Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Imortalidad ng Kaluluwa—Ang Pinagmulan ng Doktrina

Imortalidad ng Kaluluwa—Ang Pinagmulan ng Doktrina

Imortalidad ng Kaluluwa—Ang Pinagmulan ng Doktrina

“Wala nang paksa may kinalaman sa kaniyang espirituwal na buhay ang masyadong umookupa sa kaisipan ng tao maliban doon sa kaniyang kalagayan pagkatapos mamatay.”—“ENCYCLOPÆDIA OF RELIGION AND ETHICS.”

1-3. Paano pinalaganap nina Socrates at Plato ang ideya na ang kaluluwa ay imortal?

 ISANG 70-taóng-gulang na iskolar at guro ang inakusahan ng pamumusong at pagsira sa mga murang kaisipan sa pamamagitan ng kaniyang turo. Bagaman siya’y nagharap ng isang napakagaling na depensa sa panahon ng paglilitis sa kaniya, ipinasiya ng may pagkiling na mga hukom na siya’y nagkasala anupat hinatulan siya ng kamatayan. Ilang oras na lamang bago siya patayin, ang matanda nang guro ay nagharap sa kaniyang mga tinuturuan na noo’y nakapalibot sa kaniya ng sunud-sunod na argumento upang patunayan na ang kaluluwa ay imortal at na ang kamatayan ay hindi dapat katakutan.

2 Ang taong hinatulan ay walang iba kundi si Socrates, kilalang pilosopong Griego noong ikalimang siglo B.C.E. a Ang kaniyang estudyanteng si Plato ang nag-ulat ng mga pangyayaring ito sa mga sanaysay na Apology at Phaedo. Sina Socrates at Plato ay kinilala na kabilang sa mga naunang nagpalaganap ng ideya na ang kaluluwa ay imortal. Subalit hindi sila ang pinagmulan ng turong ito.

3 Gaya ng makikita natin, ang pinagmulan ng ideya ng imortalidad ng tao ay sa mas maaga pang panahon. Gayunman, lalong pinaganda nina Socrates at Plato ang ideya at ginawa itong isang pilosopiya, anupat ito’y naging higit na kaakit-akit sa mga uring edukado noong kanilang kaarawan at maging sa hinaharap pa.

Mula kay Pythagoras Hanggang sa mga Piramide

4. Bago pa si Socrates, ano ang pangmalas ng mga Griego sa Kabilang-buhay?

4 Ang mga Griego bago pa sina Socrates at Plato ay naniniwala rin na ang kaluluwa ay patuloy na nabubuhay pagkatapos ng kamatayan. Si Pythagoras, isang bantog sa matematikong Griego noong ikaanim na siglo B.C.E., ay nagsabi na ang kaluluwa ay walang kamatayan at nagpapalipat-lipat. Bago siya, si Thales ng Miletus, na sinasabing ang pinakaunang kilalang pilosopong Griego, ay naniwala na ang imortal na kaluluwa ay umiiral hindi lamang sa mga tao, hayop, at mga halaman kundi maging sa mga bagay gaya ng batubalani, yamang kaya ng mga ito na pagalawin ang bakal. Ang sinaunang mga Griego ay nagsabi na ang mga kaluluwa ng patay ay dinala patawid sa ilog Styx tungo sa malawak na kaharian sa ilalim ng lupa na tinatawag na daigdig ng mga patay. Doon, hinahatulan ng mga hukom ang mga kaluluwa kung baga ang mga ito ay magtutungo sa pahirapan sa isang bilangguang may mataas na pader o sa walang kahulilip na kaligayahan sa Elysium.

5, 6. Paano minalas ng mga Persiyano ang kaluluwa?

5 Sa Iran, o sa Persia, sa silangan, isang propeta na nagngangalang Zoroaster ang lumitaw sa eksena noong ikapitong siglo B.C.E. Kaniyang pinasimulan ang paraan ng pagsamba na nakilala bilang Zoroastriyanismo. Ito ang relihiyon ng Imperyo ng Persia, na nangibabaw sa tanawin ng daigdig bago naging pangunahing kapangyarihan ang Gresya. Ang Zoroastriyanong kasulatan ay nagsasabing: “Sa Imortalidad ang kaluluwa ng Matuwid ay doroon sa Kagalakan magpakailanman, ngunit tiyak na doroon sa pagpapahirap ang kaluluwa ng Sinungaling. At ang mga Kautusang ito ang nagpangyaring maitadhana si Ahura Mazda [nangangahulugang, “isang matalinong diyos”] sa pamamagitan ng Kaniyang soberanong kapangyarihan.”

