Kung Papaano Mo Malalaman ang Hinihiling ng Diyos
Aralin 1
Kung Papaano Mo Malalaman ang Hinihiling ng Diyos
Anong mahalagang impormasyon ang nasa Bibliya? (1)
Sino ang awtor ng Bibliya? (2)
Bakit dapat mong pag-aralan ang Bibliya? (3)
1. Ang Bibliya ay isang natatanging kaloob mula sa Diyos. Ito’y tulad sa isang liham ng isang maibiging ama sa kaniyang mga anak. Sinasabi nito sa atin ang katotohanan tungkol sa Diyos—kung sino siya at kung ano ang kaniyang mga pamantayan. Ipinaliliwanag nito kung papaano haharapin ang mga suliranin at kung papaano masusumpungan ang tunay na kaligayahan. Tanging ang Bibliya lamang ang nagsasabi sa atin kung ano ang dapat nating gawin upang mapaluguran ang Diyos.—Awit 1:1-3; Isaias 48:17, 18.
2. Ang Bibliya ay isinulat ng mga 40 iba’t ibang lalaki sa loob ng 1,600 taon, pasimula noong 1513 B.C.E. Ito’y binubuo ng 66 na maliliit na aklat. Ang mga sumulat ng Bibliya ay kinasihan ng Diyos. Isinulat nila ang laman ng kaniyang isip, hindi ang sa kanila. Kaya ang Diyos sa langit, hindi ang sinumang tao sa lupa, ang Awtor ng Bibliya.—2 Timoteo 3:16, 17; 2 Pedro 1:20, 21.
3. Tiniyak ng Diyos na ang Bibliya ay wastong kinopya at naingatan. Mas maraming Bibliya ang inilimbag kaysa sa alinmang aklat. Hindi lahat ay matutuwa kapag nakita kang nag-aaral ng Bibliya, ngunit huwag mong payagang pahintuin ka nito. Ang iyong walang-hanggang kinabukasan ay nakasalalay sa iyong pagkakilala sa Diyos at sa paggawa ng kaniyang kalooban sa kabila ng anumang pananalansang.—Mateo 5:10-12; Juan 17:3.