Malapit Nang Matupad ang Layunin ng Diyos
Seksiyon 7
Malapit Nang Matupad ang Layunin ng Diyos
1, 2. Bakit tayo makatitiyak na ang Diyos ay kikilos upang wakasan ang kabalakyutan at ang paghihirap?
1 Bagaman pinayagan ng Diyos ang di-kasakdalan at paghihirap sa loob ng mahabang panahon mula sa pangmalas ng tao, hindi niya papayagang magpatuloy magpakailanman ang masasamang kalagayan. Sinasabi sa atin ng Bibliya na ang Diyos ay may espesipikong panahon upang pahintulutang mangyari ang mga bagay na ito.
2 “Sa bawat bagay ay may takdang panahon.” (Eclesiastes 3:1) Kapag dumating na sa wakas nito ang itinakdang panahon ng Diyos sa pagpapahintulot sa kabalakyutan at paghihirap, kung gayon ay makikialam siya sa mga suliranin ng tao. Wawakasan niya ang kabalakyutan at ang paghihirap at tutuparin niya ang kaniyang orihinal na layunin na ang lupa ay mapunô ng sakdal, maliligayang sambahayan ng tao na nagtatamasa ng ganap na kapayapaan at katiwasayan sa kabuhayan sa gitna ng Paraisong mga kalagayan.
Mga Kahatulan ng Diyos
3, 4. Paano inilalarawan ng aklat ng Kawikaan ang mga bunga ng pakikialam ng Diyos?
3 Pansinin ang ilan sa maraming hula ng Bibliya na bumabanggit sa kung ano ang magiging kahulugan ng pakikialam ng Diyos, yaon ay, ang mga resulta ng kaniyang mga kahatulan, sa sambahayan ng tao:
4 “Ang matuwid ang siyang tatahan sa lupa, at ang mga walang kapintasan ang matitira rito. Ang mga balakyot, sila’y lilipulin sa mismong lupa; at ang mga magdaraya, sila’y bubunutin dito.”—Kawikaan 2:21, 22.
5, 6. Paano ipinakikita ng Awit 37 kung ano ang mangyayari kapag nakialam ang Diyos?
5 “Ang mga manggagawa ng kasamaan ay lilipulin, ngunit yaong nagsisipaghintay kay Jehova ay magmamana ng lupa. Sapagkat sandali na lamang, at ang balakyot ay mawawala na . . . Ngunit ang maaamo ay magmamana ng lupain, at sila’y masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:9-11.
6 “Umasa ka kay Jehova at sundin mo ang kaniyang daan, at kaniyang itataas ka upang maging iyo ang lupa. Pagka nilipol ang mga balakyot, makikita mo. Masdan mo ang taong walang kapintasan at malasin mo ang matuwid, sapagkat ang hinaharap ng taong iyon ay mapayapa. Ngunit ang mga mananalansang ay tiyak na malilipol na sama-sama; ang hinaharap ng mga taong balakyot ay tunay na mapaparam.”—Awit 37:34, 37, 38.
7. Ano ang matinong payo na ibinibigay sa atin ng Salita ng Diyos?
7 Samakatuwid, dahil sa kahanga-hangang hinaharap na darating sa mga kumikilala sa karapatan ng makapangyarihan-sa-lahat na Maylikha na mamahala sa atin, tayo ay hinihimok: “Ingatan sana ng iyong puso ang aking mga utos, sapagkat ang maraming mga araw at mga taon ng buhay at kapayapaan ay idaragdag sa iyo.” Sa katunayan, buhay na walang-hanggan ang idaragdag sa mga pumipiling gawin ang kalooban ng Diyos! Kaya, ang Salita ng Diyos ay nagpapayo sa atin: “Magtiwala ka kay Jehova nang buong puso mo at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan. Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.”—Kawikaan 3:1, 2, 5, 6.
Ang Pamamahala ng Diyos Mula sa Langit
8, 9. Ano ang gagamitin ng Diyos upang linisin ang lupang ito?
