Pagpapakita ng Paggalang sa Buhay at Dugo
Aralin 12
Pagpapakita ng Paggalang sa Buhay at Dugo
Papaano natin dapat malasin ang buhay? (1) ang aborsiyon? (1)
Papaano naipakikita ng mga Kristiyano na sila’y palaging nag-iingat? (2)
Masama bang pumatay ng mga hayop? (3)
Ano ang ilang paggawi na hindi nagpapakita ng paggalang sa buhay? (4)
Ano ang batas ng Diyos sa dugo? (5)
Kasali ba rito ang pagsasalin ng dugo? (6)
1. Si Jehova ang Bukal ng buhay. Ang buhay ng lahat ng bagay na nabubuhay ay utang nila sa Diyos. (Awit 36:9) Ang buhay ay sagrado sa Diyos. Maging ang buhay ng isang di pa naisisilang na sanggol sa tiyan ng kaniyang ina ay napakahalaga kay Jehova. Ang kusang pagpatay sa nabubuong sanggol na ito ay mali sa paningin ng Diyos.—Exodo 21:22, 23; Awit 127:3.
2. Ang tunay na mga Kristiyano ay palaging nag-iingat. Tinitiyak nilang ligtas sa panganib ang kanilang mga sasakyan at tahanan. (Deuteronomio 22:8) Hindi ipinagsasapalaran ng mga lingkod ng Diyos ang kanilang buhay sa di-kinakailangang panganib dahil lamang sa kaluguran o katuwaan. Kaya hindi sila nakikibahagi sa mararahas na isport na kusang nananakit ng ibang tao. Iniiwasan nila ang mga libangang nagbubuyo sa karahasan.—Awit 11:5; Juan 13:35.
3. Ang buhay ng hayop ay sagrado rin sa Maylalang. Maaaring pumatay ng mga hayop ang isang Kristiyano upang gawing pagkain at damit o upang ingatan ang sarili sa sakit at panganib. (Genesis 3:21; 9:3; Exodo 21:28) Ngunit maling maltratuhin ang mga hayop o patayin ang mga ito dahil lamang sa isport o kaluguran.—Kawikaan 12:10.
4. Ang paninigarilyo, pagngangà, at pagdodroga dahil sa kaluguran ay hindi para sa mga Kristiyano. Ang mga paggawing ito ay mali dahil (1) ginagawa tayong mga alipin ng mga ito, (2) pinipinsala ng mga ito ang ating katawan, at (3) marurumi ang mga ito. (Roma 6:19; 12:1; 2 Corinto 7:1) Maaaring napakahirap alisin ang mga bisyong ito. Ngunit dapat natin itong gawin upang mapaluguran si Jehova.
5. Ang dugo ay sagrado rin sa paningin ng Diyos. Sinasabi ng Diyos na ang kaluluwa, o buhay, ay nasa dugo. Kaya maling kumain ng dugo. Mali ring kumain ng laman ng hayop na hindi wastong napatigis ang dugo. Kung ang hayop ay nabigti o namatay sa isang bitag, hindi ito dapat kanin. Kung ito’y pinanà o binaril, dapat na ito’y patigisin agad kung ito’y kakanin.—Genesis 9:3, 4; Levitico 17:13, 14; Gawa 15:28, 29.
6. Mali bang magpasalin ng dugo? Tandaan natin, hinihilingan tayo ni Jehova na umiwas sa dugo. Ito’y nangangahulugang hindi natin dapat isalin sa ating katawan sa anumang paraan ang dugo ng ibang tao o maging ang sarili nating dugo na inimbak. (Gawa 21:25) Kaya ang tunay na mga Kristiyano ay hindi papayag na magpasalin ng dugo. Tatanggapin nila ang ibang uri ng panggagamot, gaya ng pagsasalin ng mga produktong walang dugo. Gusto nilang mabuhay, ngunit hindi nila susubuking iligtas ang kanilang buhay sa pamamagitan ng pagsuway sa batas ng Diyos.—Mateo 16:25.
[Mga larawan sa pahina 25]
Upang mapaluguran ang Diyos, dapat tayong umiwas sa pagsasalin ng dugo, maruruming paggawi, at di-kinakailangang panganib