Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mahalaga ang Katotohanan Hinggil sa Kaluluwa

Mahalaga ang Katotohanan Hinggil sa Kaluluwa

Mahalaga ang Katotohanan Hinggil sa Kaluluwa

“Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.”—JUAN 8:32.

1. Bakit mahalaga na suriin ang ating mga paniniwala hinggil sa kaluluwa at kamatayan?

 ANG mga paniniwala hinggil sa kamatayan at sa Kabilang-buhay ay resulta sa kalakhang bahagi ng relihiyoso at kulturang pinagmulan ng isa. Gaya ng nakita na natin, ang mga ito ay mula sa paniniwala na natatamo ng kaluluwa ang kaniyang sukdulang tunguhin pagkatapos lamang ng maraming muli’t muling pagsilang hanggang sa ideya na ang pangwakas na hantungan ng isa ay natitiyak sa pamamagitan ng pamumuhay nang isang beses lamang. Samakatuwid, ang isang tao ay maaaring magkaroon ng pananalig na pagkamatay siya’y sasapit sa wakas sa sukdulang katotohanan, ang iba naman ay ang pagtatamo ng Nirvana, at ang iba pa ay sa pagkakamit ng makalangit na gantimpala. Ano, kung gayon, ang katotohanan? Yamang ang ating paniniwala ay nakaiimpluwensiya sa ating mga saloobin, pagkilos, at mga desisyon, hindi ba tayo dapat mabahala sa paghanap ng kasagutan sa katanungang iyon?

2, 3. (a) Bakit makapagtitiwala tayo sa sinasabi ng Bibliya hinggil sa kaluluwa? (b) Gaya ng binabanggit sa Bibliya, ano ang katotohanan hinggil sa kaluluwa?

2 Ang pinakamatandang aklat sa daigdig, ang Bibliya, ay tumatalunton sa kasaysayan ng tao mula pa sa paglalang sa unang kaluluwang tao. Ang mga turo nito ay malaya sa mga pilosopiya at mga tradisyon ng tao. Maliwanag na sinasabi ng Bibliya ang katotohanan hinggil sa kaluluwa: Ang iyong kaluluwa ay ikaw, ang patay ay hindi na umiiral pa, at yaong mga nasa alaala ng Diyos ay bubuhaying muli sa kaniyang takdang kapanahunan. Ang pagkaalam nito ay nangangahulugan ng ano para sa iyo?

3 “Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo,” ang wika ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga tagasunod. (Juan 8:32) Oo, ang katotohanan ay nagpapalaya. Subalit mula sa ano tayo palalayain ng katotohanan hinggil sa kaluluwa?

Kalayaan Mula sa Takot at Kawalang Pag-asa

4, 5. (a) Anong pagkatakot hinggil sa kaluluwa ang inaalis ng katotohanan? (b) Paanong ang pag-asa sa pagkabuhay-muli ay nagbigay ng tibay ng loob sa isang tin-edyer na may taning na ang buhay?

4 “Ang karamihan ng tao ay natatakot sa kamatayan at nagsisikap na iwasan ang pag-iisip hinggil dito,” wika ng The World Book Encyclopedia. “Ang salitang ‘kamatayan’ sa ganang sarili ay halos hindi na ginagamit sa Kanluran,” ang sabi ng isang mananalaysay. At sa ilang kultura ang mga salitang gaya ng “yumao” at “pumanaw” ay kadalasang ginagamit upang ilarawan ang pagkamatay ng tao. Ang takot na ito sa kamatayan ay isang aktuwal na pagkatakot sa mga bagay na di-alam, yamang para sa karamihan ng tao ang kamatayan ay isang misteryo. Ang kaalaman sa katotohanan hinggil sa kung ano ang nangyayari kapag tayo ay namatay ay pumapawi sa pagkatakot na ito.

5 Isaalang-alang, bilang halimbawa, ang kalagayan ng isip ng 15-taóng gulang na si Michaelyn. Siya’y may lukemya at nakaranas ng malungkot na kamatayan. Nagugunita pa ng kaniyang inang si Paula: “Si Michaelyn ay nagsabi na bale wala sa kaniya ang mamatay dahilan sa nalalaman niyang pansamantala lamang ang kamatayan. Marami kaming pinag-usapan hinggil sa bagong sanlibutan ng Diyos at lahat niyaong mga bubuhaying muli roon. Napakalaki ng pananampalataya ni Michaelyn sa Diyos na Jehova at sa pagkabuhay-muli​—wala ni bahagyang pag-aalinlangan.” Ang pag-asa sa pagkabuhay-muli ang nagpalaya sa may tibay-loob na batang babaing ito mula sa sobrang takot sa kamatayan.

6, 7. Mula sa anong kawalang pag-asa pinalalaya tayo ng katotohanan hinggil sa kaluluwa? Ilarawan.

6 Paano nakaapekto ang katotohanan sa mga magulang ni Michaelyn? “Ang kamatayan ng aming munting anak ang siyang pinakamasakit na bagay na kailanma’y naranasan namin,” wika ni Jeff, na kaniyang ama. “Subalit kami ay lubos na nagtitiwala sa pangako ni Jehova ng pagkabuhay-muli, at inaasam namin ang araw na muling mayakap ang aming mahal na si Michaelyn. Kay sayáng pagsasamang muli iyon!”

7 Oo, ang katotohanan hinggil sa kaluluwa ay nagpapalaya sa isang tao mula sa kawalang pag-asa na maaaring idulot ng kamatayan ng isang minamahal. Sabihin pa, walang ganap na makapag-aalis sa nadaramang kirot at dalamhati sa kamatayan ng isang minamahal. Gayunman, pinagagaan ng pag-asa sa pagkabuhay-muli ang pagdadalamhati at ginagawang mas madaling batahin ang kirot.

8, 9. Mula sa anong takot pinalalaya tayo ng katotohanan hinggil sa kalagayan ng mga patay?

8 Ang maka-Kasulatang katotohanan hinggil sa kalagayan ng mga patay ay nagpapalaya rin sa atin mula sa takot sa mga patay. Mula nang malaman ang katotohanang ito, marami na dati’y nakagapos sa mga mapamahiing ritwal hinggil sa mga patay ang hindi na nagugulumihanan hinggil sa mga sumpa, signos, anting-anting, at mga galing, ni sila man ay naghahandog pa ng mga mamahaling alay upang payapain ang kanilang mga ninuno at hadlangan ang kanilang pagbabalik upang dalawin ang nabubuhay. Tunay, yamang ang mga patay ay ‘walang nalalamang anuman,’ ang gayong mga gawain ay walang bisa.​—Eclesiastes 9:5.

9 Ang katotohanan hinggil sa kaluluwa, na masusumpungan sa Bibliya, ay tunay na nagpapalaya at maaasahan. Subalit isaalang-alang din ang isang pambihirang pag-asa na taglay ng Bibliya para sa iyo.

[Mga Tanong sa Aralin]

[Blurb sa pahina 29]

Ang katotohanan hinggil sa kaluluwa ay nagpapalaya sa iyo mula sa takot sa kamatayan, takot sa mga patay, kawalang pag-asa dahil sa kamatayan ng minamahal