Isang Napakalaking Pulutong
Kabanata 20
Isang Napakalaking Pulutong
1. Matapos ilarawan ang pagtatatak sa 144,000, ano pang ibang grupo ang nakikita ni Juan?
PAGKATAPOS ilarawan ang pagtatatak sa 144,000, iniuulat naman ni Juan ang isa sa pinakakapana-panabik na pagsisiwalat sa buong Kasulatan. Malamang na napalukso sa tuwa ang puso niya samantalang iniuulat niya ito, sa pagsasabing: “Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nakita ko, at, narito! isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika, na nakatayo sa harap ng trono at sa harap ng Kordero, na nadaramtan ng mahahabang damit na puti; at may mga sanga ng palma sa kanilang mga kamay.” (Apocalipsis 7:9) Oo, dahil sa pagpigil sa apat na hangin, may isa pang grupo na makaliligtas bukod sa 144,000 miyembro ng espirituwal na Israel: isang internasyonal na malaking pulutong na may iba’t ibang wika. a—Apocalipsis 7:1.
2. Ano ang paliwanag ng mga komentarista ng sanlibutan hinggil sa malaking pulutong, at paano itinuring maging ng mga Estudyante ng Bibliya noong una ang grupong ito?
2 Ipinalalagay ng mga komentarista ng sanlibutan na ang malaking pulutong na ito ay mga di-Judio sa laman na nakumberte sa Kristiyanismo o mga Kristiyanong martir na pupunta sa langit. Inakala maging ng mga Estudyante ng Bibliya noong una na pangalawahing uring makalangit ang mga ito, gaya ng binanggit noong 1886 sa Tomo I ng Studies in the Scriptures, The Divine Plan of the Ages: “Hindi sila gagantimpalaan ng paghahari at ng tulad-diyos na katangian ngunit sa kalaunan, isisilang sila bilang espiritung mga persona na mas mababa kaysa sa mga nagtataglay ng tulad-diyos na katangian. Bagaman tunay na nakaalay sila, nadaraig sila ng espiritu ng sanlibutan anupat nabibigo silang iharap ang kanilang buhay bilang isang hain.” At hanggang 1930, ang ganitong paniniwala ay ipinahayag sa Light, Unang Aklat: “Ang mga bumubuo sa malaking pulutong na ito ay hindi tumugon sa paanyaya na maging masisigasig na saksi ukol sa Panginoon.” Inilarawan sila bilang isang grupong mapagmatuwid sa sarili at bagaman may kaalaman hinggil sa katotohanan, hindi naman nila ito gaanong ipinangangaral. Makararating sila diumano sa langit bilang pangalawahing uri ngunit hindi maghaharing kasama ni Kristo.
3. (a) Anong pag-asa ang inilaan sa mga may matuwid na puso na naging masigasig sa gawaing pangangaral nang maglaon? (b) Paano ipinaliwanag ng The Watch Tower noong 1923 ang talinghaga hinggil sa mga tupa at kambing?
3 Gayunman, may ibang kasamahan ang mga pinahirang Kristiyano na naging napakasigasig sa gawaing pangangaral nang dakong huli. Hindi sila umaasang pupunta sila sa langit. Sa katunayan, ang kanilang pag-asa ay kasuwato ng pamagat ng isang pahayag pangmadla na itinampok ng bayan ni Jehova mula noong 1918 hanggang 1922. Ito noon ay “Nagwakas Na ang Sanlibutan—Angaw-angaw na Ngayo’y Nabubuhay ay Hindi na Mamamatay Kailanman.” b Di-nagtagal, ipinaliwanag ng magasing Watch Tower ng Oktubre 15, 1923, ang talinghaga ni Jesus hinggil sa mga tupa at kambing (Mateo 25:31-46), at nagsabi: “Kumakatawan ang mga tupa sa lahat ng tao sa mga bansa, na bagaman hindi inianak sa espiritu ay nakahilig naman sa katuwiran, na isinasaisip at kinikilala na si Jesu-Kristo ang Panginoon at naghahangad at umaasa ukol sa higit na kaayaayang panahon sa ilalim ng kaniyang paghahari.”
4. Paano higit na naging maliwanag ang pagkaunawa tungkol sa uring makalupa noong 1931? noong 1932? noong 1934?
4 Ilang taon pagkaraan nito, noong 1931, tinalakay sa Vindicaton, Unang Aklat, ang Ezekiel kabanata 9. Ipinakilala nito ang mga tupa sa kababanggit na talinghaga bilang mga taong minarkahan sa noo ukol sa kaligtasan sa katapusan ng sanlibutan. Inilarawan ng Vindication, Ikatlong Aklat, na inilabas noong 1932, ang matuwid na saloobin ng puso ng di-Israelitang si Jehonadab, na umangkas sa karo ng pinahirang haring si Jehu ng Israel at sumama upang makita ang sigasig ni Jehu sa paglipol sa huwad na mga mananamba. (2 Hari 10:15-17) Nagkomento ang aklat: “Kumakatawan o lumalarawan si Jehonadab sa uri ng mga taong nasa lupa ngayon sa panahong isinasagawa ang gawaing-Jehu [paghahayag ng mga kahatulan ni Jehova], na mabubuting-loob, hindi nakikiayon sa organisasyon ni Satanas, naninindigan sa panig ng katuwiran, at siyang mga ililigtas ng Panginoon sa panahon ng Armagedon, upang itawid silang buháy sa kapighatiang iyon at pagkalooban sila ng buhay na walang hanggan sa lupa. Sila ang bumubuo sa uring ‘tupa.’” Noong 1934, niliwanag ng The Watchtower na dapat mag-alay ng kanilang sarili kay Jehova at magpabautismo ang mga Kristiyanong ito na may makalupang pag-asa. Ang pagkaunawa hinggil sa makalupang uring ito ay lumiliwanag nang lumiliwanag.—Kawikaan 4:18.
