Mga Paniniwala at Kaugaliang Di-Nakalulugod sa Diyos
Aralin 11
Mga Paniniwala at Kaugaliang Di-Nakalulugod sa Diyos
Anong uri ng paniniwala at kaugalian ang mali? (1)
Dapat bang maniwala ang mga Kristiyano na ang Diyos ay isang Trinidad? (2)
Bakit hindi ipinagdiriwang ng tunay na mga Kristiyano ang Pasko, Linggo ng Pagkabuhay, o kapanganakan? (3, 4)
Maaari bang pinsalain ng mga patay ang mga buháy? (5) Namatay ba si Jesus sa isang krus? (6) Gaano kahalaga ang mapaluguran ang Diyos? (7)
1. Hindi lahat ng paniniwala at kaugalian ay masama. Ngunit hindi ito sinasang-ayunan ng Diyos kapag ang mga ito’y nagmumula sa huwad na relihiyon o kaya’y labag sa mga turo ng Bibliya.—Mateo 15:6.
2. Trinidad: Si Jehova ba ay isang Trinidad—tatlong persona sa iisang Diyos? Hindi! Si Jehova, ang Ama, “ang tanging tunay na Diyos.” (Juan 17:3; Marcos 12:29) Si Jesus ang Kaniyang panganay na Anak, at siya’y sakop ng Diyos. (1 Corinto 11:3) Ang Ama ay mas dakila sa Anak. (Juan 14:28) Ang banal na espiritu ay hindi isang persona; iyon ang aktibong puwersa ng Diyos.—Genesis 1:2; Gawa 2:18.
3. Pasko at Linggo ng Pagkabuhay: Si Jesus ay hindi ipinanganak noong Disyembre 25. Siya’y ipinanganak noong mga Oktubre 1, sa isang panahon ng santaon na ang mga pastol ay nasa labas at nagbabantay sa gabi sa kanilang mga kawan. (Lucas 2:8-12) Hindi kailanman iniutos ni Jesus sa mga Kristiyano na ipagdiwang ang kaniyang kapanganakan. Sa halip, sinabihan niya ang kaniyang mga alagad na alalahanin, o gunitain, ang kaniyang kamatayan. (Lucas 22:19, 20) Ang Pasko at ang mga kaugalian nito ay nagmula sa mga sinaunang huwad na relihiyon. Totoo rin ito sa mga kaugalian ng Linggo ng Pagkabuhay, gaya ng paggamit ng mga itlog at kuneho. Ang mga sinaunang Kristiyano ay hindi nagdiwang ng Pasko o Linggo ng Pagkabuhay, ni ginagawa man ng mga tunay na Kristiyano sa ngayon.
4. Kapanganakan: Ang dalawa lamang na pagdiriwang ng kapanganakan na binanggit sa Bibliya ay isinagawa ng mga taong hindi sumasamba kay Jehova. (Genesis 40:20-22; Marcos 6:21, 22, 24-27) Ang mga sinaunang Kristiyano ay hindi nagdiwang ng kapanganakan. Ang kaugalian ng pagdiriwang ng kapanganakan ay nagmula sa mga sinaunang huwad na relihiyon. Ang tunay na mga Kristiyano ay nagbibigayan ng regalo at sama-samang nagkakasayahan sa ibang panahon ng santaon.
5. Pagkatakot sa mga Patay: Ang mga patay ay hindi nakagagawa ng anuman o nakadarama ng anuman. Hindi natin sila matutulungan, at hindi sila makapananakit sa atin. (Awit 146:4; Eclesiastes 9:5, 10) Ang kaluluwa ay namamatay; hindi iyon nagpapatuloy pagkamatay. (Ezekiel 18:4) Ngunit kung minsan ang balakyot na mga anghel, na kung tawagin ay mga demonyo, ay nagkukunwaring mga espiritu ng namatay. Anumang kaugaliang may kinalaman sa pagkatakot o pagsamba sa mga patay ay mali.—Isaias 8:19.
6. Krus: Si Jesus ay hindi namatay sa isang krus. Siya’y namatay sa isang haligi, o isang tulos. Ang Griegong salita na isinaling “krus” sa maraming Bibliya ay tumutukoy sa isa lamang piraso ng kahoy. Ang sagisag ng krus ay nagmula sa mga sinaunang huwad na relihiyon. Ang krus ay hindi ginamit o sinamba ng sinaunang mga Kristiyano. Kung gayon, sa palagay mo kaya’y tama na gumamit ng krus sa pagsamba?—Deuteronomio 7:26; 1 Corinto 10:14.
7. Maaaring napakahirap iwan ang ilan sa mga paniniwala at kaugaliang ito. Baka kumbinsihin ka ng mga kamag-anak at mga kaibigan na huwag magpalit ng paniniwala. Ngunit ang pagpapalugod sa Diyos ay higit na mahalaga kaysa sa pagpapalugod sa mga tao.—Kawikaan 29:25; Mateo 10:36, 37.
[Larawan sa pahina 22]
Ang Diyos ay hindi isang Trinidad
[Larawan sa pahina 23]
Ang Pasko at Linggo ng Pagkabuhay ay nagmula sa mga sinaunang huwad na relihiyon
[Larawan sa pahina 23]
Walang dahilan upang sambahin ang mga patay o matakot sa kanila