Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Tiyak na Pag-asa

Isang Tiyak na Pag-asa

Isang Tiyak na Pag-asa

“Mula sa sandali ng pagsilang ay laging may posibilidad na ang tao ay mamatay sa anumang sandali; at hindi maiiwasan na ang posibilidad na ito ay magkatotoo.”—ARNOLD TOYNBEE, MANANALAYSAY NA BRITANO.

1. Anong katotohanan ang kailangang tanggapin ng sangkatauhan, na nagbabangon ng anong mga katanungan?

 SINO ang maaaring tumutol sa nabanggit na katotohanang ito batay sa kasaysayan? Lagi nang kailangang tanggapin ng sangkatauhan ang mapait na katotohanan hinggil sa kamatayan. At anong laking pagkasiphayo natin kapag namatay ang ating minamahal! Ang pagpanaw ay tila hindi na mababago pa kailanman. Posible bang muli nating makasama ang namatay na mahal sa buhay? Anong pag-asa ang taglay ng Bibliya para sa mga patay? Isaalang-alang ang sumusunod na pangyayari.

‘Ang Ating Kaibigan ay Namatay’

2-5. (a) Nang mamatay ang kaniyang kaibigang si Lazaro, paano ipinakita ni Jesus ang kaniyang pagnanais at kakayahang buhayin siyang muli? (b) Bukod pa sa pagbuhay-muli kay Lazaro, ano ang naisakatuparan ng himala ng pagkabuhay-muli?

2 Ang taon ay 32 C.E. Sa isang maliit na bayan ng Betania, tatlong kilometro sa labas ng Jerusalem, nakatira si Lazaro kasama ang kaniyang mga kapatid na sina Marta at Maria. Sila’y matalik na mga kaibigan ni Jesus. Isang araw, si Lazaro ay nagkasakit nang malubha. Karaka-raka, ito ay pinarating kay Jesus ng kaniyang nababahalang mga kapatid, na noo’y nasa kabilang ibayo ng Ilog Jordan. Mahal ni Jesus si Lazaro at ang mga kapatid nito, anupat sa madaling panahon siya’y nagtungo sa Betania. Habang daan, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Si Lazaro na ating kaibigan ay namahinga, ngunit ako ay maglalakbay patungo roon upang gisingin siya mula sa pagkakatulog.” Yamang hindi kaagad naunawaan ng mga alagad ang kahulugan ng pananalitang ito, tahasang sinabi ni Jesus: “Si Lazaro ay namatay.”​—Juan 11:​1-15.

3 Nang marinig na si Jesus ay parating sa Betania, tumakbo si Marta upang salubungin siya. Dahilan sa pagkahabag sa kaniyang pamimighati, tiniyak sa kaniya ni Jesus: “Ang iyong kapatid ay babangon.” Sumagot si Marta: “Alam ko na siya ay babangon sa pagkabuhay-muli sa huling araw.” Kaya sinabi sa kaniya ni Jesus: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay. Siya na nagsasagawa ng pananampalataya sa akin, kahit na siya ay mamatay, siya ay mabubuhay.”​—Juan 11:​20-25.

4 Pagkatapos nito si Jesus ay nagtungo sa libingan at iniutos na alisin ang bato na nakatakip sa pintuan nito. Pagkatapos na manalangin nang malakas, iniutos niya: “Lazaro, lumabas ka!” At habang ang lahat ng mata ay nakapako sa libingan, lumabas nga si Lazaro. Binuhay-muli ni Jesus si Lazaro​—ibinalik ang buhay sa isang taong patay na sa loob ng apat na araw!​—Juan 11:​38-44.

5 Si Marta ay dati nang may pananampalataya sa pangako ng pagkabuhay-muli. (Juan 5:​28, 29; 11:​23, 24) Ang himala ng pagkabuhay-muli ni Lazaro ay lalo pang nagpatibay sa kaniyang pananampalataya at nagkintal ng pananampalataya sa iba pa. (Juan 11:45) Subalit ano bang talaga ang kahulugan ng terminong “pagkabuhay-muli”?

