Bakit Napakaraming Paghihirap at Pang-aapi?
Seksiyon 6
Bakit Napakaraming Paghihirap at Pang-aapi?
1, 2. Dahil sa karanasan ng tao, anong mga tanong ang maaaring itanong?
1 Gayunman, kung nilayon ng Kataas-taasang Persona na sakdal na mga tao ang mamuhay sa lupa magpakailanman sa gitna ng paraisong mga kalagayan at kung iyan pa rin ang kaniyang layunin, bakit walang paraiso ngayon? Sa halip, bakit naranasan ng tao ang napakaraming dantaon ng paghihirap at pang-aapi?
2 Walang alinlangan, ang kasaysayan ng tao ay punô ng hirap dahil sa digmaan, imperyalistikong pananakop, pagsasamantala, pang-aapi, karalitaan, kasakunaan, sakit, at kamatayan. Bakit napakaraming masasamang bagay ang nangyayari sa napakaraming walang malay na mga biktima? Kung ang Diyos ay makapangyarihan-sa-lahat, bakit niya pinayagan ang napakaraming paghihirap na ito sa loob ng libu-libong taon? Yamang dinisenyo at inayos ng Diyos ang sansinukob nang husto, bakit niya papayagan ang kaguluhan at pagkawasak sa lupa?
Isang Halimbawa
3-5. (a) Anong ilustrasyon ang makatutulong sa atin na maunawaan kung bakit papayagan ng isang Diyos ng kaayusan ang kaguluhan sa lupa? (b) Alin sa ilang mapagpipilian ang angkop na naglalarawan sa kalagayan ng lupa?
3 Gumamit tayo ng isang halimbawa upang ilarawan kung bakit papayagan ng isang Diyos ng kaayusan ang kaguluhan sa lupa. Gunigunihin, pakisuyo, ang paglalakad sa isang kagubatan at pagkatagpo ng isang bahay. Habang sinisiyasat mo ang bahay, nakikita mo na ito ay nasa kaguluhan. Ang mga bintana ay sira, malaki ang sira ng bubong, ang balkon na yari sa kahoy ay punô ng butas, ang pinto ay nakabitin sa isang bisagra, at hindi gumagana ang instalasyon ng mga tubo.
4 Sa harap ng lahat ng mga depektong ito, maghihinuha ka ba na walang matalinong disenyador ang maaaring nagdisenyo ng bahay na iyon? Ang kaguluhan ba ay kukumbinsi sa iyo na ang bahay ay nagkataon lamang? O kung ikaw ba’y maghihinuha na may nagdisenyo at gumawa nito, iisipin mo bang ang taong ito ay walang kasanayan at hindi maalalahanin?
5 Nang siyasatin mo nang husto ang gusali, nakita mo na mahusay ang dating pagkakagawa nito at nagpapatunay ng labis na maalalahaning pangangalaga. Subalit ito sa ngayon ay basta sira-sira na at patungo na sa pagkawasak. Ano kaya ang ipinahihiwatig ng mga sirâ at mga problema? Maaari nitong ipahiwatig na (1) namatay na ang may-ari; (2) siya ay may kakayahang tagapagtayo ngunit hindi na siya interesado sa bahay; o (3) pansamantalang pinaupahan niya ang kaniyang pag-aari sa walang malasakit na mga nangungupahan. Ang huling banggit ay kahawig sa kalagayan ng lupang ito.
Kung Ano ang Naging Problema
6, 7. Ano ang nangyari kina Adan at Eva nang sumuway sila sa kautusan ng Diyos?
6 Mula sa maagang ulat ng Bibliya, nalalaman natin na hindi layunin ng Diyos na ang tao ay maghirap o mamatay. Ang ating unang mga magulang, sina Adan at Eva, ay namatay lamang sapagkat sinuway nila ang Diyos. (Genesis, mga kabanata 2 at 3) Nang sumuway sila, hindi na nila ginagawa ang kalooban ng Diyos. Umalis sila sa ilalim ng pangangalaga ng Diyos. Bunga nito, inihiwalay nila ang kanilang sarili mula sa Diyos, “ang bukál ng buhay.”—Awit 36:9.
