Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Sagradong Lihim ng Diyos—Ang Maluwalhating Kasukdulan Nito!

Ang Sagradong Lihim ng Diyos—Ang Maluwalhating Kasukdulan Nito!

Kabanata 26

Ang Sagradong Lihim ng Diyos​—Ang Maluwalhating Kasukdulan Nito!

1. (a) Paano ipinaaalam sa atin ni Juan na sumapit na sa katapusan ang sagradong lihim? (b) Bakit nagsasalita nang malakas ang hukbo ng mga anghel?

 NATATANDAAN mo ba ang sinumpaang kapahayagan ng malakas na anghel na nakaulat sa Apocalipsis 10:1, 6, 7? Sinabi niya: “Hindi na magluluwat pa; kundi sa mga araw ng pagpapatunog ng ikapitong anghel, kapag malapit na niyang hipan ang kaniyang trumpeta, ang sagradong lihim ng Diyos ayon sa mabuting balita na ipinahayag niya sa kaniyang sariling mga alipin na mga propeta ay tunay ngang sumapit na sa katapusan.” Dumating na ang takdang panahon ni Jehova upang hipan ang huling trumpetang iyon! Paano, kung gayon, sumasapit sa katapusan ang sagradong lihim? Galak na galak si Juan na ipaalam ito sa atin! Sumusulat siya: “At hinipan ng ikapitong anghel ang kaniyang trumpeta. At nagkaroon ng malalakas na tinig sa langit, na nagsasabi: ‘Ang kaharian ng sanlibutan ay naging kaharian ng ating Panginoon at ng kaniyang Kristo, at mamamahala siya bilang hari magpakailan-kailanman.’” (Apocalipsis 11:15) May dahilan ang hukbong iyon ng mga anghel na magsalita nang malakas, dumadagundong pa nga! Sapagkat ang makasaysayang kapahayagang ito ay may pansansinukob na kahalagahan. Napakahalaga nito para sa buong nabubuhay na sangnilalang.

2. Kailan at kasabay ng anong pangyayari sumapit sa matagumpay na katapusan nito ang sagradong lihim?

2 Sumasapit na sa maligayang kasukdulan nito ang sagradong lihim! Buong-kaluwalhatian at buong-karingalan itong sumapit sa matagumpay na katapusan noong 1914 nang iluklok ng Panginoong Jehova ang kaniyang Kristo bilang kasamang Hari. Bilang kinatawan ng kaniyang Ama, aktibong namahala si Jesu-Kristo sa gitna ng kaaway na sanlibutan ng sangkatauhan. Bilang ipinangakong Binhi, tumatanggap siya ng kapangyarihan ng Kaharian upang puksain ang Serpiyente at ang mga kampon nito at isauli ang malaparaisong kapayapaan sa lupang ito. (Genesis 3:15; Awit 72:1, 7) Bilang Mesiyanikong Hari, tutuparin sa gayon ni Jesus ang Salita ni Jehova at ipagbabangong-puri ang kaniyang Ama, “ang Haring walang hanggan,” na dapat maghari bilang Soberanong Panginoon “magpakailan-kailanman.”​—1 Timoteo 1:17.

3. Bagaman Hari na ang Diyos na Jehova noon pa man, bakit niya pinahintulutang umiral ang ibang mga pamamahala sa lupa?

3 Subalit sa anong paraan “ang kaharian ng sanlibutan ay naging kaharian ng ating Panginoon,” si Jehova? Hindi ba’t Hari na ang Diyos na Jehova noon pa man? Totoo iyan, sapagkat umawit ang Levitang si Asap: “Ang Diyos ang aking Hari mula pa noong sinaunang panahon.” At isa pang salmista ang nagpahayag: “Si Jehova ay naging hari! . . . Ang iyong trono ay matibay na nakatatag mula pa noong sinaunang panahon; ikaw ay mula pa noong panahong walang takda.” (Awit 74:12; 93:1, 2) Gayunman, dahil sa kaniyang karunungan, pinahintulutan ni Jehova na umiral ang ibang mga pamamahala rito sa lupa. Kaya lubusang nasubok ang isyu na ibinangon sa Eden kung may kakayahan ba ang tao na pamahalaan ang sarili nang hiwalay sa Diyos. Bigung-bigo ang pamamahala ng tao. Kaya totoong-totoo ang mga salita ng propeta ng Diyos: “Nalalaman kong lubos, O Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Mula nang maghimagsik ang ating unang mga magulang, ang buong tinatahanang lupa ay sumailalim sa pamamahala ng “orihinal na serpiyente,” si Satanas. (Apocalipsis 12:9; Lucas 4:6) Panahon na ngayon ukol sa ganap na pagbabago! Upang maipagbangong-puri ang kaniyang matuwid na katayuan, sinimulang gamitin ni Jehova ang kaniyang pagkasoberano sa buong lupa sa isang bagong paraan, sa pamamagitan ng kaniyang itinalagang Mesiyanikong Kaharian.

