Handa Na Ba Ako sa Pag-aasawa?
Kabanata 30
Handa Na Ba Ako sa Pag-aasawa?
ANG pag-aasawa ay hindi biro. Nilayon ng Diyos na pagsamahin ang mag-asawa sa isang permanenteng buklod, isang ugnayan na mas matalik kaysa kanino pa man. (Genesis 2:24) Kaya ang asawa ay isa na dapat pakisamahan—o kaya’y pagtiisan—habang ika’y nabubuhay.
Lahat ng pag-aasawa ay tiyak na daranas ng “kirot at dalamhati.” (1 Corinto 7:28, The New English Bible) Ngunit may babala si Marcia Lasswell, propesora ng behavioral science: “Kung mayroon tayo ng kahit iisang di-matututulang piraso ng impormasyon hinggil sa kung magtatagal ba ang isang pag-aasawa o hindi, ay ito na nga, na ang nag-aasawa nang batang-bata pa ay malamang na hindi magtatagumpay.”
Bakit bigo ang napakaraming nag-aasawa nang batang-bata pa? Ang sagot dito ay may malaking kinalaman sa kung baga ikaw ay handa na sa pag-aasawa o hindi pa.
Labis ang Inaasahan
“Wala kaming kaalam-alam tungkol sa pag-aasawa,” inamin ng isang babaing tinedyer. “Akala nami’y puwede kaming basta makipagkalas at magkabalikang-muli, gawin ang balang maibigan, maghugas ng plato o hindi, pero hindi pala ganoon.” Maraming kabataan ang may ganitong musmos na pangmalas sa pag-aasawa. Akala nila ito’y isang romantikong panaginip. O humaharap sila sa dambana pagkat gusto nilang ipakita na sila’y maygulang na. Subalit ang iba’y basta gusto lamang umiwas sa hindi mabuting kalagayan sa bahay, sa eskuwela, o sa kanilang komunidad. Nagtapat ang isang dalaga sa kaniyang katipan: “Magiging masayang-masaya ako kapag kasal na tayo. Kasi hindi na ako kailangang gumawa ng anumang disisyon!”
Subalit ang pag-aasawa ay hindi isang panagimpan ni isang panlunas sa lahat ng suliranin. Ang totoo, nagbabangon ito ng maraming bagong problema na dapat harapin. “Maraming tinedyer ang nag-aasawa para magbahay-bahayan,” sabi ni Vicky, na unang nagkaanak nang siya’y 20 anyos. “Naku, talagang nakatutuwa! Ang tingin ko sa anak ko’y parang isang manika, napaka-cute at napakasarap paglaruan, pero hindi pala ganoon.”
Marami ring kabataan ang may di-makatotohanang paniwala hinggil sa seksuwal na pagtatalik. Sinabi ng isang lalaki na nag-asawa sa edad na 18: “Nang kasal na kami natuklasan ko na napakadaling pagsawaan ang masidhing pananabik sa sekso at unti-unti na kaming nagkaroon ng mga problema.” Isiniwalat ng isang pagsusuri sa mga mag-asawang tinedyer na, kasunod ng problema sa salapi, karamihan ng pagtatalo ay hinggil sa pagtatalik sa sekso. Tiyak na nagkakaganito pagkat ang kasiya-siyang ugnayan sa sekso ay nasasalig sa kawalang kasakiman at pagpipigil-sa-sarili—mga katangian na madalas ay hindi napasusulong ng mga kabataan.—1 Corinto 7:3, 4.
Kaya may-katalinuhan, na ang Bibliya ay nagpapayo sa mga Kristiyano na mag-asawa kapag sila’y “lampas na sa pamumukadkad1 Corinto 7:36) Mapipilipit ang pag-iisip mo at mabubulag ka sa mga kakulangan ng iyong katipan kung mag-aasawa ka kapag ang simbuyo ay nag-aapoy.
ng kabataan.” (Di-handa sa Kanilang Papel
Sinabi ng isang bagong kasal na babaing tinedyer tungkol sa kaniyang asawa: “Ngayong kasal na kami, kaya lamang siya magpapakita ng interes sa akin ay kung gusto niya ng sekso. Sa palagay niya ang pagsama sa kaniyang barkada ay kasing halaga ng pagsama sa akin. . . . Akala ko ako lang ang mahalaga sa kaniyang buhay, pero náloko ako.” Idiniriin nito ang isang maling palagay na karaniwan sa maraming binata: Akala nila kahit may-asawa na, puwede pa rin silang magbuhay-binata.
