Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang Layunin ng Diyos Para sa Lupa?

Ano ang Layunin ng Diyos Para sa Lupa?

Aralin 5

Ano ang Layunin ng Diyos Para sa Lupa?

Bakit nilalang ni Jehova ang lupa? (1, 2)

Bakit hindi paraiso ang lupa ngayon? (3)

Ano ang mangyayari sa mga taong balakyot? (4)

Sa hinaharap, ano ang gagawin ni Jesus sa mga maysakit? sa matatanda na? sa mga patay? (5, 6)

Upang makibahagi sa darating na mga pagpapala, ano ang kailangan mong gawin? (7)

1. Nilalang ni Jehova ang lupang ito upang masiyahan ang mga tao na manirahan dito magpakailanman. Ibig niyang ang lupa’y patuloy na panirahan ng matutuwid at maliligayang tao. (Awit 115:16; Isaias 45:18) Hindi kailanman mawawasak ang lupa; ito’y mananatili magpakailanman.​—Awit 104:5; Eclesiastes 1:4.

2. Bago gawin ng Diyos ang tao, pumili muna Siya ng isang maliit na bahagi ng lupa at ginawa niya itong isang magandang paraiso. Tinawag niya itong halamanan ng Eden. Dito niya inilagay ang unang lalaki at babae, sina Adan at Eva. Nilayon ng Diyos na sila’y magkaanak at kalatan ang buong lupa. Unti-unti nilang gagawing paraiso ang buong lupa.​—Genesis 1:28; 2:8, 15.

3. Nagkasala sina Adan at Eva sa pamamagitan ng kusang paglabag sa batas ng Diyos. Kaya pinalayas sila ni Jehova sa halamanan ng Eden. Naiwala ang paraiso. (Genesis 3:1-6, 23) Ngunit hindi nalilimutan ni Jehova ang kaniyang layunin para sa lupang ito. Ipinangako niya na ito’y gagawing isang paraiso na doo’y maninirahan ang mga tao magpakailanman. Papaano niya ito gagawin?​—Awit 37:29.

4. Bago maging paraiso ang lupang ito, dapat munang alisin ang mga taong balakyot. (Awit 37:38) Ito’y magaganap sa Armagedon, na siyang digmaan ng Diyos upang wakasan ang kabalakyutan. Sumunod, ibibilanggo si Satanas sa loob ng 1,000 taon. Ito’y nangangahulugan na walang matitirang mga balakyot na magpaparumi sa lupa. Tanging ang bayan ng Diyos lamang ang makaliligtas.​—Apocalipsis 16:14, 16; 20:1-3.

5. Pagkatapos ay mamamahala si Jesu-Kristo bilang Hari sa lupang ito sa loob ng 1,000 taóng iyon. (Apocalipsis 20:6) Unti-unti niyang papawiin sa ating isipan at katawan ang kasalanan. Tayo’y magiging mga sakdal na tao na gaya nina Adan at Eva bago sila nagkasala. Sa gayon ay mawawala na ang sakit, pagtanda, at kamatayan. Gagaling ang mga maysakit, at muling babata ang matatanda.​—Job 33:25; Isaias 33:24; Apocalipsis 21:3, 4.

6. Sa loob ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesus, magtatrabaho ang tapat na mga tao upang gawing paraiso ang buong lupa. (Lucas 23:43) Gayundin, milyun-milyong patay ang bubuhaying-muli bilang mga taong nabubuhay sa lupa. (Gawa 24:15) Kung gagawin nila ang hinihiling ng Diyos sa kanila, sila’y patuloy na mabubuhay sa lupa magpakailanman. Kung hindi, sila’y pupuksain magpakailanman.​—Juan 5:28, 29; Apocalipsis 20:11-15.

7. Kung gayon ay magtatagumpay ang orihinal na layunin ng Diyos para sa lupa. Ibig mo bang makibahagi sa darating na mga pagpapalang ito? Kung oo, kailangan mong patuloy na kumuha ng kaalaman tungkol kay Jehova at sundin ang kaniyang mga hinihiling. Ang pagdalo sa mga pulong sa lokal na Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova ay tutulong sa iyo na gawin ito.​—Isaias 11:9; Hebreo 10:24, 25.

[Larawan sa pahina 10]

Naiwalang paraiso

[Mga larawan sa pahina 11]

Pagkatapos ng Armagedon, ang lupa’y gagawing paraiso