Sino ang Makapagsasabi sa Atin?
Seksiyon 2
Sino ang Makapagsasabi sa Atin?
1, 2. Ano ang pinakamabuting paraan upang malaman ang layunin ng isang bagay na dinisenyo?
1 Sino ang makapagsasabi sa atin kung ano nga ba ang layunin ng buhay? Buweno, kung ikaw ay dadalaw sa isang disenyador ng isang makina at nakita mo siyang gumagawa ng isang masalimuot na piraso ng makinarya na hindi mo nakikilala, paano mo malalaman kung para sa ano ito? Ang pinakamabuting paraan ay tanungin mo ang disenyador.
2 Kung gayon, kumusta ang kahanga-hangang disenyo na nakikita natin sa paligid natin sa lupa, gaya ng sa lahat ng nabubuhay na bagay, hanggang sa pinakamaliit na nabubuhay na selula? Kahit na ang mas maliliit na molekula at atomo sa loob ng selula ay kahanga-hanga ang pagkakadisenyo at ayos. Kumusta rin ang tungkol sa kagila-gilalas ang pagkakadisenyo na isip ng tao? At kumusta ang ating sistema solar, at ang ating galaksi na Milky Way, at ang sansinukob? Hindi ba ang lahat ng kasindak-sindak na mga disenyong ito ay nangangailangan ng isang Disenyador? Tiyak na masasabi niya sa atin kung bakit niya dinisenyo ang mga bagay na iyon.
Ang Buhay ba ay Nagkataon Lamang?
3, 4. Ano ang probabilidad na ang buhay ay nagkataon lamang?
3 Binabanggit ng The Encyclopedia Americana “ang katangi-tanging antas ng kasalimuutan at ng kaayusan sa nabubuhay na mga nilalang” at nagsabi: “Ang masusing pagsusuri sa mga bulaklak, insekto, o mga mamal ay nagpapakita ng halos hindi kapani-paniwalang kawastuan ng kaayusan ng mga bahagi.” Ang Britanong astronomong si Sir Bernard Lovell, tinutukoy ang kemikal na kayarian ng nabubuhay na mga organismo, ay sumulat: “Ang probabilidad ng . . . isang nagkataon na pangyayari na humantong sa pagbuo ng isa sa pinakamaliit na molekula ng protina ay talagang napakaliit. . . . Ito sa katunayan ay wala.”
4 Sa katulad na paraan, ang astronomong si Fred Hoyle ay nagsabi: “Ang buong balangkas ng karaniwang biyolohiya ay naniniwala pa rin na ang buhay ay lumitaw nang sapalaran. Gayunman habang higit at higit na natutuklasan ng mga biyokemiko ang tungkol sa kasindak-sindak na kasalimuutan ng buhay, maliwanag na ang tsansa na ito ay nagkataon lamang ay napakaliit anupat ito ay maaaring ganap na alisin. Ang buhay ay hindi maaaring nagkataon lamang.”
5-7. Paano pinatutunayan ng molecular biology na ang nabubuhay na mga bagay ay hindi maaaring nagkataon lamang?
5 Ang molecular biology, isa sa pinakabagong larangan ng siyensiya, ay ang pag-aaral ng nabubuhay na mga bagay sa antas ng mga gene, molekula, at mga atomo. Ang molecular biologist na si Michael Denton ay nagkokomento sa kung ano ang nasumpungan: “Ang kasalimuutan ng pinakasimpleng kilalang uri ng selula ay lubhang napakalaki anupat imposibleng tanggapin na ang gayong bagay ay nagkasama-samang bigla dahil sa isang uri ng kakatwa, malayong matupad, na pangyayari.” “Ngunit hindi lamang ang kasalimuutan ng nabubuhay na mga sistema ang lubhang humahamon, nariyan din ang hindi kapani-paniwalang katalinuhan na kadalasang nakikita sa kanilang disenyo.” “Isa itong molekular na antas kung saan . . . ang henyo ng biyolohikal na disenyo at ang kasakdalan ng mga tunguhing nakakamit ay lubhang kapansin-pansin.”
