Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sino ang Diyablo?

Sino ang Diyablo?

Aralin 4

Sino ang Diyablo?

Satanas na Diyablo​—Saan siya nagmula? (1, 2)

Papaano inililigaw ni Satanas ang mga tao? (3-7)

Bakit dapat mong paglabanan ang Diyablo? (7)

1. Ang salitang “diyablo” ay tumutukoy sa isa na buong-kabalakyutang nagsisinungaling tungkol sa ibang tao. Ang “Satanas” ay nangangahulugang isang kaaway o isang mananalansang. Ang mga ito’y katawagang ibinigay sa pangunahing kaaway ng Diyos. Noong una, siya’y isang sakdal na anghel sa langit kasama ng Diyos. Gayunman, nang bandang huli’y naging napakataas ang tingin niya sa kaniyang sarili at hinangad ang pagsambang nararapat lamang sa Diyos.​—Mateo 4:8-10.

2. Ang anghel na ito, si Satanas, ay nakipag-usap kay Eva sa pamamagitan ng ahas. Sa pagsasabi sa kaniya ng mga kasinungalingan, napasuway niya ito sa Diyos. Sa gayon ay tinuligsa ni Satanas ang tinatawag na “soberanya” ng Diyos, ang posisyon bilang ang Kataas-taasan. Pinag-alinlanganan niya kung ang Diyos ay namamahala sa isang karapat-dapat na paraan at sa kabutihan ng Kaniyang mga sakop. Pinag-alinlanganan din ni Satanas kung may sinumang taong mananatiling tapat sa Diyos. Sa paggawa nito, ginawa ni Satanas ang kaniyang sarili na kaaway ng Diyos. Iyan ang dahilan kung bakit tinawag siyang Satanas na Diyablo.​—Genesis 3:1-5; Job 1:8-11; Apocalipsis 12:9.

3. Sinisikap ni Satanas na linlangin ang mga tao upang siya’y sambahin. (2 Corinto 11:3, 14) Ang isang paraan upang iligaw niya ang mga tao ay sa pamamagitan ng huwad na relihiyon. Kung ang isang relihiyon ay nagtuturo ng kasinungalingan tungkol sa Diyos, ito’y aktuwal na ginagamit sa layunin ni Satanas. (Juan 8:44) Baka buong-kataimtimang naniniwala ang mga miyembro ng huwad na relihiyon na ang sinasamba nila’y ang tunay na Diyos. Ngunit ang totoo’y si Satanas ang pinaglilingkuran nila. Siya ‘ang diyos ng sanlibutang ito.’​—2 Corinto 4:4.

4. Ang espiritismo ay isa pang paraan ni Satanas upang mapasailalim ang mga tao sa kaniyang kapangyarihan. Baka tumawag sila sa mga espiritu upang sila’y ipagsanggalang, upang pinsalain ang iba, upang hulaan ang hinaharap, o upang gumawa ng mga himala. Si Satanas ang balakyot na puwersang nasa likod ng lahat ng mga gawaing ito. Upang mapaluguran ang Diyos, dapat na tayo’y hindi masangkot sa espiritismo.​—Deuteronomio 18:10-12; Gawa 19:18, 19.

5. Inililigaw rin ni Satanas ang mga tao sa pamamagitan ng labis na pagtingin sa lahi at sa pagsamba sa mga makapulitikang organisasyon. Ang ilan ay nagpapalagay na ang kanilang bansa o lahi ay nakahihigit sa iba. Ngunit ito’y hindi totoo. (Gawa 10:34, 35) Ang ibang tao nama’y umaasa na ang lulutas ng mga suliranin ng tao ay ang mga makapulitikang organisasyon. Sa paggawa nito, tinatanggihan nila ang Kaharian ng Diyos. Ito lamang ang tanging lunas sa ating mga suliranin.​—Daniel 2:44.

6. Ang isa pang paraan ni Satanas upang iligaw ang mga tao ay sa pamamagitan ng pagtukso sa kanila sa makasalanang mga pita. Sinasabihan tayo ni Jehova na iwasan ang makasalanang mga paggawi sapagkat alam niyang ang mga ito’y makapipinsala sa atin. (Galacia 6:7, 8) Baka naisin ng ilang tao na makisama ka sa kanila sa gayong gawain. Ngunit, tandaan mo, si Satanas ang talagang may nais na gawin mo ang mga bagay na ito.​—1 Corinto 6:9, 10; 15:33.

7. Baka gamitin ni Satanas ang pag-uusig o pagsalansang upang iwan mo si Jehova. Baka ang ilan mong mahal sa buhay ay labis na magalit sapagkat ikaw ay nag-aaral ng Bibliya. Baka tuksuhin ka naman ng iba. Ngunit kanino mo ba utang ang iyong buhay? Ibig ni Satanas na takutin ka upang huminto ka sa pagkuha ng kaalaman tungkol kay Jehova. Huwag mong payagang magwagi si Satanas! (Mateo 10:34-39; 1 Pedro 5:8, 9) Kung paglalabanan mo ang Diyablo, paliligayahin mo si Jehova at maipakikita mong itinataguyod mo ang Kaniyang soberanya.​—Kawikaan 27:11.

[Mga larawan sa pahina 9]

Ang mga tao ay inililigaw ng huwad na relihiyon, espiritismo, at nasyonalismo

[Larawan sa pahina 9]

Paglabanan mo si Satanas sa pamamagitan ng patuloy na pagkuha ng kaalaman tungkol kay Jehova