4. Nang simulang hipan ang mga trumpeta noong 1922, ano ang naitampok? Ipaliwanag.

4 Nang magsimula ang paghihip sa pitong trumpeta noong 1922, itinampok sa kombensiyon ng mga Estudyante ng Bibliya sa Cedar Point, Ohio, ang pahayag ni J. F. Rutherford na salig sa tekstong “Ang kaharian ng langit ay malapit na.” (Mateo 4:17) Nagtapos siya sa ganitong mga pananalita: “Kung gayon bumalik sa larangan, O kayong mga anak ng kataas-taasang Diyos! Isakbat ang baluti! Maging taimtim, maging mapagbantay, maging masipag, maging matapang. Maging tapat at tunay na mga saksi para sa Panginoon. Sulong sa labanan hanggang ang bawat bakas ng Babilonya ay lubusang mapawi. Ipahayag ang balita sa lahat ng lugar. Dapat malaman ng buong daigdig na si Jehova ang Diyos at na si Jesu-Kristo ang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon. Ito ang araw ng mga araw. Masdan, namamahala na ang Hari! Kayo ang kaniyang mga kinatawang tagapagbalita. Kung gayon ay ianunsiyo, ianunsiyo, ianunsiyo, ang Hari at ang kaniyang kaharian.” Itinampok ang Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus, at ito ang nagbunsod sa napakatinding daluyong ng pangangaral hinggil sa Kaharian at sa mga kahatulan na inihayag ng paghihip sa lahat ng pitong trumpeta ng mga anghel.

5. Noong 1928, ano ang naganap sa kombensiyon ng mga Estudyante ng Bibliya na nagtampok sa tunog ng ikapitong trumpeta?

5 Ang tunog ng trumpeta ng ikapitong anghel ay naitampok sa kombensiyon ng mga Estudyante ng Bibliya sa Detroit, Michigan, noong Hulyo 30–Agosto 6, 1928. Nang panahong iyon, 107 istasyon sa pagbobrodkast ang pinagkawing-kawing sa ‘pinakamalawak at pinakamagastos na hook-up sa radyo sa buong kasaysayan,’ gaya ng pagkakalarawan dito ng The New York Times. Buong-pananabik na pinagtibay sa kombensiyon ang isang mapuwersang “Deklarasyon Laban kay Satanas at Para kay Jehova,” na nagtampok sa pagbagsak ni Satanas at ng kaniyang balakyot na organisasyon sa Armagedon, at sa pagpapalaya sa lahat ng umiibig sa katuwiran. Ang matapat na mga sakop ng Kaharian ng Diyos ay nagalak na tumanggap ng aklat na inilabas sa kombensiyong iyon, ang Government na may 368 pahina. Naglaan ito ng pinakamalinaw na katibayan na “iniluklok na ng Diyos ang kaniyang Pinahirang Hari sa kaniyang trono noong 1914.”

Namahala si Jehova

6. Paano iniuulat ni Juan ang kapahayagan hinggil sa pagkaluklok ni Kristo sa Kaharian ng Diyos?

6 Nakaluklok na si Kristo sa Kaharian ng Diyos​—anong laking kagalakan ang ibinabadya ng kapahayagang ito! Nag-uulat si Juan: “At ang dalawampu’t apat na matatanda na nakaupo sa kanilang mga trono sa harap ng Diyos ay nagsubsob ng kanilang mga mukha at sumamba sa Diyos, na sinasabi: ‘Pinasasalamatan ka namin, Diyos na Jehova, ang Makapangyarihan-sa-lahat, ang Isa na ngayon at ang nakaraan, sapagkat kinuha mo na ang iyong dakilang kapangyarihan at nagsimulang mamahala bilang hari.’”​—Apocalipsis 11:16, 17.