5. (a) Paano ipinakilala ang malaking pulutong noong 1935? (b) Nang patayuin ni J. F. Rutherford noong 1935 ang mga kombensiyonista na umaasang mabuhay magpakailanman sa lupa, ano ang nangyari?
5 Malapit nang ganap na magningning ang pagkaunawa sa Apocalipsis 7:9-17! (Awit 97:11) Paulit-ulit na ipinatalastas ng magasing Watchtower ang isang kombensiyong itinakdang ganapin noong Mayo 30 hanggang Hunyo 3, 1935, sa Washington, D.C., E.U.A., na inaasahang magdudulot ng “tunay na kaaliwan at kapakinabangan” para sa mga inilalarawan ni Jehonadab. At ganito nga ang nangyari! Sa nakapagpapakilos na pahayag na “Ang Lubhang Karamihan,” na binigkas sa mga 20,000 kombensiyonista, si J. F. Rutherford, na nanguna noon sa pambuong daigdig na gawaing pangangaral, ay nagharap ng maka-Kasulatang patotoo na ang makabagong-panahong ibang tupa ay siya ring malaking pulutong sa Apocalipsis 7:9. Sa pagtatapos ng pahayag na iyon, hiniling ng tagapagsalita: “Mangyari lamang na lahat ng mga may pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa ay magsitayo.” Nang tumayo ang karamihan sa mga tagapakinig, ganito ang ipinahayag ng tagapagsalita: “Masdan! Ang lubhang karamihan!” Nagkaroon ng ganap na katahimikan, na sinundan ng masigabong palakpakan. Laking tuwa ng uring Juan—at pati na rin ng grupong Jehonadab! Kinabukasan, 840 bagong mga Saksi ang binautismuhan, na karamihan sa mga ito ay nag-aangking kabilang sa malaking pulutong na iyon.
Pagtiyak sa Pagkakakilanlan ng Malaking Pulutong
6. (a) Bakit malinaw nating nauunawaan na ang malaking pulutong ay ang makabagong-panahong grupo ng nakaalay na mga Kristiyano na umaasang mabuhay magpakailanman sa lupa? (b) Ano ang isinasagisag ng mahahabang damit na puti ng malaking pulutong?
6 Paano tayo nakatitiyak na ang malaking pulutong ay ang makabagong-panahong grupong ito ng nakaalay na mga Kristiyano na umaasang mabuhay magpakailanman sa lupang ito na pag-aari ng Diyos? Dati nang nakita ni Juan sa pangitain ang makalangit na grupo na ‘binili para sa Diyos mula sa bawat tribo at wika at bayan at bansa.’ (Apocalipsis 5:9, 10) Doon din nagmula ang malaking pulutong, subalit iba ang kanilang pag-asa. Di-gaya ng Israel ng Diyos, walang itinakdang bilang ang mga ito. Walang sinuman ang patiunang makapagsasabi kung magiging ilan sila. Ang kanilang mahahabang damit ay nilabhan at pinaputi sa dugo ng Kordero, na sumasagisag sa pagkakaroon nila ng matuwid na katayuan sa harap ni Jehova salig sa kanilang pananampalataya sa hain ni Jesus. (Apocalipsis 7:14) At nagwawagayway sila ng mga sanga ng palma, anupat ibinubunyi ang Mesiyas bilang kanilang Hari.
7, 8. (a) Anu-anong pangyayari ang walang-alinlangang ipinaalaala kay apostol Juan ng pagwawagayway ng mga sanga ng palma? (b) Ano ang kahulugan ng pagwawagayway ng malaking pulutong ng mga sanga ng palma?
7 Habang nagmamasid siya sa pangitaing ito, malamang na nagbalik ang alaala ni Juan nang mahigit 60 taon sa huling sanlinggo ni Jesus sa lupa. Noong Nisan 9, 33 C.E., nang magtipon ang karamihan upang salubungin si Jesus pagpasok niya sa Jerusalem, “kumuha [sila] ng mga sanga ng mga puno ng palma at lumabas upang salubungin siya. At nagsimula silang sumigaw: ‘Magligtas ka, aming dalangin sa iyo! Pinagpala siya na dumarating sa pangalan ni Jehova, samakatuwid baga’y ang hari ng Israel!’” (Juan 12:12, 13) Sa ganito ring paraan, ang pagwawagayway ng mga sanga ng palma at ang pagsigaw ng malaking pulutong ay nagpapakita ng kanilang di-mapigilang kagalakan sa pagtanggap kay Jesus bilang Haring inatasan ni Jehova.
8 Walang alinlangan, ang mga sanga ng palma at ang mga sigaw ng kagalakan ay nagpaalaala rin kay Juan sa sinaunang Israelitang Kapistahan ng mga Kubol. Tungkol sa kapistahang ito, iniutos ni Jehova: “At kukunin ninyo sa ganang inyo sa unang araw ang bunga ng magagandang punungkahoy, ang mga sanga ng mga puno ng palma at ang mga sanga ng mayayabong na punungkahoy at ng mga alamo sa agusang libis, at magsasaya kayo sa harap ni Jehova na inyong Diyos nang pitong araw.” Ang mga sanga ng palma ay ginagamit bilang tanda ng kagalakan. Ang pansamantalang mga kubol ay nagsilbing paalaala na iniligtas ni Jehova ang kaniyang bayan mula sa Ehipto upang manirahan sa mga tolda sa ilang. Nakibahagi sa kapistahang ito “ang naninirahang dayuhan at ang batang lalaking walang ama at ang babaing balo.” Ang buong Israel ay dapat na ‘lubusang magalak.’—Levitico 23:40; Deuteronomio 16:13-15.
