Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Papaano Ako Magtatagumpay sa Pakikipagligawan?

Papaano Ako Magtatagumpay sa Pakikipagligawan?

Kabanata 32

Papaano Ako Magtatagumpay sa Pakikipagligawan?

“KARAMIHAN ng mga bigong pag-aasawa ay mga bigo ring pagliligawan. Ito ay hindi natin matatawaran.” Sinabi ito ni Paul H. Landis, tagasaliksik sa buhay-pamilya. Mapaninindigan ni Louise ang katotohanan nito. Nagpaliwanag siya: “Ang pinakamalaking pagkakamali ko ay ang umibig kay Andy bagaman hindi ko pa natutuklasan kung ano ang kaniyang pagkatao. Ang aming pagliligawan ay madalas na limitado sa mga pagkakataon na kami lamang dalawa. Hindi ko pa nakita kung papaano siya gumagawi sa labas ng ‘huwarang’ mga situwasyong ito.” Ang kanilang pag-aasawa ay winasak ng diborsiyo. Ano ang susi sa pag-iwas sa ganitong trahedya? Matagumpay na pagliligawan!

Bago Makipag-date

“Ang matalinong lalaki [o babae] ay tumitingin at maingat na nagsusuri sa kaniyang dinadaanan.” (Kawikaan 14:​15, The Amplified Bible) Ang pagpapalago ng pag-ibig sa isang hindi mo pa gaanong kilala ay pag-aanyaya ng kapahamakan​—kahit na ito pa ay nakaaakit. Maaari itong umakay sa pag-aasawa bagaman ang inyong mga emosyon at tunguhin ay milya-milya ang agwat! Matalino ang obserbahan muna siya kapag kasama ng marami, marahil habang kayo ay naglilibang.

“Kung ako’y magiging malapit agad, alam kong padidilimin ng emosyon ang aking damdamin,” paliwanag ni Dave, na maligaya sa sampung taon niyang pag-aasawa. “Kaya si Rose ay minasdan ko nang malayuan at hindi niya alam na ako ay nagkakainteres. Nakita ko kung papaano niya tinatrato ang iba, o kung siya’y isang alembong. Sa di-seryosong pakikipag-usap, natuklasan ko ang kalagayan at mga tunguhin niya.” Maaari ding matuklasan ang kaniyang reputasyon kung kakausapin mo ang isang talagang nakakikilala sa kaniya.​—Ihambing ang Kawikaan 31:31.

Ang mga Unang Pakikipag-date

Matapos ipasiya na siya ay naaangkop sa iyo, puwede mo siyang lapitan at ipahayag ang pagnanais na higit pa siyang makilala. a Sakaling maging positibo ang kaniyang tugon, ang inyong unang date ay hindi dapat maging maluho. Marahil ang isang pananghalian o ang pagiging kasama ng grupo ay tutulong upang higit mo siyang makilala at matiyak kung dapat ituloy ang inyong ugnayan. Ang pagiging di-pormal ay tutulong upang maibsan ang nerbiyos na maaari ninyong madama sa simula. At sa pag-iwas sa napakaagang pakikipagtipan, mababawasan mo ang hapdi ng kabiguan​—o pagkapahiya​—sakaling isa sa inyo ay mawalan ng interes.

Anumang uri ng date ang isinaplano, dumating sa oras, na nabibihisan nang masinop at maayos. Ipamalas ang sining ng mabuting pakikipag-usap. Makinig nang mataman. (Santiago 1:19) Bagaman walang mahihigpit na tuntunin ukol dito, dapat sundin ng binata ang lokal na kaugalian sa paggawi. Maaaring kalakip dito ang pagbubukas ng pintuan para sa dalaga o ang pagtulong sa kaniya sa pag-upo. Ang isang dalaga, bagaman hindi aasa na siya’y pakikitunguhang gaya ng prinsesa, ay dapat makipagtulungan nang may kahinhinan sa kaniyang ka-date. Sa pagpipitagan sa isa’t isa, kapuwa ninyo ilalaan ang huwaran para sa hinaharap. Inuutusan ang lalaki na ‘parangalan ang kaniyang asawa na gaya ng marupok na sisidlan.’ At ang isang babae ay dapat magpamalas ng “lubos na paggalang sa kaniyang asawa.”​—1 Pedro 3:​7; Efeso 5:33.