“Siya ay Babangon”

6. Ano ang kahulugan ng terminong “pagkabuhay-muli”?

6 Ang salitang “pagkabuhay-muli” ay isinalin mula sa Griegong salitang a·naʹsta·sis, na literal na nangangahulugang “isang muling pagtayo.” Isinalin ng mga Hebreong tagapagsalin ng Griego ang a·naʹsta·sis sa mga salitang Hebreo na techi·yathʹ ham·me·thimʹ, na nangangahulugang “muling pagkabuhay ng patay.” a Kaya, ang pagkabuhay-muli ay ang pagbabangon sa tao mula sa walang buhay na kalagayan ng patay​—na pinapanauli ang pagkatao niya.

7. Bakit ang pagkabuhay-muli ng mga indibiduwal ay hindi suliranin para sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo?

7 Palibhasa’y nagtataglay ng walang-hanggang karunungan at sakdal na alaala, madaling buhayin ng Diyos na Jehova ang isang tao. Ang pag-alaala sa pagkatao ng mga patay​—ang kanilang personal na mga katangian, ang kanilang indibiduwal na kasaysayan, at ang lahat ng detalye ng pagkakakilanlan sa kanila​—ay hindi suliranin para sa kaniya. (Job 12:​13; ihambing ang Isaias 40:26.) Si Jehova ang siya ring Pinagmulan ng buhay. Kaya, madali niyang maibabalik sa buhay ang taong iyon, anupat binibigyan siya ng katulad na personalidad sa isang bagong katawan. Bukod dito, kagaya ng ipinakikita ng karanasan ni Lazaro, si Jesu-Kristo ay kapuwa may pagnanais at may kakayahang bumuhay ng patay.​—Ihambing ang Lucas 7:​11-17; 8:​40-56.

8, 9. (a) Bakit hindi magkasuwato ang ideya ng pagkabuhay-muli at imortalidad ng kaluluwa? (b) Ano ang lunas sa kamatayan?

8 Gayunman, ang maka-Kasulatang turo ng pagkabuhay-muli ay hindi kasuwato ng doktrina ng imortalidad ng kaluluwa. Kung ang isang imortal na kaluluwa ay patuloy na nabubuhay pagkatapos na mamatay ang tao, wala nang sinuman ang nangangailangang buhayin pang muli, o ibalik sa buhay. Tunay, si Marta ay walang sinabi hinggil sa imortal na kaluluwa na patuloy na nabubuhay sa ibang dako pagkatapos na mamatay. Hindi siya naniniwala na si Lazaro ay nagtungo na sa isang lugar ng mga espiritu upang ipagpatuloy ang kaniyang pag-iral. Sa kabaligtaran, ipinakita niya ang pananampalataya sa layunin ng Diyos na baligtarin ang mga epekto ng kamatayan. Sinabi niya: “Alam ko na siya ay babangon sa pagkabuhay-muli sa huling araw.” (Juan 11:​23, 24) Gayundin, si Lazaro mismo ay walang inilahad na mga karanasan hinggil sa kabilang buhay. Walang maaaring iulat hinggil dito.

9 Maliwanag, ayon sa Bibliya, ang kaluluwa ay namamatay at ang lunas sa kamatayan ay ang pagkabuhay-muli. Subalit bilyun-bilyong tao ang namatay na mula nang lumakad sa lupa ang unang tao, si Adan. Kaya sino ang bubuhaying muli, at saan?

‘Lahat ng Nasa mga Alaalang Libingan’

10. Anong pangako ang ginawa ni Jesus para doon sa mga nasa alaalang libingan?

10 Sinabi ni Jesu-Kristo: “Ang oras ay dumarating na ang lahat niyaong nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang [kay Jesus na] tinig at lalabas.” (Juan 5:​28, 29) Oo, ipinangako ni Jesu-Kristo na ang lahat niyaong nasa alaala ni Jehova ay bubuhaying muli. Bilyun-bilyong tao ang nabuhay at namatay na. Sino sa kanila ang nasa alaala ng Diyos, anupat naghihintay ng pagkabuhay-muli?

