Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang Kaharian ng Diyos?

Ano ang Kaharian ng Diyos?

Aralin 6

Ano ang Kaharian ng Diyos?

Saan naroroon ang Kaharian ng Diyos? (1)

Sino ang Hari nito? (2)

May iba pa bang makakasama ang Hari sa pamamahala? Kung oo, ilan? (3)

Ano ang nagpapakitang tayo’y nabubuhay na sa mga huling araw? (4)

Ano ang gagawin ng Kaharian ng Diyos sa sangkatauhan sa hinaharap? (5-7)

1. Nang siya’y nasa lupa, tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na ipanalangin ang Kaharian ng Diyos. Ang isang kaharian ay isang pamahalaan na pinamumunuan ng isang hari. Ang Kaharian ng Diyos ay isang natatanging pamahalaan. Ito’y nakatatag sa langit at mamamahala sa buong lupa. Pakababanalin nito, o gagawin nitong banal, ang pangalan ng Diyos. Pangyayarihin nito na magawa ang kalooban ng Diyos sa lupa kung papaanong ito’y ginagawa sa langit.​—Mateo 6:9, 10.

2. Ipinangako ng Diyos na si Jesus ang magiging Hari ng Kaniyang Kaharian. (Lucas 1:30-33) Nang si Jesus ay nasa lupa, pinatunayan niyang siya’y magiging isang mabait, makatuwiran, at sakdal na Tagapamahala. Nang siya’y bumalik sa langit, siya’y hindi agad iniluklok bilang Hari ng Kaharian ng Diyos. (Hebreo 10:12, 13) Noong 1914, ibinigay ni Jehova kay Jesus ang awtoridad na ipinangako Niya sa kaniya. Mula noon, namamahala na si Jesus sa langit bilang Hari na hinirang ni Jehova.​—Daniel 7:13, 14.

3. Pumili rin si Jehova ng ilang tapat na mga lalaki at babae mula sa lupa upang umakyat sa langit. Sila’y mamamahalang kasama ni Jesus bilang mga hari, hukom, at saserdote sa buong sangkatauhan. (Lucas 22:28-30; Apocalipsis 5:9, 10) Tinawag ni Jesus ang mga kasamang tagapamahalang ito sa kaniyang Kaharian na “munting kawan.” Sila’y may bilang na 144,000.​—Lucas 12:32; Apocalipsis 14:1-3.

4. Karaka-raka nang maging Hari si Jesus, inihagis niya si Satanas at ang kaniyang mga balakyot na anghel mula sa langit at pababa sa kapaligiran ng lupa. Iyan ang dahilan kung bakit naging napakasama ang mga kalagayan dito sa lupa mula noong 1914. (Apocalipsis 12:9, 12) Digmaan, gutom, salot, paglago ng katampalasanan​—lahat ng ito ay bahagi ng isang “tanda” na nagpapahiwatig na si Jesus ay namamahala na at na ang sistemang ito ay nasa mga huling araw na.​—Mateo 24:3, 7, 8, 12; Lucas 21:10, 11; 2 Timoteo 3:1-5.

5. Malapit nang hatulan ni Jesus ang mga tao, anupat pagbubukud-bukurin sila kung papaanong pinagbubukud-bukod ng pastol ang mga tupa at mga kambing. Ang “mga tupa” ay yaong mapatutunayang mga tapat na sakop niya. Sila’y tatanggap ng walang-hanggang buhay sa lupa. Ang “mga kambing” ay yaong mga tatanggi sa Kaharian ng Diyos. (Mateo 25:31-34, 46) Sa malapit na hinaharap, pupuksain ni Jesus ang lahat ng mga uring kambing. (2 Tesalonica 1:6-9) Kung ibig mong maging isa sa “mga tupa” ni Jesus, dapat kang makinig sa mensahe ng Kaharian at kumilos kasuwato ng iyong natututuhan.​—Mateo 24:14.

6. Ngayon ay nahahati ang lupa sa maraming mga bansa. Bawat isa ay may sariling pamahalaan. Ang mga bansang ito’y malimit na naglalabanan sa isa’t isa. Ngunit ipapalit ang Kaharian ng Diyos sa lahat ng pamahalaan ng tao. Ito’y mamamahala bilang kaisa-isang pamahalaan sa buong lupa. (Daniel 2:44) Kung gayon ay mawawala na ang digmaan, krimen, at karahasan. Lahat ng tao ay sama-samang mabubuhay sa kapayapaan at pagkakaisa.​—Mikas 4:3, 4.

7. Sa loob ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesus, magiging sakdal ang tapat na mga tao, at ang buong lupa ay magiging isang paraiso. Sa pagtatapos ng sanlibong taon, natapos na ni Jesus ang lahat ng ipinagawa ng Diyos sa kaniya. Saka niya ibabalik ang Kaharian sa kaniyang Ama. (1 Corinto 15:24) Bakit hindi mo sabihin sa iyong mga kaibigan at mga mahal sa buhay ang tungkol sa gagawin ng Kaharian ng Diyos?

[Larawan sa pahina 13]

Sa ilalim ng pamamahala ni Jesus, hindi na iiral ang pagkakapootan o pagtatangi