9. Sa anong may-kagalakang pagsigaw nakikisama ang malaking pulutong?
9 Kaya bagaman hindi bahagi ng espirituwal na Israel, angkop na magwagayway ang malaking pulutong ng mga sanga ng palma yamang may-kagalakan at may-pasasalamat nilang kinikilala na utang nila sa Diyos at sa Kordero ang tagumpay at kaligtasan, gaya ng namamasdan ngayon ni Juan: “At patuloy silang sumisigaw sa malakas na tinig, na sinasabi: ‘Ang kaligtasan ay utang namin sa ating Diyos, na nakaupo sa trono, at sa Kordero.’” (Apocalipsis 7:10) Bagaman nagmula sila sa lahat ng grupong etniko, ang malaking pulutong ay sumisigaw sa iisang “malakas na tinig.” Paano nila ito magagawa, gayong nagmula sila sa iba’t ibang bansa at wika?
10. Bagaman nagmula sa iba’t ibang bansa at wika ang malaking pulutong, paano sila makasisigaw nang may pagkakaisa sa iisang “malakas na tinig”?
10 Ang malaking pulutong na ito ay bahagi ng tanging tunay na nagkakaisang organisasyon sa lupa ngayon na nagbuhat sa iba’t ibang bansa. Iisa ang kanilang mga pamantayan sa lahat ng bansa at pare-pareho nilang ikinakapit ang matuwid na mga simulain ng Bibliya saanman sila naninirahan. Hindi sila nakikisangkot sa nasyonalistiko at rebolusyonaryong mga kilusan kundi talagang ‘pinupukpok nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod.’ (Isaias 2:4) Hindi sila nagkakabaha-bahagi sa mga sekta o denominasyon, na humihiyaw ng nakalilito at nagkakasalungatang mga mensahe kagaya ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan; ni ipinauubaya man nila sa isang bayarang uring klero ang kanilang pagpuri. Hindi nila isinisigaw na utang nila ang kanilang kaligtasan sa banal na espiritu, sapagkat hindi sila mga lingkod ng isang trinitaryong diyos. Sa mga 200 lupain sa buong daigdig, nagkakaisa sila sa pagtawag sa pangalan ni Jehova samantalang sinasalita nila ang isang dalisay na wika ng katotohanan. (Zefanias 3:9) Kaya nga wasto na ipahayag nila sa madla na ang kanilang kaligtasan ay mula kay Jehova, ang Diyos ng kaligtasan, sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, ang Kaniyang Punong Ahente ng kaligtasan.—Awit 3:8; Hebreo 2:10.
11. Paano nakatulong sa malaking pulutong ang makabagong teknolohiya upang mapag-ibayo pa nila ang kanilang malakas na tinig?
11 Nakatulong ang makabagong teknolohiya upang mapag-ibayo ang malakas na tinig ng nagkakaisang malaking pulutong. Walang ibang relihiyosong grupo sa lupa ang kinakailangang maglathala ng mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya sa mahigit 400 wika, yamang walang ibang grupo ang interesadong ipaabot ang nagkakaisang mensahe sa lahat ng tao sa lupa. Bilang karagdagang tulong sa pagsasagawa nito, binuo ang Multilanguage Electronic Phototypesetting System (MEPS), sa ilalim ng pangangasiwa ng pinahirang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Sa panahong inililimbag ang aklat na ito, iba’t ibang anyo ng MEPS ang ginagamit na sa mahigit 125 lugar sa buong lupa, at nakatulong ito upang mailathala nang sabay-sabay sa mahigit 130 wika ang magasing Ang Bantayan, na lumalabas nang dalawang beses sa isang buwan. Ang bayan ni Jehova ay naglalathala rin ng mga aklat, gaya ng aklat na ito, nang sabay-sabay sa maraming wika. Kaya ang mga Saksi ni Jehova, na ang karamiha’y kabilang sa malaking pulutong, ay nakapamamahagi taun-taon ng daan-daang milyong publikasyon sa lahat ng kilalang wika, anupat karagdagan pang pulutong mula sa lahat ng tribo at wika ang makapag-aaral ng Salita ng Diyos at makasasabay sa malakas na tinig ng malaking pulutong.—Isaias 42:10, 12.
Sa Langit o sa Lupa?
12, 13. Sa anong paraan masasabing “nakatayo sa harap ng trono at sa harap ng Kordero” ang malaking pulutong?
