin?

◻ Ano ang ilan sa mga kapakinabangan ng pagbabasa ng Bibliya at mga salig-sa-Bibliyang publikasyon?

[Blurb sa pahina 287]

“May kasiya-siya akong tahanan at pamilya, subalit kahit papaano ay parang may kulang . . . Gusto ko ng pakikipagsapalaran, kasabikan at pangingilig na gaya ng buong pang-aakit na inilalarawan sa mga nobela. Naiisip kong may kulang sa aking pag-aasawa”

[Larawan sa pahina 283]

Sa libu-libong mga aklat na mababasa, dapat kang maging mapamili

[Mga Larawan sa pahina 285]

Ang nobelang romansa ay nakawiwiling basahin, ngunit ang mga iyon ba ay nagtuturo ng isang kapaki-pakinabang na pangmalas sa pag-ibig at pag-aasawa?