8 Gagawin ng Diyos ang paglilinis na ito sa lupa sa pamamagitan ng pinakamagaling na pamahalaang kailanma’y magkakaroon ang sangkatauhan. Isa itong pamahalaan na nagpapabanaag ng makalangit na karunungan sapagkat ito’y mamamahala mula sa langit sa ilalim ng patnubay ng Diyos. At aalisin ng makalangit na Kahariang iyon ang lahat ng anyo ng pamamahala ng tao sa lupa. Ang mga tao ay hindi na muling magkakaroon ng pagpili na sikaping mamahala nang hiwalay sa Diyos.
9 Tungkol sa bagay na ito ang hula sa Daniel 2:44 ay nagsasabi: “At sa mga kaarawan ng mga haring yaon [kasalukuyang mga pamahalaan] ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian [sa langit] na hindi magigiba kailanman. At ang kahariang iyon ay hindi ibibigay sa ibang bayan [ang mga tao ay hindi na kailanman muling pahihintulutang mamahala na hiwalay sa Diyos]. Dudurugin at wawasakin niyon ang lahat ng mga kahariang ito [umiiral ngayon], at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman.”—Tingnan din ang Apocalipsis 19:11-21; 20:4-6.
10. Bakit tayo makatitiyak na sa ilalim ng makalangit na Kaharian ng Diyos, hindi na kailanman magkakaroon muli ng katiwalian sa pamamahala?
10 Sa gayon, ang sangkatauhan ay hindi na kailanman magkakaroon ng tiwaling mga anyo ng pamamahala, sapagkat pagkatapos wakasan ng Diyos ang sistemang ito, ang pamamahala ng tao na hiwalay sa kaniya ay hindi na kailanman iiral pang muli. At ang pamamahala ng Kaharian mula sa langit ay hindi magiging tiwali, yamang ang Diyos ang Tagapasimuno at Tagapag-ingat nito. Sa halip, ito’y kikilos sa pinakamabuting kapakanan ng mga sakop nitong tao. Ang kalooban ng Diyos sa gayon ay mangyayari sa buong lupa gaya ng sa langit. Iyan ang dahilan kung bakit maituturo ni Jesus sa kaniyang mga alagad na idalangin sa Diyos: “Dumating nawa ang kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”—Mateo 6:10.
Gaano Kalapit Na Tayo?
11. Saan natin masusumpungan sa Bibliya ang mga hula na tutulong sa atin na matiyak kung gaano kalapit na tayo sa wakas ng sistemang ito?
11 Gaano kalapit na tayo sa wakas ng hindi kasiya-siyang sistemang ito ng mga bagay at sa pasimula ng bagong sanlibutan ng Diyos? Ang hula ng Bibliya ay maliwanag na nagbibigay sa atin ng kasagutan. Halimbawa, inihula ni Jesus mismo kung ano ang titingnan upang matiyak ang ating katayuan may kaugnayan sa, gaya ng pagkakasabi rito ng Bibliya, “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Ito ay nakatala sa Mateo mga kabanata 24 at 25, Marcos 13, at Lucas 21. At, gaya ng nakaulat sa 2 Timoteo kabanata 3, inihula ni apostol Pablo na magkakaroon ng isang yugto ng panahon na tinatawag na “mga huling araw” kung kailan ang iba’t ibang mga pangyayari ay lalo pang titiyak kung nasaan na tayo sa agos ng panahon.
12, 13. Ano ang sinabi ni Jesus at ni Pablo tungkol sa panahon ng kawakasan?
12 Sinabi ni Jesus na ang yugtong ito ng panahon ay magsisimula sa mga pangyayaring ito: “Ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian, at magkakaroon ng kakapusan sa pagkain at lilindol sa iba’t ibang dako.” (Mateo 24:7) Ipinakikita ng Lucas 21:11 na binanggit din niyang “magkakaroon ng mga salot sa iba’t ibang dako.” At nagbabala rin siya, tungkol sa “pagsagana ng katampalasanan.”—Mateo 24:12.