12 Paano natin nalalaman na ang ‘pagtayo sa harap ng trono’ ay hindi nangangahulugang nasa langit ang malaking pulutong? Maraming maliwanag na patotoo hinggil sa puntong ito. Halimbawa, ang salitang Griego rito na isinasaling “sa harap” (e·noʹpi·on) ay literal na nangangahulugang “sa paningin [ni]” at ilang beses na ginamit upang tumukoy sa mga tao sa lupa na nasa “harap” o ‘nasa paningin ni’ Jehova. (1 Timoteo 5:21; 2 Timoteo 2:14; Roma 14:22; Galacia 1:20) Sa isang pagkakataon noong nasa ilang ang mga Israelita, sinabi ni Moises kay Aaron: “Sabihin mo sa buong kapulungan ng mga anak ni Israel, ‘Lumapit kayo sa harap ni Jehova, sapagkat narinig niya ang inyong mga bulung-bulungan.’” (Exodo 16:9) Ang mga Israelita ay hindi kinailangang dalhin sa langit upang makatayo sa harap ni Jehova sa pagkakataong iyon. (Ihambing ang Levitico 24:8.) Sa halip, doon sila sa ilang mismo tumayo sa paningin ni Jehova, at itinuon niya sa kanila ang kaniyang pansin.
13 Karagdagan pa, mababasa natin: “Kapag ang Anak ng tao ay dumating sa kaniyang kaluwalhatian . . . ang lahat ng mga bansa ay titipunin sa harap niya.” Hindi mapupunta sa langit ang buong lahi ng tao kapag natupad ang hulang ito. Tiyak na hindi mapupunta sa langit ang mga “magtutungo sa walang-hanggang pagkalipol.” (Mateo 25:31-33, 41, 46) Sa halip, nakatayo sa lupa ang sangkatauhan sa paningin ni Jesus, at ibinabaling niya ang kaniyang pansin sa paghatol sa kanila. Sa katulad na paraan, nasa “harap ng trono at sa harap ng Kordero” ang malaking pulutong sa diwa na nakatayo sila sa paningin ni Jehova at ng kaniyang itinalagang Hari, si Kristo Jesus, na magkakaloob sa kanila ng kaniyang kaayaayang hatol.
14. (a) Sino ang mga inilalarawang nasa “palibot ng trono” at “sa [makalangit na] Bundok Sion”? (b) Bagaman naglilingkod ang malaking pulutong sa Diyos “sa kaniyang templo,” bakit hindi ito nangangahulugang uring makasaserdote sila?
14 Ang 24 na matatanda at ang pinahirang grupo ng 144,000 ay inilalarawan na nasa “palibot ng trono” ni Jehova at “sa [makalangit na] Bundok Sion.” (Apocalipsis 4:4; 14:1) Hindi uring makasaserdote ang malaking pulutong at wala silang ganitong matayog na katayuan. Totoo naman na sa dakong huli, inilalarawan sila sa Apocalipsis 7:15 na naglilingkod sa Diyos “sa kaniyang templo.” Subalit ang templong ito ay hindi tumutukoy sa pinakaloob na santuwaryo, ang Kabanal-banalan. Sa halip, iyon ang makalupang looban ng espirituwal na templo ng Diyos. Ang salitang Griego na na·osʹ, na isinasalin ditong “templo,” ay madalas na tumutukoy sa mas malawak na diwa, sa buong gusali na itinayo ukol sa pagsamba kay Jehova. Sa ngayon, isa itong espirituwal na gusali na sumasaklaw kapuwa sa langit at lupa.—Ihambing ang Mateo 26:61; 27:5, 39, 40; Marcos 15:29, 30; Juan 2:19-21, talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References.
Isang Pansansinukob na Sigaw ng Papuri
15, 16. (a) Ano ang naging reaksiyon ng mga nasa langit nang lumitaw ang malaking pulutong? (b) Paano tumutugon ang mga espiritung nilalang ni Jehova sa bawat bagong pagsisiwalat ng kaniyang layunin? (c) Paanong tayo na nasa lupa ay maaaring makisama sa awit ng papuri?
15 Pumupuri kay Jehova ang malaking pulutong, subalit may iba pang umaawit din ng mga papuri sa kaniya. Ganito ang iniuulat ni Juan: “At ang lahat ng mga anghel ay nakatayo sa palibot ng trono at ng matatanda at ng apat na nilalang na buháy, at isinubsob nila ang kanilang mga mukha sa harap ng trono at sumamba sa Diyos, na sinasabi: ‘Amen! Ang pagpapala at ang kaluwalhatian at ang karunungan at ang pasasalamat at ang karangalan at ang kapangyarihan at ang lakas ay sumaating Diyos magpakailan-kailanman. Amen.’”—Apocalipsis 7:11, 12.
16 Nang lalangin ni Jehova ang lupa, ang lahat ng kaniyang banal na mga anghel ay ‘magkakasamang humiyaw nang may kagalakan, at sumigaw sa pagpuri ang lahat ng mga anak ng Diyos.’ (Job 38:7) Bawat bagong pagsisiwalat ng layunin ni Jehova ay malamang na nagpakilos sa mga anghel na sumigaw ng gayunding papuri. Nang ang 24 na matatanda—ang 144,000 sa kanilang makalangit na kaluwalhatian—ay magsigawan bilang pagkilala sa Kordero, nakiisa sa pagpuri kay Jesus at sa Diyos na Jehova ang lahat ng iba pang makalangit na mga nilalang ng Diyos. (Apocalipsis 5:9-14) Walang kahulilip ang kagalakan ng mga nilalang na ito nang makita nila ang katuparan ng layunin ni Jehova na buhaying-muli ang tapat na mga tao na pinahiran ukol sa isang maluwalhating atas sa dako ng mga espiritu. Ngayon, lahat ng tapat na makalangit na nilalang ni Jehova ay napabulalas ng kalugud-lugod na papuri nang lumitaw ang malaking pulutong. Oo, talagang kapana-panabik para sa lahat ng lingkod ni Jehova na mabuhay sa araw ng Panginoon. (Apocalipsis 1:10) Dito sa lupa, anong laking pribilehiyo natin na makibahagi sa awit ng papuri sa pamamagitan ng pagpapatotoo hinggil sa Kaharian ni Jehova!