6 Ang turo ng imortalidad ng kaluluwa ay isa ring bahagi ng relihiyon ng Iran bago ang panahon ng Zoroastriyanismo. Halimbawa, inaalagaan ng sinaunang mga tribo ng Iran ang kaluluwa ng mga yumao sa pamamagitan ng pag-aalay sa kanila ng pagkain at damit upang magamit nila sa daigdig ng mga patay.

7, 8. Ano ang paniniwala ng sinaunang mga Ehipsiyo hinggil sa kaluluwang patuloy na nabubuhay pagkamatay ng katawan?

7 Ang paniniwala sa kabilang buhay ay napakahalaga sa relihiyon ng Ehipto. Ang mga Ehipsiyo ay naniniwalang ang kaluluwa ng patay na tao ay hahatulan ni Osiris, ang pangunahing diyos sa daigdig ng mga patay. Halimbawa, isang dokumentong papiro na inaangking mula pa noong ika-14 na siglo B.C.E. ang nagpapakita na si Anubis, ang diyos ng mga patay, ay umaakay sa kaluluwa ng eskribang si Hunefer sa harapan ni Osiris. Sa isang timbangan, ang puso ng eskriba, na lumalarawan sa kaniyang budhi, ay tinatapatan sa kabilang panig ng balahibo na nakasuot sa ulo ng diyosa ng katotohanan at katarungan. Si Thoth, na isa pang diyos, ang nagtatala ng mga resulta. Yamang ang puso ni Hunefer ay hindi mabigat sa kasalanan, ito’y mas magaan kaysa sa balahibo, anupat si Hunefer ay pinahintulutang makapasok sa kaharian ni Osiris at magtamo ng imortalidad. Ipinakikita rin ng papiro na may isang babaing halimaw na nakatayo sa tabi ng timbangan, handang sakmalin ang namatay kung ang puso nito ay hindi nakapasa sa pagsubok. Iniimbalsamo rin ng mga Ehipsiyo ang kanilang mga patay at iniingatan ang katawan ng mga Faraon sa maringal na mga piramide, yamang sila’y naniniwala na ang kaligtasan ng kaluluwa ay depende sa pag-iingat sa katawan.

8 Kung gayon, ang iba’t ibang sinaunang sibilisasyon ay nagkakaisa sa iisang turo​—ang imortalidad ng kaluluwa. Nakuha ba nila ang turong ito buhat sa iisang pinagmulan?

Ang Pinagmulan

9. Aling relihiyon ang nakaimpluwensiya sa sinaunang daigdig ng Ehipto, Persiya, at Gresya?

9 “Sa sinaunang daigdig,” wika ng aklat na The Religion of Babylonia and Assyria, ang “Ehipto, Persia, at Gresya ay naimpluwensiyahan ng relihiyon ng Babilonia.” Ang aklat na ito ay patuloy na nagpapaliwanag: “Dahilan sa maagang ugnayan sa pagitan ng Ehipto at Babilonia, gaya ng inihayag ng mga tapyas ng El-Amarna, tiyak na nagkaroon ng maraming pagkakataon para isama ang mga pangmalas at mga kaugaliang Babiloniko sa mga kulto ng Ehipsiyo. Sa Persia, inihahayag ng kultong Mithra ang di-mapag-aalinlanganang impluwensiya ng paniniwalang Babiloniko . . . Ang matinding pagkakahalo ng mga elementong Semitiko kapuwa sa sinaunang mitolohiyang Griego at sa mga kultong Griego ay karaniwan nang tinatanggap ngayon ng mga iskolar anupat hindi na ito nangangailangan ng karagdagang paliwanag. Mas nakalalamang ang pagiging Babiloniko ng mga Semitikong elementong ito.” b

10, 11. Ano ang Babilonikong pangmalas sa buhay pagkatapos ng kamatayan?

10 Subalit hindi ba’t ang Babilonikong pangmalas hinggil sa nangyayari pagkatapos ng kamatayan ay may malaking pagkakaiba sa pangmalas ng mga Ehipsiyo, Persiano, at Griego? Isaalang-alang bilang halimbawa ang Epic of Gilgamesh ng Babilonia. Ang tumatanda nang bayani nito, si Gilgamesh, na nababalisa tungkol sa kamatayan, ay humayo upang hanapin ang imortalidad datapuwat nabigong matagpuan ito. Sa kaniyang paglalakbay ay nakakilala siya ng dalagang tagapagsilbi ng alak na nagpasigla sa kaniyang samantalahin ang kaniyang kasalukuyang buhay, yamang hindi niya masusumpungan pa ang kaniyang hinahanap na buhay na walang katapusan. Ang mensahe ng buong kasaysayang ito ng kabayanihan ay na ang kamatayan ay hindi maiiwasan at ang pag-asa hinggil sa imortalidad ay isang guniguni. Ito ba’y nagpapahiwatig na ang mga taga-Babilonia ay hindi naniniwala sa Kabilang-buhay?

