Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Pambihirang Pag-asa!

Isang Pambihirang Pag-asa!

Isang Pambihirang Pag-asa!

“Bawat isa na nabubuhay at nagsasagawa ng pananampalataya sa akin ay hindi na kailanman mamamatay.”—JUAN 11:26.

1. Ang milyun-milyong patay ngayon ay bubuhaying muli sa anong uri ng kapaligiran?

 KAPAG ang milyun-milyon ay ibinangon sa pagkabuhay-muli, hindi sila bubuhayin sa isang tiwangwang na lupa. (Gawa 24:15) Sila’y magigising sa isang magandang kapaligiran at makasusumpong ng tirahan, pananamit, at saganang pagkain na inihanda para sa kanila. Sino ang gagawa ng lahat ng paghahandang ito? Maliwanag, may mga taong kailangang nabubuhay na sa bagong sanlibutan bago pa magsimula ang pagkabuhay-muli sa lupa. Subalit sino?

2-4. Anong pambihirang pag-asa ang naghihintay sa mga nabubuhay sa “mga huling araw”?

2 Ang katuparan ng hula ng Bibliya ay nagpapakita na tayo ay nabubuhay sa “mga huling araw” ng sistemang ito ng mga bagay. a (2 Timoteo 3:1) Hindi na matatagalan ngayon, ang Diyos na Jehova ay makikialam sa mga gawain ng tao at aalisin niya ang kabalakyutan sa lupa. (Awit 37:​10, 11; Kawikaan 2:​21, 22) Sa panahong iyon, ano ang mangyayari sa mga naglilingkod nang tapat sa Diyos?

3 Hindi pupuksain ni Jehova ang mga matuwid kasama ng mga balakyot. (Awit 145:20) Hindi pa niya ginawa ang bagay na ito kailanman, at hindi niya gagawin iyon kapag nilinis niya ang lupa mula sa lahat ng kasamaan. (Ihambing ang Genesis 18:​22, 23, 26.) Sa katunayan, ang huling aklat ng Bibliya ay nagsasabi hinggil sa “isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika,” na lumabas mula “sa malaking kapighatian.” (Apocalipsis 7:​9-14) Oo, isang malaking pulutong ang makaliligtas sa malaking kapighatian kung saan magwawakas ang kasalukuyang balakyot na sanlibutan, at sila’y papasok sa bagong sanlibutan ng Diyos. Doon, ang masunuring sangkatauhan ay lubusang makikinabang mula sa kamangha-manghang paglalaan ng Diyos upang palayain ang sangkatauhan mula sa kasalanan at kamatayan. (Apocalipsis 22:​1, 2) Kaya, ang “malaking pulutong” ay hindi na kailangang makaranas pa ng kamatayan kailanman. Anong pambihirang pag-asa!

4 Maaari ba tayong magtiwala sa kagila-gilalas na pag-asang ito? Oo! Ipinakita ni Jesu-Kristo mismo na darating ang panahon na ang mga tao ay mabubuhay nang hindi na kailangang mamatay. Bago buhaying muli ang kaniyang kaibigang si Lazaro, sinabi ni Jesus kay Marta: “Bawat isa na nabubuhay at nagsasagawa ng pananampalataya sa akin ay hindi na kailanman mamamatay.”​—Juan 11:26.

Maaari Ka Ring Mabuhay Magpakailanman

5, 6. Kung nais mong mabuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa, ano ang dapat mong gawin?

5 Nais mo bang mabuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa? Pinanabikan mo bang makitang muli ang iyong mga minamahal? Kung gayon ay kailangan mong kumuha ng tumpak na kaalaman hinggil sa kalooban at mga layunin ng Diyos. Sa isang panalangin sa Diyos, sinabi ni Jesus: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging Diyos na totoo, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.”​—Juan 17:3.

6 Kalooban ng Diyos na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Timoteo 2:​3, 4) Ngayon na ang panahon upang makaalam kung paanong ikaw, kasama ng milyun-milyong iba pa na ngayo’y gumagawa ng kalooban ng Diyos, ay mabubuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa. Ang mga Saksi ni Jehova ay malulugod na tumulong sa iyo na matuto nang higit pa hinggil sa Diyos at sa kaniyang mga kahilingan. Bakit hindi makipag-ugnayan sa kanila sa Kingdom Hall na malapit sa inyo o sumulat sa pinakamalapit na direksiyong nakalista sa sumusunod na pahina?

[Talababa]

a Tingnan Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang Hanggan, pahina 98-107, inilathala ng Watchtower Bible ang Tract Society of New York, Inc.

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 31]

“Isang malaking pulutong” ang hindi na kailangang makaranas pa ng kamatayan