Isang Matamis at Mapait na Mensahe
Kabanata 24
Isang Matamis at Mapait na Mensahe
Pangitain 6—Apocalipsis 10:1–11:19
Paksa: Pangitain hinggil sa maliit na balumbon; mga karanasan sa templo; paghihip sa ikapitong trumpeta
Panahon ng katuparan: Mula sa pagluklok ni Jesus sa trono noong 1914 hanggang sa malaking kapighatian
1, 2. (a) Ano ang naging resulta ng ikalawang kaabahan, at kailan ipahahayag na tapos na ang kaabahang ito? (b) Sino ngayon ang nakikita ni Juan na bumababa mula sa langit?
LUBHANG naging mapangwasak ang ikalawang kaabahan. Sinalot nito ang Sangkakristiyanuhan at ang kaniyang mga lider, “ang isang katlo ng mga tao,” na inilantad bilang mga patay sa espirituwal. (Apocalipsis 9:15) Pagkatapos nito, malamang na iniisip ni Juan kung ano naman kaya ang idudulot ng ikatlong kaabahan. Pero sandali lang! Hindi pa tapos ang ikalawang kaabahan sapagkat wala pa tayo sa puntong iniuulat sa Apocalipsis 11:14. Bago nito, masasaksihan muna ni Juan ang sunud-sunod na mga pangyayari na doo’y aktibo siyang makikibahagi. Nagsisimula ito sa pamamagitan ng isang nakasisindak na tanawin:
2 “At nakakita ako ng isa pang malakas na anghel na bumababa mula sa langit, na nagagayakan ng ulap, at isang bahaghari ang nasa kaniyang ulo, at ang kaniyang mukha ay gaya ng araw, at ang kaniyang mga paa ay gaya ng maapoy na mga haligi.”—Apocalipsis 10:1.
3. (a) Sino ang “malakas na anghel”? (b) Ano ang kahulugan ng bahaghari sa kaniyang ulo?
3 Sino ang “malakas na anghel” na ito? Maliwanag na siya ang niluwalhating si Jesu-Kristo sa ibang papel. Nagagayakan siya ng ulap na nagkukubli sa kaniya sa paningin ng iba, na nagpapaalaala sa atin ng naunang mga salita ni Juan tungkol kay Jesus: “Narito! Dumarating siya na nasa mga ulap, at makikita siya ng bawat mata, at niyaong mga umulos sa kaniya.” (Apocalipsis 1:7; ihambing ang Mateo 17:2-5.) Ang bahaghari na nasa kaniyang ulo ay nagpapaalaala sa atin ng naunang pangitain ni Juan tungkol sa trono ni Jehova, pati na ang “bahagharing tulad ng esmeralda ang kaanyuan.” (Apocalipsis 4:3; ihambing ang Ezekiel 1:28.) Ang bahagharing iyon ay nagpapahiwatig ng katahimikan at kapayapaan na nakapalibot sa trono ng Diyos. Sa ganito ring paraan, ang bahaghari sa ulo ng anghel ay magpapakilala sa kaniya bilang pantanging mensahero ng kapayapaan, ang inihula ni Jehova na “Prinsipe ng Kapayapaan.”—Isaias 9:6, 7.
4. Ano ang ipinahihiwatig ng (a) pagiging “gaya ng araw” ng mukha ng malakas na anghel? (b) pagiging “gaya ng maapoy na mga haligi” ng mga paa ng anghel?
4 Ang mukha ng malakas na anghel ay “gaya ng araw.” Nauna rito, sa kaniyang pangitain hinggil kay Jesus sa banal na templo, napansin ni Juan na ang mukha ni Jesus ay “gaya ng araw kapag sumisikat ito sa kaniyang kalakasan.” (Apocalipsis 1:16) Si Jesus, bilang ang “araw ng katuwiran,” ay nagniningning na may pagpapagaling sa kaniyang mga pakpak para sa kapakinabangan ng mga natatakot sa pangalan ni Jehova. (Malakias 4:2) Hindi lamang ang mukha kundi maging ang mga paa ng anghel na ito ay maluwalhati, “gaya ng maapoy na mga haligi.” Ang kaniyang matatag na tindig ay nauukol sa Isa na pinagkalooban ni Jehova ng “lahat ng awtoridad . . . sa langit at sa lupa.”—Mateo 28:18; Apocalipsis 1:14, 15.