7. Paano nagpasalamat sa Diyos na Jehova (a) ang nalabi sa makasagisag na 24 na matatanda sa lupa? (b) ang mga kabilang sa makasagisag na 24 na matatanda na binuhay-muli tungo sa kanilang tungkulin sa langit?

7 Ang nag-uukol ng ganitong pasasalamat sa Diyos na Jehova ay ang 24 na matatanda, na sumasagisag sa pinahirang mga kapatid ni Kristo sa kanilang makalangit na tungkulin. Mula noong 1922, isang nalabi sa lupa ng 144,000 pinahirang ito ang naging abala sa gawain udyok ng tunog ng trumpeta. Lubos nilang naunawaan ang kahalagahan ng tanda sa Mateo 24:3–25:46. Subalit sa pagsisimula pa lamang ng araw ng Panginoon, ang mga kapuwa nila saksi na ‘napatunayang tapat maging hanggang sa kamatayan’ ay binuhay-muli upang kunin ang kani-kanilang dako sa langit, anupat maaari na nila ngayong katawanin ang buong grupo ng 144,000 sa pagsubsob ng kanilang mga mukha upang sumamba kay Jehova. (Apocalipsis 1:10; 2:10) Napakalaki ng pasasalamat ng lahat ng ito sapagkat ang kanilang Soberanong Panginoon ay hindi nagluwat sa pagpapasapit sa kaniyang sagradong lihim sa sukdulang katapusan nito!

8. (a) Ano ang naging epekto sa mga bansa ng paghihip sa ikapitong trumpeta? (b) Laban kanino ipinahayag ng mga bansa ang kanilang poot?

8 Sa kabilang dako, hindi nagdudulot ng kagalakan para sa mga bansa ang paghihip sa ikapitong trumpeta. Panahon na upang danasin nila ang poot ni Jehova. Isinalaysay ni Juan: “Ngunit ang mga bansa ay napoot, at ang iyong sariling poot ay dumating, at ang takdang panahon upang hatulan ang mga patay, at upang ibigay ang kanilang gantimpala sa iyong mga alipin na mga propeta at sa mga banal at doon sa mga natatakot sa iyong pangalan, sa maliliit at sa malalaki, at upang ipahamak yaong mga nagpapahamak sa lupa.” (Apocalipsis 11:18) Mula noong 1914, mabangis na ipinahayag ng mga bansa sa daigdig ang kanilang poot laban sa isa’t isa, laban sa Kaharian ng Diyos, at lalung-lalo na laban sa dalawang saksi ni Jehova.​—Apocalipsis 11:3.

9. Paano ipinapahamak ng mga bansa ang lupa, at ano ang ipinasiya ng Diyos na gawin hinggil dito?

9 Sa buong kasaysayan, ipinapahamak ng mga bansa ang lupa sa pamamagitan ng kanilang walang-lubay na pagdidigmaan at masamang pangangasiwa. Gayunman, mula noong 1914, tumindi ang pagpapahamak na ito sa nakatatakot na antas. Dahil sa kasakiman at katiwalian, lumawak ang mga disyerto at malubhang nasira ang mabubungang lupain. Pininsala ng asidong ulan at mga ulap na radyoaktibo ang malalawak na bahagi ng lupa. Naging kontaminado ang mga pinagkukunan ng pagkain, ang hangin na ating nilalanghap, at tubig na ating iniinom. Nanganganib ang buhay sa lupa at maging sa dagat dahil sa mga duming nagmumula sa mga pabrika. Minsan nang nagbanta ang mga superpower ng lubos na pagkalipol sa pamamagitan ng nuklear na pagkatupok ng buong sangkatauhan. Mabuti na lamang at ‘ipapahamak ni Jehova ang mga nagpapahamak sa lupa’; ilalapat niya ang hatol sa palalo at di-makadiyos na mga taong responsable sa kalunus-lunos na kalagayan ng lupang ito. (Deuteronomio 32:5, 6; Awit 14:1-3) Dahil dito, inihahanda ni Jehova ang ikatlong kaabahan upang panagutin ang mga nagkasalang ito.​—Apocalipsis 11:14.

