Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Handa Na Ba Akong Makipag-date?

Handa Na Ba Akong Makipag-date?

Kabanata 29

Handa Na Ba Akong Makipag-date?

SA MARAMING lupain ang pagde-date ay itinuturing na isang romantikong libangan, isang gawaing nakatutuwa. Kaya ito ay may iba’t-ibang anyo. Para sa iba, ang date ay pormal, organisado​—ang mga bulaklak, masarap na hapunan, at isang good-night kiss ay kasamang lahat sa listahan. Sa iba naman, ito’y basta paggugol ng panahon na kasama ng isang lalaki o babae na iyong nagugustuhan. May mga magkapareha pa nga na laging magkasama pero sila daw ay ‘magkaibigan lamang.’ Kaya, kung ang tawag mo dito’y dating, pagsasama, o basta pagtatagpo lamang, iisa ang kahulugan nito: isang lalaki at babae na gumugugol ng maraming panahon sa sosyal na paraan, at malimit na silang dalawa lamang.

Ang dating ay hindi pa uso noong panahon ng Bibliya. Gayumpaman, kapag isinasagawa nang may katalinuhan, may pag-iingat, at may karangalan, ito ay isang lehitimong paraan upang magkakilala ang isang lalaki’t babae. At, oo, maaari itong maging kasiya-siya. Subalit nangangahulugan ba ito na dapat kang makipag-date?

Ang Mahigpit na Pangangailangan na Makipag-date

Baka nakadarama ka ng mahigpit na pangangailangan na makipag-date. Malamang na karamihan sa mga kasinggulang mo ay nakikipag-date, at sabihin pa hindi mo gustong magmukhang kakatwa o naiiba. Ang panggigipit ay maaaring manggaling din sa taimtim na mga kaibigan at kamag-anak. Nang ang 15-anyos na si Mary Ann ay anyayahang makipag-date, pinayuhan siya ng kaniyang tiya: “Walang kinalaman ito sa kung pakakasalan mo ang lalaki o hindi. Ang dating ay bahagi lamang ng likas mong pagsulong bilang indibiduwal. . . . Kasi, kung lagi kang tatanggi sa mga lalaking ito hindi ka magiging popular at wala nang mag-aanyaya sa iyo.” Naalaala ni Mary Ann: “Talagang tumimo ang mga salita ni Tiyang. Ipagkakait ko ba sa sarili ang isang napakagandang pagkakataon? Ang binata ay may sariling kotse, mapera; at alam kong mag-e-enjoy ako. Dapat ba akong makipag-date o hindi?”

Para sa ibang kabataan mahigpit ang pangangailangan dahil sa paghahangad nila ng mainit na pagmamahal. “Hangad ko ang ako’y ibigin at pahalagahan,” paliwanag ng 18-anyos na si Ann. “Palibhasa’y hindi ako malapit sa aking mga magulang, hinanap ko ito sa aking boyfriend at para makakita rin ako ng isang makauunawa kapag inihinga ko ang aking mga saloobin.”

Gayumpaman, hindi dapat simulan ng isang tinedyer ang pagde-date dahil lamang sa siya’y ginigipit dito! Ang totoo’y, seryoso ang pakikipag-date​—bahagi ito ng pagpili ng mapapangasawa. Pag-aasawa? Totoo, baka hindi man lamang ito pumapasok sa isipan ng karamihan sa nakikipag-date. Pero, may iba pa bang dahilan sa laging pagsasama ng dalaga’t binata kung hindi para alamin kung magiging magkabagay nga sila bilang mag-asawa? Kung tutuusin, malabong magdulot ng “katuwaan” ang pagde-date na ginagawa sa ibang kadahilanan. Bakit nga ba?

Ang Hindi Kabutihan ng Pagde-date

Tiyak, ang mga kabataan ay nasa marupok na yugto ng buhay na kung tukuyin sa Bibliya ay “pamumukadkad ng kabataan.” (1 Corinto 7:36) Sa panahong ito, makadarama ka ng matitinding bugso ng seksuwal na hangarin. Walang masama rito; bahaging lahat ito ng paglaki.