5. Ano ang nakikita ni Juan sa kamay ng malakas na anghel?
5 Patuloy pang nagmamasid si Juan: “At taglay niya sa kaniyang kamay ang isang maliit na balumbon na nakabukas. At inilagay niya ang kaniyang kanang paa sa dagat, ngunit ang kaniyang kaliwa ay sa lupa.” (Apocalipsis 10:2) Isa na namang balumbon? Oo, pero sa pagkakataong ito ay hindi ito natatatakan. Kasama ni Juan, makaaasa tayo na malapit na nating makita ang higit pang kapana-panabik na mga pagsisiwalat. Subalit bago ang lahat, sinasabi muna sa atin ang tagpo para sa susunod na mga pangyayari.
6. (a) Bakit angkop na ang mga paa ni Jesus ay nakatapak sa lupa at sa dagat? (b) Kailan lubusang natupad ang Awit 8:5-8?
6 Balikan natin ang paglalarawan hinggil kay Jesus. Ang kaniyang nag-aapoy na mga paa ay nakatapak sa lupa at sa dagat, na nasa ilalim ngayon ng kaniyang ganap na awtoridad. Naaayon ito sa isinasaad sa makahulang awit: “Ginawa mo [ni Jehova] rin siyang [si Jesus] mas mababa nang kaunti kaysa sa mga tulad-diyos, at pinutungan mo siya ng kaluwalhatian at karilagan. Pinagpupuno mo siya sa mga gawa ng iyong mga kamay; ang lahat ng bagay ay inilagay mo sa ilalim ng kaniyang mga paa: mga tupa at kambing at mga barakong baka, ang lahat ng mga ito, at gayundin ang mga hayop sa malawak na parang, ang mga ibon sa langit at ang isda sa dagat, anumang dumaraan sa mga landas ng mga dagat.” (Awit 8:5-8; tingnan din ang Hebreo 2:5-9.) Lubusang natupad ang awit na ito noong 1914 nang iluklok si Jesus bilang Hari ng Kaharian ng Diyos at magsimula ang panahon ng kawakasan. Kaya ang nakikita rito ni Juan sa pangitain ay natupad mula nang taóng iyon.—Awit 110:1-6; Gawa 2:34-36; Daniel 12:4.
Ang Pitong Kulog
7. Paano sumisigaw ang malakas na anghel, at ano ang kahulugan ng kaniyang sigaw?
7 Ang pagbubulay-bulay ni Juan tungkol sa malakas na anghel na ito ay pinutol mismo ng anghel: “At sumigaw siya [ang anghel] sa malakas na tinig na gaya ng leon kapag umuungal. At nang sumigaw siya, ang pitong kulog ay nagpahugong ng kani-kanilang tinig.” (Apocalipsis 10:3) Tiyak na nakatawag-pansin kay Juan ang napakalakas na sigaw na iyon, at tiniyak nito na si Jesus nga ang tunay na “Leon mula sa tribo ni Juda.” (Apocalipsis 5:5) Alam ni Juan na si Jehova rin ay sinasabing “umuungal” paminsan-minsan. Ang pag-ungal ni Jehova ay nagbabalita ng mga hula hinggil sa muling pagtitipon sa espirituwal na Israel at sa dumarating na mapamuksang “araw ni Jehova.” (Oseas 11:10; Joel 3:14, 16; Amos 1:2; 3:7, 8) Maliwanag kung gayon, na ang tulad-leong sigaw ng malakas na anghel na ito ay nagbabadya ng nakakatulad na mahahalagang pangyayari para sa dagat at sa lupa. Tinatawagan nito ang pitong kulog upang magsalita.