7 Tulad ng isang makina na bumabagal at humihinto kapag inalis mula sa kuryente, ang kanilang mga katawan at isipan ay humina. Bunga nito, sina Adan at Eva ay humina, tumanda, at sa wakas ay namatay. Ano ang nangyari? Sila ay nagbalik kung saan sila nagmula: “Sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi.” Ang Diyos ay nagbabala sa kanila na ang kamatayan ang magiging bunga ng pagsuway sa kaniyang mga kautusan: “Tiyak na mamamatay ka.”—Genesis 2:17; 3:19.
8. Paano nakaapekto ang kasalanan ng ating unang mga magulang sa sambahayan ng tao?
8 Ang ating unang mga magulang ay hindi lamang namatay kundi ang lahat din ng kanilang mga inapo, ang buong lahi ng tao, ay dumanas din ng kamatayan. Bakit? Sapagkat ayon sa mga batas ng henetiko, minamana ng mga anak ang mga katangian ng kanilang mga magulang. At ang namana ng lahat ng mga anak ng ating unang mga magulang ay di-kasakdalan at kamatayan. Ang Roma 5:12 ay nagsasabi sa atin: “Sa pamamagitan ng isang tao [si Adan, ang ninuno ng sangkatauhan] ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa ganoon lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala [dahil sa pagmamana ng di-kasakdalan, yaon ay, makasalanang mga hilig].” At yamang ang kasalanan, di-kasakdalan, at kamatayan ang tanging mga bagay na nakikilala ng tao, ipinalalagay ng ilan ang mga ito na likas at hindi maiiwasan. Gayunman, ang orihinal na mga tao ay nilalang taglay ang kakayahan at pagnanais na mabuhay magpakailanman. Iyan ang dahilan kung bakit nakikini-kinita ng karamihan ng mga tao na lubhang nakasisiphayo na ang kanilang buhay ay wawakasan ng kamatayan.
Bakit Napakatagal?
9. Bakit pinayagan ng Diyos ang paghihirap na magpatuloy nang napakatagal?
9 Bakit pinayagan ng Diyos na gawin ng mga tao ang kanilang maibigang gawin nang napakatagal? Bakit niya pinayagang umiral ang paghihirap sa lahat ng mga dantaong ito? Ang isang mahalagang dahilan ay na isang napakahalagang isyu ang ibinangon: Sino ang may karapatang mamahala? Ang Diyos ba ang dapat na maging Pinuno ng mga tao, o maaari ba nilang matagumpay na pamahalaan ang kanilang mga sarili nang hiwalay sa kaniya?
10. Anong kakayahan ang ibinigay sa mga tao, taglay ang anong pananagutan?
10 Ang mga tao ay nilalang taglay ang malayang kalooban, yaon ay, taglay ang kakayahang pumili. Hindi sila ginawang parang mga robot o gaya ng mga hayop, na pangunahin nang inuugitan ng katutubong ugali. Kaya mapipili ng mga tao kung sino ang kanilang paglilingkuran. (Deuteronomio 30:19; 2 Corinto 3:17) Sa gayon, ang Salita ng Diyos ay nagpapayo: “Kayo’y maging gaya ng mga taong malaya, gayunman ang inyong kalayaan ay gamitin, hindi para sa pagtatakip sa kasamaan, kundi para sa inyong pagiging mga alipin ng Diyos.” (1 Pedro 2:16) Gayunman, bagaman ang mga tao ay may kahanga-hangang kaloob ng malayang kalooban, dapat nilang tanggapin ang mga kahihinatnan ng kanilang pagkilos.
