Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Namamasdan ni Juan ang Niluwalhating si Jesus

Namamasdan ni Juan ang Niluwalhating si Jesus

Kabanata 5

Namamasdan ni Juan ang Niluwalhating si Jesus

Pangitain 1​—Apocalipsis 1:10–3:22

Paksa: Sinisiyasat ni Jesus ang espirituwal na Israel sa lupa at nagbibigay ng magiliw na pampatibay-loob

Panahon ng katuparan: Ang bahaging ito ng araw ng Panginoon ay sumasaklaw mula 1914 hanggang sa mamatay at buhaying-muli ang kahuli-hulihan sa tapat na mga pinahiran

1. Paano inihaharap ang unang pangitain, at paano ipinahiwatig ni Juan kung kailan ito aktuwal na matutupad?

 ANG unang pangitain sa aklat ng Apocalipsis ay nagsisimula sa kabanata 1, talata 10. Ang pangitaing ito, tulad ng iba pang nasa Apocalipsis, ay sinisimulan sa pamamagitan ng pagsasabing may naririnig o nakikita si Juan na hindi pangkaraniwan. (Apocalipsis 1:10, 12; 4:1; 6:1) May kaugnayan ang unang pangitaing ito sa kalagayan noong unang siglo at ang mga mensahe ay patungkol sa pitong kongregasyon noong panahon ni Juan. Subalit ipinahihiwatig ni Juan kung kailan ito aktuwal na matutupad nang sabihin niya: “Sa pamamagitan ng pagkasi ay dumating ako sa araw ng Panginoon.” (Apocalipsis 1:10a) Kailan ang “araw” na ito? May kaugnayan ba rito ang kapansin-pansing mga pangyayari sa maligalig na mga panahong ito? Kung gayon, dapat tayong magbigay ng matamang pansin sa hula, yamang nasasangkot ang mismong buhay natin​—maging ang ating kaligtasan.​—1 Tesalonica 5:20, 21.

Sa Araw ng Panginoon

2. Kailan ang pasimula ng araw ng Panginoon, at kailan ito magwawakas?

2 Sa anong yugto ng panahon matutupad ang Apocalipsis? Buweno, ano ba ang araw ng Panginoon? Tinutukoy ito ni apostol Pablo bilang panahon ng paghatol at ng katuparan ng mga pangako ng Diyos. (1 Corinto 1:8; 2 Corinto 1:14; Filipos 1:6, 10; 2:16) Sa pagsapit ng “araw” na iyon, ang dakilang mga layunin ni Jehova ay unti-unting matutupad at magtatagumpay tungo sa kasukdulan nito. Ang pagluluklok kay Jesus bilang makalangit na Hari ang pasimula ng “araw” na iyon. Ang araw ng Panginoon ay magpapatuloy hanggang sa mailapat ni Jesus ang hatol sa sanlibutan ni Satanas, maisauli ang Paraiso at mapasakdal ang sangkatauhan, at sa wakas ay ‘ibigay na ni Jesus ang kaharian sa kaniyang Diyos at Ama.’​—1 Corinto 15:24-26; Apocalipsis 6:1, 2.

3. (a) Paano tayo tinutulungan ng hula ni Daniel hinggil sa “pitong panahon” na maunawaan kung kailan ang pasimula ng araw ng Panginoon? (b) Anong mga pangyayari sa lupa ang nagpapatunay na taóng 1914 nagsimula ang araw ng Panginoon?

3 Ang katuparan ng iba pang mga hula sa Bibliya ay tumutulong sa atin na malaman kung kailan ang pasimula ng araw ng Panginoon. Halimbawa, inilarawan ni Daniel ang pagputol ng pamamahala sa angkan ni Haring David; pagkaraan ng “pitong panahon” ay makikilala na “ang Kataas-taasan ay Tagapamahala sa kaharian ng mga tao, at na sa isa na ibig niya ay ibinibigay niya iyon.” (Daniel 4:23, 24, 31, 32) Nagsimula ang malaking katuparan ng hulang iyan nang maging tiwangwang ang kaharian ng Juda, na ayon sa ipinahihiwatig ng ebidensiya ng Bibliya ay nangyari noong Oktubre 607 B.C.E. Ipinakikita ng Apocalipsis 12:6, 14 na ang 3 1/2 panahon ay katumbas ng 1,260 araw; kaya ang pitong panahon (dalawang ulit ng bilang na iyon) ay 2,520 araw. Sa pagbilang ng “isang araw para sa isang taon,” ang magiging haba ng “pitong panahon” ay 2,520 taon. (Ezekiel 4:6) Kaya sinimulan ni Kristo Jesus ang kaniyang makalangit na pamamahala noong huling bahagi ng 1914. Ang pagsiklab ng unang digmaang pandaigdig nang taóng iyon ang “pasimula ng mga hapdi ng kabagabagan” na patuloy na sumasalot sa sangkatauhan. Mula noong 1914, ang mga pangyayari sa lupang ito na tigmak ng dugo ay talagang nagpatunay na nagsimula ang “araw” ng pagkanaririto ni Jesus nang taóng iyon!​—Mateo 24:3-14. a