8. Ano ang ‘mga tinig ng pitong kulog’?
8 Nakarinig na si Juan ng mga kulog mula sa mismong trono ni Jehova. (Apocalipsis 4:5) Noong panahon ni David, ang literal na kulog ay madalas tukuyin bilang “tinig ni Jehova.” (Awit 29:3) Nang ihayag ni Jehova ang kaniyang layunin na luwalhatiin ang kaniya mismong pangalan noong panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa, narinig ito ng marami at inakalang kulog ito. (Juan 12:28, 29) Kaya makatuwirang sabihin na ang ‘mga tinig ng pitong kulog’ ay ang sariling mga kapahayagan ni Jehova hinggil sa kaniyang mga layunin. Ang pagkakaroon ng “pitong” kulog ay nagpapahiwatig sa kabuuan ng narinig ni Juan.
9. Ano ang iniuutos ng isang tinig mula sa langit?
9 Subalit pakinggan! May isa pang tinig na naririnig. May binanggit itong utos na waring kataka-taka kay Juan: “At nang magsalita ang pitong kulog, ako ay magsusulat na sana; ngunit narinig ko ang isang tinig mula sa langit na nagsabi: ‘Tatakan mo ang mga bagay na sinalita ng pitong kulog, at huwag mong isulat ang mga iyon.’” (Apocalipsis 10:4) Malamang na nasasabik si Juan na marinig at maiulat ang dumadagundong na mga mensaheng iyon, gaya rin naman ng uring Juan sa ngayon na buong-pananabik na naghihintay sa pagsisiwalat ni Jehova sa kaniyang banal na mga layunin at mailathala ang mga ito. Ang mga pagsisiwalat na ito ay dumarating lamang sa takdang panahon ni Jehova.—Lucas 12:42; tingnan din ang Daniel 12:8, 9.
Ang Pagtatapos ng Sagradong Lihim
10. Kanino sumusumpa ang malakas na anghel, at sa anong kapahayagan?
10 Samantala, may isa pang atas si Jehova para kay Juan. Matapos humugong ang pitong kulog, muling nagsalita ang malakas na anghel: “At ang anghel na nakita kong nakatayo sa dagat at sa lupa ay nagtaas ng kaniyang kanang kamay sa langit, at sa pamamagitan ng Isa na nabubuhay magpakailan-kailanman, na lumalang ng langit at ng mga bagay na naroroon at ng lupa at ng mga bagay na naririto at ng dagat at ng mga bagay na naroroon, ay sumumpa siya: ‘Hindi na magluluwat pa.’” (Apocalipsis 10:5, 6) Kanino sumusumpa ang malakas na anghel? Ang niluwalhating si Jesus ay sumusumpa, hindi sa kaniyang sarili, kundi sa kataas-taasang Awtoridad sa lahat, si Jehova, ang imortal na Maylalang ng mga langit at ng lupa. (Isaias 45:12, 18) Sa pamamagitan ng sumpang ito, tinitiyak ng anghel kay Juan na hindi na magkakaroon ng anumang pagluluwat sa bahagi ng Diyos.
11, 12. (a) Ano ang kahulugan ng “hindi na magluluwat pa”? (b) Ano ang sumasapit sa katapusan?
11 Ang salitang Griego rito na isinasaling “magluluwat” ay khroʹnos, na literal na nangangahulugang “panahon.” Kaya iniisip ng ilan na ang kapahayagang ito ng anghel ay dapat isaling: “Hindi na magkakaroon pa ng panahon,” na wari bang magwawakas ang panahon na alam natin. Subalit ang salitang khroʹnos ay ginagamit dito nang walang tiyak na pantukoy. Kaya hindi ito nangangahulugan ng panahon sa pangkalahatan, kundi sa halip, “isang panahon” o “isang yugto ng panahon.” Sa ibang salita, wala nang karagdagang yugto ng panahon (o, pagluluwat) mula kay Jehova. Isa ring pandiwang Griego na hango sa khroʹnos ang ginamit sa Hebreo 10:37, kung saan sinipi ni Pablo ang Habakuk 2:3, 4 nang isulat niya: “Siya na pumaparito . . . ay hindi magluluwat.”