Binanggit ng isang 19-anyos ang problema na karaniwan sa mga babaing nag-asawa nang bata pa: “Mas mahilig akong manood ng TV at matulog kaysa maglinis ng bahay at magluto. Nahihiya ako kapag dumadalaw ang mga biyenan ko kasi napakaayos ng kanilang bahay samantalang napakagulo ng sa akin. At saka hindi ako masarap magluto.” Magiging lubhang maigting ang pagsasama kapag ang babae ay walang kaalam-alam sa gawaing-bahay! “Ang pag-aasawa ay humihiling ng pagtatalaga sa sarili,” ani Vicky (na binanggit kanina). “Hindi ito laro. Tapos na ang kagalakan sa araw ng kasal. Haharapin mo na ang pang-araw-araw na buhay at hindi ito madali.”
At kumusta naman ang araw-araw na pagkukumayod para tustusan ang pamilya? Sinabi ni Mark, asawa ni Vicky: “Sa una
kong trabaho kinailangan kong gumising nang alas sais. Inisip ko: ‘Mahirap na trabaho ito. Wala na ba akong pahinga?’ Pag-uwi ko naman sa bahay nadarama kong parang hindi nauunawaan ni Vicky ang pagkapagod ko.”Problema sa Pera
Narito pa ang isang sanhi ng pag-aaway ng maraming mag-asawang kabataan: pera. Inamin ng 48 mag-asawang tinedyer na tatlong buwan pagkaraan ng kasal, ang pinakamalaking problema nila ay ang “paggasta ng kinikita.” Pagkaraan ng halos tatlong taon, ganoon uli ang itinanong sa 37 sa mga mag-asawang ito. Nangunguna pa rin ang problema sa pera—at mas lumala pa ang kabalisahan nila! “Papaano ka masisiyahan sa buhay,” tanong ni Bill, “kung kulang ang pera mo para bumili ng mga bagay na magbibigay-kasiyahan sa iyo? . . . Kung hindi ito sasapat hanggang sa susunod na suweldo, lilikha ito ng maraming away at kalungkutan.”
Ang problema sa pera ay karaniwan sa mga tinedyer, pagkat napakataas ang antas ng mga walang trabaho at napakababa naman ng kanilang kita. “Palibhasa hindi ko makayang buhayin ang aking pamilya, pumisan kami sa aking mga magulang,” sabi ni Roy. “Lumikha ito ng malubhang kaigtingan, lalo pa nga’t may anak kami.” Nagpapayo ang Kawikaan 24:27: “Ihanda mo ang iyong gawa sa labas, at igayak mo ito sa parang. Pagkatapos ay dapat mong itayo ang iyong sambahayan.” Noong panahon ng Bibliya, nagsikap sa trabaho ang mga lalaki upang sa dakong huli ay masuportahan nila ang kanilang pamilya. Dahil sa hindi paghahanda sa ganitong pangangailangan, maraming kabataang may asawa ngayon ang nahihirapang gumanap sa papel ng isang tagapaglaan.
Kahit malaki ang suweldo hindi malulutas ang problema sa pera kung ang mag-asawa ay may musmos na pangmalas sa materyal na mga bagay. Ipinakita ng isang pagsusuri na “gusto ng mga tinedyer na bilhin agad para sa kanilang magiging pamilya ang marami sa mga bagay na naipundar ng kanilang mga magulang pagkaraan lamang ng maraming taon.” Determinadong tamasahin agad ang ganitong materyal na mga bagay,1 Timoteo 6:8-10.
marami ang napapabaon sa utang. Palibhasa’y napakamusmos pa ng isip upang masiyahan na sa “pagkain at pananamit,” pinalala pa nila ang kaigtingan sa kanilang pagsasama.—“Milya-milya ang Agwat”
Naaalaala ni Maureen: “Umiibig ako noon kay Don. Napakaguwapo niya, matipuno, mahusay siyang manlalaro at popular-na-popular. . . . Dapat lamang na magtagumpay ang aming pagsasama.” Pero hindi nagkagayon. Umabot sa sukdulan ang samaan ng loob hanggang sa, ayon kay Maureen, “Kainisan ko ang lahat ng ginagawa ni Don—pati na ang ingay ng kaniyang bibig kapag kami’y kumakain. Sa wakas, pareho na kaming hindi nakatiis.” Nawasak ang kanilang pag-aasawa sa loob lamang ng dalawang taon.
