Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Salot ni Jehova sa Sangkakristiyanuhan

Mga Salot ni Jehova sa Sangkakristiyanuhan

Kabanata 21

Mga Salot ni Jehova sa Sangkakristiyanuhan

Pangitain 5​—Apocalipsis 8:1–9:21

Paksa: Hinipan ang anim sa pitong trumpeta

Panahon ng katuparan: Mula sa pagluklok ni Kristo Jesus noong 1914 hanggang sa malaking kapighatian

1. Ano ang nangyari nang buksan ng Kordero ang ikapitong tatak?

 PINIPIGILAN ang “apat na hangin” hanggang sa matatakan ang 144,000 ng espirituwal na Israel at maging sinang-ayunan ukol sa kaligtasan ang malaking pulutong. (Apocalipsis 7:1-4, 9) Gayunman, bago humampas sa lupa ang nagngangalit na bagyo, dapat munang ipaalam ang kapaha-pahamak na mga kahatulan ni Jehova laban sa sanlibutan ni Satanas! Habang binubuksan ng Kordero ang ikapito at huling tatak, tiyak na buong-pananabik na nagmamasid si Juan upang makita kung ano ang isisiwalat. Ibinabahagi niya ngayon sa atin ang kaniyang karanasan: “At nang buksan niya [ng Kordero] ang ikapitong tatak, nagkaroon ng katahimikan sa langit nang mga kalahating oras. At nakita ko ang pitong anghel na nakatayo sa harap ng Diyos, at binigyan sila ng pitong trumpeta.”​—Apocalipsis 8:1, 2.

Panahon Ukol sa Marubdob na Panalangin

2. Ano ang nagaganap sa panahon ng makasagisag na kalahating oras ng katahimikan sa langit?

2 Makahulugan ang katahimikang ito! Waring napakatagal ng kalahating oras kapag may hinihintay kang mangyayari. Ngayon, hindi na naririnig maging ang walang-patid na makalangit na koro ng pagpuri. (Apocalipsis 4:8) Bakit kaya? Nakikita ni Juan sa pangitain ang dahilan: “At isa pang anghel ang dumating at tumayo sa may altar, taglay ang isang ginintuang sisidlan ng insenso; at binigyan siya ng maraming insenso upang ihandog iyon kasama ng mga panalangin ng lahat ng mga banal sa ibabaw ng ginintuang altar na nasa harap ng trono. At ang usok ng insenso ay pumailanlang mula sa kamay ng anghel kasama ng mga panalangin ng mga banal sa harap ng Diyos.”​—Apocalipsis 8:3, 4.

3. (a) Ano ang ipinaaalaala sa atin ng pagsusunog ng insenso? (b) Ano ang layunin ng kalahating oras ng katahimikan sa langit?

3 Ipinaaalaala nito sa atin na sa ilalim ng Judiong sistema ng mga bagay, araw-araw na nagsusunog ng insenso sa tabernakulo at, nang dakong huli, sa templo sa Jerusalem. (Exodo 30:1-8) Samantalang sinusunog ang insenso, ang di-makasaserdoteng mga Israelita ay naghihintay sa labas ng banal na dako habang nananalangin​—walang pagsalang tahimik lamang sa kanilang puso​—sa Isa na pinatutunguhan ng usok ng insenso. (Lucas 1:10) Katulad din nito ang nakikita ngayon ni Juan na nagaganap sa langit. Ang insensong inihahandog ng anghel ay iniuugnay sa “mga panalangin ng mga banal.” Sa katunayan, sa isang mas naunang pangitain, sinasabing kumakatawan ang insenso sa gayong mga panalangin. (Apocalipsis 5:8; Awit 141:1, 2) Maliwanag kung gayon, na nagkaroon ng makasagisag na katahimikan sa langit upang marinig ang mga panalangin ng mga banal na nasa lupa.

4, 5. Anong makasaysayang mga pangyayari ang tumutulong sa atin upang matiyak ang yugto ng panahon na katumbas ng makasagisag na kalahating oras ng katahimikan?

4 Matitiyak ba natin kung kailan ito naganap? Oo, matitiyak natin sa pamamagitan ng pagsusuri sa konteksto, pati na sa makasaysayang mga pangyayari sa pagsisimula ng araw ng Panginoon. (Apocalipsis 1:10) Noong 1918 at 1919, ang mga pangyayari sa lupa ay katulad na katulad ng eksenang inilalarawan sa Apocalipsis 8:1-4. Sa loob ng 40 taon bago ang 1914, buong-tapang na inihayag ng mga Estudyante ng Bibliya​—na siyang tawag noon sa mga Saksi ni Jehova​—na magwawakas sa taóng iyon ang mga panahon ng mga Gentil. Pinatunayan ng mga kaligaligan noong 1914 na tama sila. (Lucas 21:24, King James Version; Mateo 24:3, 7, 8) Subalit marami rin sa kanila ang naniwala na pagsapit ng 1914, kukunin na sila mula sa lupang ito tungo sa kanilang makalangit na mana. Hindi nangyari iyon. Sa halip, noong unang digmaang pandaigdig, nagbata sila ng matinding pag-uusig. Noong Oktubre 31, 1916, namatay ang unang pangulo ng Samahang Watch Tower na si Charles T. Russell. Pagkatapos, noong Hulyo 4, 1918, ang bagong pangulong si Joseph F. Rutherford, at pitong iba pang kinatawan ng Samahan ay may-kamaliang sinentensiyahan ng maraming taóng pagkabilanggo at dinala sa bilangguan sa Atlanta, Georgia.

5 Nagulumihanan ang taimtim na mga Kristiyano ng uring Juan. Ano ang gusto ng Diyos na gawin nila ngayon? Kailan sila dadalhin sa langit? Isang artikulo na pinamagatang “Tapos Na ang Pag-aani​—Ano ang Susunod?” ang lumabas sa isyu ng The Watch Tower ng Mayo 1, 1919. Ipinakita nito ang kalagayang ito ng kawalang-katiyakan at pinatibay-loob ang mga tapat na magpatuloy sa pagbabata, at idinagdag pa: “Naniniwala kaming angkop na sabihin ngayon na tapos na ang pagtitipon ng uring kaharian, na lahat ng kabilang sa uring ito ay wastong natatakan at sarado na ang pinto.” Sa mahihirap na panahong ito, pumailanlang ang marubdob na mga panalangin ng uring Juan, na waring kasama ng usok ng maraming insenso. At dininig ang kanilang mga panalangin!

Paghahagis ng Apoy sa Lupa

6. Ano ang naganap pagkaraan ng katahimikan sa langit, at sagot ito sa ano?

6 Sinasabi sa atin ni Juan: “Ngunit kaagad na kinuha ng anghel ang sisidlan ng insenso, at pinunô niya iyon ng isang bahagi ng apoy mula sa altar at inihagis iyon sa lupa. At nagkaroon ng mga kulog at mga tinig at mga kidlat at isang lindol.” (Apocalipsis 8:5) Pagkatapos ng katahimikan, biglang nagkaroon ng dramatikong mga pangyayari! Maliwanag na ito ang sagot sa mga panalangin ng mga banal, yamang dulot ito ng apoy na kinuha mula sa altar ng insenso. Noong 1513 B.C.E., sa Bundok Sinai, ang mga kulog at kidlat, isang malakas na ingay, apoy, at pagyanig ng bundok ay naging hudyat ng pagbabaling ni Jehova ng kaniyang pansin sa kaniyang bayan. (Exodo 19:16-20) Ang nakakahawig na mga kapahayagan na iniulat ni Juan ay nagpahiwatig din ng pagbibigay-pansin ni Jehova sa kaniyang mga lingkod sa lupa. Subalit ang namamasdan ni Juan ay inihaharap bilang mga tanda. (Apocalipsis 1:1) Kaya ano ang kahulugan sa ngayon ng makasagisag na apoy, kulog, tinig, kidlat, at lindol?