Kaabahan sa mga Mapagpahamak!

10. (a) Ano ang ikatlong kaabahan? (b) Sa anong paraan higit pa kaysa pagpapahirap lamang ang idudulot ng ikatlong kaabahan?

10 Paparating na ang ikatlong kaabahan. Nagmamadali ito! Ito ang gagamitin ni Jehova upang ipahamak ang mga lumalapastangan sa kaniyang “tuntungan,” ang napakagandang lupang ito na ating tinatahanan. (Isaias 66:1) Pinasimulan ito ng Mesiyanikong Kaharian​—ang sagradong lihim ng Diyos. Ang mga kaaway ng Diyos, partikular na ang mga lider ng Sangkakristiyanuhan, ay napahirapan ng unang dalawang kaabahan​—na pangunahin nang idinulot ng salot ng mga balang at ng mga hukbong mangangabayo; subalit higit pa kaysa pagpapahirap lamang ang idudulot ng ikatlong kaabahan, na ilalapat ng Kaharian mismo ni Jehova. (Apocalipsis 9:3-19) Magdudulot ito ng nakamamatay na dagok na papalis sa mapagpahamak na lipunan ng tao at sa mga tagapamahala nito. Ito ang magiging kasukdulan ng paghatol ni Jehova sa Armagedon. Gaya ito ng inihula ni Daniel: “At sa mga araw ng mga haring iyon [mga tagapamahalang nagpapahamak sa lupa] ay magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian ay hindi isasalin sa iba pang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.” Gaya ng isang matayog na bundok, mamamahala ang Kaharian ng Diyos sa ibabaw ng lupa na ginawang maluwalhati, anupat ipagbabangong-puri ang pagkasoberano ni Jehova at magdudulot ng walang-hanggang kagalakan sa sangkatauhan.​—Daniel 2:35, 44; Isaias 11:9; 60:13.

11. (a) Anong sunud-sunod na maliligayang pangyayari na patuloy na nagaganap ang inilalarawan ng hula? (b) Anong di-sana-nararapat na kabaitan ang matutupad, paano, at sino ang tutupad nito?

11 Ang ikatlong kaabahan ay may kasamang sunud-sunod na maliligayang pangyayari na patuloy na magaganap sa araw ng Panginoon. Panahon iyon ‘upang hatulan ang mga patay, at upang ibigay ng Diyos ang kanilang gantimpala sa kaniyang mga alipin na mga propeta at sa mga banal at doon sa mga natatakot sa kaniyang pangalan.’ Nangangahulugan ito ng pagkabuhay-muli mula sa mga patay! Para sa pinahirang mga banal na natulog na sa kamatayan, nagsimula ito sa maagang bahagi ng araw ng Panginoon. (1 Tesalonica 4:15-17) Sa takdang panahon, makikisama sa kanila ang nalabi sa mga banal sa pamamagitan ng kagyat na pagkabuhay-muli. May iba pa ring dapat gantimpalaan, kasali na rito ang mga propetang alipin ng Diyos noong sinaunang panahon at ang lahat ng iba pa sa sangkatauhan na natutong matakot sa pangalan ni Jehova, sila man ay kabilang sa malaking pulutong na makaliligtas sa malaking kapighatian o sa “mga patay, ang malalaki at ang maliliit,” na bubuhaying muli sa Milenyong Paghahari ni Kristo. Yamang hawak ng Mesiyanikong Haring itinalaga ng Diyos ang mga susi ng kamatayan at ng Hades, ang kaniyang pamamahala sa Kaharian ay magbubukas ng daan upang mabigyan niya ng buhay na walang hanggan ang lahat ng nagsisikap na makamit ang mahalagang paglalaang ito. (Apocalipsis 1:18; 7:9, 14; 20:12, 13; Roma 6:22; Juan 5:28, 29) Ang kaloob na ito na buhay, imortal na buhay man sa langit o walang-hanggang buhay sa lupa, ay isang di-sana-nararapat na kabaitan mula kay Jehova, na walang-hanggang pasasalamatan ng sinumang tatanggap nito!​—Hebreo 2:9.