11. Sino ang bubuhaying muli?

11 Yaong mga nagtaguyod ng matuwid na landasin bilang mga lingkod ni Jehova ay bubuhaying muli. Subalit milyun-milyon ding mga tao ang namatay na nang hindi naipakita kung sila’y susunod sa matutuwid na pamantayan ng Diyos. Sila’y alinman sa walang alam sa mga kahilingan ni Jehova o kulang ng sapat na panahon upang gumawa ng kinakailangang mga pagbabago. Ang mga ito ay nasa alaala rin ng Diyos anupat bubuhaying muli, sapagkat ipinangako ng Bibliya: “Magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.”​—Gawa 24:15.

12. (a) Anong pangitain ang nakita ni apostol Juan hinggil sa pagkabuhay-muli? (b) Ano ang ‘inihagis sa lawa ng apoy,’ at ano ang kahulugan ng pananalitang ito?

12 Si apostol Juan ay nagkaroon ng kapana-panabik na pangitain ng mga binuhay-muli na nakatayo sa harapan ng luklukan ng Diyos. Sa paglalarawan nito, siya’y sumulat: “Ibinigay ng dagat yaong mga patay na nasa kaniya, at ibinigay ng kamatayan at ng Hades yaong mga patay na nasa kanila, at hinatulan sila nang isa-isa alinsunod sa kanilang mga gawa. At inihagis ang kamatayan at ang Hades sa lawa ng apoy. Ito ay nangangahulugan ng ikalawang kamatayan, ang lawa ng apoy.” (Apocalipsis 20:​12-14) Isipin kung ano ang kahulugan nito! Lahat ng patay na nasa alaala ng Diyos ay palalayain mula sa Hades, o Sheol, ang karaniwang libingan ng sangkatauhan. (Awit 16:​10; Gawa 2:31) Pagkatapos ang “kamatayan at ang Hades” ay ihahagis sa tinatawag na “lawa ng apoy,” na sumasagisag sa ganap na pagkapuksa. Ang karaniwang libingan ng sangkatauhan ay hindi na iiral pa.

Saan Bubuhaying Muli?

13. Bakit isinaayos ng Diyos na ang ilan ay buhaying muli sa langit, at anong uri ng katawan ang ibibigay sa kanila ni Jehova?

13 Ang isang maliit na bilang ng mga lalaki at babae ay bubuhaying-muli tungo sa langit. Ang mga ito ay mamamahalang kasama ni Kristo bilang mga hari at mga saserdote at makikibahagi sa pag-aalis ng lahat ng epekto ng kamatayan na minana ng sangkatauhan mula sa unang tao, si Adan. (Roma 5:​12; Apocalipsis 5:​9, 10) Ayon sa Bibliya, ang mga ito ay may bilang lamang na 144,000 at mga pinili mula sa mga tagasunod ni Kristo, pasimula sa mga tapat na apostol. (Lucas 22:​28-30; Juan 14:​2, 3; Apocalipsis 7:​4; 14:​1, 3) Bibigyan ni Jehova ang bawat isa sa mga binuhay-muling ito ng katawang espiritu upang sila’y mabuhay sa langit.​—1 Corinto 15:​35, 38, 42-45; 1 Pedro 3:18.

14, 15. (a) Sa anong uri ng buhay bubuhaying muli ang karamihan sa namatay? (b) Anong mga pagpapala ang mararanasan ng masunuring sangkatauhan?