7. (a) Anong makasagisag na apoy ang pinagningas ni Jesus sa lupa noong panahon ng kaniyang ministeryo? (b) Paano nagpaningas ng apoy sa Sangkakristiyanuhan ang espirituwal na mga kapatid ni Jesus?

7 Sa isang pagkakataon, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Ako ay pumarito upang magpaningas ng apoy sa lupa.” (Lucas 12:49) Talaga ngang nagpaningas siya ng apoy. Sa pamamagitan ng kaniyang masigasig na pangangaral, iniharap ni Jesus sa mga Judio ang Kaharian ng Diyos bilang pinakatampok na isyu, at nagpasiklab ito ng mainit na pagtatalo sa buong bansa. (Mateo 4:17, 25; 10:5-7, 17, 18) Noong 1919, ang espirituwal na mga kapatid ni Jesus sa lupa, ang maliit na grupo ng mga pinahirang Kristiyano na nakapagbata sa mahihirap na panahon ng Digmaang Pandaigdig I, ay nagpaningas ng gayunding apoy sa Sangkakristiyanuhan. Noong Setyembre ng taóng iyon, kitang-kita ang pagkilos ng espiritu ni Jehova nang magtipon ang kaniyang tapat na mga Saksi mula sa iba’t ibang dako sa Cedar Point, Ohio, E.U.A. Si Joseph F. Rutherford, na kalalaya lamang mula sa bilangguan at malapit nang mapawalang-sala mula sa mga paratang laban sa kaniya, ay buong-tapang na nagpahayag sa kombensiyong iyon, at nagsabi: “Bilang pagtalima sa utos ng ating Panginoon, at bilang pagkilala sa ating pribilehiyo at pananagutan na makipagbaka sa mga tanggulan ng kamalian na kaytagal nang umalipin sa mga tao, ang ating tungkulin noon at ngayon ay ihayag ang dumarating na maluwalhating kaharian ng Mesiyas.” Ito ang pangunahing isyu​—Kaharian ng Diyos!

8, 9. (a) Paano inilarawan ni J. F. Rutherford ang saloobin at mithiin ng bayan ng Diyos sa loob ng mahihirap na taon ng digmaan? (b) Sa anong diwa inihagis ang apoy sa lupa? (c) Paano nagkaroon ng mga kulog, mga tinig, mga kidlat, at isang lindol?

8 Bilang pagtukoy sa kahirapang katatapos lamang maranasan ng bayan ng Diyos, sinabi ng tagapagsalita: “Gayon na lamang kalupit ang pagsalakay ng kaaway anupat maraming kabilang sa minamahal na kawan ng Panginoon ang nabigla at natigilan, na nananalangin at naghihintay sa Panginoon na isiwalat ang kaniyang kalooban. . . . Ngunit sa kabila ng pansamantalang panghihina ng loob, naroon pa rin ang nag-aapoy na mithiin na maipahayag ang mensahe ng kaharian.”​—Tingnan ang Setyembre 15, 1919, na isyu ng The Watch Tower, pahina 280.

9 Noong 1919, natugunan ang mithiing ito. Ang maliit subalit aktibong grupo ng mga Kristiyanong ito ay pinagningas, sa espirituwal na diwa, upang pasimulan ang pambuong-daigdig na kampanya ng pangangaral. (Ihambing ang 1 Tesalonica 5:19.) Inihagis ang apoy sa lupa sa diwa na ginawang maliyab na isyu ang Kaharian ng Diyos, at totoo pa rin ito hanggang sa ngayon! Hinalinhan ng malalakas na tinig ang katahimikan, na buong-linaw na nagpapahayag ng mensahe ng Kaharian. Dumagundong na parang makulog na bagyo ang mga babala mula sa Bibliya. Gaya ng mga kidlat, ang maliliwanag na sinag ng katotohanan ay sumikat mula sa makahulang Salita ni Jehova, at waring niyanig ng malakas na lindol ang pinakapundasyon ng mga relihiyon. Nakita ng uring Juan na may gawaing dapat isagawa. At hanggang ngayon, patuloy na lumalawak sa kahanga-hangang paraan ang gawaing iyan sa buong tinatahanang lupa!​—Roma 10:18.

Paghahanda Para sa Tunog ng mga Trumpeta

10. Ano ang pinaghahandaang gawin ng pitong anghel, at bakit?

10 Sinabi pa ni Juan: “At ang pitong anghel na may pitong trumpeta ay humanda na upang hipan ang mga iyon.” (Apocalipsis 8:6) Ano ang kahulugan ng paghihip sa mga trumpetang iyon? Noong panahon ng Israel, ang mga tunog ng trumpeta ay nagsilbing hudyat ng mahahalagang araw o pambihirang mga pangyayari. (Levitico 23:24; 2 Hari 11:14) Kasuwato nito, itatawag-pansin ng mga tunog ng trumpeta na maririnig ni Juan ang mga bagay na nangangahulugan ng buhay o kamatayan.

11. Anong gawaing paghahanda rito sa lupa ang puspusang isinagawa ng uring Juan mula noong 1919 hanggang 1922?

11 Habang naghahanda ang mga anghel sa paghihip sa mga trumpetang iyon, walang pagsalang naglalaan din sila ng patnubay sa isang gawaing paghahanda rito sa lupa. Mula noong 1919 hanggang 1922, naging abala ang pinasiglang uring Juan sa muling pag-oorganisa sa pangmadlang ministeryo at pagtatayo ng mga palimbagan. Noong 1919, ang magasing The Golden Age, na kilala ngayon bilang Gumising!, ay inilabas bilang “Isang Babasahin ng Katotohanan, Pag-asa, at Pagtitiwala”​—isang tulad-trumpetang instrumento na gaganap ng mahalagang papel sa paglalantad ng pakikisangkot ng huwad na relihiyon sa pulitika.

12. Ano ang inihuhudyat ng bawat tunog ng trumpeta, na nagpapaalaala sa atin ng ano noong panahon ni Moises?

12 Gaya ng makikita natin ngayon, bawat tunog ng trumpeta ay magsisilbing hudyat sa isang dramatikong eksena kung saan maaapektuhan ng kakila-kilabot na mga salot ang mga bahagi ng lupa. Ang ilan sa mga ito ay magpapaalaala sa atin sa mga salot na ipinasapit ni Jehova upang parusahan ang mga Ehipsiyo noong panahon ni Moises. (Exodo 7:19–12:32) Mga kapahayagan ito ng kahatulan ni Jehova sa bansang iyon at nagbukas ng daan upang mapalaya ang bayan ng Diyos sa pagkaalipin. May gayunding epekto ang mga salot na nakita ni Juan. Gayunman, hindi ito literal na mga salot. Mga tanda iyon na sumasagisag sa matuwid na mga kahatulan ni Jehova.​—Apocalipsis 1:1.