Subalit narito ang malaking problema sa pagde-date ng mga tinedyer: Natututo pa lamang sila ng pagsupil sa mga seksuwal na damdaming ito. Totoo, baka alam-na-alam mo ang mga batas ng Diyos hinggil sa sekso at taimtim kang nagnanais na manatiling malinis. (Tingnan ang Kabanata 23.) Sa kabila nito, natutupad ang isang biyolohikal na katotohanan: Mientras nakikisama ka sa di-kasekso, lalong sumisidhi ang seksuwal na hangarin​—gustuhin mo man o hindi. (Tingnan ang pahina 232-3.) Talagang ganiyan ang pagkakayari sa atin! Kaya hangga’t hindi ka sumasapit sa hustong gulang at sa gayo’y higit na nasusupil ang iyong damdamin, baka mahirapan kang makitungo sa pagde-date. Nakalulungkot, maraming kabataan ang nakatutuklas nito sa maling paraan.

“Nang una kaming mag-date, . . . hindi man lamang kami naghawakan ng kamay o naghalikan. Nasiyahan na ako na makapiling siya at makausap,” sabi ng isang binata. “Subalit, masyado siyang magiliw at nauupo nang napakalapit sa akin. Di-nagtagal kami ay naghawakan ng kamay at naghalikan. Pumukaw ito ng mas masidhing paghahangad sa sekso. Ito na lamang ang laging laman ng aking isip anupa’t wala na akong ibang gusto kundi ang makapiling siya, hindi lamang upang makausap, kundi upang mahawakan siya, yakapin siya at hagkan. Parang hindi pa sapat! Talagang hibang-na-hibang ang aking damdamin. Madalas kong nadarama na ako’y mumurahin at kahiya-hiya.”

Kaya, hindi kataka-taka na ang pagde-date ay madalas humantong sa lisyang pagtatalik sa sekso. Sa isang surbey sa daan-daang tinedyer natuklasan na 87 porsiyento ng mga babae at 95 porsiyento ng mga lalaki ang nakadama na sa pagde-date, ang sekso ay “may katamtamang halaga o napakahalaga.” Gayumpaman, inamin ng 65 porsiyento ng mga babae at 43 porsiyento ng mga lalaki na may mga pagkakataon na sila ay nagtalik sa sekso bagaman hindi sila pabor doon!

Naaalaala ng 20-anyos na si Loretta: “Mientras dumalas ang aming pagkikita, lalo kaming nabuyo. Sa kalaunan nawalan na ng sarap ang paghahalikan kayat nagsimula na kaming maghipuan. Masyado akong naging nerbiyoso pagkat napakarumi ng tingin ko sa sarili. Di nagtagal inasahan din ng aking ka-date na akin nang ‘ibibigay ang lahat’ . . . Ako’y litung-lito at naging tuliro. Pero lagi ko namang naiisip, ‘Ayokong mawala siya sa akin.’ Malungkot ako!”

Totoo, hindi lahat ng magnobyo ay humahantong sa seksuwal na pagtatalik; napipigilan ng iba ang kanilang pagsusuyuan bago mangyari ito. Subalit ano ang bunga kapag ang damdamin ay lubha nang napukaw at wala namang marangal na paraan upang mapagbigyan ito? Tiyak na pagkasiphayo. At ang mga pagkasiphayong ito ay hindi limitado sa seksuwal na mga damdamin.

Nasugatang mga Damdamin

Isaalang-alang ang problema ng isang binata: ‘Sa simula’y gustung-gusto ko si Kathy. Bueno, inaamin ko na napilit ko siyang gumawa ng mga bagay na alam niyang mali. Ngayon ay napakarumi ng pakiramdam ko pagkat nawalan na ako ng interes. Papaano ako kakalas kay Kathy nang hindi sinusugatan ang kaniyang damdamin?’ Talagang nakalilito! Ano naman kaya ang madarama mo kung ikaw si Kathy?

Karaniwan nang sakit ng mga tinedyer ang pagkasawi sa pag-ibig. Totoo, napakagandang masdan ang magnobyo na lumalakad nang magkahawak-kamay. Subalit ano ang posibilidad na sila’y magkasama pa rin sa susunod na taon, huwag nang sabihin na sila ay nagkatuluyan? Talagang malabo. Kaya ang romansa ng mga tinedyer ay madalas magwakas sa kabiguan, bihirang mauwi sa kasalan, at malimit na pusong-wasak ang hantungan.