12 “Hindi na magluluwat pa”—tunay na kaakit-akit ang mga salitang ito sa tumatanda nang uring Juan sa ngayon! Sa anong paraan hindi na magluluwat pa? Sinasabi sa atin ni Juan: “Kundi sa mga araw ng pagpapatunog ng ikapitong anghel, kapag malapit na niyang hipan ang kaniyang trumpeta, ang sagradong lihim ng Diyos ayon sa mabuting balita na ipinahayag niya sa kaniyang sariling mga alipin na mga propeta ay tunay ngang sumapit na sa katapusan.” (Apocalipsis 10:7) Dumating na ang panahon upang pasapitin ni Jehova sa maligayang kasukdulan nito ang kaniyang sagradong lihim, na maluwalhating magtatagumpay!
13. Ano ang sagradong lihim ng Diyos?
13 Ano ang sagradong lihim na ito? May kinalaman ito sa binhi na unang ipinangako sa Eden, na napatunayang pangunahing tumutukoy kay Jesu-Kristo. (Genesis 3:15; 1 Timoteo 3:16) May kaugnayan din ito sa pagkakakilanlan ng babae na siyang pagmumulan ng Binhi. (Isaias 54:1; Galacia 4:26-28) Karagdagan pa, kasama rin dito ang pangalawahing mga miyembro ng uring binhi at ang Kaharian na paghaharian ng Binhi. (Lucas 8:10; Efeso 3:3-9; Colosas 1:26, 27; 2:2; Apocalipsis 1:5, 6) Ang mabuting balita hinggil sa natatanging makalangit na Kahariang ito ay dapat ipangaral sa buong lupa sa panahon ng kawakasan.—Mateo 24:14.
14. Bakit iniuugnay ang ikatlong kaabahan sa Kaharian ng Diyos?
14 Tiyak na ito nga ang pinakamabuting balita. Subalit sa Apocalipsis 11:14, 15, iniuugnay sa Kaharian ang ikatlong kaabahan. Bakit? Sapagkat para sa mga taong mas gusto pa ang sistema ng mga bagay ni Satanas, ang paghahayag ng mabuting balita na sumapit na sa katapusan ang sagradong lihim ng Diyos—samakatuwid nga, na narito na ang Mesiyanikong Kaharian ng Diyos—ay kaaba-abang balita. (Ihambing ang 2 Corinto 2:16.) Nangangahulugan ito na ang sistema ng sanlibutan na gustung-gusto nila ay malapit nang mapuksa. Ang mga tinig ng pitong kulog, na nagbababala hinggil sa nagbabantang unos, ay lalong lumiliwanag at lumalakas habang papalapit ang dakilang araw ng paghihiganti ni Jehova.—Zefanias 1:14-18.
Ang Nakabukas na Balumbon
15. Ano ang sinasabi kay Juan ng tinig mula sa langit at ng malakas na anghel, at ano ang epekto nito kay Juan?
15 Samantalang hinihintay ni Juan ang paghihip sa ikapitong trumpeta na ito at ang pagtatapos ng sagradong lihim ng Diyos, binibigyan siya ng karagdagang atas: “At ang tinig na aking narinig mula sa langit ay muling nagsalita sa akin at nagsabi: ‘Humayo ka, kunin mo ang nakabukas na balumbon na nasa kamay ng anghel na nakatayo sa dagat at sa lupa.’ At pumaroon ako sa anghel at sinabi ko sa kaniya na ibigay sa akin ang maliit na balumbon. At sinabi niya sa akin: ‘Kunin mo at ubusin mo ito, at papapaitin nito ang iyong tiyan, ngunit sa iyong bibig ay magiging matamis ito na gaya ng pulot-pukyutan.’ At kinuha ko ang maliit na balumbon mula sa kamay ng anghel at inubos iyon, at sa aking bibig ay matamis ito na gaya ng pulot-pukyutan; ngunit nang maubos ko na ito ay pinapait nito ang aking tiyan. At sinasabi nila sa akin: ‘Dapat kang manghulang muli may kinalaman sa mga bayan at mga bansa at mga wika at maraming hari.’”—Apocalipsis 10:8-11.
