May Layunin Ba ang Buhay?
Seksiyon 1
May Layunin Ba ang Buhay?
1. Ano ang kadalasang itinatanong tungkol sa layunin ng buhay, at paano nagkomento tungkol dito ang isang tao?
Sa malao’t madali, halos lahat ay nagtatanong kung ano ang layunin ng buhay. Ito ba’y ang magpagal upang mapabuti ang ating mga kalagayan sa pamumuhay, upang paglaanan ang ating mga pamilya, upang mamatay pagkatapos marahil ng 70 o 80 taon, at saka hindi na umiral magpakailanman? Isang kabataan na ganito ang palagay ay nagsabi na wala nang iba pang layunin sa buhay kundi “mabuhay, magkaanak, maging maligaya at saka mamatay.” Ngunit totoo ba iyan? At ang kamatayan nga ba ang nagwawakas sa lahat ng gawain?
2, 3. Bakit ang pagkakamit ng materyal na kayamanan ay hindi sapat na layunin sa buhay?
2 Marami kapuwa sa mga bansa sa Silangan at sa Kanluran ang may akala na ang pangunahing layunin sa pamumuhay ay magkamit ng materyal na kayamanan. Naniniwala sila na ito ay maaaring humantong sa isang maligaya, makabuluhang buhay. Ngunit kumusta naman ang mga taong mayroon nang materyal na kayamanan? Ang manunulat na taga-Canada na si Harry Bruce ay nagsabi: “Maraming taong mayayaman ang nagsasabing hindi sila maligaya.” Susog pa niya: “Ipinahihiwatig ng mga surbey na isang katakut-takot na kawalan ng pag-asa ang lumalaganap sa Hilagang Amerika . . . Mayroon bang sinuman na maligaya sa daigdig na ito? Kung mayroon, ano ang susi sa kaligayahan?”
3 Ang dating pangulo ng E.U. na si Jimmy Carter ay nagsabi: “Natuklasan natin na ang pagmamay-ari ng mga bagay at paggamit ng mga bagay ay hindi nakasisiya sa ating hinahangad na kabuluhan sa buhay. . . . Hindi mapupunan ng pagtitipon ng materyal na mga bagay ang kahungkagan ng buhay na walang pagtitiwala o layunin.” At isa pang lider sa pulitika ay nagsabi: “Mga ilang taon na ngayon akong nagsasagawa ng isang malawak na pagsasaliksik sa mga katotohanan tungkol sa aking sarili at sa aking buhay; maraming ibang taong nakikilala ko ang gumagawa rin ng gayon. Mas maraming tao higit kailanman ang nagtatanong, ‘Sino ba tayo? Ano ang ating layunin?’”
Mas Mahirap na mga Kalagayan
4. Bakit ang ilan ay nag-aalinlangan na ang buhay ay may anumang layunin?
4 Marami ang nag-aalinlangan na ang buhay ay may layunin kapag nakikita nila na ang mga kalagayan sa pamumuhay ay pahirap nang pahirap. Sa buong daigdig mahigit na isang bilyong tao ang malubhang maysakit o kulang sa pagkain, na nagiging sanhi ng kamatayan ng mga sampung milyong bata taun-taon sa Aprika lamang. Ang populasyon ng lupa, malapit na sa 6 na bilyon, ay patuloy na dumarami ng mahigit na 90 milyon sa isang taon, mahigit na 90 porsiyento ng pagdaming iyon ay sa nagpapaunlad na mga bansa. Pinalulubha pa ng patuloy na lumalagong populasyong ito ang pangangailangan para sa pagkain, pabahay, at industriya, na nagdudulot ng higit pang pinsala sa lupa, tubig, at sa hangin mula sa industriyal at iba pang mga pamparumi.
