Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Tayo Namamatay?

Bakit Tayo Namamatay?

Bakit Tayo Namamatay?

“Tahimik na ngayon sa ibabaw ng mga burol, walang maririnig ni hininga sa itaas ng mga punungkahoy; ang mga ibon ay nahihimbing sa mga punungkahoy: hintay ka; di na magtatagal at mamamahinga kang gaya ng mga ito.”—JOHANN WOLFGANG VON GOETHE, MAKATANG ALEMAN.

1, 2. (a) Ang mga tao ay nilalang taglay ang anong pagnanais? (b) Anong uri ng buhay ang tinamasa ng unang mag-asawa?

 NILALANG ng Diyos ang mga tao taglay ang pagnanais na mabuhay magpakailanman. Tunay, sinasabi ng Bibliya na kaniyang inilagay ang “panahong walang takda sa kanilang puso.” (Eclesiastes 3:​11, Beck) Subalit ang Diyos ay nagbigay sa mga tao ng higit pa kaysa pagnanais lamang na mabuhay magpakailanman. Siya’y nagbigay rin sa kanila ng pagkakataong magawa iyon.

2 Ang ating unang mga magulang, sina Adan at Eva, ay nilalang na sakdal, na walang depekto sa isip at katawan. (Deuteronomio 32:4) Isip-isipin​—walang talamak na mga sakit at kirot, walang di-mabuting pagkatakot o pag-aalala! Higit pa rito, inilagay sila ng Diyos sa isang magandang tahanang paraiso. Nilayon ng Diyos na mabuhay magpakailanman ang tao at sa takdang panahon ang lupa ay mapuno ng kaniyang sakdal na mga supling. (Genesis 1:​31; 2:15) Kung gayon, bakit tayo namamatay?

Ang Pagsuway ay Nagdulot ng Kamatayan

3. Ang buhay na walang hanggan para kina Adan at Eva ay depende sa ano?

3 Ang Diyos ay nag-utos kay Adan: “Mula sa bawat punungkahoy sa hardin ay makakakain ka hanggang masiyahan. Ngunit kung tungkol sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain mula roon, sapagkat sa araw na kumain ka mula roon ay tiyak na mamamatay ka.” (Genesis 2:​16, 17) Kaya ang buhay na walang hanggan para kina Adan at Eva ay may kondisyon; ito’y depende sa kanilang pagsunod sa Diyos.

4. Nang magkasala sina Adan at Eva, bakit nila naiwala ang pag-asang mabuhay magpakailanman sa Paraiso?

4 Gayunman, nakapanlulumo, sina Adan at Eva ay sumuway sa batas ng Diyos. (Genesis 3:​1-6) Sa paggawa nito, sila’y naging mga makasalanan, yamang ang “kasalanan ay katampalasanan.” (1 Juan 3:4) Bilang resulta, sina Adan at Eva ay nawalan na ng pag-asa sa buhay na walang hanggan. Bakit? Sapagkat “ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan.” (Roma 6:23) Kaya, nang iginawad ang hatol kina Adan at Eva, sinabi ng Diyos: “Sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka babalik.” Ang ating unang mga magulang ay pinalayas sa kanilang Paraisong tahanan. Sa araw na sila’y nagkasala, nagpasimula ang mabagal subalit patuloy na proseso ng pagkamatay nina Adan at Eva.​—Genesis 3:​19, 23, 24.

“Ang Kamatayan ay Lumaganap sa Lahat ng Tao”

5. Paano lumaganap ang kamatayan sa buong lahi ng sangkatauhan?

5 Ang kasalanan ngayon nina Adan at Eva ay bumaon nang malalim sa kanilang mga gene. Kaya, hindi sila makapagluwal ng sakdal na supling, gaya rin ng kung paanong ang isang di-sakdal na molde ay hindi panggagalingan ng isang sakdal na bagay. (Job 14:4) Tunay, bawat taong isilang ay nagpapatunay na naiwala ng ating unang mga magulang ang sakdal na kalusugan at buhay na walang hanggan para sa kanilang sarili at sa kanilang supling. Ang Kristiyanong apostol na si Pablo ay sumulat: “Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.”​—Roma 5:​12; ihambing ang Awit 51:5.

6. Bakit tayo namamatay?

6 Hindi nalalaman ng mga siyentipiko sa ngayon kung bakit ang mga tao ay tumatanda at namamatay. Gayunman, ipinaliliwanag ng Bibliya na tayo ay namamatay dahilan sa tayo’y ipinanganak na makasalanan, sa pamamagitan ng pagmamana ng ganitong kalagayan mula sa ating unang mga magulang na tao. Subalit ano ang nangyayari sa atin kapag tayo’y namatay?

[Mga Tanong sa Aralin]