Masdan ang Kaban ng Kaniyang Tipan!

12. (a) Ayon sa Apocalipsis 11:19, ano ang nakikita ni Juan sa langit? (b) Naging sagisag ng ano ang kaban ng tipan, at ano ang nangyari dito nang dalhing bihag sa Babilonya ang Israel?

12 Namamahala si Jehova! Sa pamamagitan ng kaniyang Mesiyanikong Kaharian, ginagamit niya sa kagila-gilalas na paraan ang kaniyang pagkasoberano sa sangkatauhan. Pinatutunayan ito ng nakikita ngayon ni Juan: “At ang santuwaryo ng templo ng Diyos na nasa langit ay nabuksan, at ang kaban ng kaniyang tipan ay nakita sa santuwaryo ng kaniyang templo. At nagkaroon ng mga kidlat at mga tinig at mga kulog at isang lindol at makapal na graniso.” (Apocalipsis 11:19) Sa bahaging ito lamang ng Apocalipsis binanggit ang kaban ng tipan ng Diyos. Ang Kaban ang nakikitang sagisag ng presensiya ni Jehova sa kaniyang bayang Israel noon. Sa tabernakulo, at nang maglaon sa templong itinayo ni Solomon, nasa Kabanal-banalan iyon. Subalit nang dalhing bihag sa Babilonya ang Israel noong 607 B.C.E., naging tiwangwang ang Jerusalem at nawala ang kaban ng tipan. Nangyari iyon noong wala nang “umupo sa trono ni Jehova bilang hari” mula sa sambahayan ni David.​—1 Cronica 29:23. a

13. Ano ang ipinahihiwatig ng bagay na nakikita sa makalangit na santuwaryo ng Diyos ang kaban ng tipan ng Diyos?

13 Ngayon, pagkaraan ng mahigit 2,600 taon, muling nakita ang Kaban. Subalit sa pangitain ni Juan, wala sa isang makalupang templo ang Kaban na ito. Naroroon ito sa makalangit na santuwaryo ng Diyos. Muli na namang namamahala si Jehova sa pamamagitan ng isang hari mula sa maharlikang angkan ni David. Subalit sa pagkakataong ito, ang Hari, si Kristo Jesus, ay nakaluklok sa makalangit na Jerusalem​—ang matayog na dako kung saan inilalapat niya ang mga hatol ni Jehova. (Hebreo 12:22) Isisiwalat ito sa atin ng susunod na mga kabanata ng Apocalipsis.

14, 15. (a) Sa sinaunang Jerusalem, sino lamang ang nakakakita sa kaban ng tipan, at bakit? (b) Sa makalangit na santuwaryo ng templo ng Diyos, sino ang nakakakita sa kaban ng kaniyang tipan?

14 Sa sinaunang makalupang Jerusalem, hindi nakikita ng mga Israelita sa pangkalahatan ang Kaban, ni ng mga saserdote na naglilingkod sa templo, sapagkat naroroon ito sa Kabanal-banalan na inihihiwalay mula sa Dakong Banal sa pamamagitan ng isang kurtina. (Bilang 4:20; Hebreo 9:2, 3) Ang mataas na saserdote lamang ang nakakakita nito kapag pumapasok siya sa Kabanal-banalan sa taunang Araw ng Pagbabayad-Sala. Gayunman, nang buksan ang santuwaryo ng templo sa mga langit, ang makasagisag na kaban ay nakikita hindi lamang ng Mataas na Saserdote ni Jehova, si Jesu-Kristo, kundi maging ng katulong niyang mga saserdote, ang 144,000, kasama na si Juan.