Ang problema? “Milya-milya ang agwat ng mga tunguhin namin sa buhay,” paliwanag ni Maureen. “Ngayon ko naunawaan na ang kailangan ko ay yaong katulad ko ang iniisip. Pero nasa sports ang buong buhay ni Don. Biglang nawalan ng kabuluhan ang mga bagay na inakala kong napakahalaga noong ako’y 18.” Madalas na ang kabataan ay may musmos na pangmalas sa kung ano ang hinahangad nila sa isang asawa, at inuuna pa ang panlabas na kagandahan. May babala ang Kawikaan 31:30: “Ang alindog ay magdaraya, at ang kagandahan ay walang kabuluhan.”
Pagsusuri sa Sarili
Ang tao na gumagawa ng banal na panata sa Diyos ay tinatawag ng Bibliya na padalus-dalos, pagkat ‘matapos makapanata saka lamang siya gumagawa ng pagsisiyasat.’ (Kawikaan) Kaya, hindi ba matalinong suriin muna ang iyong sarili sa liwanag ng mga Kasulatan bago ka manata ng isang bagay na kasingseryoso ng pag-aasawa? Ano ba talaga ang mga tunguhin mo sa buhay? Papaano ito maaapektuhan ng pag-aasawa? Gusto mo bang mag-asawa para lamang makaranas ng seksuwal na pagtatalik o para tumakas sa mga problema? 20:25
Isa pa, gaano ka kahanda sa papel ng isang asawang lalaki o babae? Kaya mo bang mangasiwa ng sambahayan o buhayin ang isang pamilya? Kung lagi mong nakakasalungat ang iyong mga magulang, makakasundo mo kaya ang iyong asawa? Matitiis mo kaya ang mga pagsubok at kapighatian na kaakibat ng pag-aasawa? Talaga bang naiwaksi mo na ang “mga ugali ng isang bata” pagdating sa paggasta ng pera? (1 Corinto 13:11) Tiyak na maraming masasabi ang iyong mga magulang hinggil sa kung ikaw nga ay nakatutugon na sa mga ito.
Ang pag-aasawa ay maaaring pagmulan ng saganang kaligayahan o ng napakapait na kalungkutan. Malaki ang kinalaman nito sa pagiging handa mo. Kung tinedyer ka pa, bakit hindi muna maghintay bago matutong mag-date? Ang paghihintay ay hindi makakasamâ sa iyo. Bibigyan ka pa nga nito ng sapat na panahon na maging handang-handa sakali mang iyo nang kunin ang seryoso—at permanenteng—hakbang ng pag-aasawa.
Mga Tanong para sa Talakayan
◻ Anong musmos na mga pangmalas sa pag-aasawa ang taglay ng maraming kabataan?
◻ Bakit ka naniniwala na hindi makatotohanan ang mag-asawa nang dahil lamang sa sekso?
◻ Papaano ipinakita ng ibang kabataan na hindi pa sila handa sa papel ng isang asawang lalaki o babae?
◻ Bakit nagkakaroon ng malubhang problema sa pera ang maraming kabataang may-asawa?
◻ Anong pagkakamali ang nagagawa ng ibang kabataan sa pagpili ng mapapangasawa?
◻ Anong mga tanong ang maaari mong itanong sa sarili hinggil sa iyong pagiging handa sa pag-aasawa? Pagkatapos isaalang-alang ang impormasyong ito, naniniwala ka ba na ikaw ay talagang handa nang mag-asawa?
[Blurb sa pahina 240]
“Kung mayroon tayo ng kahit iisang di-matututulang piraso ng impormasyon hinggil sa kung magtatagal ba ang isang pag-aasawa o hindi, ay ito na nga, na ang nag-aasawa nang batang-bata pa ay malamang na hindi magtatagumpay.”—Marcia Lasswell, propesora ng behavioral science
[Larawan sa pahina 237]
Maraming kabataan ang pumapasok sa pag-aasawa bagaman ang pagiging handa nila ay gaya lamang ng mga ito