Ang Buhay-Pampamilya na Nakalulugod sa Diyos
Aralin 8
Ang Buhay-Pampamilya na Nakalulugod sa Diyos
Ano ba ang posisyon ng asawang lalaki sa pamilya? (1)
Papaano dapat pakitunguhan ng asawang lalaki ang kaniyang kabiyak? (2)
Anong mga responsibilidad ang taglay ng isang ama? (3)
Ano ang papel ng asawang babae sa pamilya? (4)
Ano ang hinihiling ng Diyos sa mga magulang at sa mga anak? (5)
Ano ang pangmalas ng Bibliya hinggil sa paghihiwalay at sa diborsiyo? (6, 7)
1. Ang Bibliya ay nagsasabi na ang asawang lalaki ang ulo ng kaniyang pamilya. (1 Corinto 11:3) Ang isang asawang lalaki ay dapat na magkaroon lamang ng isang kabiyak. Sila’y dapat na angkop na ikinasal ayon sa batas.—1 Timoteo 3:2; Tito 3:1.
2. Nararapat lamang na mahalin ng asawang lalaki ang kaniyang kabiyak na gaya ng pagmamahal niya sa kaniyang sarili. Dapat na pakitunguhan niya ito ayon sa paraan ng pakikitungo ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod. (Efeso 5:25, 28, 29) Hindi niya ito dapat saktan o maltratuhin sa anumang paraan. Sa halip, dapat niya itong pagpakitaan ng karangalan at paggalang.—Colosas 3:19; 1 Pedro 3:7.
3. Ang isang ama ay dapat magtrabahong mabuti upang mapangalagaan ang kaniyang pamilya. Dapat siyang maglaan ng pagkain, damit, at tirahan sa kaniyang asawa at mga anak. Dapat ding paglaanan ng ama ang kaniyang pamilya ng espirituwal na mga pangangailangan. (1 Timoteo 5:8) Nangunguna siya sa pagtulong sa kaniyang pamilya na matutuhan ang tungkol sa Diyos at sa Kaniyang mga layunin.—Deuteronomio 6:4-9; Efeso 6:4.
4. Ang asawang babae ay dapat na maging isang mabuting katulong para sa kaniyang kabiyak. (Genesis 2:18) Dapat siyang tumulong sa kaniyang asawa sa pagtuturo at pagsasanay sa kanilang mga anak. (Kawikaan 1:8) Hinihilingan ni Jehova ang asawang babae na maibiging pangalagaan ang kaniyang pamilya. (Kawikaan 31:10, 15, 26, 27; Tito 2:4, 5) Siya’y dapat magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.—Efeso 5:22, 23, 33.
5. Hinihilingan ng Diyos ang mga anak na sundin ang kanilang mga magulang. (Efeso 6:1-3) Inaasahan niyang ang mga magulang ay magtuturo at magwawasto sa kanilang mga anak. Ang mga magulang ay kailangang gumugol ng panahon sa kanilang mga anak at mag-aral ng Bibliya kasama nila, na nangangalaga sa kanilang espirituwal at emosyonal na mga pangangailangan. (Deuteronomio 11:18, 19; Kawikaan 22:6, 15) Kailanman ay hindi dapat disiplinahin ng mga magulang ang kanilang mga anak sa isang mabagsik o malupit na paraan.—Colosas 3:21.
6. Kapag nagkakaproblema ang mag-asawa sa kanilang pagsasama, dapat nilang pagsikapang ikapit ang payo ng Bibliya. Hinihimok tayo ng Bibliya na magpakita ng pag-ibig at maging mapagpatawad. (Colosas 3:12-14) Hindi iminumungkahi ng Bibliya ang paghihiwalay bilang paraan ng paglutas sa maliliit na problema. Ngunit maaaring matamisin pa ng isang asawang babae na iwan ang kaniyang kabiyak kung (1) buong-pagmamatigas na tumatanggi siyang suportahan ang kaniyang pamilya, (2) napakalupit nito anupat nanganganib ang kaniyang kalusugan at buhay, o (3) ang labis-labis na pagsalansang nito ay nagpapaging imposible para sa kaniya na sumamba kay Jehova.—1 Corinto 7:12, 13.
7. Ang mag-asawa ay dapat na maging tapat sa isa’t isa. Ang pangangalunya ay kasalanan sa Diyos at sa kaniyang kabiyak. (Hebreo 13:4) Ang pakikipagtalik sa di-asawa ang tanging maka-Kasulatang saligan para sa diborsiyo na nagpapahintulot sa muling pag-aasawa. (Mateo 19:6-9; Roma 7:2, 3) Napopoot si Jehova kapag ang mga tao’y nagdidiborsiyo nang walang maka-Kasulatang saligan at nagpapakasal sa iba.—Malakias 2:14-16.
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Ang isang maibiging ama ay naglalaan para sa kaniyang pamilya sa materyal at espirituwal
[Larawan sa pahina 17]
Inaasahan ng Diyos na ang mga magulang ay magtuturo sa kanilang mga anak at magwawasto sa kanila