Ang Ideya ay Pumasok sa Judaismo, Sangkakristiyanuhan, at Islam
Ang Ideya ay Pumasok sa Judaismo, Sangkakristiyanuhan, at Islam
“Ang relihiyon ay isa ring paraan upang matanggap ng mga tao ang bagay na darating ang panahon na sila’y talagang mamamatay, alinman sa pamamagitan ng pangako ng isang mas mabuting buhay sa kabila ng libingan, ng muling pagsilang, o ng dalawang ito.”—GERHARD HERM, AWTOR NA ALEMAN.
1. Sa anong saligang paniniwala ibinabatay ng karamihan ng relihiyon ang kanilang mga pangako sa buhay pagkatapos ng kamatayan?
SA PAGGAWA ng isang pangako hinggil sa kabilang-buhay, halos lahat ng relihiyon ay nanghahawakan sa paniniwala na ang tao ay may kaluluwang imortal at na sa pagkamatay ng katawan ito’y naglalakbay sa panibagong lugar o lumilipat sa panibagong nilalang. Gaya ng ipinakita sa nakaraang seksiyon, ang paniniwala sa imortalidad ng tao ay naging isang mahalagang bahagi ng mga relihiyon sa Silangan buhat pa sa pagsisimula ng mga ito. Subalit ano naman ang tungkol sa Judaismo, Sangkakristiyanuhan, at Islam? Paanong ang turong ito ay naging mahalaga sa mga relihiyong ito?
Ikinapit ng Judaismo ang mga Paniniwalang Griego
2, 3. Ayon sa Encyclopaedia Judaica, itinuturo ba ng banal na kasulatang Hebreo ang imortalidad ng kaluluwa?
2 Ang pinagmulan ng Judaismo ay noon pang mga 4,000 taon pabalik kay Abraham. Ang banal na Hebreong kasulatan ay pinasimulang isulat noong ika-16 na siglo B.C.E. at nakumpleto na noong buuin nina Socrates at Plato ang teoriya ng imortalidad ng kaluluwa. Ang mga Kasulatan bang ito ay nagtuturo ng imortalidad ng kaluluwa?
3 Ang sagot ng Encyclopaedia Judaica ay: “Noon lamang matapos ang panahon ng Bibliya, nagkaroon ng maliwanag at matibay na paniniwala sa imortalidad ng kaluluwa . . . at naging isa sa mga pundasyon ng mga pananampalatayang Judio at Kristiyano.” Ito’y nagsasabi rin: “Ang persona ay kinilala sa kabuuan nito noong panahon ng Bibliya. Kaya hindi ipinaliwanag na ang kaluluwa ay iba mula sa katawan.” Ang sinaunang mga Judio ay naniwala sa pagkabuhay-muli ng mga patay, at “kailangang kilalanin ang pagkakaiba [nito] mula sa paniniwala sa . . . imortalidad ng kaluluwa,” wika ng ensayklopidiyang ito.
4-6. Paano naging “isa sa mga pundasyon” ng Judaismo ang doktrina hinggil sa imortalidad ng kaluluwa?
4 Kung gayon, paanong ang doktrina ay naging “isa sa mga pundasyon” ng Judaismo? Ang sagot ay inilalaan ng kasaysayan. Noong 332 B.C.E., simbilis ng kidlat na sinakop ni Alejandrong Dakila ang kalakhang bahagi ng Gitnang Silangan. Sa pagdating niya sa Jerusalem, malugod na tinanggap siya ng mga Judio. Ayon sa unang-siglong mananalaysay na Judio na si Flavius Josephus, ipinakita pa nga nila sa kaniya ang hula mula sa aklat ni Daniel, na isinulat nang may 200 taon ang aga, na maliwanag na naglalarawan sa pananakop ni Alejandro bilang “ang hari ng Gresya.” (Daniel 8:5-8, 21) Ipinagpatuloy ng mga kahalili ni Alejandro ang kaniyang plano ng Hellenisasyon, anupat pinalaganap sa lahat ng bahagi ng imperyo ang wika, kultura, at pilosopiyang Griego. Ang pagsasama ng dalawang kultura—ang Griego at ang Judio—ay di-naiwasan.