Pagkilala sa “Isang Katlo”

13. Ano ang naganap nang hipan ang unang apat na trumpeta, at anong tanong ang ibinabangon nito?

13 Gaya ng makikita natin, kapag hinipan ang unang apat na trumpeta, sasalutin ang “isang katlo” ng lupa, ng dagat, ng mga ilog at mga bukal ng mga tubig, at ng mga pinagmumulan ng liwanag ng lupa. (Apocalipsis 8:7-12) Ang isang katlo ay malaki-laki rin namang bahagi ng isang bagay bagaman hindi ito ang kabuuan. (Ihambing ang Isaias 19:24; Ezekiel 5:2; Zacarias 13:8, 9.) Kaya aling “isang katlo” ang higit na karapat-dapat tumanggap ng mga salot na ito? Ang kalakhang bahagi ng sangkatauhan ay binulag at pinasamâ ni Satanas at ng kaniyang binhi. (Genesis 3:15; 2 Corinto 4:4) Ang situwasyon ay kagaya niyaong inilarawan ni David: “Silang lahat ay lumihis, silang lahat ay pawang tiwali; walang sinumang gumagawa ng mabuti, wala ni isa man.” (Awit 14:3) Oo, ang buong sangkatauhan ay nanganganib na tumanggap ng kapaha-pahamak na hatol. Subalit higit pang makasalanan ang isang bahagi nito. Isang bahagi​—ang “isang katlo”​—ay hindi sana dapat magkaganito! Ano ang “isang katlo” na iyon?

14. Ano ang makasagisag na isang katlo na tumatanggap ng sumasalot na mga mensahe mula kay Jehova?

14 Iyon ang Sangkakristiyanuhan! Noong dekada ng 1920, nasasakupan niya ang humigit-kumulang ikatlong bahagi ng sangkatauhan. Ang relihiyon niya ay bunga ng malaking apostasya mula sa tunay na Kristiyanismo​—apostasyang inihula ni Jesus at ng kaniyang mga alagad. (Mateo 13:24-30; Gawa 20:29, 30; 2 Tesalonica 2:3; 2 Pedro 2:1-3) Inaangkin ng klero ng Sangkakristiyanuhan na nasa templo sila ng Diyos at namamaraling mga guro sila ng Kristiyanismo. Subalit ang kanilang mga doktrina ay malayung-malayo sa katotohanan ng Bibliya, at patuloy nilang nilalapastangan ang pangalan ng Diyos. Ang makasagisag na isang katlo ay angkop na kumakatawan sa Sangkakristiyanuhan na tumatanggap ng nakamamatay at sumasalot na mga mensahe mula kay Jehova. Ang ikatlong bahaging ito ng sangkatauhan ay hindi karapat-dapat sa anumang pagsang-ayon ng Diyos!

15. (a) Nakatakda lamang ba sa isang partikular na taon ang bawat tunog ng trumpeta? Ipaliwanag. (b) Kaninong tinig ang idinagdag sa tinig ng uring Juan sa paghahayag ng mga kahatulan ni Jehova?

15 Kasuwato ng sunud-sunod na mga tunog ng trumpeta, may pantanging mga resolusyong itinampok sa pitong kombensiyon na ginanap mula noong 1922 hanggang 1928. Subalit hindi natapos nang mga taóng iyon ang paghihip sa trumpeta. Ang puspusang paglalantad sa kalikuan ng Sangkakristiyanuhan ay walang patid, walang tigil, habang nagpapatuloy ang araw ng Panginoon. Ang mga kahatulan ni Jehova ay dapat maipahayag sa buong daigdig, sa lahat ng bansa, sa kabila ng pandaigdig na pagkapoot at pag-uusig. Saka lamang sasapit sa kawakasan ang sistema ni Satanas. (Marcos 13:10, 13) Nakagagalak na kasama na ngayon ang tinig ng malaking pulutong sa tinig ng uring Juan sa pagpapahayag ng dumadagundong na mga kahatulan na may pandaigdig na kahalagahan.

Nasunog ang Isang Katlo ng Lupa

16. Ano ang nangyari nang hipan ng unang anghel ang kaniyang trumpeta?

16 Hinggil sa mga anghel, sumulat si Juan: “At hinipan ng una ang kaniyang trumpeta. At nagkaroon ng graniso at apoy na may halong dugo, at inihagis iyon sa lupa; at ang isang katlo ng lupa ay nasunog, at ang isang katlo ng mga punungkahoy ay nasunog, at ang lahat ng luntiang pananim ay nasunog.” (Apocalipsis 8:7) Kahawig ito ng ikapitong salot sa Ehipto, subalit ano ang kahulugan nito sa ating panahon?​—Exodo 9:24.

17. (a) Saan lumalarawan ang salitang “lupa” sa Apocalipsis 8:7? (b) Paano nasunog ang isang katlo ng lupa na saklaw ng Sangkakristiyanuhan?

17 Sa Bibliya, ang salitang “lupa” ay karaniwan nang tumutukoy sa sangkatauhan. (Genesis 11:1; Awit 96:1) Yamang ang ikalawang salot ay humampas sa dagat, na may kinalaman din naman sa sangkatauhan, ang “lupa” ay makatuwirang tumukoy sa tila matibay na lipunan ng tao na itinatag ni Satanas at nakatakdang malipol. (2 Pedro 3:7; Apocalipsis 21:1) Inihahayag ng eksena hinggil sa salot na ang isang katlo ng lupa na saklaw ng Sangkakristiyanuhan ay masusupok sa nakapapasong init ng galit ni Jehova. Ang mga prominenteng miyembro niya​—gaya ng mga punungkahoy sa gitna niya​—ay nasunog dulot ng paghahayag ng kapaha-pahamak na kahatulan ni Jehova. Lahat ng kaniyang daan-daang milyong miyembro ng simbahan, na patuloy na susuporta sa relihiyon ng Sangkakristiyanuhan, ay magiging gaya ng tuyot na mga damo na lanta sa espirituwal sa pangmalas ni Jehova.​—Ihambing ang Awit 37:1, 2. a

18. Paano inihayag ang mensahe ng paghatol ni Jehova sa kombensiyong ginanap sa Cedar Point noong 1922?

18 Paano inihahatid ang mensaheng ito ng paghatol? Karaniwan na, hindi sa pamamagitan ng pandaigdig na media, na bahagi ng sanlibutan at kadalasang humahamak sa “alipin” ng Diyos. (Mateo 24:45) Kapansin-pansing inihayag ito noong ganapin ang ikalawang makasaysayang pagtitipon ng bayan ng Diyos sa Cedar Point, Ohio, noong Setyembre 10, 1922. May-pagkakaisa at may-pananabik nilang pinagtibay ang resolusyon na pinamagatang “Isang Hamon sa mga Lider ng Daigdig.” Prangkahan nitong binabalaan ang makabagong-panahong makasagisag na lupa, gaya ng sumusunod: “Kaya tinatawagan namin ang mga bansa sa lupa, ang kanilang mga tagapamahala at mga lider, at ang lahat ng mga klerigo ng nagkakabaha-bahaging relihiyon sa lupa, ang kanilang mga tagasunod at kaalyado, ang malalaking negosyante at maimpluwensiyang mga pulitiko, na patunayan ang kanilang pag-aangkin na makapagdudulot sila ng kapayapaan at kasaganaan sa lupa at kaligayahan sa lahat ng tao; at yamang bigo silang gawin ito, nananawagan kami na magbigay-pansin sila sa patotoo na aming inihaharap bilang mga saksi ng Panginoon, at hayaan silang magsabi kung tama o mali ang aming patotoo.”