Angkop ba ang hawakán ng kamay, halikan o yapusan, at kung oo, kailan? Nagiging malinis at angkop ang pagsisintahan kung tanda ito ng tunay na pagmamahal at hindi ng sakim na pita ng laman. Ipinakikita ng Awit ni Solomon sa Bibliya na ang angkop na mga kapahayagan ng pagmamahal ay namagitan sa babaing Sulamita at ng pastol na iniibig niya at nakatakdang pakasalan. (Awit ni Solomon 1:​2; 2:​6; 8:5) Subali’t gaya ng walang-dungis na magkatipang yaon, titiyakin ng magkapareha na ang pagsisintahan ay hindi nagiging malaswa o aakay sa seksuwal na imoralidad. b (Galacia 5:​19, 21) Ang ganitong mga kapahayagan ng pagmamahal ay angkop lamang kapag ang dalawa ay nagkakasundo na at malapit nang ikasal. Sa pamamagitan ng pagpipigil sa sarili, maiiwasan ang paglihis sa pangunahing layunin ng matagumpay na pagliligawan, alalaong baga’y . . .

Pagkilala sa “Lihim na Pagkatao ng Puso”

Sa labas ng Journal of Marriage and the Family noong Mayo 1980, ay iniulat ng mga tagasaliksik: “Ang pag-aasawa ay mas tumatagal at sumusulong kapag ito ay hinarap na taglay ang lubos na pagkakilala sa pagkatao ng isa’t isa.” Oo, mahalaga ang pagkilala sa “lihim na pagkatao ng puso” ng iyong kapareha.​—1 Pedro 3:4.

Ngunit pagsisikap at unawa ang kailangan sa ‘pagsalok’ sa mga haka ng puso ng iba. (Kawikaan 20:5) Kaya magplano ng mga gawain na magpapahintulot na makita ang niloloob ng iyong kapareha. Bagaman sa pasimula ay baka sapat na ang mag-sine o makinig sa konsiyerto, ang mga gawain na nagpapahintulot ng higit na pag-uusap (gaya ng iskeyting, bowling, pagdalaw sa mga zoo, museo, at mga art gallery) ay mas makatulong upang kayo ay higit pang magkakilala.

Upang makita ang damdamin ng isa, gumamit ng mga tanong na hindi masasagot ng oo o hindi, gaya ng ‘Papaano mo ginugugol ang libreng panahon mo?’ ‘Kung hindi problema ang pera, ano ang gusto mong gawin?’ ‘Aling pitak ng ating pagsamba sa Diyos ang mas nagugustuhan mo? Bakit?’ Humihiling ito ng malalalim na sagot na tutulong upang malaman kung ano ang mahalaga sa kaniya.

Habang lumalalim ang ugnayan at nagiging seryoso na kayo sa pag-aasawa, mahalaga ang dibdibang pag-uusap sa mahahalagang isyu gaya ng kung ano ang mahalaga sa iyo; saan kayo titira at papaano; pananalapi, pati na kung pareho kayong dapat maghanap-buhay sa labas ng bahay; mga anak; birth control; palagay hinggil sa papel ng bawa’t isa sa pag-aasawa; at kapuwa mga malapitan at malayuang tunguhin sa kung papaano ninyo isasagawa ang mga ito. Maraming kabataang Saksi ni Jehova ang nagiging buong panahong ebanghelisador pagkatapos mag-aral at nais magpatuloy nang ganito kahit may asawa na. Ngayon ang panahon upang matiyak ninyong pareho na magkatugma ang inyong espirituwal na mga tunguhin. Panahon din na ihayag ang mga bagay-bagay, maging ang sa nakaraan, na aapekto sa inyong pag-aasawa. Maaaring kalakip dito ang malalaking utang o obligasyon. Ang kalusugan, gaya ng malubhang sakit, at ang maaaring ibunga nito ay dapat pag-usapan nang prangkahan.