Kasi, pabagu-bago ang personalidad mo bilang tinedyer. Bago mo pa lamang natutuklasan kung sino ka, kung ano ang gusto mo, kung ano ang gagawin mo sa iyong buhay. Ang isang tao na nakaaakit ngayon sa iyo ay baka kainisan mo bukas. Kaya kapag pinayagang yumabong ang romantikong mga damdamin, talagang may masasaktan. Ayon sa maraming pagsasaliksik, hindi nga kataka-taka na ang “pakikipagkagalit sa girl friend” o ang “pagiging-sawi sa pag-ibig” ay maging mga dahilan ng pagpapatiwakal ng maraming kabataan.

Handa na ba Ako?

Sinasabi ng Diyos sa mga kabataan: “Magalak ka, Oh binata [o dalaga], sa iyong kabataan, at pasayahin ka ng iyong puso sa mga kaarawan ng iyong kabinataan, at lumakad ka sa mga landas ng iyong puso at sa paningin ng iyong mga mata.” Hilig ng kabataan na “lumakad sa mga landas ng [kanilang] puso.” Subalit malimit na ang “mga landas” na ito, bagaman tila nakatutuwa, ay humahantong talaga sa kapanglawan at kasakunaan. Kaya nagpapayo ang Bibliya sa susunod na bersikulo: “Ilayo mo ang kapanglawan sa iyong puso, at alisin mo ang kasakunaan sa iyong laman; sapagkat ang kabataan at ang kasariwaan ng buhay ay walang kabuluhan.” (Eclesiastes 11:​9, 10) Ang “kapanglawan” ay tumutukoy sa malubhang kagulumihanan o matinding pagkaligalig. Ang “kasakunaan” ay nagpapahiwatig ng isang personal na kapahamakan. Ang buhay ay talagang napalulungkot ng dalawang ito.

Nangangahulugan ba ito, kung gayon, na ang pakikipag-date ay pinagmumulan mismo ng kapanglawan at kasakunaan? Hindi naman. Ngunit ganito nga ang mangyayari kung ang dahilan ng iyong pakikipag-date ay mali (‘katuwaan lamang’) o kaya’y hindi ka pa handa rito. Ang sumusunod na mga tanong ay tutulong, kung gayon, sa pagtantiya sa iyong sariling situwasyon.

Ang pakikipag-date ba ay tutulong o hahadlang sa aking emosyonal na pagsulong? Sa pagde-date ang iyong pakikipag-ugnayan ay nalilimitahan sa iisang binata o dalaga. Sa halip, hindi ba mas makikinabang ka kung palalawakin mo ang iyong pakikipagsamahan? (Ihambing ang 2 Corinto 6:​12, 13.) Sinabi ng isang dalagang nagngangalang Susan: ”Natuto akong magpaunlad ng matalik na pakikipagkaibigan sa mga nakatatandang sister sa kongregasyon. Nangangailangan sila ng pakikipagsamahan, at makikinabang naman ako sa kanilang katatagan. Kaya paminsan-minsan ay dinadalaw ko sila. Magkukuwentuhan kami at magkakatawanan. Kami’y naging tunay, panghabambuhay na magkakaibigan.”

Sa pagkakaroon ng maraming uri ng kaibigan​—matanda’t bata, may asawa’t wala, lalaki’t babae​—natututo kang maging timbang kapag kasama ng iba, pati na ng di-kasekso, at di gaanong asiwa ang kilos mo na gaya niyaong sa isang date. Bukod dito, sa pakikisama sa mga mag-asawa, nagkakaroon ka ng mas makakatotohanang pangmalas sa pag-aasawa. Sa dakong huli higit kang magiging handa sa pagpili ng isang mabuting asawa at sa pagtupad ng iyong papel sa pag-aasawa. (Kawikaan 31:10) Ganito ang naging pasiya ng isang dalagang nagngangalang Gail: “Hindi pa ako handang mag-asawa at lumagay sa tahimik. Hindi ko pa lubos na nakikilala ang sarili, at marami pa akong espirituwal na tunguhin na dapat maabot. Kaya hindi ko talaga kailangan na maging masyadong malapit sa isang di-kasekso.”

Gusto ko bang magdulot ng sama-ng-loob? Masasaktan ang iyong damdamin at pati na ang sa iba kung makikipagtipan ka sa isang tao na hindi mo naman balak pakasalan. At saka, makatuwiran ba na mag-ukol ng atensiyon sa isa para magkaroon ka lamang ng karanasan sa sekso?​—Tingnan ang Mateo 7:12.