13 Ang apostol na si Pablo ay humula: “Ngunit alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mapanganib na mga panahon na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mapagpakunwari, mapagmataas, mamumusong, masuwayin sa mga magulang, walang utang-na-loob, di-tapat, walang katutubong pagmamahal, di-marunong tumupad ng kasunduan, maninirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, mababangis, di-maibigin sa kabutihan, mga traidor, matitigas ang ulo, mga palalo, maibigin sa kalayawan kaysa maibigin sa Diyos, may anyo ng maka-Diyos na debosyon ngunit itinatakwil ang kapangyarihan niyaon . . . Ngunit ang mga taong balakyot at mga magdaraya ay lalong sasama, na mangagdaraya at sila rin ang mangadadaya.”—2 Timoteo 3:1-5, 13.
14, 15. Paano pinatutunayan ng mga pangyayari sa ika-20 siglong ito na tayo nga ay nasa mga huling araw na?
14 Ang mga bagay bang iyon na inihula ni Jesus at ni Pablo ay natutupad sa ating panahon? Oo, tiyak na natutupad ang mga ito. Ang Digmaang Pandaigdig I ang pinakamatinding digmaan hanggang noong panahong iyon. Ito ang unang digmaang pandaigdig at ang pinakamalaking pagbabago sa modernong kasaysayan. Kasabay ng digmaang iyon ang mga kakapusan sa pagkain, epidemya ng sakit, at iba pang mga kalamidad. Ang mga pangyayaring iyon mula noong 1914 patuloy ay, gaya ng pagkakasabi rito ni Jesus, “pasimula ng mga hapdi ng pagdurusa.” (Mateo 24:8) Sinimulan nito ang inihulang yugto ng panahon na tinatawag na “mga huling araw,” ang pasimula ng huling salinlahi kung kailan ipahihintulot ng Diyos ang kabalakyutan at paghihirap.
15 Malamang na pamilyar ka sa mga pangyayari sa ika-20 siglo. Alam mo ang mga kaguluhan na bumangon. Mga 100 milyon katao ang napatay sa mga digmaan. Daan-daang angaw na iba pa ang namatay mula sa gutom at mula sa sakit. Ang mga lindol ay sumawi ng di-mabilang na mga buhay. Ang pagwawalang-bahala sa buhay at ari-arian ay lumalago. Ang takot sa krimen ay naging bahagi na ng araw-araw na buhay. Ang mga pamantayang moral ay niwawalang-bahala. Ang pagputok ng populasyon ay naghaharap ng mga problema na hindi nalulutas. Sinisira ng polusyon ang kalidad ng buhay at isinasapanganib pa nga ito. Tunay, tayo’y nasa mga huling araw na sapol noong 1914 at nalalapit na sa sukdulan ng mga hula ng Bibliya tungkol sa ating panahon.
16. Gaano kahabang panahon ang saklaw ng mga huling araw?
16 Magiging gaano kahaba ang yugtong ito ng panahon ng mga huling araw? Ganito ang sabi ni Jesus tungkol sa panahon na makararanas ng “pasimula ng mga hapdi ng pagdurusa” mula noong 1914 patuloy: “Ang salinlahing ito ay hindi lilipas sa ano mang paraan hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito.” (Mateo 24:8, 34-36) Kaya, lahat ng mga tampok ng mga huling araw ay dapat mangyari sa loob ng isang salinlahi, ang salinlahi ng 1914. Kaya ang ilang tao na nabubuhay noong 1914 ay buháy pa pagdating ng wakas ng sistemang ito. Ang salinlahi ng mga taong iyon ay napakatanda na, na nagpapahiwatig na kaunting panahon na lamang ang natitira bago wakasan ng Diyos ang kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay.
17, 18. Anong hula ang nagpapakita na tayo ay napakalapit na sa wakas ng sanlibutang ito?
17 Isa pang hula na nagpapakita na ang wakas ng sistemang ito ay napakalapit na ay ibinigay ni apostol Pablo, na humula: “Ang araw ni Jehova ay dumarating na kagayang-kagaya ng isang magnanakaw sa gabi. Pagka sinasabi nila: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ saka naman ang biglaang pagkapuksa ay biglang-biglang darating sa kanila . . . , at sila’y hindi makatatakas sa ano mang paraan.”—1 Tesalonica 5:2, 3; tingnan din ang Lucas 21:34, 35.
