Ang Kaluluwa Ayon sa Bibliya
Ang Kaluluwa Ayon sa Bibliya
“Ang tao ay naging isang kaluluwang buháy.”—GENESIS 2:7.
1. Ano ang kailangan nating suriin upang matiyak kung ano ang itinuturo ng Bibliya hinggil sa kaluluwa?
GAYA ng ating nabatid na, ang mga paniniwala tungkol sa kaluluwa ay marami at nagkakaiba-iba. Kahit na roon sa mga nag-aangking ang kanilang paniniwala ay salig sa Bibliya, may iba’t ibang ideya hinggil sa kung ano ang kaluluwa at kung ano ang nangyayari rito kapag tayo ay namatay. Ngunit ano ba ang talagang itinuturo ng Bibliya hinggil sa kaluluwa? Upang malaman ito, kailangan nating suriin ang mga kahulugan ng mga salitang Hebreo at Griego na isinaling “kaluluwa” sa Bibliya.
Ang “Kaluluwa” Bilang Isang Nabubuhay na Nilalang
2, 3. (a) Anong salita ang isinaling “kaluluwa” sa Hebreong Kasulatan, at ano ang saligang kahulugan ng salitang ito? (b) Paano pinatutunayan ng Genesis 2:7 na ang salitang “kaluluwa” ay maaaring tumukoy sa isang buong persona?
2 Ang Hebreong salita na isinaling “kaluluwa” ay neʹphesh, at ito’y lumilitaw nang 754 na ulit sa Hebreong Kasulatan (karaniwang tinatawag na Matandang Tipan). Ano ang kahulugan ng neʹphesh? Ayon sa The Dictionary of Bible and Religion, ito’y “karaniwang tumutukoy sa buong nabubuhay na persona, ang buong indibiduwal.”
3 Halimbawa, ang Genesis 2:7 ay nagsasabi: “Pinasimulang anyuan ng Diyos na Jehova ang tao mula sa alabok ng lupa at inihihip sa mga butas ng kaniyang ilong ang hininga ng buhay, at ang tao ay naging isang kaluluwang buháy.” Pansinin na si Adan ay hindi nagtataglay ng isang kaluluwa; siya ay isang kaluluwa—kung paanong ang isa na naging isang doktor ay isang doktor. Kung gayon, ang salitang “kaluluwa” ay maaaring lumarawan sa buong persona.
4, 5. (a) Magbigay ng mga halimbawa na nagpapakitang ang salitang “kaluluwa” ay maaaring tumukoy sa isang buong persona. (b) Paano pinatutunayan ng The Dictionary of Bible and Religion ang pagkaunawa na ang isang tao ay isang kaluluwa?
4 Ang pagkaunawang ito ay sinusuhayan sa buong Hebreong Kasulatan, kung saan masusumpungan natin ang mga pariralang gaya ng “kung isang kaluluwa ang magkasala” (Levitico 5:1), “ang sinumang kaluluwa ay gumawa ng anumang gawa” (Levitico 23:30), “kung ang sinumang tao ay nasumpungang dumukot sa isang kaluluwa” (Deuteronomio 24:7), “ang kaniyang kaluluwa ay naligalig” (Hukom 16:16), “hanggang kailan ninyo patuloy na pahihirapan ang aking kaluluwa?” (Job 19:2), at “ang kaluluwa ko ay walang tulog sa pagdadalamhati.”—Awit 119:28.
5 Walang pahiwatig sa mga talatang ito na ang kaluluwa ay parang isang anino na patuloy na nabubuhay pagkatapos ng kamatayan. “Ang pagsasabi natin sa ating pananalita na ang ‘kaluluwa’ ng isang minamahal ay lumisan upang makasama ng Panginoon o sabihin ang tungkol sa ‘imortal na kaluluwa’ ay talagang hindi mauunawaan sa karaniwang paniniwala ng MT [Matandang Tipan],” wika ng The Dictionary of Bible and Religion.
6, 7. Anong salita ang isinaling “kaluluwa” sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, at ano ang saligang kahulugan ng salitang ito?
6 Ang salitang isinaling “kaluluwa” sa mahigit na isang daang ulit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan (karaniwang tinatawag na Bagong Tipan) ay psy·kheʹ. Gaya ng neʹphesh, ang salitang ito ay karaniwang tumutukoy sa isang buong persona. Halimbawa, isaalang-alang ang sumusunod na pananalita: “Ang aking kaluluwa ay nababagabag.” (Juan 12:27) “Ang takot ay nagpasimulang sumapit sa bawat kaluluwa.” (Gawa 2:43) “Ang bawat kaluluwa ay magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad.” (Roma 13:1) “Magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo.” (1 Tesalonica 5:14) “Iilang tao, alalaong baga, walong kaluluwa, ang dinalang ligtas sa tubig.”—1 Pedro 3:20.