Ano ang sinasabi ng aking mga magulang? Madalas ay nakikita ng mga magulang ang mga panganib na bumubulag sa iyo. Kasi, dumaan din sila sa pagiging kabataan. Alam nila kung ano ang magiging problema kapag ang binata’t dalaga ay madalas nang magkasama! Kaya kung tutol ang mga magulang mo sa pagde-date, huwag kang maghihimagsik. (Efeso 6:​1-3) Malamang, naniniwala sila na napakabata mo pa.

Masusunod ko ba ang moralidad ng Bibliya? Kapag lampas na ang isa sa “pamumukadkad ng kabataan,” mas sanay na siyang makitungo sa seksuwal na mga simbuyo​—bagaman hindi pa rin madali ito para sa kaniya. Sa yugtong ito ng iyong buhay, talaga bang handa ka sa matalik na pakikipag-ugnayan sa di-kasekso at ingatan itong malinis?

Kapansin-pansin, maraming kabataan ang nagtatanong nang ganito sa sarili at nagpapasiya na gaya ni Mary Ann (na binanggit kanina). Sinabi niya: “Ipinasiya ko na huwag maimpluwensiyahan ng saloobin ng iba tungkol sa pagde-date. Hindi ako makikipag-date hangga’t wala akong sapat na gulang at handa na sa pag-aasawa at nakita ko na sa isang lalaki ang mga katangiang hinahanap ko sa isang asawa.”

Sa gayo’y ibinabangon ni Mary Ann ang maselang na bagay na dapat mong itanong sa sarili bago ka makipag-date.

Mga Tanong para sa Talakayan

◻ Ano ang kahulugan sa iyo ng katagang pagde-date?

◻ Bakit nakadarama ang ilang kabataan ng mahigpit na pangangailangan sa pakikipag-date?

◻ Bakit hindi matalino ang pagde-date para sa isang nasa “pamumukadkad ng kabataan”?

◻ May kaugnayan sa pagde-date papaano magagawa ng isang kabataan na “alisin ang kapanglawan”?

◻ Anong mga problema ang maaaring lumitaw kapag ang isang lalaki’t babae ay ‘basta magkaibigan lamang’?

◻ Papaano mo malalaman na handa ka nang mag-date?

[Blurb sa pahina 231]

“Sa kalaunan nawalan na ng sarap ang paghahalikan kaya’t nagsimula na kaming maghipuan. Masyado akong naging nerbiyoso pagkat napakarumi ng tingin ko sa sarili. Di nagtagal inasahan din ng aking ka-date na akin nang ‘ibibigay ang lahat’”

[Blurb sa pahina 234]

‘Papaano ako kakalas kay Kathy nang hindi sinusugatan ang kaniyang damdamin?’

[Kahon/Larawan sa pahina 232, 233]

Puwede ba sa Lalaki at Babae na ‘Maging Basta Magkaibigan Lamang’?

Nagiging tanyag sa kabataan ngayon ang di-umano’y platonikong mga ugnayan (malapit na ugnayan sa pagitan ng lalaki’t babae nang di-nasasangkot ang sekso). Sinabi ng 17-anyos na si Gregory: “Mas madali kong kausapin ang mga babae kasi mas maunawain sila at mas madaling makiramdam.” Inaangkin ng ibang kabataan na ang ganitong pagkakaibigan ay tumutulong sa pagkakaroon ng mas timbang na personalidad.

Hinihimok ng Bibliya ang mga binata na makitungo sa “mga kabataang babae na tulad sa mga kapatid na babae sa buong kalinisan.” (1 Timoteo 5:2) Sa pagkakapit ng simulaing ito, posible ngang magtamasa ng malinis, nakapagpapatibay na pakikipagkaibigan sa mga di-kasekso. Halimbawa, si apostol Pablo ay isang lalaking walang asawa na nakipagkaibigan sa maraming babaing Kristiyano. (Tingnan ang Roma 16:1, 3, 6, 12.) Sumulat siya tungkol sa dalawang “babae na nagpagal na kasama ko sa mabuting balita.” (Filipos 4:3) Nagtamasa rin si Jesu-Kristo ng timbang, nagpapatibay na pakikipagkaibigan sa mga babae. Sa maraming pagkakataon, ay naging panauhin siya nina Marta at Maria.​—Lucas 10:​38, 39; Juan 11:5.