Sa pag-uusap na ito, sundin ang halimbawa ni Elihu, na nagsabi: “Nagsasalita ako nang tuwiran mula sa puso at nagsasabi ng tapat.” (Job 33:​3, The Holy Bible in the Language of Today, ni William Beck) Bilang paliwanag kung papaano siya inihanda ng pagliligawan upang maging maligaya sa pag-aasawa, ay sinabi ni Esther: “Kailanma’y hindi ako ‘nagkunwari’ o sumang-ayon kay Jaye kapag iba ang paniwala ko. Hanggang ngayo’y hindi pa rin. Sinisikap kong maging laging tapat.”

Huwag umiwas o waling-halaga ang sensitibong mga paksa sa pangambang baka mapahiya ang iyong kapareha. Ito ang mali ni Beth nang nililigawan siya ni John. Naniniwala daw si Beth sa pag-iimpok para sa hinaharap at sa pagiging di waldas sa pera. Sumang-ayon si John. Hindi na nag-usisa si Beth, sa paniwalang nagkakasundo sila sa pananalapi. Ngunit para kay John ang pag-iimpok sa hinaharap ay pag-iimpok pala para sa isang bagong kotse! Kasal na sila nang buong-pait nilang natuklasan ang di nila pagkakasundo sa pera.

Maiiwasan ang ganitong di-pagkakaunawaan. Si Louise, na binanggit kanina, ay nagsabi bilang paggunita sa kanilang pagliligawan: “Marami pa sana akong itinanong, gaya ng, ‘Kung magbuntis ako at ayaw mo pang magkaanak, ano ang gagawin mo?’ O, ‘Kung magkakautang tayo pero gusto kong manatili sa bahay at alagaan ang ating anak, papaano mo haharapin ito?’ Sana’y naisaalang-alang kong mabuti ang reaksiyon niya.” Ang pag-uusap na ito ay magsisiwalat ng mga katangian ng puso na dapat mahayag bago pa ikasal.

Tingnan ang Kaniyang Natural na Kilos

“Ang isa ay nagiging kalugud-lugod kung kayo lamang dalawa,” sabi ni Esther. “Ngunit kung may ibang nasa paligid, malimit silang nalalagay sa di-inaasahang situwasyon. Baka may masabi ang isa mong kaibigan na hindi nagustuhan ng iyong kapareha. Makikita mo ngayon kung papaano siya gumagawi sa ilalim ng kagipitan. Hihiyain ba niya ang tao o magiging mapang-uyam?” At saka: “Napakalaki ang naitulong ng pakikisalamuha sa aming mga kaibigan at kasambahay nang kami ay nagliligawan pa.”

Bukod sa paglilibang, gumawang magkasama. Makibahagi sa mga gawaing Kristiyano, pati na ang pag-aaral ng Salita ng Diyos at ang ministeryong Kristiyano. Makibahagi rin sa araw-araw na gawain na magiging karaniwang trabaho pagkatapos makasal​—pamamalengke, pagluluto, paghuhugas ng plato, at paglilinis ng bahay. Sa pagsasama sa mga kalagayang likas sa buhay​—kapag ang kapareha ay nasa pinakapangit na hitsura​—ay maaaninaw mo ang anumang pagbabalatkayo.

Nakita ng pastol sa Awit ni Solomon kung papaano gumawi ang babaing kaniyang iniibig nang ito ay mapaharap sa kabiguan o sa pagtatrabaho sa kainitan ng araw​—pawisan at pagod. (Awit ni Solomon 1:​5, 6; 2:15) At nang makita din kung papaano ito buong-katapatang umiwas sa pang-aakit ng mayamang si Haring Solomon, siya ay nagsabi: “Ikaw ay totoong maganda, sinta ko, at walang kapintasan sa iyo.” (Awit ni Solomon 4:7) Tiyak na hindi niya inisip na ito ay sakdal, kundi na ito ay walang bahid o dungis sa moral. Ang kaniyang panlabas na kagandahan ay pinag-ibayo pa ng kaniyang katatagan sa moral, na tumakip sa alinmang kahinaan niya.​—Ihambing ang Job 31:7.