4. (a) Ano ang ipinahihiwatig ng mga salita mismo ng Apocalipsis kung kailan ang katuparan ng unang pangitain? (b) Kailan magwawakas ang katuparan ng unang pangitain?

4 Kaya ang unang pangitain at ang payong nilalaman nito ay nauukol sa araw ng Panginoon, mula 1914 patuloy. Pinatutunayan ito ng katotohanan na, sa huling bahagi ng Apocalipsis, inilalarawan ng ulat ang paglalapat ng tunay at matuwid na mga kahatulan ng Diyos​—mga pangyayari na doo’y gaganap ng pangunahing papel ang Panginoong Jesus. (Apocalipsis 11:18; 16:15; 17:1; 19:2, 11) Kung ang katuparan ng unang pangitain ay nagsimula noong 1914, kailan ito magwawakas? Gaya ng ipinakikita mismo ng mga mensahe, ang organisasyong pinatutungkulan ay ang kongregasyon ng Diyos na binubuo ng mga pinahiran dito sa lupa. Kaya ang katuparan ng unang pangitaing ito ay magwawakas kapag ang kahuli-hulihang tapat na miyembro ng pinahirang kongregasyong iyon ay namatay at naibangon tungo sa makalangit na buhay. Gayunpaman, ang Araw ng Panginoon, na magdudulot ng mga pagpapala sa makalupang ibang tupa, ay magpapatuloy hanggang sa katapusan ng Milenyong Paghahari ni Jesu-Kristo.​—Juan 10:16; Apocalipsis 20:4, 5.

5. (a) Ano ang iniutos ng isang tinig na dapat gawin ni Juan? (b) Bakit madaling magpadala ng mga balumbon sa lugar ng “pitong kongregasyon”?

5 Sa unang pangitaing ito, bago pa makita ni Juan ang anumang bagay, mayroon siyang naririnig: “At narinig ko sa aking likuran ang isang malakas na tinig na tulad ng sa trumpeta, na nagsasabi: ‘Ang iyong nakikita ay isulat mo sa isang balumbon at ipadala mo iyon sa pitong kongregasyon, sa Efeso at sa Smirna at sa Pergamo at sa Tiatira at sa Sardis at sa Filadelfia at sa Laodicea.’” (Apocalipsis 1:10b, 11) Isang tinig na may awtoridad na gaya ng tunog ng isang trumpeta ang nag-uutos kay Juan na sumulat sa “pitong kongregasyon.” Tatanggap siya ng sunud-sunod na mensahe at dapat niyang isulat ang mga bagay na kaniyang makikita at maririnig. Pansinin na aktuwal na umiiral noong panahon ni Juan ang mga kongregasyong binabanggit dito. Ang lahat ng ito ay nasa Asia Minor, sa kabilang-ibayo lamang ng dagat mula sa Patmos. Madaling mararating ang bawat isa sa mga kongregasyong ito dahil sa maayos na mga lansangang ginawa ng mga Romano sa lugar na iyon. Hindi mahihirapang magdala ng balumbon ang isang mensahero mula sa isang kongregasyon patungo sa kabila. Ang pitong kongregasyong ito ay katulad ng isang bahagi ng makabagong-panahong sirkito ng mga Saksi ni Jehova.

6. (a) Ano ang kahulugan ng “mga bagay na ngayon”? (b) Bakit natin matitiyak na ang mga kalagayan sa kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano sa ngayon ay katulad din niyaong sa panahon ni Juan?