6 Ganito pa ang sabi ni Denton: “Saanman tayo tumingin, anumang lalim tayo tumingin, nasusumpungan natin ang dingal at katalinuhan ng isang lubusang nakahihigit na uri, na lubhang nagpapahina sa idea na ito ay nagkataon lamang. Kapani-paniwala nga ba na nagawa ng mga pamamaraan ng sapalaran ang isang katotohanan, kung saan ang pinakamaliit na elemento—ang isang kumikilos na protina o gene—ay masalimuot na higit pa sa ating sariling mapanlikhang mga kakayahan, isang katotohanan na siya mismong kabaligtaran ng nagkataon lamang, isang katotohanan na nakahihigit sa lahat ng diwa ng anumang bagay na ginawa ng talino ng tao?” Binanggit din niya: “Sa pagitan ng isang nabubuhay na selula at ng pinakamaayos na sistemang walang buhay, gaya ng kristal o isang manipis na piraso ng niyebe, may isang bangin na napakalaki at ganap na mahirap unawain.” At isang propesor ng physics, si Chet Raymo, ay nagsabi: “Hangang-hanga ako . . . Ang bawat molekula ay para bang makahimalang nilikha para sa atas nito.”
7 Ang molecular biologist na si Denton ay naghinuha na “yaong mapagmataas pa ring nagtataguyod na ang lahat ng bagong katotohanang ito ay nagkataon lamang” ay naniniwala sa isang alamat. Sa katunayan, tinatawag niya ang paniniwala ni Darwin tungkol sa nabubuhay na bagay na nagkataon lamang bilang “ang pinakamalaking kosmohenikong alamat ng ikadalawampung siglo.”
Ang Disenyo ay Nangangailangan ng Isang Disenyador
8, 9. Magbigay ng isang ilustrasyon na nagpapakitang ang lahat ng bagay na dinisenyo ay dapat na may isang disenyador.
8 Ang posibilidad na ang walang-buhay na bagay ay maaaring mabuhay nang di-sinasadya, sa pamamagitan ng ilang palambang na aksidente, ay napakalayong mangyari. Hindi, hindi maaaring nagkataon lamang ang lahat ng napakahusay ang pagkakadisenyong nabubuhay na bagay sa lupa, yamang ang lahat ng bagay na dinisenyo ay dapat na may isang disenyador. May nalalaman ka bang anumang eksepsiyon? Wala. At mientras mas masalimuot ang disenyo, mas may kakayahan ang disenyador.
9 Maaari rin nating ilarawan ang bagay na ito sa ganitong paraan: Kapag nakakita tayo ng isang ipinintang larawan, tinatanggap natin ito bilang katibayan na isang pintor ang umiiral. Kapag bumabasa tayo ng isang aklat, tinatanggap natin na isang awtor ang umiiral. Kapag nakakita tayo ng isang bahay, tinatanggap natin na isang tagapagtayo ang umiiral. Kapag nakakita tayo ng ilaw sa trapiko, alam natin na isang lupon ng mambabatas ang umiiral. Lahat ng bagay na iyon ay ginawa na may layunin niyaong mga gumawa nito. At bagaman maaaring hindi natin nauunawaan ang lahat ng bagay tungkol sa mga tao na nagdisenyo ng mga ito, hindi natin pinag-aalinlanganan na ang mga tao ay umiiral.
10. Anong katibayan ng isang Kataas-taasang Disenyador ang maaaring makita?
10 Gayundin naman, ang katibayan ng pag-iral ng isang Kataas-taasang Disenyador ay makikita sa disenyo, kaayusan, at kasalimuutan ng nabubuhay na mga bagay sa lupa. Lahat ng ito ay nagpapahiwatig na may isang Kataas-taasang Talino. Totoo rin ito kung tungkol sa disenyo, kaayusan, at kasalimuutan ng sansinukob taglay ang bilyun-bilyong galaksi nito, bawat isa’y naglalaman ng bilyun-bilyong bituin. At lahat ng mga bagay sa langit ay kontrolado ng tiyak na mga batas, gaya niyaong sa pagkilos, init, liwanag, tunog, elektromagnetismo, at grabidad. Maaari bang magkaroon ng mga batas nang walang mambabatas? Ang rocket scientist na si Dr. Wernher von Braun ay nagsabi: “Ang likas na mga batas ng sansinukob ay napakatiyak anupat wala tayong problema sa pagtatayo ng isang sasakyang pangkalawakan upang lumipad patungo sa buwan at maoorasan natin ang paglipad nang may katumpakan hanggang sa kaliit-liitang bahagi ng isang segundo. Ang mga batas na ito ay tiyak na may gumawa.”