Lumitaw ang Malaking Pulutong
17. (a) Anong tanong ang ibinangon ng isa sa 24 na matatanda, at ano ang ipinahihiwatig ng katotohanan na maaaring malaman ng matanda ang kasagutan? (b) Kailan sinagot ang katanungan ng matanda?
17 Mula noong panahon ni apostol Juan hanggang sa araw ng Panginoon, naging palaisipan sa mga pinahirang Kristiyano ang pagkakakilanlan ng malaking pulutong. Kaya angkop lamang na isa sa 24 na matatanda, na kumakatawan sa mga pinahirang nasa langit na, ang pumukaw sa isip ni Juan sa pamamagitan ng isang angkop na katanungan. “At bilang tugon ay sinabi sa akin ng isa sa matatanda: ‘Ang mga ito na nadaramtan ng mahahabang damit na puti, sino sila at saan sila nanggaling?’ At kaagad kong sinabi sa kaniya: ‘Panginoon ko, ikaw ang siyang nakaaalam.’” (Apocalipsis 7:13, 14a) Oo, maaaring malaman ng matandang iyon ang sagot at sabihin ito kay Juan. Nagpapahiwatig ito na ang mga binuhay-muling kabilang sa grupo ng 24 na matatanda ay maaaring kasangkot ngayon sa pagpapatalastas ng mga katotohanan mula sa Diyos. Para naman sa uring Juan na nasa lupa, nakilala nila ang malaking pulutong sa pamamagitan ng maingat na pagbibigay-pansin sa ginagawa ni Jehova sa gitna nila. Agad nilang naunawaan ang kislap ng liwanag mula sa Diyos na nagpaningning sa teokratikong gawain noong 1935, sa takdang panahon ni Jehova.
18, 19. (a) Anong pag-asa ang idiniin ng uring Juan noong dekada ng 1920 at 1930, subalit sino ang parami nang paraming tumutugon sa mensahe? (b) Ang pagkakilala sa malaking pulutong noong 1935 ay nagpahiwatig ng ano may kaugnayan sa 144,000? (c) Ano ang ipinakikita ng mga estadistika sa Memoryal?
18 Noong dekada ng 1920 hanggang sa unang mga taon ng dekada ng 1930, idiniin ng uring Juan ang makalangit na pag-asa, kapuwa sa pamamagitan ng mga publikasyon at ng gawaing pangangaral. Maliwanag na hindi pa nakukumpleto noon ang kabuuang bilang na 144,000. Subalit isang lumalaking bilang ng mga nakinig sa mensahe at nagpakita ng sigasig sa pagpapatotoo ang nagpahayag ng interes na mabuhay magpakailanman sa lupang Paraiso. Wala silang pagnanais na umakyat sa langit. Hindi gayon ang pagtawag sa kanila. Hindi sila kabilang sa munting kawan kundi sa ibang tupa. (Lucas 12:32; Juan 10:16) Ang pagpapakilala sa kanila noong 1935 bilang ang malaking pulutong ng mga ibang tupa ay nagpapahiwatig na halos tapos na noon ang pagpili sa 144,000.
19 Pinatutunayan ba ng mga estadistika ang konklusyong ito? Oo. Noong 1938, sa buong daigdig, 59,047 Saksi ni Jehova ang nakibahagi sa ministeryo. Sa mga ito, 36,732 ang nakibahagi sa mga emblema sa taunang pagdiriwang ng Memoryal ng kamatayan ni Jesus, sa gayo’y ipinahihiwatig na may makalangit na pagtawag sila. Nang sumunod na mga taon, unti-unting bumaba ang bilang ng mga nakikibahaging ito, pangunahin nang dahil natapos na ng tapat na mga Saksi ni Jehova ang kanilang makalupang landasin at namatay. Noong 2005, may 8,524 lamang na nakibahagi sa mga emblema ng Memoryal—0.05 porsiyento ng 16,390,116 na dumalo sa pandaigdig na pagdiriwang.
20. (a) Noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II, ano ang personal na ikinomento ni J. F. Rutherford tungkol sa malaking pulutong? (b) Anong mga katotohanan ang nagpapakita sa ngayon na ang malaking pulutong ay tunay ngang napakalaki?
20 Nang sumiklab ang ikalawang digmaang pandaigdig, puspusang nagsikap si Satanas na pahintuin ang pagtitipon sa malaking pulutong. Sa maraming bansa, nilagyan ng restriksiyon ang gawain ni Jehova. Sa madidilim na panahong iyon, at bago mamatay si J. F. Rutherford noong Enero 1942, narinig siyang nagsabi: “Buweno, . . . waring hindi naman pala magiging lubhang napakarami ang lubhang karamihan.” Subalit kabaligtaran ang nangyari dahil sa pagpapala ng Diyos! Pagsapit ng 1946, sumulong ang bilang ng mga Saksi na naglilingkod sa buong daigdig tungo sa 176,456—karamihan sa mga ito ay kabilang sa malaking pulutong. Noong 2005, may 6,390,022 Saksi na tapat na naglilingkod kay Jehova sa 235 iba’t ibang lupain—tunay na ISANG MALAKING PULUTONG! At patuloy pa ring lumalaki ang bilang.
21. (a) Paanong ang pagtitipon sa bayan ng Diyos sa araw ng Panginoon ay lubusang kasuwato ng pangitain ni Juan? (b) Paano nagsimulang matupad ang ilang mahahalagang hula?