6 Ang karamihan sa mga hula sa Apocalipsis ay nakatakdang matupad pagkaraan ng panahon ni Juan. Tumutukoy ang mga hula sa “mga bagay na magaganap pagkatapos ng mga ito.” Subalit ang payo sa pitong kongregasyon ay may kinalaman sa “mga bagay na ngayon,” mga aktuwal na kalagayan ng pitong kongregasyon noong panahong iyon. Mahalagang tulong ang mga mensahe sa tapat na hinirang na matatanda sa pitong kongregasyong iyon, pati na sa lahat ng iba pang kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano nang panahong iyon. b Yamang pangunahin nang matutupad ang pangitain sa araw ng Panginoon, ang sinasabi ni Jesus ay nagpapahiwatig na iiral ang gayunding mga kalagayan sa kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano sa ating panahon.​—Apocalipsis 1:10, 19.

7. Sino ang nakita ni Juan sa kaniyang unang pangitain, at bakit ito napakahalaga at nakapagpapasigla para sa atin ngayon?

7 Sa kaniyang unang pangitain, nakikita ni Juan na nagniningning ang Panginoong Jesu-Kristo sa Kaniyang makalangit na kaluwalhatian. Angkop ngang paglalarawan ito yamang ito’y isang aklat ng mga hula na may kinalaman sa dakilang araw ng Panginoong ito na hinirang ng langit! May mas mahalaga pa ba rito para sa atin, na nabubuhay sa yugtong ito ng panahon at nag-uukol ng matamang pansin sa bawat utos niya? Karagdagan pa, talagang napasisigla ang mga tagapagtaguyod ng pagkasoberano ni Jehova sa katiyakan na ang Mesiyanikong Binhi, na nagbata ng lahat ng pagsubok at pag-uusig ni Satanas at dumanas ng napakasakit na kamatayan nang sugatan ang Kaniyang “sakong” halos 2,000 taon na ang nakararaan, ay buháy ngayon sa langit at binigyang-kapangyarihan upang lubusan at matagumpay na tuparin ang dakilang layunin ng Diyos!​—Genesis 3:15.

8. Ano ang handang gawin ngayon ni Jesus?

8 Maliwanag na handa na ngayong kumilos si Jesus bilang nakaluklok na Hari. Inatasan siya ni Jehova bilang Punong Tagapuksa upang ilapat ang pangwakas na mga hatol ni Jehova laban sa luma at balakyot na sistemang ito ng mga bagay at sa napakasamang diyos nito, si Satanas. Handa rin niyang hatulan ang mga kabilang sa kaniyang kongregasyon ng mga pinahiran at ang kasama nilang malaking pulutong, pati na rin ang sanlibutan.​—Apocalipsis 7:4, 9; Gawa 17:31.

9. (a) Paano inilalarawan ni Juan ang niluwalhating si Jesu-Kristo sa gitna ng ginintuang mga kandelero? (b) Ano ang ipinahihiwatig ng tagpo na waring nasa templo at ng kasuutan ni Jesus? (c) Ano ang isinasagisag ng kaniyang ginintuang pamigkis?

9 Napalingon si Juan nang marinig ang malakas na tinig, at ito ang kaniyang nakikita: “Bumaling ako upang makita ang tinig na nagsasalita sa akin, at, pagbaling ko, nakakita ako ng pitong ginintuang kandelero.” (Apocalipsis 1:12) Nang maglaon, naunawaan ni Juan kung ano ang isinasagisag ng pitong kandelerong ito. Subalit ang nakatawag ng kaniyang pansin ay ang nasa gitna ng mga kandelero. “Sa gitna ng mga kandelero ay may isang tulad ng anak ng tao, nadaramtan ng kasuutan na abot hanggang sa paa, at may bigkis na isang ginintuang pamigkis sa dibdib.” (Apocalipsis 1:13) Dito ay nagpakita si Jesus, ang “anak ng tao,” bilang isang maringal at nagniningning na persona sa harap ng nasisindak na saksing si Juan. Nagniningning siya sa kaluwalhatian nang magpakita sa gitna ng nagniningas na ginintuang mga kandelero. Ang tagpong ito na waring nasa templo ay nagkintal kay Juan ng katotohanan na si Jesus ang dakilang Mataas na Saserdote ni Jehova, at may kapangyarihang humatol. (Hebreo 4:14; 7:21-25) Ang kaniyang mahaba at marangyang kasuutan ay angkop sa kaniyang tungkulin bilang saserdote. Gaya ng sinaunang mataas na mga saserdoteng Judio, may suot siyang pamigkis​—isang ginintuang pamigkis sa ibabaw ng kaniyang dibdib na tumatakip sa kaniyang puso. Ipinahihiwatig nito na buong-puso niyang isasakatuparan ang banal na atas na tinanggap niya mula sa Diyos na Jehova.​—Exodo 28:8, 30; Hebreo 8:1, 2.