5 Maaga pa noong ikatlong siglo B.C.E., ang unang salin ng Hebreong Kasulatan sa Griego, na tinawag na Septuagint, ay pinasimulan. Sa pamamagitan nito maraming Gentil ang nagkaroon ng paggalang at naging pamilyar sa relihiyon ng Judio, at ang ilan ay nakumberte pa nga. Sa kabilang panig, ang mga Judio ay nagkaroon ng kaalaman sa paniniwalang Griego, at ang ilan ay naging mga pilosopo, bagay na lubusang bago para sa kanila. Si Philo ng Alejandria, noong unang siglo C.E., ay isa sa gayong mga Judiong pilosopo.
6 Si Philo ay may lubos na pagpipitagan kay Plato at nagsikap na ipaliwanag ang Judaismo sa pamamagitan ng pilosopiyang Griego. “Sa pamamagitan ng paglikha ng isang pambihirang kombinasyon ng pilosopiyang Platoniko at ng sinasabi ng Bibliya,” wika ng aklat na Heaven—A History, “inihanda ni Philo ang daan para sa lilitaw na mga palaisip na Kristiyano [at mga Judio].” At ano ang paniniwala ni Philo tungkol sa kaluluwa? Ang aklat ay nagpapatuloy: “Para sa kaniya, isinasauli ng kamatayan ang kaluluwa sa orihinal at hindi pa naisisilang na kalagayan nito. Yamang ang kaluluwa ay para sa daigdig ng espiritu, ang buhay na nasa katawan ay nagiging isang maikli, at kadalasa’y isang malungkot na yugto lamang.” Ang iba pang mga palaisip na Judio na naniniwala sa imortalidad ng kaluluwa ay kinabibilangan nina Isaac Israeli, ang kilalang manggagamot na Judio noong ika-10 siglo, at Moses Mendelssohn, isang Aleman-Judiong pilosopo noong ika-18 siglo.
7, 8. (a) Paano inilalarawan ng Talmud ang kaluluwa? (b) Ano ang sinabi sa dakong huli ng mistikong literatura ng mga Judio hinggil sa kaluluwa?
7 Ang isang aklat na nagkaroon ng malalim na impluwensiya sa paniniwala at buhay ng mga Judio ay ang Talmud—ang nasusulat na sumaryo ng tinatawag na bibigang-batas, na nang maglaon ay nagbigay ng mga komentaryo at mga paliwanag sa batas na ito, na tinipon ng mga rabbi mula noong ikalawang siglo C.E. hanggang sa Edad Medya. “Ang mga rabbi ng Talmud,” wika ng Encyclopaedia Judaica, “ay naniniwala sa patuloy na pag-iral ng kaluluwa pagkatapos ng kamatayan.” Ang Talmud ay nagsasabi pa man din hinggil sa mga patay na nakikipag-ugnayan sa mga nabubuhay. “Marahil dahilan sa impluwensiya ng Platonismo,” wika ng Encyclopædia of Religion and Ethics, “[ang mga rabbi] ay naniniwala sa patiunang pag-iral ng mga kaluluwa.”
8 Nang maglaon ang mistikong literatura ng mga Judio, ang Cabala, ay humantong maging sa pagtuturo ng reinkarnasyon. Hinggil sa paniniwalang ito, ang The New Standard Jewish Encyclopedia ay nagsasabi: “Ang ideya ay waring nagmula sa India. . . . Sa Kabbalah ay unang lumitaw ito sa aklat na Bahir, at pagkatapos, mula sa Zohar patuloy, ito ay karaniwang tinanggap ng mga mistiko, anupat gumaganap ng isang mahalagang papel sa paniniwala at literaturang Hasidic.” Sa Israel ngayon, ang reinkarnasyon ay malawakang tinatanggap bilang isang turong Judio.
9. Ano ang paninindigan ng karamihan sa mga bahagi ng Judaismo sa ngayon hinggil sa imortalidad ng kaluluwa?
9 Samakatuwid, ang ideya ng imortalidad ng kaluluwa ay pumasok sa Judaismo sa pamamagitan ng impluwensiya ng pilosopiyang Griego, at ang paniniwalang ito ay tinatanggap na ngayon ng karamihan sa mga bahagi nito. Ano ang masasabi sa pagpasok ng turong ito sa Sangkakristiyanuhan?
