Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Papaano Inoorganisa ang mga Saksi ni Jehova

Kung Papaano Inoorganisa ang mga Saksi ni Jehova

Aralin 14

Kung Papaano Inoorganisa ang mga Saksi ni Jehova

Kailan naganap ang modernong-panahong pasimula ng mga Saksi ni Jehova? (1)

Papaano idinaraos ang mga pulong ng mga Saksi ni Jehova? (2)

Papaano natutugunan ang mga gastusin? (3)

Sino ang nangunguna sa bawat kongregasyon? (4)

Anong mas malalaking pulong ang idinaraos taun-taon? (5)

Anong gawain ang isinasagawa sa kanilang punong-tanggapan at mga tanggapang pansangay? (6)

1. Ang modernong-panahong pasimula ng mga Saksi ni Jehova ay naganap noong mga taón ng 1870. Sa pasimula ay tinawag silang mga Estudyante ng Bibliya. Ngunit noong 1931 ikinapit nila ang maka-Kasulatang pangalan na mga Saksi ni Jehova. (Isaias 43:10) Mula sa maliit na pasimula ay sumulong ang organisasyon tungo sa milyun-milyong mga Saksi, na abala sa pangangaral sa mahigit na 230 lupain.

2. Karamihan sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay nagpupulong nang tatlong beses linggu-linggo. Ikaw ay inaanyayahang dumalo sa alinman sa mga ito. (Hebreo 10:24, 25) Ang Bibliya ang saligan ng mga itinuturo. Ang mga pulong ay binubuksan at tinatapos sa panalangin. Ang madamdaming “espirituwal na mga awit” ay inaawit din sa halos lahat ng mga pulong. (Efeso 5:18, 19) Walang bayad ang pagpasok at walang koleksiyon.​—Mateo 10:8.

3. Karamihan sa mga kongregasyon ay nagpupulong sa Kingdom Hall. Ang mga ito’y karaniwan nang simple ang pagkagawa na itinayo ng mga boluntaryong Saksi. Wala kang makikitang mga imahen, krus, o mga bagay na katulad nito sa Kingdom Hall. Ang mga gastusin ay binabayaran mula sa mga kusang-loob na donasyon. Para sa mga nagnanais mag-abuloy, may kahon para sa kontribusyon.​—2 Corinto 9:7.

4. Sa bawat kongregasyon, may matatanda, o mga tagapangasiwa. Sila ang nangunguna sa pagtuturo sa kongregasyon. (1 Timoteo 3:1-7; 5:17) Sila’y tinutulungan ng mga ministeryal na lingkod. (1 Timoteo 3:8-10, 12, 13) Ang mga lalaking ito ay hindi nakatataas sa iba sa kongregasyon. (2 Corinto 1:24) Hindi sila binibigyan ng pantanging mga titulo. (Mateo 23:8-10) Hindi sila nananamit nang naiiba sa iba. Ni hindi sila binabayaran sa kanilang gawain. Ang matatanda ay kusang-loob na nangangalaga sa espirituwal na pangangailangan ng kongregasyon. Sila’y nakapaglalaan ng kaaliwan at patnubay sa panahon ng kagipitan.​—Santiago 5:14-16; 1 Pedro 5:2, 3.

5. Nagdaraos din ang mga Saksi ni Jehova ng malalaking asamblea o kombensiyon taun-taon. Sa ganitong mga panahon ay nagsasama-sama ang maraming kongregasyon para sa isang pantanging programa ng pagtuturo sa Bibliya. Ang pagbabautismo sa mga bagong alagad ay regular nang bahagi ng bawat programa ng asamblea o kombensiyon.​—Mateo 3:13-17; 28:19, 20.

6. Ang punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova ay nasa New York. Naroroon ang Lupong Tagapamahala, isang pangunahing grupo ng makaranasang matatanda na nangangasiwa sa pandaigdig na kongregasyon. Mayroon ding mahigit na 100 tanggapang pansangay sa buong daigdig. Sa mga lugar na ito, ang mga boluntaryo ay tumutulong na maglimbag at magpadala ng mga literatura sa Bibliya. Nagbibigay rin ng mga patnubay para sa pag-oorganisa ng gawaing pangangaral. Bakit hindi magplanong dumalaw sa tanggapang pansangay na pinakamalapit sa inyo?