15 Makikita nang malapitan niyaong mga unang binuhay-muli tungo sa langit ang makasagisag na kaban, sapagkat kinuha na nila ang kani-kanilang dako bilang bahagi ng 24 na matatanda na nasa palibot ng trono ni Jehova. At ang uring Juan na narito sa lupa ay naliwanagan ng espiritu ni Jehova upang maunawaan ang Kaniyang presensiya sa Kaniyang espirituwal na templo. May mga tanda rin naman upang pahiwatigan ang sangkatauhan sa pangkalahatan hinggil sa kamangha-manghang pangyayaring ito. May mga kidlat, tinig, kulog, isang lindol, at graniso na binabanggit sa pangitain ni Juan. (Ihambing ang Apocalipsis 8:5.) Ano ang isinasagisag ng mga ito?

16. Paano nagkaroon ng mga kidlat, tinig, kulog, isang lindol, at ulan ng makapal na graniso?

16 Mula noong 1914, nagkaroon ng napakalakas na pagyanig sa mga relihiyon. Subalit nakagagalak, kasabay ng “lindol” na ito ang masiglang mga tinig na nagbibigay ng maliwanag na mensahe tungkol sa natatag nang Kaharian ng Diyos. Inihahayag na ang dumadagundong na ‘mga babala ng bagyo’ mula sa Bibliya. Gaya ng kidlat, nakikita na rin at naihahayag ang mga kislap ng kaunawaan hinggil sa makahulang Salita ng Diyos. Isang bumabayong ulan ng “graniso” ng mga kahatulan ng Diyos ang pinakawalan laban sa Sangkakristiyanuhan at sa huwad na relihiyon sa pangkalahatan. Dapat sanang nakatawag-pansin sa mga tao ang lahat ng ito. Subalit nakalulungkot na hindi naunawaan ng karamihan​—gaya ng mga taga-Jerusalem noong panahon ni Jesus​—ang katuparan ng mga tandang ito ng Apocalipsis.​—Lucas 19:41-44.

17, 18. (a) Ang paghihip sa mga trumpeta ng pitong anghel ay nag-atang ng anong pananagutan sa nakaalay na mga Kristiyano? (b) Paano ginagampanan ng mga Kristiyano ang kanilang atas?

17 Patuloy na hinihipan ng pitong anghel ang kanilang mga trumpeta, na naghuhudyat ng makasaysayang mga pangyayari sa lupa. Napakalaki ng pananagutan ng nakaalay na mga Kristiyano na patuloy na ibalita ang mga kapahayagang ito sa sanlibutan. Kaylaki ng kagalakan nilang gampanan ang atas na iyon! Makikita ito sa oras na ginugugol nila taun-taon sa ministeryo, na sa loob ng 20 taon mula 1986 hanggang 2005, ay halos nadoble​—mula 680,837,042 tungo sa 1,278,235,504. Totoo ngang naipahahayag “ang sagradong lihim ng Diyos ayon sa mabuting balita” “hanggang sa mga dulo ng tinatahanang lupa.”​—Apocalipsis 10:7; Roma 10:18.

18 May iba pang mga pangitain na naghihintay sa atin ngayon habang patuloy na inihahayag ang mga layunin ng Kaharian ng Diyos.

[Talababa]

a Iniulat ng Romanong istoryador na si Tacitus na nang bihagin ang Jerusalem noong 63 B.C.E. at pumasok si Cneius Pompeius sa santuwaryo ng templo, nasumpungan niyang wala itong laman. Wala roon ang kaban ng tipan.​—History, ni Tacitus, 5.9.

[Mga Tanong sa Aralin]

[Kahon sa pahina 173]

Mga Tampok na Bahagi ng Tulad-Trumpetang Paghahayag ng Kahatulan ni Jehova

1. 1922 Cedar Point, Ohio: Isang hamon sa mga lider ng relihiyon, pulitika, at dambuhalang komersiyo sa Sangkakristiyanuhan na bigyang- katuwiran ang kabiguan nilang magdulot ng kapayapaan, kasaganaan, at kaligayahan. Ang Mesiyanikong Kaharian ang ganap na lunas.

2. 1923 Los Angeles, California: Ang pahayag pangmadlang “Nagmamartsa Ngayon ang Lahat ng Bansa Tungo sa Armagedon, Subalit Angaw-angaw na Ngayo’y Nabubuhay ay Hindi na Mamamatay Kailanman,” ay nanawagan sa mga “tupa” na umiibig sa kapayapaan na talikdan ang nakamamatay na dagat ng sangkatauhan.