Tinanggap ng Sangkakristiyanuhan ang mga Paniniwala ni Plato
10. Ano ang konklusyon ng isang kilalang iskolar na Kastila hinggil sa paniniwala ni Jesus sa imortalidad ng kaluluwa?
10 Ang tunay na Kristiyanismo ay nagsimula kay Kristo Jesus. Tungkol kay Jesus, si Miguel de Unamuno, isang prominenteng iskolar na Kastila noong ika-20 siglo, ay sumulat: “Siya’y naniwala sa pagkabuhay-muli ng laman, ayon sa Judiong paraan, hindi sa imortalidad ng kaluluwa, alinsunod sa [Griego] Platonikong paraan. . . . Ang patotoo nito ay makikita sa alinmang mapagkakatiwalaang aklat ng interpretasyon.” Siya’y nagtapos: “Ang imortalidad ng kaluluwa . . . ay isang paganong pilosopikal na doktrina.”
11. Kailan nagsimulang makapasok ang pilosopiyang Griego sa Kristiyanismo?
11 Kailan at paano nakapasok ang ‘paganong pilosopikal na doktrinang ito’ sa Kristiyanismo? Ipinakikita ng New Encyclopædia Britannica: “Mula sa kalagitnaan ng ika-2 siglo AD ang ilang Kristiyano na tumanggap ng pagsasanay sa Griegong pilosopiya ay nagsimulang makadama ng pangangailangang ipahayag ang kanilang pananampalataya sa paraang ito, kapuwa upang mabigyang-kasiyahan ang kanilang kaisipan at upang makumberte ang may pinag-aralang mga pagano. Ang pilosopiyang angkop na angkop sa kanila ay ang Platonismo.”
12-14. Anong mga papel ang ginampanan nina Origen at Agustin hinggil sa paglalahok ng Platonikong pilosopiya sa Kristiyanismo?
12 Ang dalawa sa gayong naunang mga pilosopo ay nagkaroon ng malaking impluwensiya sa mga doktrina ng Sangkakristiyanuhan. Ang isa rito ay si Origen ng Alejandria (c. 185-254 C.E.), at ang isa pa, si Agustin ng Hippo (354-430 C.E.). Tungkol sa kanila, ang New Catholic Encyclopedia ay nagsabi: “Sa pamamagitan lamang ni Origen sa Silangan at ni San Agustin sa Kanluran ipinakilala ang kaluluwa bilang espiritu at nabuo ang pilosopikal na ideya nito.” Salig sa ano nabuo nina Origen at Agustin ang kanilang paniniwala hinggil sa kaluluwa?
13 Si Origen ay isang estudyante ni Clement ng Alejandria, na “una sa mga Ama na maliwanag na siyang humiram ng Griegong paniniwala tungkol sa kaluluwa,” wika ng New Catholic Encyclopedia. Ang mga ideya ni Plato hinggil sa kaluluwa ay malamang na lubusang nakaimpluwensiya kay Origen. “Ipinasok [ni Origen] sa Kristiyanong doktrina ang buong kalipunan ng mga turo tungkol sa kaluluwa, na kaniyang nakuha kay Plato,” sabi ng teologong si Werner Jaeger sa The Harvard Theological Review.
14 Si Agustin ay minalas ng ilan sa Sangkakristiyanuhan bilang ang pinakadakilang palaisip ng sinaunang panahon. Bago makumberte sa “Kristiyanismo” sa edad na 33, si Agustin ay nagkaroon ng masidhing interes sa pilosopiya at naging isang Neoplatoniko. a Pagkatapos na siya’y makumberte, siya’y nanatili sa kaniyang Neoplatonikong kaisipan. “Ang kaniyang isipan ang siyang dako kung saan ang relihiyon ng Bagong Tipan ay lubusang napahalo sa Platonikong tradisyon ng Griegong pilosopiya,” wika ng The New Encyclopædia Britannica. Inamin ng New Catholic Encyclopedia na ang kay Agustin na “doktrina [ng kaluluwa], na naging pamantayan sa Kanluran hanggang sa huling bahagi ng ika-12 siglo, ay may malaking utang na loob . . . sa Neoplatonismo.”