16. (a) Ano ang pagkakatulad ng karanasan ni propeta Ezekiel at ni Juan? (b) Bakit matamis sa panlasa ni Juan ang maliit na balumbon, subalit bakit ito mapait sa panunaw?
16 Ang karanasan ni Juan ay halos katulad niyaong kay propeta Ezekiel noong isa siyang tapon sa lupain ng Babilonya. Inutusan din siyang kumain ng balumbon na naging matamis sa kaniyang bibig. Subalit nang mabusog siya, nadama niya ang pananagutang humula ng mapapait na bagay sa mapaghimagsik na sambahayan ng Israel. (Ezekiel 2:8–3:15) Ang nakabukas na balumbon na iniaabot ng niluwalhating si Jesu-Kristo kay Juan ay isa rin namang mensaheng galing sa Diyos. Si Juan ay mangangaral hinggil sa “mga bayan at mga bansa at mga wika at maraming hari.” Matamis para sa kaniya na kainin ang balumbon na ito sapagkat galing ito sa Diyos. (Ihambing ang Awit 119:103; Jeremias 15:15, 16.) Subalit natuklasan niyang mapait ito sa panunaw sapagkat—gaya ng balumbon na kinain ni Ezekiel—humuhula ito ng di-kanais-nais na mga bagay patungkol sa mapaghimagsik na mga tao.—Awit 145:20.
17. (a) Sino ang mga nag-utos kay Juan na humulang “muli,” at ano ang kahulugan nito? (b) Kailan nakatakdang matupad ang madulang paglalarawang ito na nakita ni Juan?
17 Walang-alinlangan na ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo ang nag-utos kay Juan na humulang muli. Bagaman isang tapon si Juan sa isla ng Patmos, nakapanghula na siya hinggil sa mga bayan, mga bansa, mga wika, at mga hari sa pamamagitan ng impormasyong nakaulat sa aklat ng Apocalipsis na natalakay na natin. Ang salitang “muli” ay nangangahulugan na dapat niyang isulat at ilathala ang nalalabing impormasyon na nakaulat sa aklat ng Apocalipsis. Subalit tandaan na si Juan ay aktuwal na nakikibahagi rito sa makahulang pangitain. Sa katunayan, ang isinusulat niya ay isang hula na nakatakdang matupad pagkaraan ng 1914, kapag nagsimula nang tumayo sa lupa at sa dagat ang malakas na anghel. Ano, kung gayon, ang kahulugan ng madulang paglalarawang ito para sa uring Juan sa ngayon?
Ang Maliit na Balumbon sa Ngayon
18. Sa pagpapasimula ng araw ng Panginoon, anong interes ang ipinakita ng uring Juan sa aklat ng Apocalipsis?
18 Ang nakikita ni Juan ay kapansin-pansing lumalarawan sa karanasan ng uring Juan sa pasimula ng araw ng Panginoon. Nang panahong iyon, hindi pa nila lubusang nauunawaan ang mga layunin ni Jehova, pati na ang ipinahihiwatig ng pitong kulog. Gayunman, taimtim ang kanilang interes sa Apocalipsis, at nagkomento si Charles Taze Russell sa maraming bahagi nito noong nabubuhay pa siya sa lupa. Pagkamatay niya noong 1916, marami sa kaniyang mga isinulat ay tinipon at inilathala sa isang aklat na pinamagatang The Finished Mystery. Subalit nang maglaon, lumitaw na hindi sapat ang paliwanag ng aklat na ito tungkol sa Apocalipsis. Ang nalabi sa mga kapatid ni Kristo ay kinailangang maghintay ng kaunting panahon pa, hanggang sa magsimulang matupad ang mga pangitain, upang wastong maunawaan ang kinasihang ulat na iyon.
