Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sino si Jesu-Kristo?

Sino si Jesu-Kristo?

Aralin 3

Sino si Jesu-Kristo?

Bakit tinawag si Jesus na “panganay” na Anak ng Diyos? (1)

Bakit siya tinawag na “ang Salita”? (1)

Bakit bumaba si Jesus sa lupa bilang isang tao? (2-4)

Bakit siya gumawa ng mga himala? (5)

Ano ang gagawin ni Jesus sa malapit na hinaharap? (6)

1. Si Jesus ay nakatira sa langit bilang isang espiritung persona bago siya bumaba sa lupa. Siya ang unang nilalang ng Diyos, kung kaya tinawag siyang “panganay” na Anak ng Diyos. (Colosas 1:15; Apocalipsis 3:14) Si Jesus ang tanging Anak na mag-isang nilalang ng Diyos. Ginamit ni Jehova si Jesus bago naging tao bilang kaniyang “dalubhasang manggagawa” sa paglalang sa lahat ng iba pang mga bagay sa langit at sa lupa. (Kawikaan 8:22-31; Colosas 1:16, 17) Ginamit din siya ng Diyos bilang punong tagapagsalita Niya. Iyan ang dahilan kung bakit siya tinawag na “ang Salita.”​—Juan 1:1-3; Apocalipsis 19:13.

2. Isinugo ng Diyos ang Kaniyang Anak sa lupa sa pamamagitan ng paglilipat ng kaniyang buhay sa sinapupunan ni Maria. Kaya si Jesus ay walang naging amang tao. Iyan ang dahilan kung bakit hindi siya nagmana ng kasalanan o ng di-kasakdalan. Isinugo ng Diyos si Jesus sa lupa sa tatlong dahilan: (1) Upang ituro sa atin ang katotohanan tungkol sa Diyos (Juan 18:37), (2) upang mapanatili ang sakdal na katapatan, anupat naglalaan ng isang huwaran na matutularan natin (1 Pedro 2:21), at (3) upang ihandog ang kaniyang buhay para makalaya tayo mula sa kasalanan at kamatayan. Bakit kailangan ito?​—Mateo 20:28.

3. Sa pagsuway sa utos ng Diyos, ang unang tao, si Adan, ay nakagawa ng tinatawag sa Bibliya na “kasalanan.” Kaya siya’y hinatulan ng Diyos ng kamatayan. (Genesis 3:17-19) Hindi na siya nakaaabot sa mga pamantayan ng Diyos, kaya siya’y hindi na sakdal. Unti-unti siyang tumanda at namatay. Ipinamana ni Adan ang kasalanan sa lahat ng kaniyang mga anak. Iyan ang dahilan kung bakit tayo tumatanda, nagkakasakit, at namamatay. Papaano maililigtas ang sangkatauhan?​—Roma 3:23; 5:12.

4. Si Jesus ay isang sakdal na tao na gaya ni Adan. Gayunman, di-tulad ni Adan, si Jesus ay buong-kasakdalang naging masunurin sa Diyos kahit sa ilalim ng pinakamahigpit na pagsubok. Samakatuwid ay maaari niyang ihandog ang kaniyang sakdal na buhay-tao upang ibayad sa kasalanan ni Adan. Ito ang tinutukoy ng Bibliya na “pantubos.” Ang mga anak ni Adan kung gayon ay maaaring iligtas sa hatol na kamatayan. Lahat ng sumasampalataya kay Jesus ay mapatatawad sa kanilang mga kasalanan at makatatanggap ng walang-hanggang buhay.​—1 Timoteo 2:5, 6; Juan 3:16; Roma 5:18, 19.

5. Nang naririto sa lupa si Jesus ay nagpagaling ng maysakit, nagpakain ng mga nagugutom, at nagpahupa ng bagyo. Nagbangon pa man din siya ng patay. Bakit siya gumawa ng mga himala? (1) Siya’y naawa sa mga tao na nagdurusa, at ibig niyang tulungan sila. (2) Ang kaniyang mga himala ay nagpatunay na siya’y Anak ng Diyos. (3) Ipinakikita ng mga ito ang kaniyang gagawin para sa masunuring sangkatauhan kapag siya’y namamahala na bilang Hari sa buong lupa.​—Mateo 14:14; Marcos 2:10-12; Juan 5:28, 29.

6. Si Jesus ay namatay at binuhay-muli ng Diyos bilang isang espiritung nilalang, at bumalik siya sa langit. (1 Pedro 3:18) Mula noon, ginawa siya ng Diyos bilang Hari. Malapit nang alisin ni Jesus ang lahat ng kabalakyutan at pagdurusa sa lupa.​—Awit 37:9-11; Kawikaan 2:21, 22.

[Mga larawan sa pahina 7]

Kasali sa ministeryo ni Jesus ang pagtuturo, paggawa ng mga himala, at maging ang paghahandog ng kaniyang buhay para sa atin