19. Anong patotoo ang inihatid ng bayan ng Diyos sa Sangkakristiyanuhan tungkol sa Kaharian ng Diyos?

19 Anong patotoo ang iniharap ng mga Kristiyanong ito? Ito: “Pinaninindigan at inihahayag namin na ang Mesiyanikong kaharian ang ganap na lunas sa lahat ng sakit ng sangkatauhan at magdudulot ng kapayapaan sa lupa at kabutihang-loob sa mga tao, na siyang mithiin ng lahat ng bansa; na lahat ng handang magpasakop sa matuwid na pamamahala nito, na nagsimula na ngayon, ay pagpapalain ng walang-hanggang kapayapaan, buhay, kalayaan at walang-katapusang kaligayahan.” Sa napakasamang panahong ito, kung kailan ang gawang-taong mga pamahalaan, lalung-lalo na yaong nasa Sangkakristiyanuhan, ay bigung-bigo sa paglutas sa mga suliranin ng daigdig, ang tulad-trumpetang hamong iyon ay umaalingawngaw nang higit na malakas kaysa noong 1922. Totoong-totoo nga na ang Kaharian ng Diyos sa kamay ng kaniyang nananaig na Kristo ang tanging pag-asa ng sangkatauhan!

20. (a) Paano inihayag ng kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano ang mga mensahe ng paghatol noong 1922 at pagkaraan nito? (b) Ano ang ibinunga ng unang tunog ng trumpeta para sa Sangkakristiyanuhan?

20 Sa pamamagitan ng mga resolusyon, tract, buklet, aklat, magasin, at mga diskurso, ang kapahayagang ito at ang mga sumunod pa rito ay ipinahayag sa pamamagitan ng kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano. Waring hinagupit ng matigas at bumabayong graniso ang Sangkakristiyanuhan bilang resulta ng tunog ng unang trumpeta. Nabunyag ang kaniyang pagkakasala sa dugo na resulta ng pakikibahagi sa mga digmaan ng ika-20 siglo at inilantad siya na karapat-dapat sa maapoy na kapahayagan ng poot ni Jehova. Patuloy na ipinaaalingawngaw ng uring Juan, na tinulungan nang maglaon ng malaking pulutong, ang unang tunog ng trumpeta, anupat itinatawag-pansin ang pangmalas ni Jehova sa Sangkakristiyanuhan, bilang karapat-dapat sa pagkapuksa.​—Apocalipsis 7:9, 15.

Tulad ng Nagniningas na Bundok

21. Ano ang nangyari nang hipan ng ikalawang anghel ang kaniyang trumpeta?

21 “At hinipan ng ikalawang anghel ang kaniyang trumpeta. At isang bagay na tulad ng isang malaking bundok na nagniningas sa apoy ang inihagis sa dagat. At ang isang katlo ng dagat ay naging dugo; at ang isang katlo ng mga nilalang na nasa dagat na may mga kaluluwa ay namatay, at ang isang katlo ng mga barko ay nawasak.” (Apocalipsis 8:8, 9) Ano ang inilalarawan ng nakapangingilabot na eksenang ito?

22, 23. (a) Anong resolusyon ang walang pagsalang resulta ng paghihip sa ikalawang trumpeta? (b) Ano ang kinakatawanan ng “isang katlo ng dagat”?

22 Mauunawaan natin ito nang lubusan kung isasaalang-alang natin ang nangyari sa kombensiyon ng bayan ni Jehova na ginanap sa Los Angeles, California, E.U.A., noong Agosto 18-26, 1923. Ang tampok na pahayag noong Sabado ng hapon ni J. F. Rutherford ay may paksang “Mga Tupa at mga Kambing.” Buong-linaw na ipinakilala ang mga “tupa” bilang mga taong nakahilig sa katuwiran na magmamana ng makalupang sakop ng Kaharian ng Diyos. Itinawag-pansin ng sumunod na resolusyon ang pagpapaimbabaw ng “apostatang klerigo at ng ‘mga prominente sa kanilang kawan,’ na walang iba kundi ang makasanlibutang mga tao na maimpluwensiya sa pananalapi at sa pulitika.” Nanawagan ito sa “pulutong ng mga umiibig sa kapayapaan at kaayusan na kabilang sa nagkakabaha-bahaging mga relihiyon . . . na humiwalay sa likong eklesyastikal na mga sistema na binansagan ng Panginoon bilang ‘Babilonya’” at ihanda ang kanilang sarili “upang tumanggap ng mga pagpapala ng kaharian ng Diyos.”

23 Ang resolusyong ito ay walang pagsalang resulta ng paghihip sa ikalawang trumpeta. Ang mga tutugon sa mensaheng iyon sa takdang panahon ay hihiwalay sa mga inilarawan ni Isaias sa ganitong mga pananalita: “Ngunit ang mga balakyot ay gaya ng dagat na umaalimbukay, kapag hindi ito humuhupa, na ang tubig nito ay patuloy na nag-aalimbukay ng damong-dagat at lusak.” (Isaias 57:20; 17:12, 13) Kaya ang “dagat” ay angkop na lumarawan sa maligalig, di-matatag, at mapaghimagsik na sangkatauhan na lumilikha ng kaligaligan at rebolusyon. (Ihambing ang Apocalipsis 13:1.) Darating ang panahong mawawala na ang “dagat” na iyon. (Apocalipsis 21:1) Samantala, kasabay ng tunog ng ikalawang trumpeta, ipinahahayag ni Jehova ang kahatulan laban sa isang katlo nito​—ang maligalig na bahagi na saklaw ng Sangkakristiyanuhan mismo.

24. Ano ang inilalarawan ng nagniningas na tulad-bundok na bagay na inihagis sa dagat?

24 Isang bagay na tulad ng malaking bundok na nagniningas sa apoy ang inihagis sa “dagat” na ito. Sa Bibliya, ang mga bundok ay napakadalas sumagisag sa mga pamahalaan. Halimbawa, ang Kaharian ng Diyos ay inilalarawan bilang isang bundok. (Daniel 2:35, 44) Ang mapangwasak na Babilonya ay naging isang “bundok na sunóg.” (Jeremias 51:25) Subalit ang tulad-bundok na bagay na nakikita ni Juan ay patuloy pa ring nagliliyab. Ang pagkakahagis nito sa dagat ay angkop na lumalarawan sa pagbangon ng maliyab na isyu sa gitna ng sangkatauhan hinggil sa pamamahala noong unang digmaang pandaigdig at pagkatapos nito, lalung-lalo na sa mga lupain ng Sangkakristiyanuhan. Sa Italya, ipinasok ni Mussolini ang Pasismo. Tinanggap ng Alemanya ang Nazismo ni Hitler, at sinubukan naman ng iba pang bansa ang iba’t ibang anyo ng sosyalismo. Isang radikal na pagbabago ang naganap sa Russia, kung saan nabuo ang kauna-unahang estadong Komunista na resulta ng himagsikang Bolshevik, anupat ang mga relihiyosong lider ng Sangkakristiyanuhan ay nawalan ng kapangyarihan at impluwensiya sa isa sa mga dakong dati nilang balwarte.