21 Kaya ang pagtitipon sa bayan ng Diyos sa araw ng Panginoon ay lubusang kasuwato ng pangitain ni Juan: una, ang pagtitipon sa nalabi ng 144,000; pagkatapos, ang pagtitipon sa malaking pulutong. Gaya ng inihula ni Isaias, sa “huling bahagi ng mga araw” sa ngayon, humuhugos ang mga tao mula sa lahat ng bansa upang makibahagi sa dalisay na pagsamba kay Jehova. At tunay ngang nagagalak tayo at nagpapahalaga sa paglalang ni Jehova ng “mga bagong langit at ng isang bagong lupa.” (Isaias 2:2-4; 65:17, 18) Tinitipong muli ng Diyos “ang lahat ng mga bagay kay Kristo, ang mga bagay na nasa langit at ang mga bagay na nasa lupa.” (Efeso 1:10) Ang mga pinahirang tagapagmana ng makalangit na Kaharian—na pinili sa nakalipas na mga dantaon mula noong panahon ni Jesus—ang “mga bagay na nasa langit.” At ngayon, lumitaw ang malaking pulutong ng mga ibang tupa bilang unang bahagi ng “mga bagay na nasa lupa.” Ang paglilingkod mo kasuwato ng kaayusang ito ay makapagdudulot sa iyo ng walang-hanggang kaligayahan.
Ang mga Pagpapala ng Malaking Pulutong
22. Anong karagdagang impormasyon ang tinatanggap ni Juan tungkol sa malaking pulutong?
22 Sa pamamagitan ng alulod ng Diyos, tumatanggap si Juan ng karagdagang impormasyon tungkol sa malaking pulutong na ito: “At sinabi niya [ng matanda] sa akin: ‘Ito ang mga lumabas mula sa malaking kapighatian, at nilabhan nila ang kanilang mahahabang damit at pinaputi ang mga iyon sa dugo ng Kordero. Iyan ang dahilan kung bakit sila nasa harap ng trono ng Diyos; at nag-uukol sila sa kaniya ng sagradong paglilingkod araw at gabi sa kaniyang templo; at ang Isa na nakaupo sa trono ay maglulukob ng kaniyang tolda sa kanila.’”—Apocalipsis 7:14b, 15.
23. Ano ang malaking kapighatian na mula roon ay ‘lumalabas’ ang malaking pulutong?
23 Mas maaga pa rito, sinabi ni Jesus na ang kaniyang pagkanaririto sa kaluwalhatian ng Kaharian ay hahantong sa “malaking kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng sanlibutan hanggang sa ngayon, hindi, ni mangyayari pang muli.” (Mateo 24:21, 22) Bilang katuparan ng hulang ito, pakakawalan ng mga anghel ang apat na hangin ng lupa upang lipulin ang pandaigdig na sistema ni Satanas. Unang mapupuksa ang Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Pagkatapos, sa kasukdulan ng kapighatian, ililigtas ni Jesus ang mga nalabi ng 144,000 sa lupa, pati na ang napakalaking pulutong.—Apocalipsis 7:1; 18:2.
24. Paano nagiging karapat-dapat sa kaligtasan ang mga indibiduwal na kabilang sa malaking pulutong?
24 Paano nagiging karapat-dapat sa kaligtasan ang mga indibiduwal na kabilang sa malaking pulutong? Sinabi ng matanda kay Juan na “nilabhan nila ang kanilang mahahabang damit at pinaputi ang mga iyon sa dugo ng Kordero.” Sa ibang pananalita, nanampalataya sila kay Jesus bilang kanilang Manunubos, nag-alay kay Jehova, sinagisagan ang kanilang pag-aalay sa pamamagitan ng bautismo sa tubig, at ‘nagtaglay ng mabuting budhi’ sa pamamagitan ng kanilang matuwid na paggawi. (1 Pedro 3:16, 21; Mateo 20:28) Kaya malinis at matuwid sila sa paningin ni Jehova. At iniingatan nila ang kanilang sarili na “walang batik mula sa sanlibutan.”— Santiago 1:27.
25. (a) Paano nag-uukol kay Jehova ng “sagradong paglilingkod” ang malaking pulutong “araw at gabi sa kaniyang templo”? (b) Paano ‘lulukuban ni Jehova ng kaniyang tolda’ ang malaking pulutong?
25 Bukod dito, naging masisigasig na Saksi ni Jehova sila—na ‘nag-uukol sa kaniya ng sagradong paglilingkod araw at gabi sa kaniyang templo.’ Kabilang ka ba sa nakaalay na malaking pulutong na ito? Kung oo, pribilehiyo mong maglingkod kay Jehova nang walang humpay sa makalupang looban ng kaniyang dakilang espirituwal na templo. Sa ngayon, sa ilalim ng pangangasiwa ng mga pinahiran, gumaganap ng mas malaking bahagi sa gawaing pagpapatotoo ang malaking pulutong. Sa kabila ng sekular na mga pananagutan, daan-daang libo sa kanila ang pumasok sa buong-panahong ministeryo bilang mga payunir. Subalit kabilang ka man sa grupong iyon o hindi, bilang nakaalay na miyembro ng malaking pulutong, maaari kang magalak na dahil sa iyong pananampalataya at mga gawa, ipinahahayag kang matuwid bilang kaibigan ng Diyos at tinatanggap bilang panauhin sa kaniyang tolda. (Awit 15:1-5; Santiago 2:21-26) Sa gayon ay ‘lulukuban ni Jehova ng kaniyang tolda’ ang lahat ng umiibig sa kaniya at, bilang mabuting punong-abala, ipagsasanggalang niya sila.—Kawikaan 18:10.