11 Si Propesor Morris Jastrow, Jr., ng Unibersidad ng Pennsylvania, E.U.A., ay sumulat: “Maging ang mga tao o ang mga pinuno ng relihiyosong paniniwala [ng Babilonia] ay hindi kailanman nakaisip sa posibilidad ng ganap na pagkalipol ng buhay. Ang kamatayan [sa kanilang pangmalas] ay isang paglipat sa panibagong uri ng buhay, at ang pagtanggi sa imortalidad ay nagdiriin lamang na imposibleng matakasan ang pagbabago ng pag-iral pagkatapos ng kamatayan.” Oo, ang mga taga-Babilonia ay naniniwala rin na may uri ng buhay, sa naiibang anyo, na nagpapatuloy pagkatapos ng kamatayan. Ipinahayag nila ito sa pamamagitan ng pagbabaon ng mga kasangkapan kasama ng namatay upang kanilang magamit sa Kabilang-buhay.

12-14. (a) Pagkatapos ng Baha, ano ang dakong pinagmulan ng turo ng imortalidad ng kaluluwa? (b) Paano lumaganap ang doktrina sa buong lupa?

12 Maliwanag, ang turo ng imortalidad ng kaluluwa ay buhat pa sa sinaunang Babilonya. Ayon sa Bibliya, isang aklat na naglalaman ng tumpak na kasaysayan, ang lunsod ng Babel, o Babilonya, ay itinayo ni Nimrod, isang apo-sa-tuhod ni Noe. c Pagkatapos ng pangglobong Baha noong kaarawan ni Noe, may iisang wika at iisang relihiyon lamang. Dahilan sa pagtatatag ng lunsod at pagtatayo ng isang tore roon, pinasimulan ni Nimrod ang isang panibagong relihiyon. Ang ulat ng Bibliya ay nagpapakita na pagkatapos na magulo ang mga wika sa Babel, ang mga nabigong tagapagtayo ng tore ay nangalat at muling nagpasimula, taglay ang kanilang relihiyon. (Genesis 10:​6-10; 11:​4-9) Sa gayon ang mga turo ng maka-Babilonyang relihiyon ay lumaganap sa balat ng lupa.

13 Sinasabi na si Nimrod ay namatay sa marahas na paraan. Pagkatapos ng kaniyang kamatayan walang pagsalang ninais na siya’y dakilain ng mga taga-Babilonya bilang ang tagapagtatag, tagapagtayo, at unang hari ng kanilang lunsod. Yamang ang diyos na si Marduk (Merodach) ay kinilala bilang siyang tagapagtatag ng Babilonya, sinasabi ng ilang iskolar na si Marduk ay kumakatawan kay Nimrod na ginawang isang diyos. Kung magkagayon, ang ideya na ang isang tao ay may isang kaluluwang hindi namamatay ay maaaring umiiral na maging noong mamatay si Nimrod. Gayunman, ang pahina ng kasaysayan ay nagpapakitang pagkatapos ng Baha, ang dakong pinagmulan ng turo ng imortalidad ng kaluluwa ay ang Babel, o Babilonya.

14 Kung gayon, paanong ang doktrinang ito ang naging pangunahing turo sa karamihan ng relihiyon sa ating kaarawan? Susuriin ng susunod na seksiyon ang pagpasok nito sa mga relihiyon sa Silangan.

[Mga talababa]

a Ang B.C.E. ay nangangahulugang “Before Common Era” (Bago ang Karaniwang Panahon). Ang C.E. ay nangangahulugang “Common Era” (Karaniwang Panahon), na kadalasang tinatawag na A.D., para sa Anno Domini, na nangangahulugang “sa taon ng Panginoon.”

b Ang El-Amarna ang siyang dako ng mga kagibaan ng lunsod na Akhetaton ng Ehipto, na inaangking itinayo noong ika-14 na siglo B.C.E.

c Tingnan Ang Bibliya​—Salita ng Diyos o ng Tao?, pahina 37-54, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 6]

Ang pangmalas ng Ehipsiyo hinggil sa mga kaluluwa sa daigdig ng mga patay

[Larawan sa pahina 7]

Ikinatuwiran ni Socrates na ang kaluluwa ay hindi namamatay