Gayumpaman, ang pakikipagkaibigang “platoniko” ay talagang romansa na nagbabalatkayo lamang o isang paraan ng pag-akit sa interes ng di-kasekso nang hindi talaga nakikipagkatipan. At palibhasa’y madaling mabago ang mga damdamin, kailangan ang pag-iingat. Nagbabala si Dr. Marion Hilliard: “Ang di-seryosong ugnayan na sampung milya lamang bawat oras ang takbo ay maaaring humarurot ng isandaang milya bawat oras sa isang nakabubulag na silakbo ng damdamin.”

Ang 16-anyos na si Mike ay nakatuklas nito nang “makipagkaibigan” siya sa isang 14-anyos na babae: “Natuklasan ko agad [na] ang dalawang tao ay hindi puwedeng maging basta magkaibigan lamang kung lagi silang nagkikita nang sila lamang dalawa. Lumago nang lumago ang aming relasyon. Di-nagtagal at nagkagustuhan kami, at ganoon pa rin hanggang ngayon.” Palibhasa’y pareho pang napakabata para magpakasal, ang mga damdaming ito ay nagdulot ng kabalisahan.

Ang labis-labis na paglalapit ay may iba pang malungkot na bunga. Sinubukang aliwin ng isang binata ang kaibigan niya na nagtapat sa kaniya ng problema. Di-nagtagal, nauwi ito sa petting. Ang resulta? Inusig sila ng kanilang budhi at nagkasamaan pa ng loob. Sa iba naman, seksuwal na pagtatalik ang kinauwian. Inihayag ng isang surbey na ginawa ng Psychology Today: “Halos kalahati sa mga tumugon (49 porsiyento) ay nagsabi na ang pakikipagkaibigan nila ay humantong sa seksuwal na ugnayan.” Sa katunayan, “halos ikatlong bahagi (31 porsiyento) ang umamin na sumiping sila sa kanilang kaibigan noong nakaraang buwan.”

‘Pero hindi naman ako naaakit sa kaibigan ko at kailanma’y hindi ako mapapaibig sa kaniya.’ Marahil. Pero ano kaya ang madarama mo bukas-makalawa? Bukod dito, “siyang tumitiwala sa kaniyang sariling puso ay mangmang.” (Kawikaan 28:26) Tayo ay maaaring linlangin, dayain at bulagin ng ating puso sa mga tunay na motibo natin. At talaga bang alam mo kung ano ang nadarama ng kaibigan mo tungkol sa iyo?

Sa kaniyang aklat na The Friendship Factor, nagpapayo si Alan Loy McGinnis: “Huwag kang labis na magtiwala sa sarili.” Maging maingat, subuking limitahan ang iyong pakikipagsamahan sa mga gawaing panggrupo na napangangasiwaan nang husto. Iwasan ang di-angkop na pagsusuyuan o ang romantikong mga situwasyon na kayong dalawa lamang ang naroroon. Kapag nagugulumihanan, makipagtapatang-loob sa mga magulang o ibang nakatatanda imbis na sa isang kabataan na di mo kasekso.

At papaano kung, sa kabila ng pag-iingat, tumubo pa rin ang lihim na pagmamahal? “Magsalita ng katotohanan,” at ipaalam sa kaniya ang iyong paninindigan. (Efeso 4:25) Kung hindi lulutas ito sa mga bagay-bagay, baka mas mabuting magkaroon muna kayo ng agwat. “Matalino ang tao na nakakakita ng kasakunaan at nagkukubli.” (Kawikaan 22:3) O gaya ng ipinapayo ng aklat na The Friendship Factor: “Lumayo ka kung kailangan. Gaano man ang ating pagsisikap, paminsan-minsan ay lumalabis ang pakikipagkaibigan sa di-kasekso at alam natin kung saan ito hahantong.” Kapag ganito, panahon na upang “umatras.”

[Mga Larawan sa pahina 227]

Ang mga kabataan ay madalas gipitin na makipag-date o humanap ng makakapareha

[Larawan sa pahina 228]

Ang pagde-date ay malimit gumipit sa kabataan na makipagsuyuan bagaman labag sa kalooban

[Larawan sa pahina 229]

Puwedeng tamasahin ang pakikipagsamahan sa di-kasekso sa mga kalagayan na ligtas sa mga panggigipit ng “dating”

[Larawan sa pahina 230]

Ang di-umano’y platonikong ugnayan ay malimit humantong sa pagkasawi sa pag-ibig