Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Papaano Mo Masusumpungan ang Tunay na Relihiyon?

Papaano Mo Masusumpungan ang Tunay na Relihiyon?

Aralin 13

Papaano Mo Masusumpungan ang Tunay na Relihiyon?

Lahat ba ng relihiyon ay nakalulugod sa Diyos, o may isa lamang? (1)

Bakit napakaraming relihiyon na nag-aangking Kristiyano? (2)

Papaano mo makikilala ang tunay na mga Kristiyano? (3-7)

1. Pinasimulan ni Jesus ang isang tunay na relihiyong Kristiyano. Kaya ngayon ay mayroon lamang iisang kalipunan, o grupo, ng tunay na mga mananamba ng Diyos na Jehova. (Juan 4:23, 24; Efeso 4:4, 5) Itinuturo ng Bibliya na iilang tao lamang ang nasa makipot na daan tungo sa buhay.​—Mateo 7:13, 14.

2. Inihula ng Bibliya na pagkatapos mamatay ang mga apostol, unti-unting papasok sa Kristiyanong kongregasyon ang mga maling turo at di-maka-Kristiyanong mga paggawi. Ilalayo ng mga tao ang mga sumasamba upang sila ang sundin sa halip na ang Kristo. (Mateo 7:15, 21-23; Gawa 20:29, 30) Iyan ang dahilan kung bakit nakikita natin na napakaraming iba’t ibang relihiyon na nag-aangking mga Kristiyano. Papaano natin makikilala ang tunay na mga Kristiyano?

3. Ang pinakapangunahing palatandaan ng tunay na mga Kristiyano ay na sila’y may tunay na pag-ibig sa isa’t isa. (Juan 13:34, 35) Hindi sila tinuruang mag-isip na sila’y nakahihigit sa ibang tao mula sa ibang lahi o kulay ng balat. Ni hindi sila tinuruang mapoot sa mga tao mula sa ibang bansa. (Gawa 10:34, 35) Kaya hindi sila nakikibahagi sa mga digmaan. Pinakikitunguhan ng tunay na mga Kristiyano ang isa’t isa bilang magkakapatid.​—1 Juan 4:20, 21.

4. Ang isa pang palatandaan ng tunay na relihiyon ay na ang mga miyembro nito ay may matinding paggalang sa Bibliya. Tinatanggap nila ito bilang Salita ng Diyos at naniniwala sa sinasabi nito. (Juan 17:17; 2 Timoteo 3:16, 17) Itinuturing nilang higit na mahalaga ang Salita ng Diyos kaysa sa mga idea o kaugalian ng tao. (Mateo 15:1-3, 7-9) Sinisikap nilang maging kasuwato ng Bibliya ang kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. Kaya hindi nila ipinangangaral ang isang bagay at iba naman ang ginagawa.​—Tito 1:15, 16.

5. Ang tunay na relihiyon ay dapat ding magparangal sa pangalan ng Diyos. (Mateo 6:9) Ipinakilala ni Jesus sa iba ang pangalan ng Diyos, na Jehova. Gayundin ang dapat gawin ng tunay na mga Kristiyano. (Juan 17:6, 26; Roma 10:13, 14) Sino sa inyong pamayanan ang mga taong nagsasabi sa iba ng tungkol sa pangalan ng Diyos?

6. Ang tunay na mga Kristiyano ay dapat mangaral ng tungkol sa Kaharian ng Diyos. Gayon ang ginawa ni Jesus. Palagi niyang ipinakikipag-usap ang tungkol sa Kaharian. (Lucas 8:1) Pinag-utusan niya ang kaniyang mga alagad na ipangaral ang mensahe ring iyon sa buong lupa. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Naniniwala ang tunay na mga Kristiyano na tanging ang Kaharian ng Diyos lamang ang makapagdudulot ng tunay na kapayapaan at katiwasayan sa lupang ito.​—Awit 146:3-5.

7. Ang mga alagad ni Jesus ay dapat na hindi bahagi ng balakyot na sanlibutang ito. (Juan 17:16) Hindi sila nakikisangkot sa makasanlibutang mga gawain ukol sa pulitika at mga tunggalian sa lipunan. Iniiwasan nila ang mapaminsalang asal, gawi, at saloobing palasak sa sanlibutan. (Santiago 1:27; 4:4) May nakikilala ka bang grupo ng relihiyon sa inyong pamayanan na nagtataglay ng ganitong mga pagkakakilanlan ng tunay na Kristiyanismo?

[Mga larawan sa pahina 26, 27]

Ang tunay na mga Kristiyano ay nag-iibigan sa isa’t isa, gumagalang sa Bibliya, at nangangaral hinggil sa Kaharian ng Diyos