11. Bakit hindi natin dapat ikaila ang pag-iral ng isang Kataas-taasang Disenyador dahil lamang sa hindi natin siya nakikita?
11 Totoo, hindi natin maaaring makita ng ating literal na mga mata ang Kataas-taasang Disenyador at Tagapagbigay-Batas. Subalit ikinakaila ba natin ang pag-iral ng mga bagay na gaya ng grabidad, magnetismo, elektrisidad, o mga alon ng radyo [radio wave] dahil lamang sa hindi natin ito nakikita? Hindi, hindi natin ikinakaila ito, sapagkat nakikita natin ang mga epekto nito. Kung gayon bakit nga natin ikakaila ang pag-iral ng isang Kataas-taasang Disenyador at Tagapagbigay-Batas dahil lamang sa hindi natin siya makita, gayong nakikita natin ang mga bunga ng kamangha-manghang gawa ng kaniyang mga kamay?
12, 13. Ano ang sinasabi ng katibayan tungkol sa pag-iral ng Maylikha?
12 Si Paul Davies, isang propesor ng physics, ay naghinuha na ang pag-iral ng tao ay hindi nagkataon lamang. Sabi niya: “Tayo’y talagang nilayon na mabuhay rito.” At ganito ang sabi niya tungkol sa sansinukob: “Sa aking siyentipikong gawain, higit at higit akong naniniwala na ang pisikal na sansinukob ay pinagsama-sama taglay ang isang katalinuhan na lubhang kagila-gilalas anupat hindi ko matanggap ito bilang isang malupit na katotohanan. Sa wari ko, kailangang mayroong mas malalim na antas ng paliwanag.”
13 Sa gayon, ang katibayan ay nagsasabi sa atin na ang sansinukob, ang lupa, at ang nabubuhay na mga bagay sa lupa ay hindi maaaring nagkataon lamang. Silang lahat ay nagbibigay ng tahimik na patotoo sa isang lubhang matalino, makapangyarihang Maylikha.
Kung Ano ang Sinasabi ng Bibliya
14. Ano ang konklusyon ng Bibliya tungkol sa Maylikha?
14 Gayundin ang konklusyon ng Bibliya, ang pinakamatandang aklat ng tao. Halimbawa, sa aklat ng Bibliya na Hebreo, na isinulat ni apostol Pablo, tayo ay sinabihan: “Mangyari pa, ang bawat bahay ay may nagtayo, ngunit ang nagtayo ng lahat ng bagay ay ang Diyos.” (Hebreo 3:4) Ang huling aklat ng Bibliya, isinulat ni apostol Juan, ay nagsasabi rin: “Karapat-dapat ka, Jehova, na Diyos namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilikha mo ang lahat ng mga bagay, at dahil sa iyong kalooban sila’y nagsiiral at nangalikha.”—Apocalipsis 4:11.
15. Paano natin mahihiwatigan ang ilang katangian ng Diyos?
15 Ipinakikita ng Bibliya na bagaman hindi maaaring makita ang Diyos, kung ano siyang uri ng Diyos ay mahihiwatigan sa pamamagitan ng ginawa niya. Sinasabi nito: “Ang di-nakikitang mga katangian [ng Maylikha], ibig sabihin ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagkadiyos, ay nakikita magmula pa ng paglalang sa sanlibutan, sa mata ng katuwiran, sa mga bagay na kaniyang ginawa.”—Roma 1:20, The New English Bible.