10. (a) Ano ang isinasagisag ng buhok ni Jesus na simputi ng niyebe at ng kaniyang nagliliyab na mga mata? (b) Ano ang isinasagisag ng mga paa ni Jesus na gaya ng nagbabagang tanso?

10 Nagpapatuloy ang paglalarawan ni Juan: “Bukod diyan, ang kaniyang ulo at ang kaniyang buhok ay maputi na gaya ng puting balahibo ng tupa, gaya ng niyebe, at ang kaniyang mga mata ay gaya ng nagliliyab na apoy.” (Apocalipsis 1:14) Ang buhok niyang simputi ng niyebe ay sumasagisag sa karunungang natamo niya dahil sa mahabang karanasan sa buhay. (Ihambing ang Kawikaan 16:31.) At ang kaniyang nagliliyab na mga mata ay nagpapakitang matalino siya at alisto, habang nagsasaliksik, sumusubok, o nagpapahayag ng galit. Pati ang paa ni Jesus ay nakatawag-pansin kay Juan: “At ang kaniyang mga paa ay tulad ng mainam na tanso kapag nagbabaga sa hurno; at ang kaniyang tinig ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig.” (Apocalipsis 1:15) Sa pangitain, ang mga paa ni Jesus ay gaya ng tanso na nagbabaga at kumikinang​—angkop lamang para sa isa na lumalakad nang buong sigasig at may mainam na katayuan sa harap ng Diyos na Jehova. Karagdagan pa, sa Bibliya, ang ginto ay madalas na lumalarawan sa espirituwal na mga bagay, samantalang ang tanso kung minsan ay sumasagisag sa mga bagay na ukol sa tao. c Kaya ang mga paa ni Jesus na nagbabagang gaya ng mainam na tanso ay nagpapaalaala sa atin na “pagkaganda-ganda” ng kaniyang mga paa nang lumakad siya sa ibabaw ng lupa upang ipangaral ang mabuting balita.​—Isaias 52:7; Roma 10:15.

11. (a) Ano ang ipinaaalaala sa atin ng maluwalhating mga paa ni Jesus? (b) Ano ang ipinahihiwatig ng tinig ni Jesus na “gaya ng lagaslas ng maraming tubig”?

11 Oo, bilang sakdal na tao, ang kaningningan ni Jesus ay kitang-kita ng mga anghel at ng mga tao. (Juan 1:14) Ipinaaalaala rin sa atin ng kaniyang maluwalhating mga paa na siya ay nakatuntong sa banal na dako sa organisasyon ni Jehova, kung saan siya ang Mataas na Saserdote. (Ihambing ang Exodo 3:5.) Karagdagan pa, dumadagundong ang kaniyang tinig na gaya ng malaking talon na lumalagaslas. Iyon ay kahanga-hanga, kasindak-sindak, at naaangkop sa isa na opisyal na tinutukoy bilang ang Salita ng Diyos, ang isa na dumarating upang “hatulan ang tinatahanang lupa ayon sa katuwiran.”​—Gawa 17:31; Juan 1:1.

12. Ano ang kahulugan ng “matalas at mahabang tabak na may dalawang talim”?

12 “At sa kaniyang kanang kamay ay may pitong bituin, at mula sa kaniyang bibig ay lumalabas ang isang matalas at mahabang tabak na may dalawang talim, at ang kaniyang mukha ay gaya ng araw kapag sumisikat ito sa kaniyang kalakasan. At nang makita ko siya, bumagsak akong parang patay sa kaniyang paanan.” (Apocalipsis 1:16, 17a) Sa kalaunan ay ipaliliwanag mismo ni Jesus ang kahulugan ng pitong bituin. Subalit pansinin kung ano ang lumalabas sa kaniyang bibig: “isang matalas at mahabang tabak na may dalawang talim.” Angkop na paglalarawan nga ito sapagkat si Jesus ang inatasan upang bumigkas ng pangwakas na mga kahatulan ni Jehova laban sa Kaniyang mga kaaway! Ang mga kapahayagan mula sa kaniyang bibig ay tiyak na magdudulot ng pagkapuksa sa lahat ng balakyot.​—Apocalipsis 19:13, 15.