25. Paano patuloy na naging maapoy na isyu ang hinggil sa pamamahala pagkaraan ng Digmaang Pandaigdig II?

25 Ang pag-eeksperimento sa Pasismo at Nazismo ay winakasan ng ikalawang digmaang pandaigdig, subalit patuloy na naging maapoy na isyu ang hinggil sa pamamahala, at ang dagat ng sangkatauhan ay patuloy na umalimbukay at lumikha ng bagong rebolusyonaryong mga pamahalaan. Sa mga dekada kasunod ng 1945, itinatag ang mga ito sa maraming dako, gaya sa Tsina, Vietnam, Cuba, at Nicaragua. Nabigo ang diktadurang militar na sinubukan sa Gresya. Sa Kampuchea (Cambodia), ang pagsubok sa pundamentalistang Komunismo ay iniulat na humantong sa kamatayan ng mahigit dalawang milyon katao.

26. Sa anong paraan patuloy na gumagawa ng mga daluyong sa dagat ng sangkatauhan ang “bundok na nagniningas sa apoy”?

26 Ang “bundok na [iyon na] nagniningas sa apoy” ay patuloy na lumikha ng mga daluyong sa dagat ng sangkatauhan. Ang pag-aagawan sa pamamahala ay iniulat sa Aprika, mga lupain sa Amerika, Asia, at mga isla sa Pasipiko. Marami sa pag-aagawang ito sa kapangyarihan ay naganap sa mga lupain ng Sangkakristiyanuhan o kung saan naging mga aktibista ang mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan. Umanib pa nga at nakipaglaban ang mga paring Romano Katoliko bilang miyembro ng mga pangkat ng Komunistang gerilya. Kasabay nito, ang mga grupong ebanghelikal ng Protestante ay kumilos sa Sentral Amerika upang labanan ang tinatawag nilang “mabalasik at walang katapusang pagkauhaw [ng mga Komunista] sa kapangyarihan.” Subalit walang isa man sa mga pag-alimbukay na ito sa dagat ng sangkatauhan ang nakapagdulot ng kapayapaan at katiwasayan.​—Ihambing ang Isaias 25:10-12; 1 Tesalonica 5:3.

27. (a) Paano naging gaya ng dugo ang “isang katlo ng dagat”? (b) Paano namatay “ang isang katlo ng mga nilalang na nasa dagat” at ano ang sasapitin ng “isang katlo ng mga barko”?

27 Isinisiwalat ng tunog ng ikalawang trumpeta na nagkasala sa dugo ang mga taong nasangkot sa rebolusyonaryong mga alitan tungkol sa pamahalaan sa halip na magpasakop sa Kaharian ng Diyos. Naging gaya ng dugo partikular na ang “isang katlo ng dagat” na sakop ng Sangkakristiyanuhan. Lahat ng bagay roon na may buhay ay patay sa paningin ng Diyos. Walang isa man sa radikal na mga organisasyong lumulutang na gaya ng mga barko sa isang katlo ng dagat ang makaiiwas sa pangwakas na pagkawasak. Anong ligaya natin sapagkat milyun-milyong tulad-tupang mga tao ang nakikinig ngayon sa tulad-trumpetang panawagan na humiwalay sa mga taong hanggang ngayon ay naglulubalob sa dogmatikong nasyonalismo at pagkakasala sa dugo ng dagat na iyon!

Isang Bituin ang Nahulog Mula sa Langit

28. Ano ang nangyari nang hipan ng ikatlong anghel ang kaniyang trumpeta?

28 “At hinipan ng ikatlong anghel ang kaniyang trumpeta. At isang malaking bituin na nagniningas na gaya ng lampara ang nahulog mula sa langit, at nahulog ito sa isang katlo ng mga ilog at sa mga bukal ng mga tubig. At ang pangalan ng bituin ay tinatawag na Ahenho. At ang isang katlo ng mga tubig ay naging ahenho, at marami sa mga tao ang namatay dahil sa mga tubig, sapagkat ang mga ito ay pinapait.” (Apocalipsis 8:10, 11) Minsan pa, matutulungan tayo ng iba pang bahagi ng Bibliya na makita kung paano kumakapit ang tekstong ito sa araw ng Panginoon.

29. Ano ang isinasagisag ng “malaking bituin na nagniningas na gaya ng lampara,” at bakit?

29 Natalakay na natin ang simbolismo ng bituin sa mga mensahe ni Jesus sa pitong kongregasyon, kung saan ang pitong bituin ay sumasagisag sa matatanda sa mga kongregasyon. b (Apocalipsis 1:20) Ang mga pinahirang “bituin,” kasama ang lahat ng iba pang pinahiran, ay tumatahan sa makalangit na mga dako sa espirituwal na diwa mula nang tatakan sila ng banal na espiritu bilang tanda ng kanilang makalangit na mana. (Efeso 2:6, 7) Gayunman, nagbabala si apostol Pablo na sa gitna ng mga tulad-bituing ito ay lilitaw ang mga apostata, mga tagapagtaguyod ng sekta, na magliligaw sa kawan. (Gawa 20:29, 30) Ang gayong pagtataksil ay magbubunga ng malaking apostasya, at ang nahulog na matatandang ito ang bubuo sa makasagisag na taong tampalasan na magtatanyag sa kaniyang sarili sa isang tulad-diyos na katayuan sa gitna ng sangkatauhan. (2 Tesalonica 2:3, 4) Natupad ang mga babala ni Pablo nang ang klero ng Sangkakristiyanuhan ay lumitaw sa eksena ng daigdig. Ang “malaking bituin na nagniningas na gaya ng lampara” ay angkop na sumasagisag sa grupong ito.

30. (a) Ano ang kahulugan ng pagtukoy sa hari ng Babilonya bilang isa sa nahulog mula sa langit? (b) Sa ano maaaring tumukoy ang pagkahulog mula sa langit?

30 Nakikita ni Juan ang partikular na bituing ito na nahuhulog mula sa langit. Paano? Tinutulungan tayo ng mga karanasan ng isang sinaunang hari upang maunawaan ito. Hinggil sa hari ng Babilonya, sinabi ni Isaias: “O ano’t nahulog ka mula sa langit, ikaw na nagniningning, anak ng bukang-liwayway! Ano’t ibinuwal ka sa lupa, ikaw na nagpapahina sa mga bansa!” (Isaias 14:12) Natupad ang hulang ito nang ibagsak ng mga hukbo ni Ciro ang Babilonya, at ang hari nito ay biglang mahulog mula sa pandaigdig na pamamahala tungo sa kahiya-hiyang pagkatalo. Kaya ang pagkahulog mula sa langit ay maaaring tumukoy sa pagkawala ng isang mataas na katayuan at pagkahulog sa kahihiyan.

31. (a) Kailan nahulog ang klero ng Sangkakristiyanuhan mula sa isang “makalangit” na katayuan? (b) Paano naging “ahenho” ang tubig na inihahain ng klero, at ano ang naging resulta nito sa marami?