14 Gayunman, ang karamihan sa mga namatay ay bubuhaying muli sa lupa. (Awit 37:​29; Mateo 6:10) Anong uri ng lupa? Ang lupa ngayon ay punô ng alitan, pagdanak ng dugo, polusyon, at karahasan. Kung ang mga patay ay bubuhaying muli sa gayong lupa, tunay na ang anumang kaligayahan ay magiging maikli lamang. Subalit ipinangako ng Maylikha na malapit na niyang wakasan ang kasalukuyang lipunan ng sanlibutan na nasa ilalim ng kontrol ni Satanas. (Kawikaan 2:​21, 22; Daniel 2:44) Ang isang matuwid na bagong lipunan ng tao​—“isang bagong lupa”​—ay magiging isang katotohanan. (2 Pedro 3:13) Sa panahong iyon ay “walang mamamayan ang magsasabing: ‘Ako’y maysakit.’ ” (Isaias 33:​24) Maging ang dalamhati dahilan sa kamatayan ay aalisin na, sapagkat “papahirin niya [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”​—Apocalipsis 21:4.

15 Sa ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos, ang mga maamo ay “makasusumpong ng matinding kasiyahan sa kasaganaan ng kapayapaan.” (Awit 37:11) Patu-patuloy na ibabalik ng makalangit na pamahalaan ni Kristo Jesus at ng kaniyang 144,000 kasamahan ang masunuring sangkatauhan sa kasakdalan na naiwala ng ating unang mga magulang, sina Adan at Eva. Kasama sa mga maninirahan sa lupa ang mga binuhay-muli.​—Lucas 23:​42, 43.

16-18. Anong kagalakan ang idudulot ng pagkabuhay-muli sa mga pamilya?

16 Ang Bibliya ay nagbigay-sulyap sa kaligayahang idudulot sa mga pamilya ng pagkabuhay-muli. Isip-isipin ang kaligayahang nadama ng babaing balo ng Nain nang patigilin ni Jesus ang prusisyon sa patay at buhaying muli ang bugtong niyang anak! (Lucas 7:​11-17) Pagkatapos, malapit sa Dagat ng Galilea, nang buhaying muli ni Jesus ang isang 12-taong gulang na batang babae, ang kaniyang mga magulang ay ‘halos mawala sa kanilang mga sarili sa napakasidhing kagalakan.’​—Marcos 5:​21-24, 35-42; tingnan din ang 1 Hari 17:​17-24; 2 Hari 4:​32-37.

17 Para sa milyun-milyong natutulog ngayon sa kamatayan, ang pagkabuhay-muli ay mangangahulugan ng buhay sa isang mapayapang bagong sanlibutan. Isipin na lamang ang kapana-panabik na pag-asang binubuksan nito para kay Tommy at para sa negosyanteng binanggit sa pambungad na seksiyon ng brosyur na ito! Kapag nagising na muli si Tommy sa buhay sa Paraiso sa lupa, siya’y si Tommy pa rin na kilala ng kaniyang ina​—wala na nga lamang sakit. Siya’y maaari niyang hawakan, yakapin, at ibigin. Gayundin, sa halip na makulong sa isang halos walang katapusang siklo ng muli’t muling pagsilang, ang negosyanteng mula sa India ay may kamangha-manghang pag-asang mabuksan ang mga mata sa bagong sanlibutan ng Diyos at makita ang kaniyang mga anak.

18 Ang pagkaalam ng katotohanan hinggil sa kaluluwa, hinggil sa nangyayari sa atin kapag tayo ay namatay, at hinggil sa pag-asa ng pagkabuhay-muli ay maaari ring magkaroon ng matinding epekto para sa mga nabubuhay ngayon. Tingnan natin kung paano.

[Talababa]

a Bagaman ang salitang “pagkabuhay-muli” ay hindi lumilitaw sa Hebreong Kasulatan, ang pag-asa sa pagkabuhay-muli ay maliwanag na ipinahahayag sa Job 14:​13, Daniel 12:​13, at Oseas 13:14.

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 26]

Ang pagkabuhay-muli ay magdudulot ng namamalaging kagalakan