16. Bakit dapat tayong magalak na hindi nakikita ng mga tao ang Diyos?
16 Kaya tayo ay dinadala ng Bibliya mula sa epekto tungo sa sanhi. Ang epekto—ang kasindak-sindak na mga bagay na ginawa—ay katibayan ng matalino, makapangyarihang Sanhi: ang Diyos. At, makapagpapasalamat din tayo na siya ay hindi nakikita, yamang siya ang Maylikha ng lahat ng sansinukob, tiyak na siya ay nagtataglay ng kakila-kilabot na kapangyarihan kung kaya ang mga taong laman at dugo ay hindi maaasahang makita siya at mabuhay. At ganiyan nga ang sinasabi ng Bibliya: “Hindi maaaring makita ng tao [ang Diyos] at mabuhay.”—Exodo 33:20.
17, 18. Bakit dapat na maging mahalaga sa atin ang idea tungkol sa isang Maylikha?
17 Ang idea tungkol sa isang Dakilang Disenyador, isang Kataas-taasang Persona—ang Diyos—ay dapat na maging napakahalaga sa atin. Kung tayo ay ginawa ng isang Maylikha, kung gayon tiyak na mayroon siyang dahilan, isang layunin, sa paglalang sa atin. Kung tayo ay nilikha upang magkaroon ng isang layunin sa buhay, kung gayon may dahilan upang umasa na ang mga bagay ay bubuti para sa atin sa hinaharap. Kung hindi, tayo ay basta nabubuhay at namamatay nang walang pag-asa. Kaya napakahalaga na ating alamin ang layunin ng Diyos para sa atin. Sa gayon tayo ay makapipili kung nais ba nating mabuhay na kasuwato ng layunin ng Diyos o hindi.
18 Gayundin, binabanggit ng Bibliya na ang Maylikha ay isang maibiging Diyos na lubhang nagmamalasakit sa atin. Ang apostol na si Pedro ay nagsabi: “Kayo’y ipinagmamalasakit niya.” (1 Pedro 5:7; tingnan din ang Juan 3:16 at 1 Juan 4:8, 16.) Ang isang paraan na makikita nating ang Diyos ay nagmamalasakit ay sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa kamangha-manghang paraan ng paggawa niya sa atin, sa mental at pisikal na paraan.
“Pagkagawa sa Kakila-kilabot na Paraan”
19. Anong katotohanan ang itinatawag-pansin sa atin ng salmistang si David?
19 Sa Bibliya ang salmistang si David ay nagsabi: “Kagila-gilalas ang pagkagawa sa akin sa kakila-kilabot na paraan.” (Awit 139:14) Tiyak na iyan ang katotohanan, sapagkat ang utak at katawan ng tao ay kamangha-manghang dinisenyo ng Kataas-taasang Disenyador.
20. Paano inilalarawan ng isang ensayklopedia ang utak ng tao?
20 Halimbawa, ang iyong utak ay mas masalimuot kaysa anumang computer. Ang The New Encyclopædia Britannica ay nagsasabi: “Ang paghahatid ng impormasyon sa loob ng sistema ng nerbiyo ay mas masalimuot kaysa pinakamalalaking opisina ng telepono; ang paglutas ng problema sa pamamagitan ng utak ng tao ay higit sa kakayahan ng pinakamagagaling na computer.”
21. Kapag nauunawaan natin ang ginagawa ng utak, ano ang dapat na mahinuha natin?
21 Daan-daang milyong impormasyon at mga larawan sa isipan ang nakaimbak sa iyong utak, ngunit hindi lamang ito isang imbakan ng mga impormasyon. Sa pamamagitan nito ikaw ay maaaring matutong sumipol, gumawa ng tinapay, magsalita ng banyagang mga wika, gumamit ng isang computer, o magpalipad ng isang eruplano. Maguguniguni mo kung magiging ano kaya ang isang bakasyon o kung gaano kasarap ang isang prutas. Maaari kang magsuring mabuti at gumawa ng mga bagay. Maaari ka ring magplano, magpahalaga, magmahal, at iugnay ang iyong mga kaisipan sa nakaraan, sa kasalukuyan, at sa hinaharap. Yamang tayong mga tao ay hindi makapagdidisenyo ng gayong bagay na kasindak-sindak na gaya ng utak ng tao, kung gayon ang Isa na nagdisenyo nito ay tiyak na may karunungan at kakayahan na makapupong higit kaysa sinumang tao.