31 Nang mag-apostata ang klero ng Sangkakristiyanuhan mula sa tunay na Kristiyanismo, nahulog sila mula sa matayog at “makalangit” na katayuan na inilalarawan ni Pablo sa Efeso 2:6, 7. Sa halip na maglaan ng sariwang tubig ng katotohanan, naghain sila ng “ahenho,” mapapait na kasinungalingang gaya ng apoy ng impiyerno, purgatoryo, Trinidad, at pagtatadhana; bukod dito, inakay nila sa digmaan ang mga bansa, at nabigo silang hubugin ang mga ito bilang matuwid na mga lingkod ng Diyos. Ang resulta? Nalason sa espirituwal ang mga naniwala sa mga kasinungalingang ito. Ang kalagayan nila ay katulad niyaong di-tapat na mga Israelita noong panahon ni Jeremias, na sinabihan ni Jehova: “Narito, pakakainin ko sila ng ahenho, at bibigyan ko sila ng tubig na may lason upang inumin. Sapagkat mula sa mga propeta ng Jerusalem ay lumabas ang apostasya sa buong lupain.”​—Jeremias 9:15; 23:15.

32. Kailan nahayag ang pagkahulog ng Sangkakristiyanuhan mula sa espirituwal na mga langit, at paano ito lalong itinampok?

32 Ang pagkahulog na ito mula sa espirituwal na kalangitan ay nahayag noong 1919 nang atasang mangalaga sa mga kapakanan ng Kaharian ang isang maliit na nalabi ng mga pinahirang Kristiyano, sa halip na ang klero ng Sangkakristiyanuhan. (Mateo 24:45-47) At mula noong 1922, lalong naitampok ang pagkahulog na ito nang ang grupong ito ng mga Kristiyano ay muling magsagawa ng kampanya ng tahasang paglalantad sa mga kabiguan ng klero ng Sangkakristiyanuhan.

33. Anong paglalantad sa klero ng Sangkakristiyanuhan ang ginawa sa kombensiyon noong 1924 sa Columbus, Ohio, E.U.A.?

33 Namumukod-tangi sa bagay na ito ang paghahayag na ginawa sa pagtitipon na inilarawan ng magasing The Golden Age bilang ang “pinakamalaking kombensiyon ng mga Estudyante ng Bibliya kailanman.” Ginanap ang kombensiyong ito sa Columbus, Ohio, noong Hulyo 20-27, 1924. Tiyak na sa patnubay ng anghel na humihip ng ikatlong trumpeta, isang mapuwersang resolusyon ang pinagtibay at 50 milyong kopya nito ang ipinamahagi bilang tract nang maglaon. Inilathala ito na may pamagat na Ecclesiastics Indicted (Akusasyon sa mga Klerigo). Isang subtitulo ang nagharap ng isyu: “Ang Binhing Ipinangako Laban sa Binhi ng Serpiyente.” Lubusang inilantad ng mismong Akusasyon ang klero ng Sangkakristiyanuhan may kinalaman sa paggamit ng matatayog na relihiyosong titulo, pagbibigay ng matataas na posisyon sa malalaking negosyante at propesyonal na mga pulitiko sa kanilang kawan, pagnanais na maging tanyag, at ang pagtangging ipangaral sa mga tao ang mensahe ng Kaharian ng Mesiyas. Idiniin nito na bawat nakaalay na Kristiyano ay inatasan ng Diyos na ipahayag ang “araw ng paghihiganti ng ating Diyos; upang aliwin ang lahat ng nagdadalamhati.”​—Isaias 61:2.

34, 35. (a) Ano ang nangyari sa kapangyarihan at impluwensiya ng klero mula nang hipan ng ikatlong anghel ang kaniyang trumpeta? (b) Ano ang kahihinatnan ng klero ng Sangkakristiyanuhan?

34 Mula nang hipan ng ikatlong anghel ang kaniyang trumpeta, unti-unting humina ang impluwensiya ng klero sa sangkatauhan hanggang sa kaunting-kaunti na lamang sa kanila, sa mga panahong ito, ang may tulad-diyos na mga kapangyarihang tinamasa nila sa nakalipas na mga siglo. Dahil sa pangangaral ng mga Saksi ni Jehova, natanto ng napakaraming tao na marami sa mga doktrinang itinuturo ng klero ay espirituwal na lason​—“ahenho.” Karagdagan pa, halos wala nang kapangyarihan ang klero sa hilagang Europa, samantalang sa iba pang lupain, sinusupil ng pamahalaan ang kanilang impluwensiya. Sa mga bansang Katoliko sa Europa at sa mga lupain sa Amerika, ang kahiya-hiyang paggawi ng mga klero sa kanilang pinansiyal, pulitikal, at moral na mga gawain ay nagparungis sa kanilang reputasyon. Mula ngayon, lalo pang lulubha ang kanilang katayuan, sapagkat malapit na rin nilang danasin ang kahatulang naghihintay sa lahat ng iba pang huwad na mga relihiyonista.​—Apocalipsis 18:21; 19:2.

35 Hindi pa tapos ang pagsalot ni Jehova sa Sangkakristiyanuhan. Isaalang-alang kung ano ang nangyari pagtunog ng ikaapat na trumpeta.

Kadiliman!

36. Ano ang nangyari nang hipan ng ikaapat na anghel ang kaniyang trumpeta?

36 “At hinipan ng ikaapat na anghel ang kaniyang trumpeta. At ang isang katlo ng araw ay hinampas at ang isang katlo ng buwan at ang isang katlo ng mga bituin, upang ang isang katlo nila ay magdilim at ang araw ay hindi magkaroon ng liwanag sa isang katlo nito, at gayundin naman ang gabi.” (Apocalipsis 8:12) Literal na kadiliman ang ikasiyam na salot sa Ehipto. (Exodo 10:21-29) Subalit ano ang makasagisag na kadilimang ito na sumasalot sa mga tao?

37. Paano inilarawan nina apostol Pedro at Pablo ang espirituwal na kalagayan ng mga nasa labas ng kongregasyong Kristiyano?

37 Sinabi ni apostol Pedro sa kaniyang mga kapananampalataya na dati silang nasa kadiliman, sa espirituwal na diwa, bago sila naging mga Kristiyano. (1 Pedro 2:9) Ginamit din ni Pablo ang salitang “kadiliman” upang ilarawan ang espirituwal na kalagayan ng mga nasa labas ng kongregasyong Kristiyano. (Efeso 5:8; 6:12; Colosas 1:13; 1 Tesalonica 5:4, 5) Subalit kumusta naman ang mga nasa Sangkakristiyanuhan na nag-aangking naniniwala sa Diyos at nagsasabing tinatanggap nila si Jesus bilang kanilang Tagapagligtas?

38. Anong katotohanan hinggil sa “liwanag” ng Sangkakristiyanuhan ang inihahayag ng ikaapat na anghel?

38 Sinabi ni Jesus na makikilala ang mga tunay na Kristiyano sa kanilang mga bunga at na maraming nag-aangking tagasunod niya ang magiging “mga manggagawa ng katampalasanan.” (Mateo 7:15-23) Hindi maikakaila ng sinumang nakakakita sa mga bunga ng isang katlo ng sanlibutan na sakop ng Sangkakristiyanuhan na ang mga ito’y kakapa-kapa sa pusikit na espirituwal na kadiliman. (2 Corinto 4:4) Siya ang pangunahing dapat sisihin, sapagkat nag-aangkin siyang Kristiyano. Kaya angkop lamang na ihayag ng ikaapat na anghel ang katotohanan na ang “liwanag” ng Sangkakristiyanuhan ay sa katunayan kadiliman, at na ang mga pinagmumulan ng kaniyang “liwanag” ay maka-Babilonya​—hindi maka-Kristiyano.​—Marcos 13:22, 23; 2 Timoteo 4:3, 4.