Kailangan ang panahon sa ganitong pagsusuri. Kaya iwasan ang apurahang panliligaw. (Kawikaan 21:5) Karaniwan na, lahat ay gagawin ng isang lalaki at babae makamit lamang ang pag-ibig ng isa’t-isa. Subalit kung bibigyan ng sapat na panahon, ang di-kanais-nais na ugali at hilig ay kusang mahahayag. Ang mga magnobyo na gumugol ng panahon at gumamit nito sa pinakamabisang paraan habang nagliligawan ay mas madaling makibagay sa isa’t isa matapos makasal. Palibhasa’y bukas ang mata, may tiwala sila na maaayos ang alinmang gusot na maaaring bumangon sa kanilang pag-aasawa. Inihanda sila ng matagumpay na pagliligawan ukol sa matagumpay at maligayang pag-aasawa.

[Mga Talababa]

a Kumakapit ito sa mga dako na kung saan ang pagde-date ay nakaugalian na at angkop para sa mga Kristiyano. Madalas na lalaki ang nagpapasimula nito, bagaman walang maka-Kasulatang simulain ang humahadlang sa isang dalaga sa pagpapahayag ng kaniyang damdamin sa mahinhing paraan kung ang binata ay tila nahihiya o atubili.​—Ihambing ang Awit ni Solomon 8:6.

b Tingnan ang Kabanata 24, “Papaano Ko Tatanggihan ang Pagsisiping Bago Ikasal?”

Mga Tanong para sa Talakayan

◻ Ano ang isang saligang layunin ng pagliligawan, at gaano kahalaga ito sa maligayang pag-aasawa?

◻ Ano ang tutulong sa iyo na makilala ang ‘niloloob’ ng iba?

◻ Anong uri ng pag-uusap ang tutulong sa pagkakaroon ng matagumpay na pagliligawan?

◻ Bakit nakatutulong ang paggugol ng panahong magkasama sa ilalim ng iba’t ibang kalagayan?

◻ Ano ang ilang palatandaan na ang isang relasyon ay may depekto?

◻ Kailan dapat tapusin ang pagliligawan?

[Blurb sa pahina 255]

“Ang pag-aasawa ay mas tumatagal at sumusulong kapag ito ay hinarap na taglay ang lubos na pagkakilala sa pagkatao ng isa’t isa.”​—Journal of Marriage and the Family

[Kahon/Larawan sa pahina 256, 257]

Dapat ba Kaming Maghiwalay?

Habang ang pag-iibigan ay papalapit sa sangandaan ng pagpapasiya, likas lamang na bumangon ang pag-aalinlangan. Papaano kung ito ay nag-uugat sa malulubhang pagkukulang ng iyong idine-date o sa mismong relasyon ninyo?

Halimbawa, totoo na ang mga nag-iibigan ay nagkakaroon din ng di-pagkakaunawaan. (Ihambing ang Genesis 30:2; Gawa 15:39.) Pero kung wala na kayong hindi pinagtalunan, kung ang bawat pag-uusap ay nauuwi sa palakasan ng boses, o kung ang inyong relasyon ay paulit-ulit na pagkakasira at pagkakasundo, mag-ingat! Isiniwalat ng isang census sa 400 doktor na ang palagiang pagtataltalan ay maliwanag na tanda ng “pagiging di-handa ng emosyon ukol sa pag-aasawa,” at baka patotoo pa na “ang dalawa ay hindi na maaaring magkasundo.”

Ang isa pang sanhi ng pagkabahala ay ang pagkatuklas ng malulubhang kahinaan sa personalidad ng iyong nobyo. Ang pagtatanghal ng marahas na galit o ang pahiwatig ng pagiging malasarili, musmos, sumpungin, o matigas ang ulo ay baka mag-udyok sa iyo na mag-isip kung baga nais mong makisama sa taong ito nang habambuhay. Marami pa rin ang nagmamatuwid o nagwawalang-bahala sa mga pagkukulang na ito at determinadong ituloy ang relasyon anoman ang maging kahulugan nito. Bakit?