15, 16. Ang interes ba sa mga turo ni Aristotle noong ika-13 siglo ay nagpabago sa paninindigan ng simbahan sa turo ng imortalidad ng kaluluwa?
15 Noong ika-13 siglo, ang mga turo ni Aristotle ay lumalaganap na sa Europa, sapagkat nasa Latin ang mga akda ng mga Arabeng iskolar na nagbigay ng malawak na komento sa mga isinulat ni Aristotle. Isang Katolikong iskolar na nagngangalang Thomas Aquinas ang lubusang humanga sa kaisipan ni Aristotle. Dahilan sa mga isinulat ni Aquinas, ang mga pangmalas ni Aristotle ay nagkaroon ng mas malaking impluwensiya sa turo ng simbahan nang higit kaysa yaong kay Plato. Gayunman, ang pangyayaring ito ay hindi nakaapekto sa turo hinggil sa imortalidad ng kaluluwa.
16 Itinuro ni Aristotle na ang kaluluwa ay hindi maihihiwalay sa katawan at hindi patuloy na umiiral nang nag-iisa pagkatapos ng kamatayan at kung mayroon mang bagay na umiiral nang walang hanggan sa tao, ito’y di-nakikita, at walang personang kaisipan. Ang pangmalas na ito sa kaluluwa ay hindi kasuwato ng paniniwala ng simbahan sa indibiduwal na mga kaluluwang di-namamatay. Kaya, binago nang bahagya ni Aquinas ang pangmalas ni Aristotle tungkol sa kaluluwa, na sinasabing ang imortalidad ng kaluluwa ay maaaring patunayan sa pamamagitan ng pangangatuwiran. Kaya, hindi nagbago ang paniniwala ng simbahan sa imortalidad ng kaluluwa.
17, 18. (a) Ang Repormasyon ba noong ika-16 na siglo ay nagpasok ng pagbabago sa turo hinggil sa kaluluwa? (b) Ano ang paninindigan ng karamihan sa mga denominasyon ng Sangkakristiyanuhan hinggil sa imortalidad ng kaluluwa?
17 Noong ika-14 at ika-15 siglo, sa panimulang bahagi ng Renaissance, nagkaroon muli ng interes kay Plato. Ang bantog na pamilyang Medici sa Italya ay tumulong pa nga na magtatag ng isang akademya sa Florence upang itaguyod ang pag-aaral sa pilosopiya ni Plato. Noong ika-16 at ika-17 siglo, nabawasan ang interes kay Aristotle. At ang Repormasyon noong ika-16 na siglo ay hindi nagpasok ng reporma sa turo hinggil sa kaluluwa. Bagaman ang mga Repormador na Protestante ay sumalungat sa turo ng purgatoryo, tinanggap nila ang ideya ng walang hanggang parusa o gantimpala.
18 Kaya ang turo ng imortalidad ng kaluluwa ay namayani sa karamihan ng mga denominasyon ng Sangkakristiyanuhan. Dahilan dito, isang Amerikanong iskolar ang sumulat: “Sa katunayan, ang relihiyon para sa lubhang nakararami sa ating lahi, ay nangangahulugan ng imortalidad, at wala nang iba. Ang Diyos ang siyang lumikha ng imortalidad.”
Imortalidad at Islam
19. Kailan itinatag ang Islam, at sa pamamagitan nino?
19 Ang Islam ay nagpasimula nang tawagin si Muhammad na maging isang propeta noong siya’y mga 40 taong gulang. Karaniwang pinaniniwalaan ng mga Muslim na ang mga kapahayagan ay dumating sa kaniya sa loob ng isang yugto ng mga 20 hanggang 23 taon, mula noong humigit-kumulang 610 C.E. hanggang sa kaniyang kamatayan noong 632 C.E. Ang mga kapahayagang ito ay iniulat sa Koran, ang banal na aklat ng Muslim. Nang lumitaw ang Islam, ang Judaismo at Sangkakristiyanuhan ay napasok na ng Platonikong paniniwala hinggil sa kaluluwa.
20, 21. Ano ang pinaniniwalaan ng mga Muslim hinggil sa Kabilang-buhay?