39. (a) Paano inilarawan ang huwad na liwanag ng Sangkakristiyanuhan sa resolusyong pinagtibay sa kombensiyon noong 1925? (b) Ano pang paglalantad ang ginawa noong 1955?

39 Kasuwato ng makalangit na kapahayagang iyon, pinunô ng nagkakatipong bayan ng Diyos ang lugar ng kombensiyon sa Indianapolis, Indiana, E.U.A., noong Agosto 29, 1925, at nagpasiya silang ilathala ang isang tahasang resolusyon na pinamagatang “Mensahe ng Pag-asa.” Muli, mga 50 milyong kopya sa maraming wika ang ipinamahagi. Inilarawan nito ang huwad na liwanag na iniaalok ng mapagsamantalang mga negosyante, pulitikal na mga lider, at relihiyosong klero, na naging dahilan upang “mahulog ang mga tao sa kadiliman.” At ipinakita nitong ang Kaharian ng Diyos ang tunay na pag-asa sa pagkakamit ng “mga pagpapala ng kapayapaan, kasaganaan, kalusugan, buhay, kalayaan at walang-hanggang kaligayahan.” Nangailangan ng tibay-loob upang maipahayag ng maliit na grupong ito ng mga pinahirang Kristiyano ang ganitong mga mensahe laban sa dambuhalang organisasyon ng Sangkakristiyanuhan. Subalit mula noong unang mga taon ng dekada ng 1920 hanggang sa ngayon, walang-humpay pa rin nilang isinasagawa ito. Noong 1955 naman, isa pang karagdagang paglalantad sa uring klero ang ginawa sa pamamagitan ng pandaigdig na pamamahagi ng buklet na pinamagatang Christendom or Christianity​—Which One Is “the Light of the World”? (Sangkakristiyanuhan o Kristiyanismo​—Alin ang “Liwanag ng Sanlibutan”?) na inilimbag sa maraming wika. Sa ngayon, hayag na hayag na ang pagpapaimbabaw ng Sangkakristiyanuhan anupat personal na nasasaksihan ito ng marami sa sanlibutan. Subalit hindi naglubay ang bayan ni Jehova sa paglalantad sa kung ano talaga siya: isang kaharian ng kadiliman.

Isang Lumilipad na Agila

40. Ano ang inihayag ng apat na tunog ng trumpeta tungkol sa kalagayan ng Sangkakristiyanuhan?

40 Ang unang apat na tunog ng trumpeta ay tunay na nagsiwalat sa tiwangwang at nakamamatay na kalagayan ng Sangkakristiyanuhan. Ang kaniyang bahagi ng “lupa” ay inilantad na karapat-dapat sa paghatol ni Jehova. Ang rebolusyonaryong mga pamahalaan na nagsulputan sa kaniyang mga lupain at sa iba pang dako ay inihayag na mapaminsala sa espirituwal. Lubusang inihantad ang bumagsak na kalagayan ng kaniyang klero, at ang pangkalahatang kadiliman ng kaniyang espirituwal na kalagayan ay inilantad upang makita ng lahat. Ang Sangkakristiyanuhan nga ang pinakakasuklam-suklam na bahagi ng sistema ng mga bagay ni Satanas.

41. Nang pansamantalang huminto ang sunud-sunod na tunog ng trumpeta, ano ang nakita at narinig ni Juan?

41 Ano pa ang dapat ihayag? Bago natin malaman ang sagot sa tanong na ito, may maikling paghinto sa sunud-sunod na tunog ng trumpeta. Inilalarawan ni Juan ang sumunod na nakita niya: “At nakita ko, at narinig ko ang isang agila na lumilipad sa kalagitnaan ng langit na nagsabi sa malakas na tinig: ‘Sa aba, sa aba, sa aba niyaong mga tumatahan sa lupa dahil sa nalalabing mga tunog ng trumpeta ng tatlong anghel na malapit nang humihip sa kanilang mga trumpeta!’”​—Apocalipsis 8:13.

42. Ano ang maaaring isinasagisag ng lumilipad na agila, at ano ang mensahe nito?

42 Matayog na lumilipad sa langit ang agila, anupat nakikita ito ng mga tao sa maraming dako. Napakatalas ng paningin nito at nakatatanaw nang napakalayo. (Job 39:29) Ang isa sa apat na kerubing nilalang na buháy sa palibot ng trono ng Diyos ay inilarawan bilang isang lumilipad na agila. (Apocalipsis 4:6, 7) Ito man ang kerubing iyon o iba pang lingkod ng Diyos na may matalas na pananaw, ubod-lakas nitong inihahayag ang isang dinamikong mensahe: “Sa aba, sa aba, sa aba”! Kailangang magbigay-pansin ang mga nananahan sa lupa, samantalang pinakikinggan ang tatlo pang nalalabing tunog ng trumpeta, na bawat isa ay may kaugnayan sa isa sa mga kaabahang ito.

[Mga talababa]

a Sa kabaligtaran, ipinakikita ng Apocalipsis 7:16 na hindi dumaranas ng nakapapasong init ng galit ni Jehova ang malaking pulutong.

b Bagaman ang pitong bituin sa kanang kamay ni Jesus ay lumalarawan sa mga pinahirang tagapangasiwa sa Kristiyanong kongregasyon, ang matatanda sa karamihan ng mga 100,000 kongregasyon sa daigdig sa ngayon ay kabilang sa malaking pulutong. (Apocalipsis 1:16; 7:9) Ano ang katayuan nila? Yamang tinanggap nila ang kanilang atas mula sa banal na espiritu sa pamamagitan ng pinahirang uring tapat at maingat na alipin, masasabing nasa ilalim ng kapangyarihan ng kanang kamay ni Jesus ang mga ito, sapagkat sila rin ay kaniyang mga katulong na pastol. (Isaias 61:5, 6; Gawa 20:28) Tinutulungan nila ang “pitong bituin” sa pamamagitan ng paglilingkod sa mga dakong walang kuwalipikadong pinahirang mga kapatid na lalaki.