5. Ano ang nangyayari sa pananim sa lupa?
5 Ang publikasyong World Military and Social Expenditures 1991 ay nag-uulat: “Taun-taon isang sukat ng kagubatan na katumbas ng buong panig ng [Gran Britaniya] ay nasisira. Sa kasalukuyang bilis (ng pagkaingin), sa taóng 2000, maaalis natin ang 65 porsiyento ng mga kagubatan sa mahalumigmig na tropikal na mga sona.” Sa mga dakong ito, ayon sa isang ahensiya ng UN, 10 punungkahoy ang pinuputol sa bawat 1 na itinatanim; sa Aprika ang katumbasan ay mahigit na 20 sa 1. Kaya ang mga dakong disyerto ay lumalawak, at sa bawat taon isang dako na sinlaki ng Belgium ay nawawala para sa gamit sa pagsasaka.
6, 7. Ano ang ilang problema na hindi nalutas ng mga lider na tao, kaya anong mga tanong ang kailangang sagutin?
6 Gayundin, ang ika-20 siglong ito ay nagkaroon ng apat na ulit ng mga kamatayan mula sa digmaan kaysa nakalipas na apat na siglo na pinagsama. Saanman, dumarami ang krimen, lalo na ang marahas na krimen. Ang pagguho ng pamilya, pag-abuso sa droga, AIDS, mga sakit na naililipat ng pagtatalik, at iba pang negatibong mga salik ay gumagawa rin sa buhay na lalong mahirap. At ang mga lider ng daigdig ay hindi nakapaglaan ng mga lunas sa maraming problema na sumasalot sa sambahayan ng tao. Sa gayon, mauunawaan kung bakit ang tao ay nagtatanong, Ano ang layunin ng buhay?
7 Paano sinagot ng mga iskolar at mga lider ng relihiyon ang tanong na iyan? Pagkatapos ng maraming dantaon, nakapaglaan ba sila ng isang kasiya-siyang kasagutan?
Kung Ano ang Sinasabi Nila
8, 9. (a) Ano ang sinabi ng isang iskolar na Intsik tungkol sa layunin ng buhay? (b) Ano ang binanggit ng isang nakaligtas sa kampong-kamatayan ng Nazi?
8 Ang iskolar ni Confucius na si Tu Wei-Ming ay nagsabi: “Ang sukdulang kahulugan ng buhay ay masusumpungan sa ating karaniwan, pag-iral bilang tao.” Ayon sa pangmalas na ito, ang tao ay patuloy na ipanganganak, magpupunyagi upang mabuhay, at mamamatay. Walang gaanong pag-asa sa gayong pangmalas. At totoo nga ba ito?
9 Si Elie Wiesel, isang nakaligtas sa mga kampo ng kamatayan ng Nazi noong Digmaang Pandaigdig II, ay nagsabi: “‘Bakit tayo naririto?’ ang pinakamahalagang tanong na kailangang harapin ng isang tao. . . . Naniniwala akong ang buhay ay may kabuluhan sa kabila ng walang-saysay na kamatayan na nakita ko.” Subalit hindi niya masabi kung ano ang kabuluhan ng buhay.
10, 11. (a) Paano ipinakita ng isang patnugot na hindi taglay ng tao ang mga kasagutan? (b) Bakit hindi kasiya-siya ang pangmalas ng isang ebolusyonaryong siyentipiko?
10 Ang patnugot na si Vermont Royster ay nagsabi: “Sa pagbubulaybulay ng tao tungkol sa kaniyang sarili, . . . sa kaniyang dako sa sansinukob na ito, bahagya lamang ang ating isinulong kaysa nang magsimula ang panahon. Nananatili pa rin ang mga katanungang kung sino tayo at kung bakit tayo naririto at kung saan tayo patungo.”
11 Ang ebolusyonaryong siyentipiko na si Stephen Jay Gould ay nagsabi: “Maaaring hangarin natin ang ‘mas mataas’ na kasagutan—subalit wala nito.” Para sa mga ebolusyonistang iyon, ang buhay ay isang pagpupunyagi para sa kaligtasan ng pinakamalakas, pawang niwawakasan ng kamatayan. Wala ring pag-asa sa pangmalas na iyan. At, minsan pa, totoo ba ito?
12, 13. Anu-ano ang pangmalas ng mga lider ng relihiyon, at ang mga ito ba’y higit na kasiya-siya kaysa sekular na mga tagapagmasid?