Yamang seryoso sa panliligaw ang tunay na mga Kristiyano​—at dapat naman—nadarama ng iba na sila’y napipilitang pakasal sa taong kanilang idine-date. Nangangamba rin sila na harapin o saktan ang taong ito. Ang iba’y nangangamba na baka wala silang ibang makita na mapapangasawa. Gayunman, ang mga ito ay hindi mabuting dahilan upang patagalin pa ang isang batbat-ng-problemang pagliligawan.

Ang layunin ng pagliligawan ay tuklasin ang posibilidad ng pag-aasawa. Kaya kung taimtim na sisimulan ng Kristiyano ang pakikipagligawan, hindi siya obligado na magpatuloy kung ito’y magkaroon ng depekto. Isa pa, hindi ba isang kamalian at mapag-imbot ang ipagpatuloy ang rumurupok na ugnayan dahil sa palagay, ‘baka wala na akong makitang iba?’ (Ihambing ang Filipos 2:4.) Kaya mahalagang harapin​—huwag iwasan​—ang inyong mga problema bilang magnobyo. Magsimula sa pamamagitan ng seryosong pagsusuri sa iyong idine-date.

Halimbawa, may ebidensiya ba na ang babae ay magiging mapagpasakop, may-kakayahang asawa? (Kawikaan 31:10-31) May ebidensiya ba na ang lalaki ay magpapakita ng pag-ibig na mapagsakripisyo at magiging mahusay na tagapaglaan? (Efeso 5:28, 29; 1 Timoteo 5:8) Maaaring angkinin ng isa na siya’y masigasig na lingkod ng Diyos, pero may mga gawa ba na susuhay sa pag-aangking ito?​—Santiago 2:​17, 18.

Totoo, kung malaki na ang ipinuhunan mong panahon at emosyon sa pagliligawan, huwag padalus-dalos sa pakikipagsira dahil lamang sa natuklasan mong siya ay hindi sakdal. (Santiago 3:2) Baka ang mga kahinaan niya ay kaya mo namang pagtiisan.

Papaano kung hindi? Pag-usapan ito. Malubha ba ang pagkakaiba ninyo sa tunguhin at pangmalas? O baka hindi lamang kayo nagkakaunawaan? Ito kaya’y dahil sa pareho kayong dapat matutong ‘pumigil ng inyong diwa’ at lutasin ito nang mahinahon? (Kawikaan 25:28) Kung madali kang mainis sa kaniyang mga ugali, may pagpapakumbaba ba niyang inaamin ang pagkukulang at ng pagnanais na sumulong? Baka naman kailangan na huwag kang masyadong maging balat-sibuyas, madaling magdamdam? (Eclesiastes 7:​9) Ang buhay ng mabuting pagsasama ay ang ‘pagbabata ng isa’t isa sa pag-ibig’.​—Efeso 4:2.

Sa halip na sirain ang inyong relasyon, ang pag-uusap ay baka maghayag ng posibilidad ng higit pang pagsulong sa hinaharap! Pero kung ang pag-uusap ay mauuwi lamang sa di-pagbibigayan, huwag waling-bahala ang malinaw na palatandaan ng napipintong kapahamakan. (Kawikaan 22:3) Ang kalagayan ay malabong sumulong minsang kayo’y makasal. Baka makabubuti pa sa inyong dalawa na tapusin na ang pagliligawan.

[Larawan sa pahina 253]

Ang pagmamasid sa isa’t isa kapag nasa isang grupo ay magpapahintulot sa inyo na magkakilala nang hindi nasasangkot sa pag-iibigan

[Larawan sa pahina 254]

Ang pagsunod sa lokal na mga tuntunin ng paggawi at mabuting asal ay umaakay sa pagpipitagan sa isa’t isa minsang kayo’y makasal na

[Larawan sa pahina 259]

Kapag lumilitaw na ang pagliligawan ay hindi matagumpay, ang dapat gawin ay magkaroon ng harap-harapang pag-uusap, at ipaliwanag kung bakit dapat wakasan ang ugnayan