3. 1924 Columbus, Ohio: Inakusahan ang mga klerigo ng pagtataas sa kanilang sarili at pagtangging mangaral tungkol sa Mesiyanikong Kaharian. Dapat ipangaral ng mga tunay na Kristiyano ang paghihiganti ng Diyos at aliwin ang nagdadalamhating sangkatauhan.

4. 1925 Indianapolis, Indiana: Isang mensahe ng pag-asa na nagpapakita sa pagkakaiba ng espirituwal na kadiliman ng Sangkakristiyanuhan at ng maliwanag na pangako ng Kaharian tungkol sa kapayapaan, kasaganaan, kalusugan, buhay, kalayaan, at walang-hanggang kaligayahan.

5. 1926 London, Inglatera: Tulad-balang na pagsalot sa Sangkakristiyanuhan at sa klero nito, na naglalantad sa pagtanggi nila sa Kaharian ng Diyos, at nagbubunyi sa pagsilang ng makalangit na pamahalaang iyon.

6. 1927 Toronto, Canada: Isang paanyaya, na inihahatid ng wari’y mga hukbong mangangabayo, ang nanawagan sa mga tao na lisanin ang ‘organisadong Kristiyanismo’ at mag-ukol ng taos-pusong katapatan sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Hari at Kaharian.

7. 1928 Detroit, Michigan: Isang deklarasyon laban kay Satanas at para kay Jehova, kung saan nilinaw na ang Haring pinahiran ng Diyos, na iniluklok noong 1914, ang lilipol sa balakyot na organisasyon ni Satanas at magpapalaya sa sangkatauhan.

[Kahon sa pahina 175]

Ipinapahamak ang Lupa

“Bawat tatlong segundo, isang bahagi ng orihinal na maulang kagubatan na kasinlaki ng isang palaruan ng football ang naglalaho. . . . Libu-libong uri ng halaman at hayop ang nalilipol dahil sa pagkasira ng malalaking kagubatan.”​—Illustrated Atlas of the World (Rand McNally).

“Sa loob ng dalawang-siglong paninirahan ng tao, [ang Great Lakes] ay naging pinakamalaki ring imburnal sa daigdig.”​—The Globe and Mail (Canada).

Noong Abril 1986, ang pagsabog at sunog na naganap sa nuklear na planta ng kuryente sa Chernobyl, U.S.S.R., “ang pinakamalaking nuklear na sakuna . . . mula nang bombahin ang Hiroshima at Nagasaki,” at nagkalat ng “radyasyon na may pangmatagalang epekto sa hangin, lupa at tubig sa daigdig na kasintindi ng lahat ng ginawang pagsubok at pagpapasabog ng bombang nuklear.”​—JAMA; The New York Times.

Sa Minamata, Hapon, isang planta ng kemikal ang nagtapon ng methylmercury sa lawa. Ang pagkain ng kontaminadong isda at mga kabibi ay nagdulot ng Minamata disease (MD), isang “malalang sakit sa sistema ng nerbiyo. . . . Sa kasalukuyan [1985], 2578 katao sa buong Hapon ang opisyal na natuklasang may MD.”​—International Journal of Epidemiology.

[Kahon sa pahina 176]

Ang mabibigat na kapahayagan sa Apocalipsis 11:15-19 ay pambungad sa mga pangitaing kasunod nito. Ang Apocalipsis kabanata 12 ay isang pagbabalik-tanaw na detalyadong nagpapaliwanag hinggil sa dakilang mga kapahayagan sa Apocalipsis 11:15, 17. Ang kabanata 13 ay naglalaan ng higit na detalye hinggil sa 11:18, sa pamamagitan ng paglalarawan nito sa pasimula at paglago ng pulitikal na organisasyon ni Satanas na nagdulot ng kapahamakan sa lupa. Ang kabanata 14 at 15 ay detalyadong tumatalakay sa higit pang kahatulan ng Kaharian na nauugnay sa paghihip sa ikapitong trumpeta at sa ikatlong kaabahan.

[Mga larawan sa pahina 174]

‘Ipapahamak ni Jehova ang mga nagpapahamak sa lupa’