12 Maraming lider ng relihiyon ang nagsasabi na ang layunin ng buhay ay mamuhay ng isang mabuting buhay upang sa kamatayan ang kaluluwa ng tao ay makapupunta sa langit at makagugugol ng walang-hanggan doon. Ang mapagpipilian naman na iniaalok sa masasamang tao ay walang-hanggang pagpapahirap sa apoy ng impiyerno. Gayunman, ayon sa paniwalang ito, sa lupa magpapatuloy ang gayunding hindi kasiya-siyang buhay na umiral sa buong kasaysayan. Ngunit kung ang layunin ng Diyos ay na ang mga tao’y mabuhay sa langit na parang mga anghel, bakit hindi na lamang niya nilalang sila nang gayon sa pasimula, gaya ng ginawa niya sa mga anghel?
13 Kahit na ang mga klerigo ay nahihirapan sa gayong mga palagay. Si Dr. W. R. Inge, dating dekano ng Katedral ng St. Paul sa London, ay minsang nagsabi: “Sa buong buhay ko ako’y nakipagpunyagi upang masumpungan ko ang layunin ng buhay. Sinubukan kong sagutin ang tatlong problema na sa tuwina’y waring mahalaga sa akin: ang problema tungkol sa kawalang-hanggan; ang problema tungkol sa personalidad ng tao; at ang problema tungkol sa masama. Bigo ako. Wala akong nalutas sa mga ito.”
Ang Epekto
14, 15. Ano ang epekto ng nagkakasalungatang pangmalas sa maraming tao?
14 Ano ang epekto ng napakaraming magkakaibang idea ng mga iskolar at mga lider ng relihiyon sa tanong tungkol sa layunin ng buhay? Marami ang tumutugon na gaya ng isang may edad na lalaki na nagsabi: “Ako’y nagtatanong kung bakit narito ako sa kalakhang bahagi ng aking buhay. Kung may layunin ang buhay, hindi na mahalaga sa akin.”
15 Marami na nakapapansin sa pagdami ng mga opinyon sa gitna ng mga relihiyon ng daigdig ay naghihinuha na hindi mahalaga kung ano ang pinaniniwalaan ng isa. Inaakala nila na ang relihiyon ay isa lamang dibersiyon para sa isipan, isang bagay na magbibigay ng kaunting kapayapaan ng isip at kaaliwan upang mabata ng isa ang mga problema sa buhay. Ang iba ay nag-aakala na ang relihiyon ay wala kundi pamahiin lamang. Inaakala nila na hindi nasagot ng mga dantaon ng relihiyosong pag-aakala ang tanong tungkol sa layunin ng buhay, ni napabuti man nito ang buhay ng karaniwang tao. Oo, ipinakikita ng kasaysayan na ang mga relihiyon ng daigdig na ito ay kadalasang nakahadlang sa tao na sumulong at naging sanhi ng mga pagkapoot at mga digmaan.
16. Gaano kahalaga ang pagkasumpong ng layunin sa buhay?
16 Gayunman, mahalaga pa nga ba na masumpungan ang katotohanan tungkol sa layunin ng buhay? Ang propesyonal sa kalusugang pangkaisipan na si Viktor Frankl ay sumagot: “Ang pagsusumikap na masumpungan ang kahulugan sa buhay ang pangunahing puwersang gumaganyak sa tao. . . . Masasabi ko, walang anumang bagay sa daigdig ang napakabisang makatutulong sa isa na makaligtas kahit sa pinakamasamang mga kalagayan, gaya ng kaalaman na may kahulugan sa buhay ng isa.”
17. Anu-anong tanong ang dapat nating itanong ngayon?
17 Yamang hindi kasiya-siyang naipaliwanag ng mga pilosopya at mga relihiyon ng tao kung ano ang layunin ng buhay, saan tayo pupunta upang malaman kung ano ito? Mayroon bang bukál ng nakahihigit na karunungan na makapagsasabi sa atin ng katotohanan tungkol sa bagay na ito?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 4]
“Taun-taon isang sukat ng kagubatan na katumbas ng buong panig ng [Gran Britaniya] ay nasisira”
[Larawan sa pahina 5]
“Ako’y nagtatanong kung bakit narito ako sa kalakhang bahagi ng aking buhay”