22. Ano ang inaamin ng mga siyentipiko tungkol sa utak ng tao?
22 Tungkol sa utak, inaamin ng mga siyentipiko: “Kung paano naisasagawa ang mga gawaing ito ng kahanga-hanga ang pagkakapadron, maayos at hindi kapani-paniwalang masalimuot na pirasong ito ng makinarya ay napakahirap unawain. . . . Maaaring hindi kailanman malutas ng mga tao ang lahat ng indibiduwal na mga palaisipan na inihaharap ng utak.” (Scientific American) At ang propesor sa physics na si Raymo ay nagsasabi: “Sa totoo lamang, hindi pa rin natin alam kung gaano karaming impormasyon ang iniimbak ng utak ng tao, o kung paano kusa nitong nagugunita ang mga alaala. . . . May kasindami ng sandaang bilyong selula ng nerbiyo sa utak ng tao. Sa pamamagitan ng tulad-punong kaayusan ng mga synapse, ang bawat selula ay nakikipagkomunikasyon sa libu-libong iba pang selula. Ang mga posibilidad ng mga koneksiyon ay totoong masalimuot.”
23, 24. Banggitin ang ilang bahagi ng katawan na kamangha-mangha ang pagkakadisenyo, at ano ang komento ng isang inhinyero?
23 Ang iyong mga mata ay higit na tiyak at bumabagay kaysa anumang kamera; sa katunayan, ang mga ito ay ganap na awtomatiko, nagpopokus-sa-sarili, de-kulay na mga kamera ng pelikula. Naririnig ng iyong mga tainga ang iba’t ibang tunog at nagbibigay sa iyo ng direksiyon at pagkakatimbang. Ang iyong puso ay isang bomba na may mga kakayahang hindi magagaya ng pinakamagaling na mga inhinyero. Kahanga-hanga rin ang iba pang bahagi ng katawan: ang iyong ilong, dila, at mga kamay, gayundin ang iyong mga sistema ng sirkulasyon ng dugo at panunaw, upang banggitin lamang ang ilan.
24 Kaya nga, isang inhinyero na inupahan upang magdisenyo at magtayo ng isang malaking computer ay nangatuwiran: “Kung ang aking computer ay nangailangan ng isang disenyador, gaano pa kaya ang masalimuot na pisyo-kemikal-biyolohikal na makina na siya kong katawang tao—na napakaliit na bahagi lamang ng halos walang-katapusang sansinukob?”
25, 26. Ano ang dapat na masasabi sa atin ng Dakilang Disenyador?
25 Kung paanong ang mga tao ay may layunin sa isipan kapag sila ay gumagawa ng mga eruplano, computer, bisikleta, at iba pang kagamitan, tiyak na ang Disenyador ng utak at ng katawan ng mga tao ay may layunin din sa pagdisenyo sa atin. At ang Disenyador na ito ay may karunungang nakahihigit sa mga tao, yamang walang sinuman sa atin ang makagagaya sa kaniyang mga disenyo. Makatuwiran, kung gayon, na siya ang Isa na makapagsasabi sa atin kung bakit niya tayo dinisenyo, bakit niya tayo inilagay rito sa lupa, at kung saan tayo patungo.
26 Kapag nalaman natin ang mga bagay na iyon, kung gayon ang kahanga-hangang utak at katawan na ibinigay sa atin ng Diyos ay magagamit sa pagtupad ng ating layunin sa buhay. Subalit saan natin malalaman ang tungkol sa kaniyang mga layunin? Saan niya ibinibigay sa atin ang impormasyong iyon?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 7]
Ang pinakamabuting paraan upang malaman kung bakit ang isang bagay ay dinisenyo ay tanungin ang disenyador
[Larawan sa pahina 8]
Ang kasalimuutan at disenyo ng nabubuhay na mga bagay ay makikita sa molekula ng DNA
[Larawan sa pahina 9]
“Ang paglutas ng problema sa pamamagitan ng utak ng tao ay higit sa kakayahan ng pinakamagagaling na computer”