18 Sa ngayon ay tapos na ang Cold War, at maaaring hindi na isang malaking banta ang internasyonal na digmaan. Kaya maaaring inaakala ng mga bansa na napakalapit na nila sa isang bagong sanlibutang kaayusan. Ngunit kapag inaakala nilang nagtatagumpay ang kanilang mga pagsisikap, kabaligtaran ng kanilang iniisip ang magiging kahulugan nito, sapagkat iyan ang magiging pangwakas na hudyat na ang pagkapuksa ng sistemang ito sa pamamagitan ng Diyos ay nalalapit na. Tandaan, ang pulitikal na mga negosasyon at mga kasunduan ay hindi gumagawa ng anumang tunay na mga pagbabago sa mga tao. Hindi nila ginagawa ang mga tao na mag-ibigan sa isa’t isa. At hindi pinahihinto ng mga lider ng daigdig ang krimen, ni inaalis man nila ang sakit at kamatayan. Kaya huwag kayong maglagak ng tiwala sa anumang pagsulong may kinalaman sa kapayapaan at katiwasayan ng tao at isipin na ang daigdig na ito ay patungo na sa paglutas ng mga problema nito. (Awit 146:3) Ang talagang ibig sabihin ng sigaw na iyon ay na ang daigdig na ito ay napakalapit na sa wakas nito.
Pangangaral ng Mabuting Balita
19, 20. Anong hula tungkol sa pangangaral sa mga huling araw ang nakikita nating natutupad?
19 Isa pang hula na nagpapakitang tayo ay nasa mga huling araw na sapol noong 1914 ay yaong ibinigay ni Jesus: “Sa lahat ng bansa ay kailangan munang maipangaral ang mabuting balita.” (Marcos 13:10) O gaya ng pagkakasabi rito ng Mateo 24:14: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”
20 Sa ngayon higit kailanman sa kasaysayan, ang mabuting balita ng wakas ng sanlibutang ito at ng dumarating na Paraisong bagong sanlibutan sa ilalim ng Kaharian ng Diyos ay ipinangangaral na sa buong lupa. Nino? Ng angaw-angaw na mga Saksi ni Jehova. Sila ay nangangaral sa bawat bansa sa lupa.
21, 22. Ano, lalo na, ang nagpapakilala sa mga Saksi ni Jehova bilang tunay na mga Kristiyano?
21 Karagdagan pa sa kanilang pangangaral tungkol sa Kaharian ng Diyos, ang mga Saksi ni Jehova ay gumagawi sa paraan na nagpapakilala na sila ang tunay na mga tagasunod ni Kristo, sapagkat sinabi niya: “Sa ganito’y makikilala ng lahat na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.” Sa gayon, ang mga Saksi ni Jehova ay nagkakaisa sa isang pangglobong kapatiran sa pamamagitan ng isang di-nasisirang buklod ng pag-ibig.—Juan 13:35; tingnan din ang Isaias 2:2-4; Colosas 3:14; Juan 15:12-14; 1 Juan 3:10-12; 4:20, 21; Apocalipsis 7:9, 10.
22 Pinaniniwalaan ng mga Saksi ni Jehova ang sinasabi ng Bibliya: “Ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang taong may takot sa kaniya at gumagawa ng matuwid ay kalugud-lugod sa kaniya.” (Gawa 10:34, 35) Minamalas nila ang kanilang mga kapuwa Saksi sa lahat ng bansa bilang espirituwal na mga kapatid na lalaki at babae, anuman ang lahi o kulay. (Mateo 23:8) At ang bagay na ang gayong pangglobong kapatiran ay umiiral sa sanlibutan sa ngayon ay nakadaragdag pa sa katibayan na malapit nang matupad ang layunin ng Diyos.
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 26]
Ang sakdal na makalangit na Kaharian ng Diyos ang magiging tanging pamamahala ng sangkatauhan sa bagong sanlibutan