19. (a) Paano ginamit ng Diyos na Jehova ang uring Juan bago pa man lubusang maisiwalat ang mga tinig ng pitong kulog? (b) Kailan ibinigay sa uring Juan ang nakabukas na maliit na balumbon, at ano ang naging kahulugan nito para sa kanila?
19 Gayunman, kagaya ni Juan, ginamit sila ni Jehova bago pa man lubusang maisiwalat ang mga tinig ng pitong kulog. Bago pa ang 1914, 40 taon na silang masikap na nangangaral, at nagpunyagi silang manatiling aktibo noong unang digmaang pandaigdig. Nang dumating ang panginoon, sila ang napatunayang naglalaan ng pagkain sa mga lingkod ng sambahayan sa tamang panahon. (Mateo 24:45-47) Kaya noong 1919, sa kanila ibinigay ang nakabukas na maliit na balumbon—samakatuwid nga, isang hayagang mensahe na dapat ipangaral sa sangkatauhan. Gaya ni Ezekiel, may mensahe sila para sa isang di-tapat na organisasyon—ang Sangkakristiyanuhan—na nag-aangking naglilingkod sa Diyos, subalit hindi naman. Gaya ni Juan, dapat silang mangaral nang higit pa tungkol sa “mga bayan at mga bansa at mga wika at maraming hari.”
20. Ano ang inilalarawan ng pagkain ni Juan sa balumbon?
20 Ang pagkain ni Juan sa balumbon ay lumalarawan sa pagtanggap ng mga kapatid ni Jesus sa atas na ito. Naging bahagi ito ng kanilang katauhan anupat iniuugnay sila ngayon sa bahaging ito ng kinasihang Salita ng Diyos, na pinagkukunan nila ng lakas. Subalit ang mensaheng dapat nilang ipangaral ay may mga kapahayagan ng mga kahatulan ni Jehova na hindi masarap sa panlasa ng marami sa sangkatauhan. Sa katunayan, kasali rito ang mga salot na inihula sa Apocalipsis kabanata 8. Gayunman, matamis para sa taimtim na mga Kristiyanong ito na malaman ang mga kahatulang iyon at matanto na ginagamit silang muli ni Jehova upang ihayag ang mga ito.—Awit 19:9, 10.
21. (a) Paano naging matamis din para sa malaking pulutong ang mensaheng nasa maliit na balumbon? (b) Bakit masamang balita para sa mga kalaban ang mabuting balita?
21 Nang maglaon, naging matamis din ang mensahe ng balumbong ito para sa “malaking pulutong . . . mula sa lahat ng bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika” na nasumpungang nagbubuntunghininga dahil sa karima-rimarim na mga bagay na nakikita nilang ginagawa sa gitna ng Sangkakristiyanuhan. (Apocalipsis 7:9; Ezekiel 9:4) Buong-sigasig din silang naghahayag ng mabuting balita, na gumagamit ng matatamis at kahali-halinang pananalita upang ilarawan ang kagila-gilalas na paglalaan ni Jehova para sa tulad-tupang mga Kristiyano. (Awit 37:11, 29; Colosas 4:6) Pero masamang balita naman ito para sa mga kalaban. Bakit? Sapagkat nangangahulugan ito na ang sistemang pinagtitiwalaan nila—na maaaring nakapagdulot din naman sa kanila ng pansamantalang kasiyahan—ay maglalaho. Para sa kanila, ang mabuting balita ay nagbabadya ng lagim.—Filipos 1:27, 28; ihambing ang Deuteronomio 28:15; 2 Corinto 2:15, 16.
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 160]
Ang uring Juan at ang kanilang kasamahan ay naghahayag ng matamis at mapait na mensahe sa buong sangkatauhan