20 Ang mga Muslim ay naniniwala na ang kanilang pananampalataya ang siyang pinakasukdulan ng mga kapahayagang ibinigay sa tapat na mga Hebreo at mga Kristiyano noong unang panahon. Ang Koran ay bumabanggit kapuwa mula sa Hebreo at Griegong Kasulatan. Subalit sa turo hinggil sa imortalidad ng kaluluwa, ang Koran ay naiiba sa mga kasulatang ito. Itinuturo ng Koran na ang tao ay may isang kaluluwa na patuloy na nabubuhay pagkatapos ng kamatayan. Bumabanggit din ito ng pagkabuhay-muli ng mga patay, isang araw ng paghuhukom, at ng pangwakas na hantungan ng kaluluwa—alinman sa buhay sa isang makalangit na hardin ng paraiso o kaparusahan sa isang nagniningas na impiyerno.
21 Ang mga Muslim ay naniniwala na ang kaluluwa ng patay na tao ay nagtutungo sa Barzakh, o sa “Partisyon,” “ang dako o kalagayan kung saan doroon ang tao pagkatapos ng kamatayan at bago ang Paghuhukom.” (Surah 23:99, 100, The Holy Qur-an, talababa) Ang kaluluwa ay may malay, na doo’y nakararanas ng tinatawag na “Paglilinis ng Libingan” kung ang tao ay naging balakyot o nagtatamasa ng kaligayahan kung siya’y naging tapat. Subalit ang mga tapat ay kailangan ding makaranas ng ilang pahirap dahilan sa nagawa nilang ilang kasalanan samantalang nabubuhay. Sa araw ng paghuhukom, bawat isa ay haharap sa kaniyang walang-hanggang hantungan, na tumatapos sa gayong pansamantalang kalagayan.
22. Anong magkakaibang mga teoriya hinggil sa hantungan ng kaluluwa ang iniharap ng ilang pilosopong Arabe?
22 Ang ideya ng imortalidad ng kaluluwa sa Judaismo at Sangkakristiyanuhan ay lumitaw dahilan sa Platonikong impluwensiya, subalit ang paniniwala ay inilakip sa Islam sa simula pa lamang nito. Hindi ito nangangahulugan na ang mga Arabeng iskolar ay hindi nagsikap na pagsamahin ang mga turong Islamiko at pilosopiyang Griego. Sa katunayan, ang daigdig ng mga Arabe ay lubusang naimpluwensiyahan ng mga isinulat ni Aristotle. At ang kilalang mga Arabeng iskolar, gaya nina Avicenna at Averroës, ay nagpaliwanag na mabuti hinggil sa kaisipan ni Aristotle. Gayunman, sa kanilang pagtatangkang itugma ang kaisipang Griego sa turo ng Muslim hinggil sa kaluluwa, sila’y nakabuo ng magkakasalungat na teoriya. Halimbawa, ipinahayag ni Avicenna na ang personal na kaluluwa ay imortal. Si Averroës, sa kabilang panig, ay nangatuwiran laban sa pangmalas na iyon. Sa kabila ng mga pangmalas na ito, ang imortalidad ng kaluluwa ang siyang nanatiling paniniwala ng mga Muslim.
23. Saan naninindigan ang Judaismo, Sangkakristiyanuhan, at Islam kung tungkol sa isyu ng imortalidad ng kaluluwa?
23 Maliwanag, kung gayon, ang Judaismo, Sangkakristiyanuhan, at Islam ay pawang nagtuturo ng doktrina ng imortalidad ng kaluluwa.
[Talababa]
a Bilang tagapagtaguyod ng Neoplatonismo, isang bagong bersiyon ng pilosopiya ni Plato ang binuo ni Plotinus sa Roma noong ikatlong siglo.
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 14]
Ang pananakop ni Alejandrong Dakila ay umakay sa pagsasama ng mga kulturang Griego at Judio
[Mga larawan sa pahina 15]
Sinikap nina Origen, sa itaas, at Agustin na ihalo ang pilosopiyang Platoniko sa Kristiyanismo
[Mga larawan sa pahina 16]
Si Avicenna, sa itaas, ay nagpahayag na ang personal na kaluluwa ay imortal. Tinutulan ni Averroës ang gayong paniniwala