7 Ang psy·kheʹ, gaya ng neʹphesh, ay maliwanag na tumutukoy sa buong persona. Ayon sa iskolar na si Nigel Turner, ang salitang ito ay “kumakatawan sa kung ano talaga ang tao, ang sarili, ang materyal na katawan na nagtataglay ng rûaḥ [espiritu] ng Diyos na inihinga rito. . . . Ang pagdiriin ay nasa buong sarili.”
8. Ang mga hayop ba ay mga kaluluwa? Ipaliwanag.
8 Sa Bibliya ang salitang “kaluluwa” ay kumakapit hindi lamang sa mga tao kundi sa mga hayop din naman. Halimbawa, sa paglalarawan hinggil sa paglikha sa mga nilalang sa dagat, ang Genesis 1:20 ay nagsasabi na ipinag-utos ng Diyos: “Bukalan ang tubig ng kulupon ng mga nabubuhay na kaluluwa.” At nang sumunod na araw ng paglalang, ang Diyos ay nagsabi: “Bukalan ang lupa ng mga nabubuhay na kaluluwa ayon sa kani-kanilang uri, maamong hayop at gumagapang na hayop at mabangis na hayop sa lupa ayon sa uri nito.” (Genesis 1:24; ihambing ang Bilang 31:28.) Kaya, ang “kaluluwa” ay maaaring tumukoy sa isang nabubuhay na nilalang, tao man o hayop.
Ang “Kaluluwa” Bilang ang Buhay ng Isang Nilalang
9. (a) Anong pinalawak na kahulugan ang maaaring ikapit sa salitang “kaluluwa”? (b) Ito ba’y kasalungat ng ideya na ang kaluluwa ay ang tao mismo?
9 May panahon na ang salitang “kaluluwa” ay tumutukoy sa buhay na tinatamasa ng isang tao o isang hayop. Hindi nito binabago ang pagpapakahulugan ng Bibliya sa kaluluwa bilang isang tao o isang hayop. Upang ipaghalimbawa: Sinasabi natin na ang isa ay buháy, na nangangahulugang siya ay isang nabubuhay na persona. Maaari rin nating sabihin na siya’y nagtataglay ng buhay. Sa gayunding paraan, ang isang nabubuhay na persona ay isang kaluluwa. Gayunman, habang siya’y nabubuhay, ang “kaluluwa” ay maaaring tukuyin bilang isang bagay na tinataglay niya.
10. Magbigay ng mga halimbawa na nagpapakitang ang salitang “kaluluwa” ay maaaring tumukoy sa buhay na tinatamasa ng isang tao o ng isang hayop.
10 Halimbawa, sinabi ng Diyos kay Moises: “Namatay na ang lahat ng tao na nagmimithi sa iyong kaluluwa.” (Exodo 4:19) Maliwanag, nais ng mga kaaway ni Moises na patayin siya. Ang ganito ring paggamit ng salitang “kaluluwa” ay makikita sa sumusunod na pananalita. “Kami ay lubhang natakot para sa aming mga kaluluwa.” (Josue 9:24) “Nagpatuloy silang tumakas para sa kanilang kaluluwa.” (2 Hari 7:7) “Ang matuwid ay nangangalaga sa kaluluwa ng kaniyang alagang hayop.” (Kawikaan 12:10) ‘Ang Anak ng tao ay dumating . . . upang ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.’ (Mateo 20:28) “Napasa-bingit siya ng kamatayan, na inilalantad sa panganib ang kaniyang kaluluwa.” (Filipos 2:30) Sa bawat kaso, ang salitang “kaluluwa” ay nangangahulugang “buhay.” a
11. Ano ang masasabi sa paggamit ng Bibliya sa salitang “kaluluwa”?
11 Kaya ang salitang “kaluluwa” gaya ng pagkagamit sa Bibliya ay tumutukoy sa isang tao o sa isang hayop o sa buhay na tinatamasa ng isang tao o isang hayop. Ang pagpapakahulugan ng Bibliya sa kaluluwa ay simple, hindi pabagu-bago, at hindi puno ng masalimuot na mga pilosopiya at mga pamahiin ng mga tao. Subalit ano ang nangyayari sa kaluluwa pagkamatay? Upang masagot ang katanungang iyan, dapat muna nating maunawaan kung bakit tayo namamatay.
[Talababa]
a Ang Mateo 10:28 ay gumagamit din ng salitang “kaluluwa” upang mangahulugang “buhay.”
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 20]
Silang lahat ay mga kaluluwa