[Mga Tanong sa Aralin]

[Chart sa pahina 139]

Nahayag na Ahenho ang mga Tubig ng Sangkakristiyanuhan

Mga Paniniwala at Saloobin Kung Ano Talaga ang Sinasabi

ng Sangkakristiyanuhan ng Bibliya

Hindi mahalaga ang personal Nanalangin si Jesus na

na pangalan ng Diyos: pakabanalin ang pangalan

“Lubhang di-angkop para sa ng Diyos. Sinabi ni Pedro:

pansansinukob na “Ang bawat isa na tumatawag

pananampalataya ng Iglesiya sa pangalan ni Jehova ay

Kristiyana . . . na gumamit maliligtas.” (Gawa 2:21;

ng anumang pangalang pantangi Joel 2:32; Mateo 6:9;

para sa iisa at tanging Exodo 6:3; Apocalipsis 4:11;

Diyos.” (Paunang salita sa Apoc 15:3; 19:6)

Revised Standard Version)

Ang Diyos ay isang Sinasabi ng Bibliya na

Trinidad: “Ang Ama ay Diyos, si Jehova ay mas dakila

ang Anak ay Diyos, at ang kaysa kay Jesus at na

Espiritu Santo ay Diyos, Siya ang Diyos at ulo ni

gayunma’y hindi tatlo ang Kristo. (Juan 14:28; 20:17;

Diyos kundi iisang Diyos.” 1 Corinto 11:3) Ang banal

(The Catholic Encyclopedia, na espiritu ay aktibong

edisyon ng 1912) puwersa ng Diyos. (Mateo 3:11;

Lucas 1:41; Gawa 2:4)

Imortal ang kaluluwa ng Ang tao ay isang kaluluwa.

tao: “Kapag namatay ang Sa kamatayan, ang kaluluwa ay

tao, humihiwalay ang hindi na nakapag-iisip o

kaniyang kaluluwa sa katawan. nakadarama at bumabalik sa

Ang kaniyang katawan . . . alabok na siyang pinagkunan

ay nabubulok . . . Gayunman, dito. (Genesis 2:7; 3:19;

hindi namamatay ang kaluluwa Awit 146:3, 4; Eclesiastes 3:19, 20;

ng tao.” (What Happens After Ecl 9:5, 10;

Death, publikasyon ng mga Ezekiel 18:4, 20)

Romano Katoliko)

Ang mga balakyot ay Ang kabayaran ng kasalanan ay

pinarurusahan sa impiyerno kamatayan, hindi habambuhay

pagkamatay nila: “Ayon sa na pagpapahirap. (Roma 6:23)

tradisyonal na paniniwalang Ang mga patay ay walang-malay

Kristiyano, ang impiyerno na namamahinga sa impiyerno

ay isang dako ng (Hades, Sheol), at

walang-katapusang panggigipuspos naghihintay ng pagkabuhay-muli.

at paghihirap.” (The World (Awit 89:48; Juan 5:28, 29;

Book Encyclopedia, edisyon Ju 11:24, 25;

ng 1987) Apocalipsis 20:13, 14)

Ang titulong Mediatrix Ang tanging tagapamagitan sa

[babaing tagapamagitan] ay Diyos at sa mga tao ay

ikinakapit sa Nuestra si Jesus. (Juan 14:6;

Señora.” (New Catholic 1 Timoteo 2:5;

Encyclopedia, edisyon ng Hebreo 9:15; 12:24)

1967)

Dapat binyagan ang mga Ang bautismo ay para sa mga

sanggol: “Mula’t mula pa’y nagiging alagad at naturuang

isinasagawa na ng Simbahan sumunod sa mga utos ni Jesus.

ang Sakramento ng Bautismo Upang maging kuwalipikado

sa mga sanggol. Ang sa bautismo, dapat

kaugaliang ito ay hindi lamang maunawaan ng isa ang Salita ng

itinuturing na wasto, kundi Diyos at manampalataya.

itinuturo na napakahalaga (Mateo 28:19, 20; Lucas 3:21-23;

ukol sa kaligtasan.” Gawa 8:35, 36)

(New Catholic Encyclopedia,

edisyon ng 1967)

Karamihan sa mga relihiyon Lahat ng unang-siglong

ay nababahagi sa uring Kristiyano ay pawang mga

lego at uring klero, na ministro at nakibahagi sa

siyang naglilingkod sa lego. pangangaral ng mabuting

Ang klero ay karaniwang balita. (Gawa 2:17, 18;

sinusuwelduhan sa kanilang Roma 10:10-13; 16:1)

ministeryo at itinataas sila Ang isang Kristiyano ay

sa lego sa pamamagitan ng dapat magbigay “nang walang

mga titulong gaya ng bayad,” walang kapalit na

“Reberendo,” “Padre,” o suweldo. (Mateo 10:7, 8)

“Kaniyang Kamahalan.” Mahigpit na ipinagbawal ni

Jesus ang paggamit ng

relihiyosong mga titulo.

(Mateo 6:2; 23:2-12;

1 Pedro 5:1-3)

Ang mga imahen, larawan, Dapat umiwas ang mga

at krus ay ginagamit sa Kristiyano sa lahat ng anyo

pagsamba: “Ang mga imahen ng idolatriya, pati na sa

. . . ni Kristo, ng Birheng diumano’y relatibong pagsamba.

Ina ng Diyos, at ng iba (Exodo 20:4, 5; 1 Corinto 10:14;

pang mga santo, ay dapat 1 Juan 5:21) Sinasamba

. . . ilagay sa mga simbahan nila ang Diyos hindi sa

at pag-ukulan ng nararapat pamamagitan ng paningin kundi

na pagpipitagan at sa espiritu at katotohanan.

pagpaparangal.” (Deklarasyon (Juan 4:23, 24; 2 Corinto 5:7)

ng Konsilyo ng Trent [1545-63])

Itinuturo sa mga miyembro Ipinangaral ni Jesus na ang

ng simbahan na matutupad Kaharian ng Diyos, hindi

ang mga layunin ng Diyos pulitikal na sistema, ang

sa pamamagitan ng pulitika. pag-asa ng sangkatauhan.

Sinabi ng yumaong si (Mateo 4:23; 6:9, 10)

Kardinal Spellman: “Iisa Tumanggi siyang makisangkot

lamang ang daan tungo sa sa pulitika. (Juan 6:14, 15)

kapayapaan . . . , ang Ang Kaharian niya ay hindi

mabilis na daan ng bahagi ng sanlibutan; kaya

demokrasya.” Nagiging hindi rin dapat maging bahagi

balita ang pakikisangkot ng sanlibutan ang kaniyang

ng relihiyon sa pulitika tagasunod. (Juan 18:36;17:16)

mga rebelyon) at ang Nagbabala si Santiago

pagsuporta nito sa UN laban sa pakikipagkaibigan

bilang “kahuli-hulihang sa sanlibutan.

pag-asa sa pagkakaisa at (Santiago 4:4)

kapayapaan.”

[Larawan sa pahina 132]

Ang pagbubukas ng pitong tatak ay humahantong sa paghihip sa pitong trumpeta

[Larawan sa pahina 140]

“Isang Hamon sa mga Lider ng Daigdig” (1922)

Ang resolusyong ito ay tumulong upang maihayag ang salot ni Jehova laban sa “lupa”

[Larawan sa pahina 140]

“Babala sa Lahat ng Kristiyano” (1923)

Malawakang ipinahayag ng resolusyong ito ang kapaha-pahamak na kahatulan ni Jehova laban sa “isang katlo ng dagat”

[Larawan sa pahina 141]

“Akusasyon sa mga Klerigo” (1924)

Nakatulong ang malawakang pamamahagi ng tract na ito upang maipabatid sa mga tao na bumagsak na ang “bituin” ng klero ng Sangkakristiyanuhan

[Larawan sa pahina 141]

“Mensahe ng Pag-asa” (1925)

Ginamit ang tahasang resolusyong ito upang ilantad na ang diumano’y mga pinagmumulan ng liwanag ng Sangkakristiyanuhan ay sa katunayan, mga pinagmumulan ng kadiliman