11. Ano ang tanging paraan upang malaman kung ang landasin na hiwalay sa Diyos ay magiging matagumpay?
11 Ang ating unang mga magulang ay gumawa ng maling pagpili. Pinili nila ang humiwalay sa Diyos. Totoo, maaari sanang pinatay karaka-raka ng Diyos ang unang mapaghimagsik na mag-asawa pagkatapos nilang gamitin sa maling paraan ang kanilang malayang kalooban. Ngunit hindi niyan lulutasin ang katanungan tungkol sa karapatan ng Diyos na mamahala sa mga tao. Yamang nais ng unang mag-asawa na humiwalay sa Diyos, ang tanong ay kailangang sagutin: Ang landasin bang iyon ay magbubunga ng isang maligaya, matagumpay na buhay? Ang tanging paraan upang malaman iyan ay hayaan ang ating unang mga magulang at ang kanilang mga anak na lumakad ng kanilang sariling lakad, yamang iyan ang pinili nila. Ipakikita ng panahon kung ang mga tao ba ay nilalang na maging matagumpay sa pamamahala sa kanilang sarili nang hiwalay sa kanilang Maylikha.
12. Paano tinaya ni Jeremias ang pamamahala ng tao, at bakit gayon?
12 Talos ng manunulat ng Bibliyang si Jeremias kung ano ang magiging bunga. Pinatnubayan ng makapangyarihang banal na espiritu, o aktibong puwersa ng Diyos, siya ay makatotohanang sumulat: “Talastas ko, Oh Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang. Ituwid mo ako, Oh Jehova.” (Jeremias 10:23, 24) Batid niya na kailangan ng mga tao ang patnubay ng makalangit na karunungan ng Diyos. Bakit? Sapagkat hindi nilalang ng Diyos ang mga tao na maging matagumpay nang hiwalay sa kaniyang patnubay.
13. Ano ang walang pag-aalinlangang ipinakita ng mga resulta ng libu-libong taon ng pamamahala ng tao?
13 Walang alinlangang ipinakikita ng mga resulta ng libu-libong taon ng pamamahala ng tao na hindi para sa mga tao na pamahalaan ang kanilang sariling mga gawain nang hiwalay sa kanilang Maylikha. Nasubukan na ito, wala silang masisisi kundi ang kanilang sarili sa kapaha-pahamak na mga bunga. Ito’y nililiwanag ng Bibliya: “Ang malaking Bato [ang Diyos], ang kaniyang gawa ay sakdal, sapagkat lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan. Isang Diyos na tapat, at makatarungan; matuwid at banal siya. Sila’y nagpakasama; sila’y hindi kaniyang mga anak, ang kapintasan ay sa kanilang sarili.”—Deuteronomio 32:4, 5.
Malapit Nang Makialam ang Diyos
14. Bakit hindi na iaantala pa ng Diyos ang kaniyang pakikialam sa mga suliranin ng tao?
14 Yamang pinayagan niya ang sapat na pagpapatunay ng kabiguan ng pamamahala ng tao sa nakalipas na mga dantaon, maaari na ngayong kumilos ang Diyos upang makialam sa mga suliranin ng tao at ihihinto ang paghihirap, kalungkutan, sakit, at kamatayan. Palibhasa’y pinayagan niya ang mga tao na marating ang sukdulan ng kanilang mga tagumpay sa siyensiya, industriya, medisina, at iba pang larangan, hindi na kailangan ng Diyos ang dantaon pang mga panahon upang ipakita ng mga taong hiwalay sa kanilang Maylikha na sila ay makapagdadala ng isang mapayapa, malaparaisong daigdig. Hindi nila nagawa iyon at hindi nila magagawa iyon. Ang paghiwalay sa Diyos ay nagbunga ng isang napakapangit, nakapopoot, nakamamatay na sanlibutan.
15. Anong payo ng Bibliya ang makabubuting sundin natin?
15 Bagaman may taimtim na mga pinuno na nagnais tulungan ang sangkatauhan, ang kanilang mga pagsisikap ay hindi nagtagumpay. Saanman ngayon nariyan ang katibayan ng pagbagsak ng pamamahala ng tao. Iyan ang dahilan kung bakit ang Bibliya ay nagpapayo: “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga dakilang tao, ni sa anak man ng makalupang tao, na hindi makapagliligtas.”—Awit 146:3.
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 24, 25]
Kahit na ang taimtim na mga pinuno ng daigdig ay hindi nakapagdala ng isang mapayapa, malaparaisong daigdig