26. Ano pang ibang pagpapala ang tatamasahin ng malaking pulutong?
26 Ang matanda ay nagpapatuloy: “Hindi na sila magugutom ni mauuhaw pa man, ni ang araw man ay tatama sa kanila nang matindi ni ang anumang nakapapasong init, sapagkat ang Kordero, na nasa gitna ng trono, ay magpapastol sa kanila, at aakay sa kanila sa mga bukal ng mga tubig ng buhay. At papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.” (Apocalipsis 7:16, 17) Oo, tunay na mapagpatuloy si Jehova! Subalit ano pa ang kahulugan ng mga salitang ito?
27. (a) Paano humula si Isaias ng isang bagay na katulad ng sinabi ng matanda? (b) Ano ang nagpapakitang nagsimulang matupad sa kongregasyong Kristiyano noong panahon ni Pablo ang hula ni Isaias?
27 Isaalang-alang natin ang isang hula na may ganito ring mga pananalita: “Ito ang sinabi ni Jehova: ‘Sa isang panahon ng kabutihang-loob ay sinagot kita, at sa isang araw ng kaligtasan ay tinulungan kita . . . Hindi sila magugutom, ni mauuhaw man sila, ni sasaktan man sila ng nakapapasong init o ng araw. Sapagkat ang Isa na nahahabag sa kanila ang aakay sa kanila, at sa tabi ng mga bukal ng tubig ay papatnubayan niya sila.’” (Isaias 49:8, 10; tingnan din ang Awit 121:5, 6.) Sinipi ni apostol Pablo ang bahagi ng hulang ito at ikinapit iyon sa “araw ng kaligtasan” na nagsimula noong Pentecostes 33 C.E. Sumulat siya: “Sapagkat sinasabi niya [ni Jehova]: ‘Sa isang kaayaayang panahon ay dininig kita, at sa isang araw ng kaligtasan ay tinulungan kita.’ Narito! Ngayon ang lalong kaayaayang panahon. Narito! Ngayon ang araw ng kaligtasan.”—2 Corinto 6:2.
28, 29. (a) Paano natupad noong unang siglo ang mga salita ni Isaias? (b) Paano natupad ang mga salita ng Apocalipsis 7:16 may kinalaman sa malaking pulutong? (c) Ano ang ibubunga ng pag-akay sa malaking pulutong sa “mga bukal ng mga tubig ng buhay”? (d) Bakit magiging katangi-tangi sa buong sangkatauhan ang malaking pulutong?
28 Paano natupad nang panahong iyon ang pangako hinggil sa pagiging hindi nagugutom o nauuhaw o nagtitiis ng nakapapasong init? Tiyak na may mga panahong dumanas ng literal na gutom at uhaw ang mga Kristiyano noong unang siglo. (2 Corinto 11:23-27) Gayunman, sagana sila sa espirituwal. Lubusan silang pinaglaanan kaya hindi sila nagutom o nauhaw sa espirituwal na mga bagay. Bukod dito, hindi sila idinamay ni Jehova sa init ng kaniyang galit nang lipulin niya ang Judiong sistema ng mga bagay noong 70 C.E. Ang mga pananalita ng Apocalipsis 7:16 ay may nakakatulad ding espirituwal na katuparan para sa malaking pulutong sa ngayon. Nagtatamasa sila ng saganang espirituwal na mga paglalaan kasama ng mga pinahirang Kristiyano.—Isaias 65:13; Nahum 1:6, 7.
29 Kung kabilang ka sa malaking pulutong na iyon, uudyukan ka ng mabuting kalagayan ng iyong puso na ‘humiyaw nang may kagalakan,’ anumang kakulangan o kagipitan ang kailangan mong tiisin sa huling mga taon ng sistema ni Satanas. (Isaias 65:14) Sa diwang ito, ngayon pa lamang ay maaari nang ‘pahirin ni Jehova ang bawat luha sa iyong mata.’ Hindi ka na mangangambang tamaan ng matinding init ng “araw” ng kapaha-pahamak na paghatol ng Diyos. At kapag pinakawalan na ang apat na hangin ng pagkapuksa, maaari kang makaligtas sa “nakapapasong init” ng galit ni Jehova. Kapag tapos na ang pagpuksang iyon, aakayin ka ng Kordero upang makinabang nang lubusan sa nakapagpapasiglang “mga bukal ng mga tubig ng buhay,” na kumakatawan sa lahat ng paglalaan na ginagawa ni Jehova upang mabuhay ka nang walang hanggan. Ang iyong pananampalataya sa dugo ng Kordero ay maipagbabangong-puri sapagkat unti-unti kang ibabalik sa kasakdalan bilang tao. Ikaw na kabilang sa malaking pulutong ay magiging katangi-tangi sa buong sangkatauhan bilang isa sa “milyun-milyon” na hindi na dumanas pa ng kamatayan! Sa ganap na diwa, papahirin ang bawat luha sa iyong mga mata.—Apocalipsis 21:4.
