Mabuhay Magpakailanman sa Isang Lupang Paraiso
Seksiyon 8
Mabuhay Magpakailanman sa Isang Lupang Paraiso
1, 2. Ano kaya ang magiging buhay sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos?
1 Ano kaya ang magiging buhay kapag inalis ng Diyos ang kabalakyutan at paghihirap sa lupa at dalhin ang kaniyang bagong sanlibutan sa ilalim ng maibiging pangangasiwa ng kaniyang makalangit na Kaharian? Ang Diyos ay nangangako na ‘bubuksan ang kaniyang kamay at sasapatan ang pagnanais ng bawat nabubuhay na bagay.’—Awit 145:16.
2 Ano ang marapat mong mga naisin? Hindi ba ang isang maligayang buhay, kapaki-pakinabang na trabaho, materyal na kasaganaan, magandang kapaligiran, kapayapaan sa lahat ng mga tao, at kalayaan mula sa pang-aapi, sakit, paghihirap, at kamatayan? At kumusta naman ang tungkol sa isang nakagagalak na espirituwal na pangmalas? Lahat ng mga bagay na iyon ay malapit nang matupad sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos. Pansinin kung ano ang sinasabi ng mga hula ng Bibliya tungkol sa kahanga-hangang mga pagpapala na darating sa bagong sanlibutang iyon.
Ang Sangkatauhan ay Nasa Ganap na Kapayapaan
3-6. Anong katiyakan na ang mga tao ay magkakaroon ng kapayapaan sa bagong sanlibutan?
3 “Pinatitigil niya [ng Diyos] ang mga digmaan hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa. Kaniyang binabali ang busog at pinagpuputul-putol ang sibat; ang mga karo [na pandigma] ay kaniyang sinusunog sa apoy.”—Awit 46:9.
4 “At papandayin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mangag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.”—Isaias 2:4.
5 “Ang maaamo ay magmamana ng lupain, at sila’y lubusang masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:11.
6 “Ang buong lupa ay nasa katiwasayan, at naging tahimik. Ang mga tao ay masayang nagsisiawit.”—Isaias 14:7.
Iiral ang Kapayapaan sa Tao at mga Hayop
7, 8. Anong kapayapaan ang iiral sa pagitan ng tao at mga hayop?
7 “Ang lobo ay aktuwal na tatahang sandali kasama ng lalaking kordero, at ang leopardo ay mahihigang kasiping ng batang kambing, at ang guya at ang batang leon at ang patabaing hayop na magkakasama; at isa lamang munting batang lalaki ang papatnubay sa kanila. At ang baka at ang oso ay manginginain; ang kanilang mga anak ay mahihigang magkakasiping. At kahit na ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka. At ang batang pasusuhin ay tunay na maglalaro sa lungga ng cobra; at sa lungga ng isang makamandag na ahas ay isusuot ng isang batang kahihiwalay sa suso ang kaniyang kamay. Sila’y hindi mananakit o lilikha ng ano mang pinsala.”—Isaias 11:6-9.
8 “At sa araw na yaon ay ipakikipagtipan ko sila sa mga hayop sa parang at sa mga ibon sa himpapawid at sa mga bagay na nagsisiusad sa lupa . . . akin silang pahihigaing tiwasay.”—Oseas 2:18.
Sakdal na Kalusugan, Buhay na Walang-hanggan
9-14. Ilarawan ang mga kalagayan sa kalusugan sa bagong sanlibutan.
9 “Sa panahong iyon madidilat ang mga mata ng bulag, at ang mga pakinig ng bingi ay mabubuksan. Sa panahong iyon lulukso ang pilay na parang usa, at ang dila ng pipi ay aawit sa kagalakan.”—Isaias 35:5, 6.
10 “At papahirin niya [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati o ng pananambitan o ng hirap pa man.”—Apocalipsis 21:4.
11 “Walang mamamayan ang magsasabi: ‘Ako’y may sakit.’”—Isaias 33:24.
12 “Ang kaniyang laman ay magiging sariwa kaysa laman ng isang bata; siya’y bumabalik sa mga kaarawan ng kaniyang kabataan.”—Job 33:25.
13 “Ang kaloob na ibinibigay ng Diyos ay buhay na walang-hanggan kay Kristo Jesus na Panginoon natin.”—Roma 6:23.
14 “Ang bawat nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay . . . magka[ka]roon ng buhay na walang-hanggan.”—Juan 3:16.
Ang Patay ay Ibabalik sa Buhay
15-17. Ano ang pag-asa para sa mga namatay na?
15 “Magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng matuwid at ng di-matuwid.”—Gawa 24:15.