13. (a) Ano ang ipinaalaala sa atin ng maliwanag at nagniningning na mukha ni Jesus? (b) Anong kabuuang impresyon ang makukuha natin mula sa paglalarawan ni Juan tungkol kay Jesus?

13 Ang maliwanag at nagniningning na mukha ni Jesus ay nagpapaalaala sa atin na nagliwanag ang mukha ni Moises matapos makipag-usap sa kaniya si Jehova sa Bundok Sinai. (Exodo 34:29, 30) Tandaan din na nang magbagong-anyo si Jesus sa harap ng tatlo niyang apostol halos 2,000 taon na ngayon ang nakalilipas, “ang kaniyang mukha ay suminag na gaya ng araw, at ang kaniyang mga panlabas na kasuutan ay nagningning na gaya ng liwanag.” (Mateo 17:2) Ngayon, sa paglalarawan kay Jesus sa pangitain sa araw ng Panginoon, ang kaniyang mukha ay nagpapaaninaw rin ng maluwalhating karilagan na gaya ng isang nagmula sa mismong harapan ni Jehova. (2 Corinto 3:18) Sa katunayan, ang kabuuang impresyon na inihahatid ng pangitain ni Juan ay isang larawan ng nagniningning na kaluwalhatian. Ang buhok na simputi ng niyebe, nagliliyab na mga mata, nagniningning na mukha, at nagbabagang mga paa ay walang-katulad na pangitain hinggil sa Isa na tumatahan ngayon sa “di-malapitang liwanag.” (1 Timoteo 6:16) Napakalinaw at buháy na buháy ang panooring ito! Ano ang naging reaksiyon ng lubhang nasisindak na si Juan? Sinasabi sa atin ng apostol: “At nang makita ko siya, bumagsak akong parang patay sa kaniyang paanan.”​—Apocalipsis 1:17.

14. Paano dapat makaapekto sa atin ang pagbabasa ng pangitain ni Juan hinggil sa niluwalhating si Jesus?

14 Taos-puso ngayong nagpapahalaga ang bayan ng Diyos sa buháy na buháy at detalyadong paglalarawan ng pangitain ni Juan. Mahigit 90 taon na ang nakararaan mula nang magsimula ang araw ng Panginoon at patuloy pa ring nagaganap ang kapana-panabik na katuparan ng pangitain. Para sa atin, ang pamamahala ni Jesus sa Kaharian ay kasalukuyang nangyayari, hindi isang pag-asa sa hinaharap. Kaya bilang matapat na mga sakop ng Kaharian, angkop lamang na patuloy tayong magmasid nang may pagkamangha sa paglalarawan ni Juan sa unang pangitaing ito at makinig at sumunod sa mga salita ng niluwalhating si Jesu-Kristo.

[Mga talababa]

a Para sa detalyadong paliwanag, tingnan ang pahina 88-92, 215-18 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

b Noong unang siglo, kapag ang isang kongregasyon ay tumanggap ng liham mula sa isang apostol, naging kaugalian nila na ilibot ang liham na iyon sa ibang kongregasyon upang makinabang ang lahat sa payo.​—Ihambing ang Colosas 4:16.

c Ang mga dekorasyon at kasangkapan sa loob ng templo ni Solomon ay yari sa ginto o kinalupkupan nito, samantalang tanso naman ang ginamit sa mga kasangkapang nasa looban.​—1 Hari 6:19-23, 28-35; 7:15, 16, 27, 30, 38-50; 8:64.

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 23]

Ang arkeolohikal na mga labí ng mga lunsod na kinaroroonan ng pitong kongregasyon ay nagpapatotoo sa ulat ng Bibliya. Dito tinanggap ng mga Kristiyano noong unang siglo ang nakapagpapatibay na mga mensahe ni Jesus na nagpapasigla ngayon sa pambuong-daigdig na kongregasyon

PERGAMO

SMIRNA

TIATIRA

SARDIS

EFESO

FILADELFIA

LAODICEA