Tinitiyak ang Pagtawag
30. Anong kagila-gilalas na tanawin ang isinisiwalat sa atin sa pangitain ni Juan, at sino ang “makatatayo”?
30 Talagang kagila-gilalas na tanawin ang isinisiwalat sa atin ng mga pananalitang ito! Si Jehova mismo ay nasa kaniyang trono, at nagkakaisa sa pagpuri sa kaniya ang lahat ng kaniyang mga lingkod, makalangit at makalupa. Pinahahalagahan ng kaniyang makalupang mga lingkod ang kahanga-hangang pribilehiyo na umalinsabay sa lumalakas na korong ito ng papuri. Napakalapit nang ilapat ni Jehova at ni Kristo Jesus ang hatol, at maririnig ang sigaw na ito: “Dumating na ang dakilang araw ng kanilang poot, at sino ang makatatayo?” (Apocalipsis 6:17) Ang sagot? Kaunti lamang sa sangkatauhan, kabilang na ang sinuman sa tinatakang 144,000 na maaaring naririto pa sa laman at isang malaking pulutong ng mga ibang tupa na “makatatayo,” samakatuwid nga, makaliligtas na kasama nila.—Jeremias 35:19; 1 Corinto 16:13.
31. Paano dapat makaapekto ang katuparan ng pangitain ni Juan sa mga Kristiyano, kapuwa sa pinahiran at sa malaking pulutong?
31 Dahil dito, ang mga pinahirang Kristiyano na kabilang sa uring Juan ay buong-lakas na “nagsusumikap patungo sa tunguhin ukol sa gantimpala ng paitaas na pagtawag ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 3:14) Dahil sa mga pangyayari sa panahong ito, alam na alam nilang kailangan silang magpakita ng di-pangkaraniwang pagbabata. (Apocalipsis 13:10) Matapos paglingkuran si Jehova nang tapat sa loob ng napakaraming taon, nanghahawakan silang mahigpit sa pananampalataya, at nagagalak sapagkat ang kanilang mga pangalan ay “nakasulat na sa langit.” (Lucas 10:20; Apocalipsis 3:5) Batid din ng mga kabilang sa malaking pulutong na ang mga “nakapagbata [lamang] hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.” (Mateo 24:13) Bagaman nakatakdang lumabas mula sa malaking kapighatian ang malaking pulutong bilang isang grupo, ang mga indibiduwal na kabilang dito ay dapat na puspusang magsikap upang manatiling malinis at aktibo.
32. Yamang dalawang grupo lamang ang “makatatayo” sa araw ng poot ni Jehova, anong apurahang pagkilos ang idiniriin na dapat gawin?
32 Walang patunay na may iba pang “makatatayo” sa araw ng poot ni Jehova maliban sa dalawang grupong ito. Ano ang kahulugan nito para sa milyun-milyon na bawat taon ay nagpapakita rin naman ng paggalang sa hain ni Jesus anupat dumadalo sa pagdiriwang ng Memoryal ng kaniyang kamatayan, subalit hindi pa nananampalataya sa hain ni Jesus hanggang sa punto na maging nakaalay at bautisadong mga lingkod ni Jehova, na aktibong naglilingkod sa kaniya? Bukod dito, paano naman ang mga dating aktibo subalit hinayaang “mapabigatan ng . . . mga kabalisahan sa buhay” ang kanilang puso? Magising nawa ang lahat ng ito, at manatiling gising, upang “magtagumpay . . . sa pagtakas mula sa lahat ng mga bagay na ito na nakatalagang maganap, at sa pagtayo sa harap ng Anak ng tao”—si Jesu-Kristo. Maikli na ang panahon!—Lucas 21:34-36.
[Mga talababa]
a Tingnan ang talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References.
b The Watch Tower, Abril 1, 1918, pahina 98.
[Mga Tanong sa Aralin]
[Kahon sa pahina 119]
Ang mga Pakahulugan ay sa Diyos
Sa loob ng maraming dekada, sinaliksik ng uring Juan ang pagkakakilanlan ng malaking pulutong subalit hindi sila nakasumpong ng kasiya-siyang paliwanag. Bakit? Masusumpungan natin ang sagot sa mga salita ng tapat na si Jose nang sabihin niya: “Hindi ba ang mga pakahulugan ay sa Diyos?” (Genesis 40:8) Kailan at paano ba binibigyang-kahulugan ng Diyos ang katuparan ng kaniyang mga hula? Karaniwan na, kapag ang mga ito ay nakatakda nang matupad o kasalukuyan nang natutupad, upang ang mga mensahe nito ay maunawaang mabuti ng kaniyang nagsasaliksik na mga lingkod. Ang kaunawaang ito ay inilalaan “sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng ating pagbabata at sa pamamagitan ng kaaliwan mula sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.”—Roma 15:4.
[Kahon sa pahina 124]
Ang mga kabilang sa malaking pulutong ay
▪ nagmumula sa lahat ng bansa at tribo at bayan at wika
▪ nakatayo sa harap ng trono ni Jehova
▪ naglaba at nagpaputi ng kanilang mahahabang damit sa dugo ng Kordero
▪ kumikilala na utang nila ang kanilang kaligtasan kay Jehova at kay Jesus
▪ lumalabas sa malaking kapighatian
▪ naglilingkod kay Jehova sa kaniyang templo araw at gabi
▪ tumatanggap ng maibiging proteksiyon at pangangalaga ni Jehova
▪ pinapastulan ni Jesus tungo sa mga bukal ng mga tubig ng buhay
[Buong-pahinang larawan sa pahina 121]
[Larawan sa pahina 127]
Kinikilala ng malaking pulutong na utang nila sa Diyos at sa Kordero ang kanilang kaligtasan
[Larawan sa pahina 128]
Aakayin ng Kordero ang malaking pulutong sa mga bukal ng mga tubig ng buhay