16 “Dumarating ang oras na lahat ng nasa mga alaalang libingan [alaala ng Diyos] ay makaririnig ng kaniyang tinig at magsisilabas.”—Juan 5:28, 29.
17 “At ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kaniya, at ibinigay ng kamatayan at ng Hades [ang libingan] ang mga patay na nasa kanila.”—Apocalipsis 20:13.
Ang Lupa, Isang Paraiso ng Kasaganaan
18-22. Ang buong lupa ay babaguhin tungo sa ano?
18 “Magkakaroon ng ulan ng pagpapala. At ang punungkahoy sa parang ay magbubunga, at ang lupa’y magsisibol ng halaman niya, at sila’y matitiwasay sa kanilang lupain.”—Ezekiel 34:26, 27.
19 “Isisibol ng lupa ang kaniyang bunga; ang Diyos, ang aming Diyos, ay pagpapalain kami.”—Awit 67:6.
20 “Ang ilang at ang tuyong lupa ay magsasaya, at ang disyerto ay magagalak at mamumulaklak na gaya ng rosa.”—Isaias 35:1.
21 “Ang mga bundok at ang mga burol ay magagalak ng pag-awit sa harap ninyo, at ipapakpak ng lahat ng punungkahoy sa parang ang kanilang mga kamay. Kahalili ng tinik ay tutubo ang puno ng abeto. Kahalili ng dawag ay tutubo ang puno ng arayan.”—Isaias 55:12, 13.
22 “Ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.”—Lucas 23:43.
Mabuting Pabahay Para sa Lahat
23, 24. Anong katiyakan mayroon tayo na magkakaroon ng sapat na mabuting pabahay para sa lahat?
23 “Sila nga’y magtatayo ng mga bahay at kanilang tatahanan . . . Sila’y hindi magtatayo at iba ang tatahan; sila’y hindi magtatanim at iba ang kakain. . . . Ang aking pinili ay makikinabang na lubusan sa gawa ng kanilang sariling mga kamay. Sila’y hindi gagawa ng walang kabuluhan, o manganganak man para sa kasakunaan.”—Isaias 65:21-23.
24 “Sila’y aktuwal na uupo, bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong-ubas at sa ilalim ng kaniyang punung-igos, at walang tatakot sa kanila.”—Mikas 4:4.
Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso
25. Anong kahanga-hangang tanawin mayroon tayo sa hinaharap?
25 Anong kahanga-hangang tanawin sa hinaharap! Anong pagkatotoo nga ng layunin sa buhay ang maaaring taglayin ngayon kapag nakasalig sa matibay na pag-asa na sa bagong sanlibutan ng Diyos ang lahat ng problema sa ngayon ay magiging lipas na bagay na magpakailanman! “Ang mga dating bagay ay hindi maaalaala, ni mapapasapuso man.” (Isaias 65:17) At anong kaaliwang malaman na ang buhay sa panahong iyon ay magiging walang-hanggan: “Aktuwal na sasakmalin niya [ng Diyos] ang kamatayan magpakailanman.”—Isaias 25:8.
26. Ano ang susi sa pamumuhay magpakailanman sa bagong sanlibutan ng Diyos?
26 Nais mo bang mabuhay magpakailanman sa Paraisong bagong sanlibutang iyon na ngayo’y pagkalapit-lapit na? ‘Ano ang kailangan kong gawin upang matamo ang pagsang-ayon ng Diyos sa katapusan ng sanlibutang ito at mabuhay tungo sa kaniyang bagong sanlibutan?’ maitatanong mo. Kailangang gawin mo ang sinabi ni Jesus sa isang panalangin sa Diyos: “Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong sinugo, si Jesu-Kristo.”—Juan 17:3.
27. Ano ang dapat mong gawin upang makabahagi sa layunin ng Diyos?
27 Samakatuwid, kumuha ng Bibliya, at patunayan kung ano ang nabasa mo sa brosyur na ito. Hanapin ang iba na nag-aaral at nagtuturo ng mga katotohanang ito sa Bibliya. Humiwalay sa mapagpaimbabaw na mga relihiyon na nagtuturo at gumagawa ng mga bagay na salungat sa Bibliya. Alamin kung paano ikaw, kasama ng angaw-angaw na iba pa na gumagawa na ng kalooban ng Diyos, ay maaaring makabahagi sa layunin ng Diyos na ang mga tao ay mabuhay magpakailanman sa isang lupang paraiso. At isapuso ang sinasabi ng kinasihang Salita ng Diyos tungkol sa malapit na hinaharap: “Ang sanlibutan ay lumilipas at ang pita niyaon, datapuwat ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”—1 Juan 2:17.
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 31]
Ang layunin ng Diyos na isauli ang makalupang paraiso ay malapit nang matupad